Chronological
1 Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.
Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem
Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. 2 Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag[a] sa Babilonia. 3 Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”
4 Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. 5 Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. 6 Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. 7 Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.
8 “Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. 9 Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’
10 “Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11 Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”
Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.
Pumunta si Nehemias sa Jerusalem
2 Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. 2 Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, 3 pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” 4 Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, 5 at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”
6 Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. 7 Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. 8 At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin.
9 Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. 10 Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.
Tiningnan ni Nehemias ang Pader ng Jerusalem
11 Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem, 12 umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Dios tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno. 13 Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon[b] hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa paliguan ng hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko. 15 Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.
16 Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Judio tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.
17 Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya.” 18 Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Dios sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin. Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila para simulan ang mabuting gawaing ito. 19 Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobia na isang opisyal na Ammonita, at ni Geshem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?” 20 Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Dios sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader ng Jerusalem. Pero kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
3 Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan[c] at sa Tore ni Hananel. 2 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri.
3 Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda.[d] Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
4 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. 5 At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain.
6 Ang nagtayo ng Lumang Pintuan[e] ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
7 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. 8 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. 9 Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. 10 Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya.
11 Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. 12 Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.
13 Ang nagtayo ng pintuang nakaharap sa lambak ay si Hanun at ang mga taga-Zanoa. Ikinabit nila ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka. Ipinatayo rin nila ang 450 metro na pader sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.
14 Ang nagtayo ng pintuan ng pinagtatapunan ng basura ay ang anak ni Recab na si Malkia, na pinuno ng distrito ng Bet Hakerem. Ikinabit niya ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka.
15 Ang nagtayo ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Col Hoze na si Shalum, na pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito, ikinabit ang mga pinto at ginawan ng mga trangka. Itinayo rin niya ang pader ng paliguan sa Siloam, malapit sa hardin ng hari, hanggang sa hagdanang pababa mula sa Lungsod ni David. 16 Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet Zur. Itinayo niya ang pader na nakaharap sa libingan[f] ni David hanggang sa pinag-iimbakan ng tubig at sa kampo ng mga sundalo.
17 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga Levita na pinamumunuan ni Rehum na anak ni Bani. Ang sumunod sa kanya ay si Hashabia na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 18 Ang sumunod sa kanya ay ang mga kababayan niya na pinamumunuan ng anak ni Henadad na si Binui,[g] na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 19 Ang sumunod ay ang anak ni Jeshua na si Ezer na pinuno ng Mizpa. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bodega ng mga sandata hanggang sa sulok ng pader. 20 Ang sumunod naman ay si Baruc na anak ni Zabai. Buong sipag niyang itinayo ang bahagi ng pader mula sa sulok nito hanggang sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib na punong pari. 21 Ang sumunod sa kanya ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib hanggang sa dulo ng bahay nito.
22 Ang sumunod na nagtayo ng bahagi ng pader ay ang mga pari sa paligid ng Jerusalem. 23 Ang sumunod sa kanila ay sina Benjamin at Hashub. Itinayo nila ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay nila. Ang sumunod sa kanila ay si Azaria na anak ni Maaseya at apo ni Anania. Itinayo niya ang bahagi ng pader sa bandang gilid ng bahay niya. 24 Ang sumunod ay si Binui na anak ni Henadad. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bahay ni Azaria hanggang sa sulok ng pader. Isa pang bahagi ng pader na ito ang kanyang ipinatayo. 25 Ang sumunod naman ay si Palal na anak ni Uzai. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa sulok ng pader at ng nakausling tore sa palasyo, malapit sa pinagpupwestuhan ng mga guwardya. Ang sumunod sa kanya ay si Pedaya na anak ni Paros, 26 at ang mga utusan sa templo na nakatira sa may bulubundukin ng Ofel. Itinayo nila ang bahagi ng pader pasilangan, hanggang sa Pintuan ng Tubig at sa nakausling tore. 27 Ang sumunod sa kanila ay ang mga taga-Tekoa. Itinayo nila ang bahagi ng pader mula sa malalaking toreng nakausli hanggang sa pader ng Ofel. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo.
28 Ang nagtayo ng bahagi ng pader na paahon mula sa Pintuan ng mga Kabayo ay ang mga pari. Itinayo ng bawat isa sa kanila ang bahagi na nakaharap sa bahay nila. 29 Ang sumunod sa kanila ay si Zadok na anak ni Imer. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Shecania na si Shemaya, na guwardya ng Pintuan sa Silangan. 30 Ang sumunod sa kanya ay si Hanania na anak ni Shelemia at si Hanun na ikaanim na anak ni Salaf. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo. Ang sumunod sa kanila ay si Meshulam na anak ni Berekia. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. 31 Ang sumunod naman ay si Malkia na isang platero. Itinayo niya ang bahagi ng pader hanggang sa tinitirhan ng mga utusan sa templo at ng mga mangangalakal, na nakaharap sa Pintuan ng Pinagtitipunan, at hanggang sa kwarto sa sulok na nasa itaas ng pader. 32 Ang nagtayo ng bahagi ng pader mula sa kwartong iyon hanggang sa pintuan na tinatawag na Tupa ay ang mga platero at mga mangangalakal.
Hinadlangan ang Pagpapatayo ng Pader
4 Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Judio. 2 Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Judiong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato ng pader!” 3 Sinabi pa ng Ammonitang si Tobia na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat[h] lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”
4 Agad akong nanalangin, “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. 5 Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak[i] nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader.”
