Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 6

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.

Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.

Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.

11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”

14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.

Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(A)

15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.

19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.

23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[a] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.

29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.

31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.

33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.

36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.

37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.

Efeso 3

Ang Plano ng Dios sa mga Hindi Judio

Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios. Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo. Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito,[a] ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo. Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito,[b] malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal[c] na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.

Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya,[d] ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo, at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay, 10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan. 11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin. 12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan. 13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti[e] ninyo.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[f] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.

Ezekiel 36

Ang Mensahe para sa mga Bundok ng Israel

36 Sinabi ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bundok ng Israel. Sabihin mo sa kanila, ‘O mga bundok ng Israel, makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon. Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Sinabi ng mga kalaban ninyo na sa kanila na ang mga bundok ninyo.’

“Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga bundok ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sinalakay kayo ng mga bansa mula sa ibaʼt ibang dako at sila ngayon ang nagmamay-ari sa inyo. Kinutya nila kayo at inilagay sa kahihiyan. 4-5 Kaya kayong mga bundok, burol, mga daluyan ng tubig, lambak, mga gibang lugar at mapanglaw na bayan na sinalakay at kinutya ng mga bansa sa palibot ninyo, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, lubha akong nagagalit sa mga bansang iyon, lalung-lalo na sa Edom. Sinakop nila ang aking lupain nang may katuwaan at pangungutya, dahil talagang gusto nilang mapunta sa kanila ang mga pastulan nito.

“Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit, ako, ang Panginoong Dios ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon. Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi. Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo. 10 Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan. 11 Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 12 Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.”

13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa. 14 Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

16 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 17 “Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw. 18 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan na siyang nagparumi sa lupaing ito. 19 Pinangalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila. 20 At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon, pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’ 21 Nag-alala ako sa aking banal na pangalan na inilagay ng mga mamamayan ng Israel sa kahihiyan saang bansa man sila pumunta. 22 Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 24 Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain. 25 Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga dios-diosan. 26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin. 27 Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin. 28 Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Dios ninyo ako. 29 Lilinisin ko kayo sa lahat ng karumihan ninyo. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom. 30 Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo para hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom. 31 At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa. 32 Ngunit mga mamamayan ng Israel, gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”

33 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak. 34 Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito 35 ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’ 36 At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”

37-38 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Dios, “Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila. Pararamihin ko sila na kasindami ng mga tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Salmo 86

Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios

86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
    Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
    at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
    Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
    walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
Ang lahat ng bansa[a] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
    Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
    Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
    at susundin ko ito nang may katapatan.[b]
    Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
    Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
    Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
    Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
    Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
    bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
    upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
    Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®