Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 4-5

Ang mga Pinuno ni Solomon

Naghari si Solomon sa buong Israel. At ito ang kanyang matataas na pinuno:

Si Azaria ang punong pari mula sa angkan ni Zadok.

Sina Elihoref at Ahia na mga anak ni Sisha, ang mga kalihim ng hari.

Si Jehoshafat na anak ni Ahilud, ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian.

Si Benaya na anak ni Jehoyada ang kumander ng mga sundalo.

Sina Zadok at Abiatar ang mga pari.

Si Azaria na anak ni Natan ang pinuno ng mga gobernador sa mga distrito ng Israel.

Ang paring si Zabud na anak din ni Natan ang personal na tagapayo ng hari.

Si Ahisar ang tagapamahala ng palasyo.

At si Adoniram na anak ni Abda, ang namamahala sa mga aliping sapilitang pinagtatrabaho.

Mayroon ding 12 gobernador si Solomon sa mga distrito ng buong Israel. Sila ang nagbibigay ng pagkain sa hari at sa sambahayan niya. Bawat isa sa kanila ay nagbibigay ng pagkain sa isang buwan bawat taon. Ito ang kanilang mga pangalan:

Si Ben Hur, na namamahala sa kabundukan ng Efraim.

Si Ben Deker na namamahala sa Makaz, Saalbim, Bet Shemesh at sa Elon Bet Hanan.

10 Si Ben Hesed na namamahala sa Arubot, kasama na rito ang Soco at ang buong lupain ng Hefer.

11 Si Ben Abinadab na namamahala sa Nafat Dor. (Asawa siya ni Tafat na anak ni Solomon.)

12 Si Baana na anak ni Ahilud, na namamahala sa Taanac, Megido, sa buong Bet Shan malapit sa Zaretan sa ibaba ng Jezreel at sa mga lugar na mula sa Bet Shan hanggang Abel Mehola at patawid sa Jokmeam.

13 Si Ben Geber, na namamahala sa Ramot Gilead, kasama na rito ang mga bayan ni Jair na anak ni Manase, at sa mga distrito ng Argob sa Bashan, kasama na ang 60 malalaki at napapaderang bayan, na ang mga pintuan ay may tarangkahang tanso.

14 Si Ahinadab na anak ni Iddo, na namamahala sa Mahanaim.

15 Si Ahimaaz, na namamahala sa Naftali. (Asawa siya ni Basemat na anak ni Solomon.)

16 Si Baana na anak ni Hushai, na namamahala sa Asher at sa Alot.

17 Si Jehoshafat na anak ni Parua, na namamahala sa Isacar.

18 Si Shimei na anak ni Ela, na namamahala sa Benjamin.

19 Si Geber na anak ni Uri, na namamahala sa Gilead na sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ni Haring Og ng Bashan. Si Geber lang ang gobernador sa buong distritong ito.[a]

Ang Kasaganaan at ang Karunungan ni Solomon

20 Ang bilang ng mga tao sa Juda at Israel ay tulad ng buhangin sa dalampasigan na hindi mabilang. Sagana sila sa pagkain at inumin, at masaya sila. 21 Si Solomon ang namamahala sa lahat ng kaharian mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, hanggang sa hangganan ng Egipto. Ang mga kahariang ito ay nagbabayad ng buwis kay Solomon at nagpapasakop sa kanya habang nabubuhay siya.

22 Ito ang mga pagkaing kailangan ni Solomon sa kanyang palasyo bawat araw: 100 sako ng magandang klaseng harina, 200 sako ng ordinaryong harina, 23 sampung pinatabang baka sa kulungan, 20 baka na galing sa pastulan, 100 tupa o kambing, hindi pa kasama ang ibaʼt ibang uri ng mga usa at magandang uri ng ibon at manok.

