Chronological
Ang mga Huling Araw ni Haring David
1 Matandang-matanda na si Haring David at kahit kumutan pa siya ng makapal ay giniginaw pa rin siya. 2 Kaya sinabi ng kanyang mga lingkod, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po kaming maghanap ng isang dalagita na mag-aalaga sa inyo. Tatabihan po niya kayo para hindi kayo ginawin.” 3 Kaya naghanap sila ng magandang dalagita sa buong Israel, at nakita nila si Abishag na taga-Shunem, at dinala nila siya sa hari. 4 Talagang maganda si Abishag at naging tagapag-alaga siya ng hari. Pero hindi sumiping ang hari sa kanya.
Gusto ni Adonia na Maging Hari
5 Ngayon, si Adonia na anak ni David kay Hagit ay nagmamayabang na siya ang susunod na magiging hari. Kaya naghanda siya ng mga karwahe at mga kabayo[a] at 50 tao na magsisilbing tagabantay na mauuna sa kanya. 6 Hindi siya kailanman pinakialaman ng kanyang ama na si David, at hindi sinaway sa kanyang mga ginagawa. Napakaguwapong lalaki ni Adonia at ipinanganak siyang kasunod ni Absalom. 7 Nakipag-usap siya kay Joab na anak ni Zeruya at sa paring si Abiatar tungkol sa balak niyang maging hari, at pumayag ang dalawa na tumulong sa kanya. 8 Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaya na anak ni Jehoyada, gayon din sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.
9 Isang araw, pumunta si Adonia sa Bato ng Zohelet malapit sa En Rogel at naghandog siya roon ng mga tupa, mga baka, at mga pinatabang guya. Inimbita niya ang halos lahat ng kapatid niyang lalaki kay David at ang halos lahat ng pinuno ng Juda. 10 Pero hindi niya inimbita ang propetang si Natan, si Benaya, ang magigiting na bantay ng hari at si Solomon na kanyang kapatid.
11 Pumunta si Natan kay Batsheba na ina ni Solomon, at nagtanong, “Hindi mo ba alam na ang anak ni Hagit na si Adonia ay ginawang hari ang sarili at hindi ito alam ni Haring David? 12 Kung gusto mong maligtas ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon, sundin mo ang payo ko. 13 Puntahan mo si Haring David at sabihin mo sa kanya, ‘Mahal na Hari, hindi po baʼt nangako kayo sa akin na ang anak nating[b] anak na si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari? Bakit si Adonia po ang naging hari?’ 14 At habang nakikipag-usap ka sa hari, papasok ako at patutunayan ko ang iyong sinasabi.”
15 Kaya nagpunta si Batsheba sa kwarto ng hari. Matanda na talaga ang hari at si Abishag na taga-Shunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumukod si Batsheba at lumuhod sa hari bilang paggalang. Tinanong siya ng hari, “Ano ang kailangan mo?”
17 Sumagot si Batsheba, “Mahal na Hari, nangako po kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon na inyong Dios, na ang anak nating si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari. 18 Ngunit ipinalagay ni Adonia na siya na ang hari ngayon, at hindi mo ito alam. 19 Naghandog siya ng maraming torong baka, mga pinatabang guya at mga tupa. Inanyayahan niya ang lahat ng anak mong lalaki, maliban kay Solomon na iyong lingkod. Inanyayahan din niya ang paring si Abiatar at si Joab na kumander ng inyong mga sundalo. 20 Ngayon, Mahal na Hari, naghihintay po ang mga Israelita sa inyong pasya kung sino po ang papalit sa inyo bilang hari. 21 Kung hindi kayo magpapasya, ako at ang anak nating si Solomon ay ituturing nilang traydor kapag namatay kayo.”
