Chronological
Pinabalik ni Haring Cyrus ang mga Judio sa Kanilang Lupain(A)
1 Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Jeremias.[a] Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa buo niyang kaharian.
2 “Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:
“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. 3 Kayong lahat na mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa Jerusalem at muli ninyong ipatayo roon ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na nakatira sa lungsod na iyon. At samahan niya sana kayo. 4 Ang mga natitirang tao sa mga lugar na tinitirhan nʼyong mga Israelita ay dapat tumulong sa inyong paglalakbay. Magbibigay sila ng mga pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, at pagtulong na kusang-loob para sa templo ng Dios sa Jerusalem.”
5 May mga Israelitang hinipo ng Panginoon para bumalik sa Jerusalem. Kaya naghanda silang pumunta roon para ipatayo ang templo ng Panginoon. Kasama sa kanila ang mga pinuno ng mga pamilyang mula sa mga lahi ni Juda at ni Benjamin, pati ang mga pari, at ang mga Levita. 6 Ang ibang mga tao ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamit na gawa sa pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, iba pang mga mamahaling bagay, at pagtulong na kusang-loob para sa templo.
7 Ibinalik din sa kanila ni Haring Cyrus ang mga gamit sa templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar sa Jerusalem at dinala sa templo ng mga dios-diosan niya. 8 Ipinagkatiwala ito ni Haring Cyrus kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian niya. Binilang ito ni Mitredat at ibinigay ang listahan kay Sheshbazar, ang gobernador ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga gamit:
mga gintong bandehado | 30 |
mga pilak na bandehado | 1,000 |
mga kutsilyo | 29 |
mga gintong mangkok | 30 |
mga pilak na mangkok | 410 |
iba pang mga gamit | 1,000 |
11 Sa kabuuan, may mga 5,400 gamit na ginto at pilak. Dinala lahat ito ni Sheshbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng ibang mga bihag.
Ang Talaan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(B)
2 Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. 2 Ang mga namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Seraya, Reelaya, Mordecai, Bilshan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.
Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
3-20 Mga angkan nina
Paros | 2,172 |
Shefatia | 372 |
Ara | 775 |
Pahat Moab (mula sa mga pamilya nina Jeshua at Joab) | 2,812 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 945 |
Zacai | 760 |
Bani | 642 |
Bebai | 623 |
Azgad | 1,222 |
Adonikam | 666 |
Bigvai | 2,056 |
Adin | 454 |
Ater (na tinatawag ding Hezekia)[b] | 98 |
Bezai | 323 |
Jora | 112 |
Hashum | 223 |
Gibar | 95 |
21-35 Ito ang bilang ng mga tao na nakabalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Betlehem | 123 |
Netofa | 56 |
Anatot | 128 |
Azmavet | 42 |
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmash | 122 |
Betel at Ai | 223 |
Nebo | 52 |
Magbis | 156 |
ang isa pang Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Lod, Hadid, at Ono | 725 |
Jerico | 345 |
Senaa | 3,630 |
36-39 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina
Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
40-42 Ito ang mga angkan ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia) | 74 |
Mga mang-aawit sa templo na mula sa angkan ni Asaf | 128 |
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mula sa angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai | 139 |
43-54 Ito naman ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Siaha, Padon, Lebana, Hagaba, Akub, Hagab, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Asna, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.
55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon:
Ang mga angkan nina Sotai, Hasoferet, Peruda, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ami.
58 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay 392.
59-60 May 652 din na bumalik sa Juda mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda, pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita.
61 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 62 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng mga ninuno nila, hindi sila tinanggap na mga pari. 63 Pinagbawalan sila ng gobernador ng Juda na kumain ng mga pagkaing inihandog sa Dios habang walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa pagkapari nila sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[c]
64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360, maliban sa 7,337 na mga alipin nila, at 200 lalaki at babaeng mang-aawit. May dala silang 736 na mga kabayo, 245 mola,[d] 435 kamelyo, at 6,720 asno. 68 Pagdating nila sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay ng kusang-loob na tulong sa muling pagpapatayo ng templo sa dati nitong pinagtayuan. 69 Nagbigay sila ayon sa makakaya nila para sa gawaing ito. At ang kabuuang natipon nila ay mga 500 kilong ginto, mga 3,000 kilong pilak, at 100 pirasong kasuotan para sa mga pari. 70 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa kani-kanilang bayan, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga mang-aawit, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga utusan sa templo.
Ang Pagpapatayo ng Bagong Altar
3 Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa. 2 Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod.[e] Ang nagpatayo nito ay si Jeshua[f] na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya. 3 Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon,[g] itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.
4 Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista. 5 Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[h] at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon. 6 Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.
Muling Ipinatayo ang Templo
7 Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.
8 Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas. 9 Silaʼy si Jeshua,[i] ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda.[j] Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.
10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel. 11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo. 12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak. 13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®