Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 20

Nilusob ni Ben Hadad ang Samaria

20 Ngayon, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram[a] ang lahat ng sundalo niya para makipaglaban. Sumama sa kanila ang 32 hari na kakampi ni Ben Hadad na may mga kabayo at mga karwahe. At umalis sila para lusubin ang Samaria. Nagsugo si Ben Hadad ng mga mensahero sa Samaria para iparating ang mensaheng ito kay Haring Ahab ng Israel, “Ito ang ipinapasabi ni Ben Hadad: ‘Ang iyong mga pilak at ginto ay akin, at ang iyong mga asawa at ang iyong mabubuting anak ay akin din.’ ” Sinagot siya ni Haring Ahab ng Israel, “Ayon nga sa sinabi mo, Mahal na Hari, ako at ang lahat ng akin ay iyo.”

Muling bumalik ang mga mensahero kay Ahab at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Ben Hadad: ‘Sinabi ko na sa iyo na ibigay mo sa akin ang iyong mga pilak, ginto, mga asawaʼt anak. Pero bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko riyan ang mga opisyal ko para maghalughog sa palasyo mo at sa mga bahay ng iyong mga opisyal. Kukunin nila ang lahat ng itinuturing mong mahalaga.’ ”

Ipinatawag ng hari ng Israel ang lahat ng tagapamahala ng Israel, at sinabi, “Naghahanap talaga ng paraan si Ben Hadad na wasakin tayo. Pumayag na nga ako nang hilingin niya ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak at ginto.” Sumagot ang mga tagapamahala at ang mga tao, “Huwag po kayong papayag sa mga hinihiling niya.” Kaya sinabihan niya ang mga mensahero ni Ben Hadad, “Sabihin ninyo sa mahal na hari na ibibigay ko ang kanyang unang kahilingan, pero ang ikalawa ay hindi ko na maibibigay.” Nagsiuwi ang mga mensahero at sinabi kay Ben Hadad ang sagot ni Ahab.

10 Nagpadala muli si Ben Hadad ng mensahe kay Ahab, “Lubos sana akong parusahan ng mga dios, kung hindi ko mawasak nang lubos ang Samaria. Titiyakin kong kahit alikabok ay walang maiiwan na madadakot ang mga sundalo ko.” 11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihan nʼyo siya na ang sundalong naghahanda pa lang sa pakikipaglaban ay hindi dapat magmayabang tulad ng sundalong tapos nang makipaglaban.” 12 Natanggap ni Ben Hadad ang sagot ni Ahab habang umiinom siya at ang mga kasama niyang hari roon sa kanilang mga tolda. Agad niyang inutusan ang mga tauhan niya na maghanda sa paglusob sa Samaria. At sinunod nila ito.

Tinalo ni Ahab si Ben Hadad

13 Samantala, may dumating na isang propeta kay Ahab, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Nakita mo ang napakaraming sundalo ni Ben Hadad. Pero ipapatalo ko sila sa iyo sa araw na ito, at malalaman mo na ako ang Panginoon.” 14 Nagtanong si Ahab, “Pero sino ang tatalo sa kanila?” Sumagot ang propeta, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga binatang sundalo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya ang siyang tatalo sa kanila.” Nagtanong si Ahab, “Sino ang unang lulusob?” Sumagot ang propeta, “Kayo.”[b]

15 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga binatang sundalo, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya – 232 silang lahat. At tinipon din niya ang iba pang mga Israelita – 7,000 silang lahat. 16 Tanghali nang lumusob sila, habang si Ben Hadad at ang 32 haring kakampi niya ay naglalasing sa mga tolda nila. 17 Ang unang lumusob ay ang mga binatang sundalo.

Ngayon, ang mga espiyang ipinadala ni Ben Hadad sa Samaria ay nagsabi sa kanya, “May mga sundalo pong papunta rito mula sa Samaria.” 18 Sinabi ni Ben Hadad, “Hulihin nʼyo sila! Kahit anong pakay nila rito, makipaglaban man o makipag-ayos.”

