Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 15

Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(A)

15 Noong ika-18 taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abijah. Sa Jerusalem tumira si Abijah, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca na apo[a] ni Absalom.[b]

Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ni David na kanyang ninuno. Pero dahil kay David, niloob ng Panginoon na kanyang Dios, na patuloy na magmumula sa angkan niya ang maghahari[c] sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng anak na papalit sa kanyang trono upang pangunahan at patatagin ang Jerusalem. Dahil ginawa ni David ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at noong nabubuhay pa siya, hindi siya sumuway sa utos ng Panginoon, maliban lang sa ginawa niya kay Uria na Heteo.

6-7 Gayon pa man, palagi pa ring naglalaban sina Rehoboam at Jeroboam. At nang huli, sina Abijah naman at Jeroboam ang naglaban. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang mamatay si Abijah, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Asa sa Juda(B)

Naging hari ng Juda si Asa noong ika-20 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 10 Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng 41 taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom. 11 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon, katulad ni David na kanyang ninuno. 12 Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na pinagsasambahan nila, at ipinatanggal ang lahat ng dios-diosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno. 13 Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng kasuklam-suklam na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga simbolong ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 14 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya. 15 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at ang iba pang mga bagay na inihandog niya, at ng kanyang ama sa Panginoon.

16 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha na hari ng Israel. 17 Nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda, at pinalibutan niya ng pader ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 18 Pinagkukuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga bodega ng templo ng Panginoon at sa kanyang palasyo. Ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga opisyal at inutusan niya sila na dalhin ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[d] doon sa Damascus kung saan ito nakatira. Si Ben Hadad ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion. 19 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan tulad ng ginawa ng mga magulang natin. Tanggapin mo ang mga regalo ko sa iyo na ginto at pilak. Hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”

20 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, ang buong Kineret at ang buong Naftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasha, pinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama, at bumalik siya sa Tirza. 22 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasha sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.

23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa. 24 At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Nadab sa Israel

25 Naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari si Nadab sa Israel sa loob ng dalawang taon. 26 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

27 Ngayon, si Baasha na anak ni Ahia, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasha si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo. 28 Ang pagpatay ni Baasha kay Nadab ay nangyari noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasha ang pumalit kay Nadab bilang hari. 29 Nang magsimulang maghari si Baasha, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahia na taga-Shilo. 30 Dahil nagalit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha.

Ang Paghahari ni Baasha sa Israel

33 Naging hari ng Israel si Baasha na anak ni Ahia noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza tumira si Baasha, at naghari siya roon sa loob ng 24 na taon. 34 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

Colosas 2

Nais kong malaman nʼyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko para sa inyo, ganoon din sa mga nasa Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakilala sa akin nang personal. Ginagawa ko ito para palakasin ang loob ninyong lahat at pag-isahin kayo sa pag-ibig. Sa ganoon, malalaman at mauunawaan nʼyo nang lubos ang lihim na plano ng Dios tungkol kay Cristo. Si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman.

Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para hindi kayo malinlang ninuman sa pamamagitan ng magagaling nilang pangangatwiran. Kahit wala ako riyan sa inyo, lagi kayong nasa isipan ko. At masaya ako dahil maayos ang pamumuhay nʼyo at matatag ang inyong pananampalataya kay Cristo.

Si Cristo ang Dapat Nating Sundin

Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.

Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya. 13 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga kasalanan ninyo. Pero ngayon, binuhay kayo ng Dios kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang lahat ng kasalanan natin. 14 May pananagutan dapat tayo sa Dios dahil hindi natin matupad ang Kautusan. Pero inalis ito ng Dios sa pamamagitan ng pagkapako ni Cristo sa krus. Kaya hindi na tayo parurusahan. 15 Doon din sa krus nilupig ng Dios ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.

16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.

Ang Bagong Buhay Kay Cristo

20 Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? 22 Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. 23 Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.

Ezekiel 45

Ang Partihan ng Lupa

45 Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro[a] ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal. Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang. 3-4 Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar. Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.[b]

“Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon. Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel. Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.

Mga Utos para sa mga Pinuno ng Israel

“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan. 10 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan. 11 Ang ‘homer’[c] ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang ‘homer’ ay sampung ‘epa’[d] o sampung ‘bat’.[e] 12 Ang ‘shekel’[f] ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang ‘shekel’ ay 20 ‘gera’, at ang 60 ‘shekel’ ay isang ‘mina’.

Mga Natatanging Kaloob at mga Araw

13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,[g] 14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’), 15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon,[h] upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel. 17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”

Ang mga Pista(A)

18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo. 19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob. 20 Ganito rin ang gawin ninyo sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang hindi nalalaman. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang templo.

21 “Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo. 22 Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita. 23 Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa akin. At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 24 Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog ng pagpaparangal sa akin, kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo. 25 Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay maghahandog ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog sa paglilinis, handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin at langis.”

Salmo 99-101

Ang Panginoon ay Banal na Hari

99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
    Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
    dinadakila siya sa lahat ng bansa.
Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
    Siya ay banal!
Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
    Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
    at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
    Siya ay banal!
Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
    at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
    Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
    sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
    Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
    dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

100 Kayong mga tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
    Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
    Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
    Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
    Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
    at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[e]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®