Chronological
46 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 2 Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[a] Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi. 3 Sasamba rin sa akin ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 4 Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa akin bilang handog na sinusunog. 5 Ang handog ng pagpaparangal sa akin na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
6 “Sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan. 7 Ang handog ng pagpaparangal sa akin ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 8 Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan paglabas niya.
9 “Kapag sumamba sa akin ang mga mamamayan sa templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila. 10 Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.
11 “Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog ng pagpaparangal sa akin na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 12 Kapag ang pinuno ay mag-aalay ng handog na sinusunog o handog para sa mabuting relasyon na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, sasarhan agad ang pinto.
13 “Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 14 Sasamahan ito ng handog ng pagpaparangal sa akin na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog ng pagpaparangal sa akin ay dapat sundin magpakailanman. 15 Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinunsunog.”
16 Sinabi rin ng Panginoong Dios, “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habang buhay. 17 Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay papalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman. 18 Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay para hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”
19 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito. 20 Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan,[b] handog sa paglilinis, at handog ng pagpaparangal sa Panginoon. Dito sila magluluto para maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”[c]
21-22 Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito. Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na 68 talampakan ang haba at 50 talampakan ang luwang, at pare-pareho ang laki nito. 23 Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan. 24 Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa templo ng handog ng mga tao.”
Ang Bukal na Dumadaloy mula sa Templo
47 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa pintuan ng templo, at nakita ko roon ang umaagos na tubig na papuntang silangan mula sa ilalim ng pintuan ng templo. (Ang templo ay nakaharap sa gawing silangan.) At umagos ang tubig pakanan, sa bandang timog ng altar. 2 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa gawing hilaga. At inilibot niya ako sa labas patungo sa daanan sa silangan. Nakita ko roon ang tubig na umaagos mula sa gawing hilaga ng daan. 3 Naglakad kami papunta sa gawing silangan sa tabi ng tubig, at patuloy siya sa pagsukat. Nang mga 1,700 talampakan na ang nalakad namin, pinalusong niya ako sa tubig na hanggang bukong-bukong. 4 At nagsukat uli siya ng 1,700 talampakan at muli akong pinalusong sa tubig na hanggang tuhod na. Nagsukat pa ulit siya ng 1,700 talampakan at pinalusong akong muli sa tubig na hanggang baywang na. 5 Nagsukat ulit siya ng 1,700 talampakan pero hindi na ako makalusong dahil malalim na ang tubig sa ilog at kailangan nang languyin.
6 Sinabi ng tao sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti ang nakita mo.” At dinala niya ako sa pampang ng ilog na iyon. 7 Nang naroon na ako, marami akong nakitang kahoy sa magkabilang pampang. 8 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na itoʼy dumadaloy sa lupain sa silangan papunta sa Araba[d] papunta sa Dagat na Patay. Ang dagat na ito ay magiging sariwang tubig na at hindi maalat. 9 At kahit saan ito dumaloy, marami nang isda at iba pang nabubuhay sa tubig ang mabubuhay dahil pinapasariwa nito ang maalat na tubig. 10 Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat. 11 Ngunit ang mga latian sa palibot ng Dagat na Patay ay mananatiling maalat para may makuhanan ng asin ang mga tao. 12 Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”
Ang mga Hangganan ng Lupa
13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ito ang mga hangganan ng mga lupaing paghahati-hatiin ng 12 lahi ng Israel bilang mana nila. Bigyan ninyo ng dalawang bahagi na mamanahin ang lahi ni Jose. 14 Pantay-pantay ang gawin ninyong paghahati-hati ng lupain, dahil ipinangako ko sa mga magulang ninyo na ibibigay ko ito sa kanila para manahin ninyo. 15 Ito ang mga hangganan:
“Ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat ng Mediteraneo papuntang Hetlon, sa Lebo Hamat sa Zedad, 16 sa Berota, sa Sibraim, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat hanggang sa Haser Haticon na nasa hangganan ng Hauron. 17 Kaya ang hangganan sa hilaga ay magsisimula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Hazar Enan, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga.
18 “Ang hangganan sa silangan ay mula sa hangganan ng Hauran at Damascus papuntang Ilog ng Jordan (sa pagitan ng Gilead at ng Israel) patungo sa Dagat na Patay[e] hanggang sa Tamar.[f] Ito ang hangganan sa silangan.
19 “Ang hangganan naman sa Timog ay simula sa Tamar patungo sa bukal ng Meriba Kadesh[g] hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan sa Timog.
20 “Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo hanggang sa tapat ng Lebo Hamat.