19 Ang mga binatang sundalo ang nangunguna sa mga sundalo ng Israel. 20 Ang bawat isaʼy pinatay ang kanyang kalaban. Kaya tumakas ang ibang mga sundalo ng Aram, at hinabol sila ng mga Israelita. Pero si Ben Hadad at ang iba pa niyang mga kasama ay tumakas na nakasakay sa kabayo.

21 Ganoon ang paglusob nina Haring Ahab ng Israel. Marami silang pinatay na Arameo at pinagkukuha[c] nila ang mga kabayo at mga karwahe ng mga ito. 22 Pagkatapos nito, lumapit ang propeta sa hari ng Israel, at sinabi, “Maghanda kayo at magplano nang mabuti, dahil lulusob pong muli ang hari ng Aram sa susunod na taon.”

23 Samantala, sinabi ng mga opisyal ng hari ng Aram sa kanya, “Ang dios ng mga Israelita ay dios ng mga bundok; iyan ang dahilan ng kanilang pagwawagi. Pero kung makikipaglaban tayo sa kanila sa kapatagan, siguradong matatalo natin sila. 24 Ito ang kailangan ninyong gawin: Alisin ninyo ang 32 hari sa kanilang katungkulan, at ipalit sa kanila ang mga kumander. 25 Pagkatapos, magtipon kayo ng mga sundalo, mga kabayo, at mga karwahe na kasindami ng mga nawala noon. Makipaglaban tayo sa mga Israelita sa kapatagan, at tiyak na matatalo natin sila.” Pumayag si Ben Hadad, at ginawa niya ito.

26 Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben Hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa lungsod ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita. 27 Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas para makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila na paharap sa kampo ng mga Arameo. Pero katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan. 28 Pumunta ang lingkod ng Dios sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na dios ako ng mga bundok at hindi dios ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo para malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”

29 Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila nang ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng 100,000 sundalong Arameo. 30 Ang mga natirang Arameo ay nagsitakas sa lungsod ng Afek, kung saan ang 27,000 sa kanila ay nabagsakan ng pader ng lungsod. Tumakas din doon si Ben Hadad at nagtago sa kasuluk-sulukang kwarto ng bahay. 31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga opisyal, “Narinig po namin na maawain daw ang mga hari ng Israel. Kaya pupunta kami sa hari ng Israel, magsusuot ng sako at magtatali ng lubid sa aming mga ulo. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”

32 Kaya nagsuot sila ng sako at tinalian nila ng lubid ang kanilang ulo. Pagkatapos, pumunta sila sa hari ng Israel, at sinabi, “Ang inyo pong lingkod na si Ben Hadad ay humihiling na kung maaari, huwag nʼyo siyang patayin.” Sumagot ang hari, “Buhay pa pala siya? Para ko na siyang kapatid.” 33 Itinuring ng mga opisyal ang sagot ng hari na isang palatandaan na may pag-asa sila, kaya agad naman nilang sinabi na, “Opo, si Ben Hadad ay para na ninyong kapatid.” Sinabi ng hari, “Dalhin ninyo siya sa akin.”

Pagdating ni Ben Hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Isasauli ko sa iyo ang mga lungsod na inagaw ng aking ama sa iyong ama. At maaari kang magpatayo ng mga tindahan sa Damascus, katulad ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” Tugon ni Ahab, “Sa alok mong ito, pakakawalan kita.” Kaya gumawa sila ng kasunduan, at pinaalis siya ni Ahab.

35 Samantala, may isang taong kabilang sa samahan ng mga propeta ang inutusan ng Panginoon para sabihin ito sa kasama niya, “Sige saktan mo ako.” Pero tumanggi ang kasama niya na saktan siya. 36 Kaya sinabi niya sa kanyang kasama, “Dahil hindi mo sinunod ang Panginoon, papatayin ka ng leon pag-alis mo rito.” Pag-alis nga ng kasama niya, nakita siya ng isang leon at pinatay.

