M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpatayo ng Palasyo si Solomon
7 Nagpatayo rin si Solomon ng palasyo niya at inabot ng 13 taon ang pagpapatayo nito. 2-3 Ang isa sa mga gusali nito ay tinawag na Kagubatan ng Lebanon. Ang haba nito ay 150 talampakan, ang luwang ay 75 talampakan at ang taas ay 45 talampakan. Ito ay may apat[a] na hanay ng mga haliging sedro – 15 bawat hanay, at nakatukod ito sa 45 na pambalagbag sa ibabaw ng haligi kung saan nakakabit ang kisameng sedro. 4 Ang dalawang gilid ng gusaling magkaharap ay may tatlong hanay na bintana na magkakasunod. 5 May tatlong hanay rin itong parihabang mga pintuan na magkakaharap.
6 Ang isa pang gusali ay ang lugar na pinagtitipunan, na may maraming haligi. Ang haba nito ay 75 talampakan at ang luwang ay 45 talampakan. May balkonahe ito sa harapan, na may bubong at mga haligi.
7 Nagpatayo rin siya ng gusali kung saan inilagay niya ang kanyang trono. Ito rin ang lugar kung saan siya humahatol. Pinatakpan niya ito ng mga tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame.[b]
8 Ang bahagi ng palasyo, kung saan nakatira si Solomon ay nasa likod lang ng gusali kung saan siya humahatol, at magkatulad ang pagkakagawa nito. Katulad din nito ang yari ng bahay na kanyang ipinagawa para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon.[c]
9 Lahat ng mga gusaling ito, mula sa mga pundasyon hanggang sa mga bubong ay gawa sa pinakamagandang uri ng bato na pinagputol-putol at tinabas ang lahat ng gilid ayon sa tamang sukat. 10 Ang mga pundasyon ay gawa sa malalaki at magagandang uri ng bato. Ang haba ng ibang mga bato ay 15 talampakan at ang iba ay 12 talampakan. 11 Sa ibabaw nito ay mga kahoy na sedro at mamahaling mga bato na tinabas ayon sa tamang sukat. 12 Ang maluwang na bakuran ay napapaligiran ng pader, na ang bawat tatlong patong ng mga tinabas na bato ay pinatungan ng kahoy na sedro. Katulad din nito ang pagkakagawa ng mga pader ng bakuran sa loob ng templo ng Panginoon at ng balkonahe.
Ang mga Gamit ng Templo(A)
13 Ipinasundo ni Haring Solomon si Huram[d] sa Tyre 14 dahil magaling siyang panday ng mga tanso. Anak siya ng isang biyuda mula sa lahi ni Naftali at ang kanyang ama ay taga-Tyre, na isa ring panday ng mga tanso. Pumunta siya kay Haring Solomon at ginawa niya ang lahat ng ipinagawa sa kanya.
15 Gumawa si Huram ng dalawang haliging tanso na ang bawat isa ay may taas na 27 talampakan at may pabilog na sukat na 18 talampakan. 16 Gumawa rin siya ng dalawang ulo ng mga haliging gawa sa tanso, na ang bawat isa ay may taas na pitoʼt kalahating talampakan. 17 Ang bawat ulo ng haligi ay napapalamutian ng pitong kadenang dugtong-dugtong 18 na may dalawang hilerang palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. 19 Ang hugis ng ulo ng mga haligi sa balkonahe ay parang mga bulaklak na liryo, at ang taas nito ay anim na talampakan. 20 Ang bawat ulo ng dalawang haligi ay napapaligiran ng dalawang hilera na may 200 na palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. Ang palamuting ito ay nasa ibabaw ng bilog na bahagi ng ulo, sa tabi ng mga kadena. 21 Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz. 22 Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.
23 Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 24 Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan. 25 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan. 26 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng mga 11,000 galong tubig.
