M’Cheyne Bible Reading Plan
Humingi si Solomon ng Karunungan(A)
3 Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Egipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David[a] hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng templo ng Panginoon, at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem. 2 Wala pang templo noon para sa Panginoon, kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.[b] 3 Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.
4 Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon para maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng 1,000 handog na sinusunog. 5 Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.” 6 Sumagot si Solomon, “Nagpakita po kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. 7 Panginoon na aking Dios, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala. 8 At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. 9 Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”
10 Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon. 11 Kaya sinabi ng Dios sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, 12 ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon. 13 Bibigyan din kita ng hindi mo hiningi, ang kayamanan at karangalan para walang hari na makapantay sa iyo sa buong buhay mo. 14 At kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at tutupad sa aking mga tuntunin at mga utos, katulad ng ginawa ng iyong ama na si David, bibigyan kita ng mahabang buhay.”
15 Nagising si Solomon, at naunawaan niya na nakipag-usap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng panaginip. Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, tumayo siya sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[c] Nagpahanda agad siya ng mga pagkain para sa lahat ng pinuno niya.
Ang Mahusay na Paghatol ni Solomon
16 May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon. 17 Nagsalita ang isa sa kanila, “Mahal na Hari, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak ako habang naroon siya sa bahay. 18 Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba. 19 Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito. 20 Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko. 21 Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan ko nang mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”
22 Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.
23 Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.” 24 Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada, 25 inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”
26 Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”
27 Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”
28 Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios.
Mahal kong mga pinabanal[a] sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin. 17 Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala. 18 Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. 19-20 Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. 21 Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. 22 Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya 23 na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.
Ang mga Bantay ng Israel
34 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel.[a] Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? 3 Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. 4 Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. 5 At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. 6 Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.
7 “Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: 8 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. 9 Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. 10 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
11 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. 12 Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[b] 13 Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. 14 Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. 15 Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.
17 “Mga mamamayan ng Israel na aking mga tupa, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama, ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig? 19 Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat. 21 Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama. 23 Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila. 24 Ako, ang Panginoon, ang magiging Dios nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila para makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib. 26 Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan. 29 Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani para hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa. 30 At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Dios na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
31 “Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Masasamang Bansa
83 O Dios, huwag kayong manahimik.
Kumilos po kayo!
2 Masdan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
9 Talunin nʼyo sila Panginoon,
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[b]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[c]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[d] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[e]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®