37 May nakita namang isang tao ang propeta at sinabi niya, “Saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya nito at nasugatan siya. 38 Pagkatapos, lumakad ang propeta at tumayo sa daan para hintayin na dumaan ang hari ng Israel. Nagbalat-kayo siya sa pamamagitan ng paglalagay ng piring sa mata para hindi makilala. 39 Pagdaan ng hari, sumigaw ang propeta sa kanya, “Mahal na hari, sumama po ako sa labanan, at doon ay may taong nagdala sa akin ng bihag at sinabi, ‘Bantayan mo ang taong ito. Kapag nakatakas siya, papatayin ka o pagbabayarin ng 35 kilong pilak.’ 40 Pero naging abala po ako sa ibang mga gawain kaya nakatakas ang bihag.”

Sinabi ng hari, “Dapat ka ngang parusahan ayon sa sinabi mo.” 41 Tinanggal ng propeta ang piring sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na isa siyang propeta. 42 Sinabi niya sa hari, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Dahil sa pinakawalan mo ang taong sinasabi ko na dapat patayin, ikaw ang papatayin bilang kapalit niya at papatayin din ang iyong mga tauhan bilang kapalit ng kanyang mga tauhan.” 43 Umuwing malungkot at galit ang hari ng Israel sa palasyo niya sa Samaria.

1 Tesalonica 3

Nang hindi na kami makatiis dahil sa pananabik namin sa inyo, nagpasya kaming magpaiwan na lang sa Athens at isugo sa inyo si Timoteo. Kapatid natin siya at kasama naming naglilingkod sa Dios sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Pinapunta namin siya para patibayin at palakasin ang pananampalataya ninyo, para walang panghinaan ng loob sa inyo dahil sa mga nararanasan ninyong pag-uusig Alam naman ninyong kailangan nating pagdaanan ang mga pag-uusig. Noong nariyan pa kami sa inyo, lagi namin kayong pinapaalalahanan na makakaranas tayo ng mga pag-uusig. At gaya ng alam nʼyo, ito na nga ang nangyari. Kaya nang hindi na ako makatiis, pinapunta ko riyan si Timoteo para makabalita tungkol sa kalagayan ng pananampalataya nʼyo sa Panginoon; dahil nag-aalala ako na baka nanaig na sa inyo si Satanas at nasayang lang ang pagod namin sa pangangaral sa inyo.

Ngayon, nakabalik na sa amin si Timoteo galing sa inyo. Dala niya ang magandang balita tungkol sa pananampalataya at pag-ibig nʼyo, ang magagandang alaala ninyo tungkol sa amin, at ang pananabik ninyong makita kami gaya ng pananabik namin sa inyo. Dahil dito, mga kapatid, sumigla kami sa kabila ng mga paghihirap at problema namin. Nabuhayan kami ng loob dahil nananatili kayong matatag sa Panginoon. Paano namin mapapasalamatan ang Dios sa lahat ng kagalakang dulot ninyo sa amin dahil sa inyong pananampalataya? 10 Araw-gabi, taimtim naming ipinapanalangin na makasama ulit kayo para maturuan kayo at mapunan namin ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Bigyan nawa kami ng Dios na ating Ama at ng Panginoong Jesus ng paraan para makapunta riyan sa inyo. 12 Palaguin nawa at pag-alabin din ng Panginoon ang pag-ibig nʼyo sa bawat isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13 At dahil dito, magiging malakas ang loob nʼyo, at magiging banal at walang kapintasan ang inyong buhay sa harapan ng ating Dios Ama sa araw ng pagbabalik ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga pinili niya.

Daniel 2

Ang Panaginip ni Nebucadnezar

Noong pangalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip na bumabagabag sa kanya, kaya hindi siya makatulog. Ipinatawag niya ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo[a] para ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.”

Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Aramico,[b] “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”

Sinabi ng hari sa kanila, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.”

Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”

Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip para maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.”

