Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nehemias 6-7

Ang Patuloy na Paghadlang ng Pagpapatayo ng Pader

Samantala, nabalitaan nina Sanbalat, Tobia, Geshem na taga-Arabia, at ng iba pa naming mga kalaban na natapos na namin ang pagpapatayo ng pader at wala na itong mga butas, maliban na lamang sa mga pinto nito na hindi pa naikakabit. Kaya nagpadala sina Sanbalat at Geshem ng ganitong mensahe sa akin: “Gusto naming makipagkita sa iyo sa isang nayon ng kapatagan ng Ono.”

Ngunit nalaman ko na may balak silang masama sa akin. Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin ito sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan.” Apat na beses nila akong pinadalhan ng ganoong mensahe at apat na beses ko rin silang pinadalhan ng parehong sagot.

Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na. At ito ang nakasulat: “Ipinagtapat sa akin ni Geshem[a] na kahit saan siya pumunta ay naririnig niyang ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak mag-alsa, at iyan ang dahilan kung bakit muli ninyong ipinapatayo ang pader. At ayon sa narinig niya, gusto mong maging hari ng mga Judio, at pumili ka pa ng mga propeta na magpoproklama sa iyo sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na malalaman ito ng hari, kaya pumarito ka para pag-usapan natin ang mga bagay na ito.”

Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.” Alam kong tinatakot lang nila kami para mahinto ang paggawa namin. Pero nanalangin ako sa Dios na palakasin pa niya ako.

10 Isang araw, pumunta ako kay Shemaya na anak ni Delaya at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng templo ng Dios, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi para patayin ka.” 11 Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng templo para iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!” 12 Naisip kong hindi nangusap ang Dios sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobia para sabihin iyon sa akin. 13 Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Shemaya, para hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.

14 Kaya nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalimutan na parusahan si Tobia at si Sanbalat sa kanilang masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghahangad na takutin ako.”

Natapos ang Pagpapatayo ng Pader

15 Natapos ang pader noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, na siyang buwan ng Elul. Natapos ito sa loob ng 52 araw. 16 Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Dios.

17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobia at ang mga pinuno ng Juda. 18 Maraming taga-Juda ang sumumpa ng katapatan kay Tobia dahil manugang siya ni Shecania na anak ni Ara. At isa pa, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak ni Meshulam na anak ni Berekia. 19 Palaging sinasabi sa akin ng mga tao ang tungkol sa mabubuting ginawa ni Tobia, at palagi ring nakakarating sa kanya ang mga sinasabi ko. At patuloy na sumusulat si Tobia sa akin para takutin ako.

Naglagay ng mga Opisyal sa Jerusalem

Nang matapos na ang pader ng lungsod at naikabit na ang mga pinto nito, itinalaga sa tungkulin nila ang mga guwardya ng mga pintuan ng lungsod, ang mga mang-aawit, at ang mga Levita. Ibinigay ko ang tungkulin ng pamamahala sa Jerusalem sa kapatid kong si Hanani kasama si Hanania na kumander ng mga guwardya sa buong palasyo. Pinili ko si Hanania dahil mapagkakatiwalaan siya at may takot sa Dios higit sa karamihan. Sinabi ko sa kanila, “Huwag nʼyong pabayaang nakabukas ang mga pintuan ng lungsod kapag tanghaling-tapat,[b] kahit may mga guwardya pa na nagbabantay. Dapat nakasara ito at nakakandado. Maglagay din kayo ng mga guwardya mula sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ang iba sa kanila ay ilagay sa pader na malapit sa mga bahay nila, at ang iba naman ay ilagay sa ibang bahagi ng pader.”

Ang Talaan ng mga Tao na Bumalik mula sa Pagkabihag.(A)

Napakalawak noon ng lungsod ng Jerusalem pero kakaunti lang ang mga naninirahan doon at kakaunti rin ang mga bahay. Kaya ipinaisip ng aking Dios sa akin na tipunin ang mga pinuno, mga opisyal, at iba pang mga naninirahan para maitala sila ayon sa bawat pamilya. Nakita ko ang listahan ng mga pamilya na unang bumalik mula sa pagkabihag. Ito ang nakatala roon:

Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon, umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. Ang namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azaria, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilshan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana.

Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

8-25 Mga angkan nina:

Paros2,172
Shefatia372
Ara652
Pahat Moab (mula sa mga pamilya ni Jeshua at ni Joab)2,818
Elam1,254
Zatu845
Zacai760
Binui648
Bebai628
Azgad2,322
Adonikam667
Bigvai2,067
Adin655
Ater (na tinatawag din na Hezekia)[c]98
Hashum328
Bezai324
Harif[d]112
Gibeon[e]95

26-38 Ito ang bilang ng mga tao na bumalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Betlehem at Netofa188
Anatot128
Bet Azmavet42
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot743
Rama at Geba621
Micmash122
Betel at Ai123
Nebo52
Elam1,254
Harim320
Jerico345
Lod, Hadid, at Ono721
Senaa3,930

39-42 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina:

Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

43-45 Ito ang mga lahi ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia)74
Mga mang-aawit sa templo na mga angkan ni Asaf148
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mga angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai138

46-56 Ito ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag: Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Sia, Padon, Lebana, Hagaba, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.

57-59 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon: Ang mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ammon.

60 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay392.

61 Mayroon ding bumalik sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita:

62 Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda642

63 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz, at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 64 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng kanilang mga ninuno, hindi sila tinanggap bilang mga pari. 65 Sinabihan sila ng gobernador ng Juda na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkain na inihandog sa Dios hanggaʼt walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa kanilang pagkapari sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[f]

66-69 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki mula sa pagkabihag ay 42,360, hindi pa kabilang dito ang mga alipin nilang lalaki at babae na 7, 337 at mga mang-aawit na lalaki at babae na 245. May dala silang 736 na kabayo, 245 mola,[g] 435 kamelyo, at 6,720 asno.

70 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nag-ambag para sa muling pagpapatayo ng templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, 50 mangkok na gagamitin sa templo, at 530 pirasong damit para sa mga pari. 71 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay para sa ganitong gawain ng 168 kilong ginto at 1,200 kilong pilak. 72 Ang kabuuang ibinigay ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 1,100 kilong pilak, at 67 pirasong damit para sa mga pari.

73 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa mga bayan na kung saan nagmula ang kanilang pamilya, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, ang mga mang-aawit, at ang mga utusan sa templo.

Binasa ni Ezra ang Kautusan

Nang dumating ang ikapitong buwan, nang nakatira na ang mga Israelita sa mga bayan nila,

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®