27 Gumawa rin si Huram ng sampung tansong kariton na gagamitin sa paghakot ng tubig. Ang haba ng bawat isa ay anim na talampakan, ang luwang ay anim ding talampakan at ang taas ay apat at kalahating talampakan. 28 Ganito ang pagkagawa ng mga kariton: Ang mga dingding nito ay may mga kwadro 29 at napapalamutian ng mga larawan ng leon, mga baka at mga kerubin. Ang ibabaw at ang ilalim ng mga kwadro ay may magkakatulad na palamuti na parang mga bulaklak. 30-31 Ang bawat kariton ay may apat na tansong gulong at mga tansong ehe. Sa bawat sulok ng mga kariton ay may tukod na humahawak sa pabilog na patungan ng tansong planggana. Ang mga tukod ay napapalamutian ng parang mga bulaklak na kabit-kabit. Ang pabilog na patungan ay nakaangat ng isaʼt kalahating talampakan sa ibabaw ng kariton, at ang luwang ng bunganga ay dalawang talampakan at tatlong pulgada. Ang paligid ng ilalim ay may mga inukit na palamuti. Ang dingding ng kariton ay kwadrado, hindi pabilog. 32 Sa ilalim ng mga kwadradong dingding ay may apat na gulong na nakakabit sa mga ehe, na kasama ng ginawa nang gawin ang kariton. Ang taas ng bawat gulong ay dalawang talampakan at tatlong pulgada 33 at katulad ito ng gulong ng karwahe. Ang mga ehe, tubo, rayos at tapalodo ng gulong ay gawa lahat sa tanso. 34 Ang bawat kariton ay may apat na hawakan – isa sa bawat gilid, at naiporma na ito kasama ng kariton. 35 Sa ibabaw ng bawat kariton ay may pabilog na leeg na may siyam na pulgada ang taas. Ang mga tukod nito at ang dingding ay naiporma na din kasama ng kariton. 36 Napapalamutian ang dingding at mga tukod ng mga larawan ng kerubin, leon at puno ng palma, kahit saan na may lugar para sa mga ito. At may palamuti rin ito na parang mga bulaklak na kabit-kabit sa paligid. 37 Ganito ang pagkakagawa ni Huram ng sampung kariton. Magkakatulad lahat ang kanilang laki at hugis, sapagkat iisa lang ang pinaghulmahan nilang lahat.
38 Nagpagawa rin si Huram ng sampung tansong planggana – isa para sa bawat kariton. Ang luwang ng bawat planggana ay anim na talampakan at maaaring lagyan ng 220 galong tubig. 39 Inilagay niya ang limang kariton sa bandang timog ng templo at ang lima namaʼy sa bandang hilaga. Inilagay niya ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat sa pagitan ng gawing silangan at gawing timog ng templo. 40 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa templo ng Panginoon. Ito ang kanyang mga ginawa:
41 ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
42 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
43 ang sampung kariton at ang sampung planggana nito;
44 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
45 ang mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso. 46 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Napakarami ng mga bagay na ito, kaya hindi na ito ipinakilo ni Solomon; hindi alam kung ilang kilo ang mga tansong ito.
48 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Panginoon:
ang gintong altar;
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;
49 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto na nakatayo sa harap ng Pinakabanal na Lugar (lima sa bandang kanan at lima sa kaliwa);
ang mga gintong bulaklak, mga ilaw at mga pang-sipit;
50 ang mga baso na purong ginto, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga lalagyan ng insenso;
ang mga gintong bisagra para sa mga pintuan ng Pinakabanal na Lugar at gitnang bahagi ng templo.
51 Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.
Iisang Katawan kay Cristo
4 Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. 2 Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3 Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4 Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. 5 Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6 Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.
20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.
25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[c] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[d] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.
Ang Lambak ng Maraming Buto
37 Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng Espiritu niya sa gitna ng isang lambak maraming kalansay. 2 Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak. 3 Tinanong ako ng Panginoon, “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?” Sumagot ako, “Panginoong Dios, kayo lang po ang nakakaalam.” 4 Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ko. 5 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. 6 Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”
7 Kaya sinunod ko ang iniutos sa akin. At habang nagsasalita ako, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo. 8 Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.
9 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito para mabuhay.” 10 Kaya sinunod ko ang iniutos niya sa akin, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila – kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.
11 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’ 12 Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel. 13 Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon. 14 Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Pinag-isa ang Juda at Israel
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kumuha ka ng patpat at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkatapos, pag-isahin mo ang dalawang patpat para isa lang ang hawak mo. 18 Kapag tinanong ka ng mga kababayan mo kung ano ang ibig sabihin nito, 19 sabihin mong, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Pagdudugtungin ko ang patpat na kumakatawan sa Israel at ang patpat na kumakatawan sa Juda. Magiging isa na lang sila sa kamay ko.’
20 “Pagkatapos, hawakan mo ang patpat na sinulatan mo para makita ng mga tao. 21 At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain. 22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian. 23 Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga karumal-dumal na dios-diosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila para maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Dios nila. 24 Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. 25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, ang lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno. Sila at ang mga anak nila ay titira roon habang panahon. At maghahari sa kanila ang haring mula sa lahi ni David na lingkod ko magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang kasunduan na magiging maganda ang kalagayan nila, at ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Patitirahin ko sila sa lupain nila at pararamihin ko sila. Itatayo ko ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman. 27 Maninirahan akong kasama nila. Magiging Dios nila ako, at sila ay magiging mga mamamayan ko. 28 At kung mananatili na ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman, malalaman ng mga bansa na ako, ang Panginoon, ang humirang sa mga Israelita para maging mga mamamayan ko.’ ”
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®