21 “Ito ang lupaing paghahati-hatiin ninyo sa bawat lahi. 22 Ito ang pinakamana ninyo at ng mga dayuhang nakatira kasama ninyo na ang mga anak ay ipinanganak sa Israel. Ituring ninyo silang parang tunay na katutubong Israelita, at bigyan din ninyo sila ng lupang mamanahin ng mga lahi ng Israel. 23 Kung saang angkan sila naninirahan, doon din sa angkan na iyon magmumula ang bahagi nilang lupain. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Paghahati-hati ng Lupain sa Bawat Lahi
48 Ito ang talaan ng mga lahi ng Israel at ang mga lupaing magiging bahagi nila: Ang lupain para sa lahi ni Dan ay nasa hilaga. Ang hangganan nito ay magsisimula sa Hetlon patungo sa Lebo Hamat hanggang sa Hazar Enan na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga. Ang luwang ng lupain para sa lahi ni Dan ay magmumula sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
2 Ang lupain ng lahi ni Asher ay nasa bandang timog ng lupain ng lahi ni Dan, at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
3 Katabi ng lupain ng lahi ni Asher ang lupain ng lahi ni Naftali na nasa hilaga ng lupain ni Asher at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
4 Ang lupain ng lahi ni Manase ay nasa gawing timog ng lupain ng lahi ni Naftali, at ang luwang nito ay mula pa rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
5-7 Ang susunod pang mga lupa ay pag-aari ng lahi nina Efraim, Reuben, at ni Juda, na ang lawak ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
8 Ang lupain sa bandang hilaga ng Juda ay ibibigay ninyo sa Panginoon bilang tanging handog. Ang haba nito ay 12 kilometro at ang luwang ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel, katulad din ng sa mga lahi ng Israel. Sa gitna ng lupang ito itatayo ang templo. 9 Ang bahaging ibibigay ninyo sa Panginoon para pagtayuan ng templo ay 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang. 10 At ang natitirang kalahati ng lupaing ito ay para sa mga pari, 12 kilometro ang haba mula sa silangan hanggang sa kanluran, at 5 kilometro ang luwang mula timog hanggang hilaga. Sa gitna nito ay ang templo ng Panginoon. 11 Ang lupang ito ay para sa mga hinirang na pari, na anak ni Zadok, na aking tapat na lingkod. Hindi siya lumayo sa akin, hindi katulad ng ginawa ng ibang Levita na sumama sa mga Israelitang tumalikod sa akin. 12-13 Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa. Katabi nito ay ang lupain para sa ibang Levita na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. 14 Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon.
15 Ang natitirang lupain na 12 kilometro ang haba at dalawaʼt kalahating kilometro ang luwang ay para sa lahat. Maaari itong tirahan ng tao o pastulan ng kanilang mga hayop. Sa gitna nito ay ang lungsod 16 na ang luwang ay dalawang kilometro sa gawing kanluran, dalawang kilometro sa gawing silangan, dalawang kilometro sa gawing hilaga, at dalawang kilometro rin sa gawing timog. 17 Napapaikutan ito ng bakanteng bahagi na 125 metro ang luwang sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog. 18 Sa labas ng lungsod ay may bukid na ang haba ay limang kilometro sa gawing silangan at limang kilometro rin sa gawing kanluran. Katabi ito ng banal na lupa. Ang mga ani mula sa bukid na ito ay magiging pagkain ng mga nagtatrabaho sa lungsod 19 na mula sa ibaʼt ibang lahi ng Israel. Maaari silang magtanim sa lupang ito. 20 Kaya ang kabuuan ng lupaing ibibigay ninyo sa Panginoon bilang natatanging handog pati na ang banal na lupa at ang lungsod ay 12 kilometro kwadrado.
21-22 Ang natitirang lupain sa gawing silangan at kanluran ng banal na lupain at ng lungsod ay para sa pinuno. Ang mga lupaing ito ay may luwang na 12 kilometro na umaabot hanggang sa hangganan sa silangan at kanluran. Kaya sa gitna ng lupain na para sa pinuno ay ang aking banal na lugar, ang templo, ang lupain ng mga Levita, at ang bayan. Ang lupaing para sa pinuno ay nasa gitna ng lupain ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin.
23 Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
24 Katabi ng lupain ng lahi ni Benjamin sa gawing timog ay ang lahi ni Simeon at ang haba nito ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
25-27 Ang susunod pang mga bahagi ay sa lahi nina Isacar, Zebulun at Gad, na ang haba ay pawang mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel. 28 Ang hangganan sa timog ng lupaing para sa lahi ni Gad ay magsisimula sa Tamar patungo sa bukal ng Meribat Kadesh[h] hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo.
29 Ito ang mga lupaing tatanggapin ng mga lahi ng Israel na kanilang mamanahin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
Ang mga Pintuan ng Lungsod ng Jerusalem
30-34 Ang lungsod ng Jerusalem ay napapalibutan ng pader. Sa bawat panig nito ay may tatlong pintuan. Ang tatlong pintuan sa gawing hilaga ng pader ay tatawaging Reuben, Juda, at Levi. Ang tatlong pintuan sa gawing silangan ay tatawaging Jose, Benjamin at Dan. Ang tatlong pintuan sa gawing timog ay tatawaging Simeon, Isacar at Zebulun. At ang tatlong pintuan sa gawing kanluran ay tatawaging Gad, Asher, at Naftali. Ang bawat pader sa ibaʼt ibang panig ay 2,250 metro ang haba. 35 Kaya ang kabuuang haba ng pader ay 9,000 metro. At mula sa araw na iyon, ang lungsod ay tatawaging, “Naroon ang Panginoon!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®