24 Sakop ni Solomon ang buong lupain sa kanlurang Ilog ng Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza. At maganda ang pakikitungo niya sa lahat ng bansa sa palibot niya. 25 Kaya habang nabubuhay si Solomon, may kapayapaan sa Juda at sa Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba. Ang bawat tao ay payapang nakaupo sa ilalim ng kanyang tanim na ubas at puno ng igos.

26 May 40,000[b] kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo.[c] 27 Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon. 28 Nagbibigay din sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo. Dinadala nila ito sa lugar na dapat nitong pagdalhan sa oras na kailangan ito.

29 Binigyan ng Dios si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat. 30 Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Egipto. 31 Siya ang pinakamatalino sa lahat. Mas matalino pa siya kaysa kay Etan na Ezrano at sa mga anak ni Mahol na sina Heman, Calcol at Darda. At naging tanyag siya sa mga nakapaligid na bansa. 32 Gumawa siya ng 3,000 kawikaan at 1,005 awit. 33 Makapagsasabi siya ng tungkol sa lahat ng uri ng pananim, mula sa malalaking punongkahoy hanggang sa maliliit na pananim.[d] Makapagsasabi rin siya tungkol sa lahat ng uri ng hayop na lumalakad, gumagapang, lumilipad, at lumalangoy. 34 Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan ni Solomon, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)

Matagal nang magkaibigan si Haring Hiram ng Tyre at si Haring David. Kaya nang mabalitaan ni Hiram na pinalitan ni Solomon ang ama niyang si David bilang hari, nagpadala siya ng mga opisyal kay Solomon. Pagkatapos, nagpadala si Solomon ng mensahe kay Hiram:

“Nalalaman mong hindi nakapagpatayo ang aking amang si David ng templo para sa Panginoon na kanyang Dios dahil palagi siyang nakikipaglaban sa mga kalabang bansa sa palibot. Hindi siya makakapagpatayo nito hanggang hindi pa ipinapatalo sa kanya ng Panginoon ang lahat ng kanyang kalaban. Pero ngayon ay binigyan ako ng Panginoon na aking Dios ng kapayapaan sa paligid, wala na akong mga kalaban at wala na ring panganib. Kaya naisip ko na magpatayo na ng templo para sa karangalan ng Panginoon na aking Dios, ayon sa sinabi ng Panginoon sa aking amang si David. Ito ang kanyang sinabi, ‘Ang iyong anak, na ipapalit ko sa iyo bilang hari ang siyang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

“Kaya iutos mo sa iyong mga tauhan na pumutol ng mga puno ng sedro sa Lebanon para sa akin. Patutulungin ko sa kanila ang mga tauhan ko at uupahan ko ang mga tauhan mo ayon sa gusto mo. At alam mo rin na wala talaga kaming tao na mahusay pumutol ng mga puno tulad ng mga tauhan mong Sidoneo.”

Tuwang-tuwa si Hiram nang matanggap niya ang mensahe ni Solomon. Sinabi niya, “Purihin natin ang Panginoon sa araw na ito, dahil binigyan niya si David ng matalinong anak para pamahalaan ang makapangyarihang bansang ito!” Kaya nagpadala si Hiram ng mensahe kay Solomon na nagsasabi:

“Natanggap ko ang ipinadala mong mensahe, at ibibigay ko sa iyo ang mga kailangan mong kahoy na sedro at sipres.[e] Hahakutin ito ng mga tauhan ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat at gagawin nila itong parang balsa, at palulutangin papunta sa lugar na pipiliin mo. At doon ito kakalagin ng mga tauhan ko at kayo na ang bahalang kumuha nito. Bilang kabayaran, bigyan mo ako ng pagkain para sa mga tauhan ko sa palasyo.”

10 Pinadalhan nga ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedro at sipres na kailangan niya. 11 At pinadalhan naman ni Solomon si Hiram ng 60,000 sakong trigo at 110,000 galong langis ng olibo bawat taon. 12 Binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan ayon sa kanyang ipinangako. Maganda ang relasyon nina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan na hindi sila maglalaban.

