Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ester 1-5

Pinalitan si Vasti bilang Reyna

1-2 May isang hari sa Persia na ang pangalan ay Ahasuerus.[a] Nakatira siya sa palasyo niya sa lungsod ng Susa. Ang nasasakupan niya ay 127 probinsya mula sa India hanggang sa Etiopia.[b] Nang ikatlong taon ng paghahari niya, nagdaos siya ng malaking handaan para sa mga pinuno niya at sa iba pang lingkod sa palasyo. Dumalo rin ang mga pinuno ng mga kawal ng Persia at Media pati na ang mararangal na tao at mga pinuno ng mga probinsya. Ang handaang iyon ay tumagal ng anim na buwan. At sa loob ng mga panahong iyon, ipinakita ni Ahasuerus ang kayamanan ng kaharian niya, ang kanyang kapangyarihan, at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay.

Pagkatapos noon, naghanda rin ang hari para sa lahat ng mga taga-Susa, mayaman man o dukha. Ang handaang iyon ay ginanap sa hardin ng palasyo ng hari, at tumagal ng isang linggo. Naglagay sila ng kurtinang puti at asul na tinalian ng panaling gawa sa telang linen na kulay ube. At ikinabit sa mga argolya na pilak sa mga haliging marmol. Ang mga upuan ay yari sa ginto at pilak. Ang sahig naman nito ay may disenyong yari sa kristal, marmol, nakar,[c] at iba pang mamahaling bato. 7-8 Pati ang mga kopa na iniinuman ng mga panauhin ay yari sa ginto na ibaʼt iba ang hugis at disenyo. Nag-utos ang hari sa mga alipin niya na bigyan ng mamahaling alak ang mga panauhin niya hanggaʼt gusto nila.

Habang nagdadaos ng handaan ang hari para sa mga kalalakihan, nagdadaos din ng handaan si Reyna Vasti para sa mga kababaihan sa palasyo ni Haring Ahasuerus.

10 At sa ikapitong araw ng pagdiriwang, masayang-masaya ang hari dahil sa labis na nainom. Ipinatawag niya ang pitong pinuno niya na may matataas na katungkulan na personal na nag-aasikaso sa kanya. Itoʼy sina, Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas. 11 Pagkatapos, ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang kanyang korona para ipakita ang kagandahan niya sa mga pinuno at mga panauhin, dahil talagang maganda ito. 12 Pero nang masabi ng mga lingkod sa reyna ang gusto ng hari, sinabi nitong ayaw niyang pumunta roon. Kaya nagalit ang hari sa kanya.

13 Nakaugalian na noon ng hari na humingi ng payo sa mga pantas na siyang nakakaalam ng mga batas at kaugalian ng kaharian. 14 Ang palagi niyang hinihingan ng payo ay sina Carshena, Shetar, Admata, Tarshish, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Persia at Media, at malapit sila sa hari.

15 Nagtanong ang hari sa kanila, “Ayon sa batas ng kaharian ng Persia, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil hindi siya sumunod sa utos ko sa pamamagitan ng aking mga lingkod?” 16 Sumagot si Memucan, “Mahal na Hari, nagkasala po si Reyna Vasti hindi lang sa inyo, kundi pati na rin sa mga pinuno ng kaharian ng Persia at Media at sa mga mamamayan ng buong kaharian. 17 Ang ginawa ni Reyna Vasti ay tiyak na malalaman ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian at gagayahin din nila iyon. Hindi rin sila magsisisunod sa asawa nila. Dahil mangangatwiran sila na si Reyna Vasti nga ay hindi sumunod noong pinapapunta siya ng hari roon sa kanya. 18 Kaya simula ngayon, maaaring ito rin ang gawin ng mga asawa ng mga pinuno ng Persia at Media, na makakabalita sa ginawa ng reyna. Kaya ang mangyayari, hindi na igagalang ng mga asawang babae ang kanilang mga asawang lalaki, at magagalit ang mga ito sa kanila.

19 “Kaya kung gusto ninyo Mahal na Hari, iminumungkahi namin, na gumawa kayo ng isang kautusan na huwag nang magpakita pa sa inyo si Reyna Vasti, at palitan ninyo siya ng reynang mas mabuti kaysa sa kanya. Ipasulat po ninyo ang kautusang ito, at isama sa mga kautusan ng kaharian ng Persia at Media para hindi na mabago. 20 At kapag naipahayag na ito sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang mga asawa nila mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba.”

21 Nagustuhan ng hari at ng mga pinuno ang payo ni Memucan, kaya sinunod niya ito. 22 Ipinasulat niya ito at ipinadala sa lahat ng probinsya na nasasakupan ng kaharian niya ayon sa kanilang wika. Sinasabi sa sulat na ang lalaki ang siyang dapat mamuno sa sambahayan niya.

Naging Reyna si Ester

Nang mawala na ang galit ni Haring Ahasuerus, naalala niya si Vasti at ang ginawa nito, at ang kautusan na nilagdaan niya laban dito. Sinabi ng mga pinunong naglilingkod sa kanya, “Mahal na Hari, bakit po hindi kayo maghanap ng magagandang dalagang birhen? Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat probinsyang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda. At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.

Nang panahong iyon, may isang Judio na nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Shimei na anak ni Kish, na kabilang sa lahi ni Benjamin. Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jehoyakin[d] ng Juda. Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hugis ng katawan nito.

Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon. Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Binigyan niya agad ng pagkain si Ester at ng mga kailangan nito sa pagpapaganda. Ipinili niya ito ng pinakamagandang kwarto at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Hindi sinabi ni Ester na isa siyang Judio, dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin. 11 Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester (at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya).

12 Bago humarap ang isang babae sa hari, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda. 13 At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari. 14 Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Shaasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari.

15-16 Nang ikasampung buwan, buwan ng Tibet, at ikapitong taon ng paghahari ni Ahasuerus, dumating ang araw na si Ester[e] na ang haharap sa hari sa palasyo. Sinunod ni Ester ang payo ni Hegai, ang pinunong nangangalaga sa kanila sa tahanan ng mga babae. Isinuot niya ang damit na sinabi ni Hegai na isuot niya. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya, at dinala siya sa palasyo ng hari.

17 Nagustuhan ng hari si Ester ng higit kaysa sa ibang mga dalaga na dinala sa kanya. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ang hari ng malaking handaan para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa lahat at sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari

19 Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo. 20 Hindi pa rin sinasabi ni Ester na isa siyang Judio, tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito.

21 Nang panahong si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang pinuno ng hari na ang mga pangalan ay Bigtana[f] at Teres. Sila ang mga guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari. Galit sila kay Haring Ahasuerus, at nagplano silang patayin ito. 22 Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. 23 Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[g] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. At sinabi niyang isa siyang Judio.[h] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.

Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[i] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”

10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[j] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.

Humingi ng Tulong si Mordecai kay Ester

Nang malaman ni Mordecai ang plano laban sa kanila, pinunit niya ang damit niya bilang pagpapakita ng kanyang pagdadalamhati. At nagsuot siya ng sako, naglagay ng abo sa ulo, at pumasok sa lungsod na umiiyak nang napakalakas. Pero hanggang doon lang siya sa labas ng pintuan ng palasyo, dahil hindi pinapayagang pumasok sa palasyo ang nakasuot ng sako. Ang mga Judio sa bawat probinsya na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo.

Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.

Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.

Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11 “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13 ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14 Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”

15 Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”

17 Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.

Nakiusap si Ester sa Hari

Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.

Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”

Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai

Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.

Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®