10 Sumagot sila sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. At wala ring hari, gaano man ang kanyang kapangyarihan, na mag-uutos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. 11 Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga dios lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.”

12 Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong[c] na mga tao sa Babilonia. 13 Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama para patayin din.

14-15 Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari.

16 Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. 17 Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hanania, Mishael at Azaria ang tungkol sa nangyari. 18 Hiniling niya sa mga ito na manalangin para kaawaan sila ng Dios sa langit[d] at para malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang hindi sila patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. 19 Nang gabing iyon, ipinahayag ng Dios kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Dios sa langit. 20 Sinabi niya,

    “Purihin ang Dios magpakailanman.
    Siya ay matalino at makapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng panahon.
    Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono.
    Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong.
22 Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin.
    Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
23 O Dios ng aking mga ninuno, pinupuri ko kayo at pinapasalamatan.
    Kayo ang nagbigay sa akin ng karunungan at kakayahan.
    At ibinigay nʼyo sa amin ang aming kahilingan sa inyo na ipahayag sa amin ang panaginip ng hari.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc na inutusan ng hari para patayin ang mga marurunong na tao sa Babilonia. Sinabi ni Daniel sa kanya, “Huwag mo muna silang patayin; dalhin mo muna ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”

25 Kaya dali-daling dinala ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi ni Arioc, “Mahal na Hari, may nakita po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip.” 26 Tinanong ng hari si Daniel na tinatawag ding Belteshazar, “Talaga bang mahuhulaan mo ang aking panaginip at maipapaliwanag ang kahulugan nito?” 27 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip. 28 Pero may Dios sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa inyo sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip.

29 “Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Dios na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay. 30 At inihayag sa akin ng Dios ang inyong panaginip hindi dahil mas matalino ako kaysa sa iba kundi para maipaliwanag ko sa inyo at maintindihan nʼyo ang gumugulo sa inyong isipan.

31 Ito po ang inyong panaginip: May nakita kayong malaking rebulto na nakakasilaw na nakatayo sa inyong harapan at nakakatakot tingnan. 32 Ang ulo nito ay purong ginto, ang mga bisig at dibdib ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso. 33 Ang kanyang mga binti ay bakal at ang kanyang mga paa naman ay bakal at luwad.[e] 34 At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paang bakal at luwad ng rebulto, at nawasak ang kanyang mga paa. 35 Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Pero ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok at pumuno sa buong mundo.

36 “Iyan po ang panaginip nʼyo, at ito naman ang kahulugan: 37 Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Dios sa langit[f] at binigyan ng kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. 38 Ipinasakop niya sa inyo ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang sumisimbolo sa gintong ulo ng rebulto.

39 “Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay sumisimbolo ng tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. 40 At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog, ang kahariang ito ay dudurog din ng ibang mga kaharian. 41 Ang mga paa na yari sa bakal at luwad ay nangangahulugan ng mahahating kaharian. Pero mananatili itong malakas, dahil ikaw mismo ang nakakita na may halo itong bakal. 42 Ang mga daliring bakal at luwad na mga paa ay nangangahulugan na may bahagi ang kaharian na matibay at may bahaging mahina. 43 Ang pagsasama ng bakal at luwad ay nangangahulugang magkakaisa ang mga pinuno ng mga kahariang ito sa pamamagitan ng pag-aasawa ng magkaibang lahi. Pero hindi rin magtatagal ang kanilang pagkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin.

44 “Sa panahon ng mga haring ito, ang Dios sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman. 45 Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok (na hindi kagagawan ng tao) na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto.

“Mahal na Hari, ipinahayag po ng makapangyarihang Dios sa inyo kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.”

46 Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng dios. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.”

48 Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon. 49 Hiniling ni Daniel sa hari na italaga sina Shadrac, Meshac, at Abednego bilang katulong niya sa pamamahala ng lalawigan. Pumayag naman ang hari. At namalagi si Daniel sa palasyo ng hari.

Salmo 106

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
    kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
    Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
    Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
    at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
    at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
    ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
    kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
    at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
    napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®