6 Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa. 7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia, at ng mga taga-Arabia, taga-Ammon, at mga taga-Ashdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila. 8 Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem para guluhin kami. 9 Subalit nanalangin kami sa aming Dios at naglagay ng mga guwardya araw at gabi para maprotektahan ang mga sarili namin.
10 Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”
11 Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”
12 Ang mga Judio na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay. 13 Kaya naglagay ako ng mga tao para magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso. 14 Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo para mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Dios ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader. 16 Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda 17 na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata, 18 at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.
19 Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at malalayo ang ating pagitan habang nagtatrabaho, 20 kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Dios natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”
21 Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata. 22 Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi para magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila. 23 Dahil palagi kaming nagbabantay, ako at ang mga kamag-anak ko, mga tauhan, at mga guwardya ay hindi na nakapagpalit ng damit. At kahit pumunta sa tubig ay dala-dala namin ang aming mga sandata.
Tinulungan ni Nehemias ang mga Dukha
5 Dumaing ang ibang mga lalaki at ang mga asawa nila sa kapwa nila mga Judio. 2 Sinabi nila, “Malaki ang pamilya namin at kailangan namin ng pagkain para mabuhay.” 3 May iba rin sa kanila na nagsabi, “Isinanla na lang namin ang mga bukirin namin, mga ubasan, at ang mga bahay namin para may makain kami sa panahon ng taggutom.” 4 May iba pa sa kanila na nagsabi, “Nanghiram kami ng pera para makapagbayad ng buwis sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. 5 Kahit kami at ang mga anak namin ay kapwa nila Judio, kinailangang ipaalipin namin sa kanila ang aming mga anak para magkapera. Sa totoo lang, ang iba naming mga anak na babae ay ipinagbili na namin bilang alipin. Wala kaming magawa dahil ang aming mga bukirin at mga ubasan ay pagmamay-ari na ng iba.”
6 Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga hinaing nila. 7 Pinag-isipan kong mabuti ang kalagayan nila, at pinuntahan agad ang mga pinuno at mga opisyal, at pinaratangan sila. Sinabi ko, “Ginigipit nʼyo ang mga kababayan ninyo! Sapagkat tinutubuan nʼyo pa sila kapag nanghihiram sila sa inyo ng pera.” Pagkatapos, pinatipon ko agad ang mga tao para sa isang pulong. 8 Sinabi ko, “Sinisikap nating matubos ang mga kapwa natin Judio na nagbenta ng sarili nila bilang alipin sa mga dayuhan. Pero ngayon, dahil sa ginagawa nʼyo, napipilitan na din silang ibenta ang sarili nila bilang mga alipin. Palagi na lang ba natin silang tutubusin?” Tumahimik na lang sila dahil wala silang maidahilan.
9 Nagpatuloy ako sa pagsasalita, “Hindi maganda ang ginagawa ninyo. Dapat sanaʼy mamuhay kayo nang may takot sa Dios para hindi tayo tuyain ng ibang mga bansang kalaban natin. 10 Ako mismo at ang aking mga kamag-anak, pati ang mga tauhan ko ay nagpahiram ng pera at trigo sa mga kababayan nating nangangailangan. Pero huwag na natin silang pagbayarin sa mga utang nila![j] 11 Ngayon din ibalik nʼyo ang mga bukirin, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga bahay ng may utang sa inyo. Ibalik nʼyo rin ang tubo ng mga pinahiram ninyong pera, trigo, bagong katas ng ubas at langis.” 12 Sumagot sila, “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila. Hindi na namin sila sisingilin. Gagawin namin ang sinasabi mo.”
Ipinatawag ko ang mga pari at pinasumpa sa harapan nila ang mga pinuno at ang mga opisyal na tutuparin nila ang pangako nila. 13 Ipinagpag ko ang balabal[k] ko sa baywang ko at sinabi, “Ganito nawa ang gawin ng Dios sa mga bahay at ari-arian ninyo kapag hindi ninyo tinupad ang pangako ninyo. Kunin nawa niya ang lahat ng ito sa inyo.”
Ang lahat ng tao roon ay sumagot, “Siya nawa,” at pinuri nila ang Panginoon. At tinupad ng mga pinuno at ng mga opisyal ang pangako nila.
Ang Pagiging Mapagbigay ni Nehemias
14 Sa loob ng 12 taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon hanggang ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses, ako at ang mga kamag-anak ko ay hindi tumanggap ng pagkaing para sa gobernador. 15 Ngunit ang mga gobernador na nauna sa akin ay naging pasanin ng mga tao, dahil humihingi sila ng pang-araw-araw nilang pagkain at inumin maliban pa sa 40 pirasong pilak. Pati ang mga opisyal nila ay nang-abuso ng mga tao. Pero hindi ko ito ginawa, dahil may takot ako sa Dios. 16 Sa halip, ginawa ko ang lahat para maitayong muli ang pader sa tulong ng mga tauhan ko. At hindi ako[l] nang-angkin ng lupa. 17 Palagi kong pinapakain ang 150 Judiong opisyal bukod pa sa mga bisitang mula sa paligid na mga bansa. 18 Araw-araw akong nagpapakatay ng isang baka, anim na matatabang tupa, at mga manok. At tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng marami at ibaʼt ibang klaseng inumin. Sa kabila nito, hindi ako tumanggap ng pagkaing para sa gobernador, dahil nalaman kong nabibigatan na ang mga tao.
19 Nanalangin ako, “O aking Dios, nawaʼy pagpalain po ninyo ako sa lahat ng ginagawa ko para sa sambayanang ito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®