13 Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14 Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15 May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16 Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17 At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18 Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,[f] ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.

Efeso 2

Binuhay Kayo Kasama ni Cristo

Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan. Namuhay kayong gaya ng mga taong makamundo. Sakop kayo noon ng kapangyarihan ni Satanas, ang hari ng mga espiritung naghahari sa mundo. At siya rin ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Dios. Dati, namuhay din tayong katulad nila. Namuhay tayo ayon sa pagnanasa ng laman at sinunod natin ang masasamang hilig ng katawan at pag-iisip. Sa kalagayan nating iyon, kasama rin sana nila tayo na nararapat parusahan ng Dios.

Ngunit napakamaawain ng Dios at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin, na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli niya tayong binuhay kasama ni Cristo. (Kaya naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Dios.) At dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binuhay tayo ng Dios mula sa mga patay kasama ni Cristo, para maghari tayong kasama niya sa kaharian sa langit. Ginawa niya ito para maipakita niya sa lahat, sa darating na panahon, ang hindi mapapantayang kasaganaan ng biyaya niya at kabutihan na ibinigay niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman. 10 Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.

11 Alalahanin nʼyo ang kalagayan ninyo noon bilang mga hindi Judio. Ipinanganak kayong hindi mga Judio at sinasabi ng mga Judio na wala kayong kaugnayan sa Dios dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12 Alalahanin nʼyo rin na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Cristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios. 13 Ngunit kayo ngayon ay na kay Cristo na. Malayo kayo noon sa Dios, pero ngayon ay malapit na kayo sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 At sa pamamagitan ng kamatayan niya, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. 15 Ang pader na giniba niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito para pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa ganoon ay magkasundo na ang dalawa. 16 Ngayong iisang katawan na lang tayo sa pamamagitan ng kamatayan niya sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Dios. 17 Pumarito si Cristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong unaʼy malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. 18 Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin. 19 Kaya kayong mga hindi Judio ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kaisa na ng mga pinabanal[a] at kabilang sa pamilya ng Dios. 20 Tayong mga mananampalataya ay katulad ng gusali na ang mga haligi ay ang mga apostol at mga propeta, at ang pundasyon ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan ni Cristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 At dahil kayo ay nakay Cristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.

Ezekiel 35

Ang Mensahe Laban sa Edom

35 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir[a] at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging mapanglaw ang inyong lugar. Magigiba at magiging mapanglaw ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Matagal na kayong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo silang salakayin sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo. Gagawin kong mapanglaw ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito. Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig. Gagawin kong mapanglaw ang lugar ninyo magpakailanman. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

10 “Sinasabi ninyo na ang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon, ay kasama nila. 11 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang gagantihan ko kayo sa inyong galit, inggit at poot, na ipinadama ninyo sa mga mamamayan ko. Kaya malalaman ninyong ako ang Panginoon habang pinarurusahan ko kayo. 12 Sa ganitong paraan, malalaman din ninyong ako ang Panginoon na nakaririnig ng lahat ng paglapastangan ninyo sa mga bundok ng Israel. Sapagkat sinasabi ninyong, ‘Wasak na ito, sakupin na natin!’ 13 Nagmalaki kayo sa akin. Kinutya nʼyo ako at narinig ko ito.

14 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing magagalak ang buong mundo, kapag ginawa kong mapanglaw ang lugar ninyo, 15 dahil natuwa kayo nang naging mapanglaw ang lupaing ipinamana ko sa mga mamamayan ng Israel. Kaya ito rin ang mangyayari sa inyo. Magiging mapanglaw ang bundok ng Seir at ang buong lupain ng Edom. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”

Salmo 85

Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa

85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[a]
Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
    inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
    Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
    hanggang sa aming mga salinlahi?
Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
    dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
    iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
    upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
    at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
    at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®