22 Habang nakikipag-usap si Batsheba sa hari, dumating ang propetang si Natan. 23 Pumunta sa silid ng hari ang kanyang lingkod at sinabi na dumating si Natan at nais siyang makausap, kaya ipinatawag siya ng hari. Pagpasok ni Natan nagpatirapa siya sa hari bilang paggalang, 24 at sinabi, “Mahal na Hari, sinabi po ba ninyong si Adonia ang siyang papalit sa inyo bilang hari? 25 Ngayong araw na ito, naghandog siya ng maraming toro, pinatabang guya at mga tupa. At inimbita niya ang halos lahat ng inyong anak na lalaki, ang kumander ng iyong mga sundalo at ang paring si Abiatar. Ngayoʼy kumakain at nag-iinuman sila at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonia!’ 26 Pero ako na inyong lingkod ay hindi niya inimbita, pati na rin ang paring si Zadok, si Benaya na anak ni Jehoyada at si Solomon na inyong lingkod. 27 Ito po ba ang pasya ninyo, Mahal na Hari, na hindi nʼyo na ipinaalam sa amin kung sino ang papalit sa inyo bilang hari?”
Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari
28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari. 29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan, 30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”
31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman,[c] Mahal na Haring David!” 32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola[d] at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno. 34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”
36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito. 37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.” 38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon. 39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.
41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?” 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.” 43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon. 44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig. 46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari. 47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon, 48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”
49 Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonia, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis. 50 Natakot din si Adonia kay Solomon, kaya pumunta siya sa tolda na sinasambahan at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[e]
51 May nagsabi kay Solomon, “Natakot sa inyo si Adonia, at ngayoʼy nakahawak siya sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.” 52 Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak.[f] Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.” 53 Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonia roon sa altar, at pagdating ni Adonia, yumukod siya kay Haring Solomon bilang paggalang. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”
Ang mga Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, 3 at sundin ang mga iniuutos ng Panginoon na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. 4 Kung gagawin mo ito, tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel.
5 “Ito pa ang bilin ko sa iyo: Nalaman mo kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruya. Pinatay niya ang dalawang kumander ng mga sundalo ng Israel na si Abner na anak ni Ner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sila na parang mga kaaway, pero ginawa niya iyon sa panahon na walang labanan. Siya ang may pananagutan sa pagkamatay nila.[g] 6 Kaya gawin mo ang naiisip mong mabuting gawin sa kanya, pero huwag mong hayaan na payapa siyang mamatay sa katandaan.
7 “Ngunit maging mabuti ka sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead at pakainin silang kasama mo, dahil tinulungan nila ako nang tumakas ako sa kapatid mong si Absalom.
8 “Tandaan mo si Shimei na anak ni Gera, na taga-Bahurim at mula sa lahi ni Benjamin. Isinumpa niya ako ng matindi nang pumunta ako sa Mahanaim. Pero nang magkita kami sa Ilog ng Jordan, nakipagkasundo ako sa kanya sa pangalan ng Panginoon na hindi ko siya papatayin. 9 Pero ngayon, ikaw ang hahatol sa kanya. Matalino ka, at alam mo kung ano ang dapat gawin. Kahit matanda na siya, ipapatay mo siya.”
10 Pagkatapos, namatay si David at inilibing sa kanyang lungsod.[h] 11 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon – pitong taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 12 Si Solomon ang pumalit sa ama niyang si David bilang hari, at tunay na matatag ang kaharian niya.
Namatay si Adonia
13 Ngayon, si Adonia na anak ni Hagit ay pumunta kay Batsheba na ina ni Solomon. Nagtanong si Batsheba sa kanya, “Mabuti ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Adonia, “Mabuti po. 14 May hihilingin lang ako sa inyo.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba ang hihilingin mo?” 15 Sumagot si Adonia, “Nalalaman ninyo na ako na sana ang naging hari, at hinihintay ito ng buong Israel. Pero iba ang nangyari; ang kapatid ko ang siyang naging hari, dahil iyan ang gusto ng Panginoon. 16 Ngayon, may hihilingin ako sa inyo. At kung maaari, huwag nʼyo akong biguin.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba iyon?” 17 Sumagot si Adonia, “Kung maaari ay hilingin nʼyo kay Haring Solomon na mapangasawa ko si Abishag na taga-Shunem. Alam kong hindi siya tatanggi sa inyo.” 18 Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.”
19 Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para sabihin sa kanya ang tungkol sa kahilingan ni Adonia. Pagkakita ni Solomon sa kanya, tumayo si Solomon mula sa kanyang trono para salubungin siya, at agad siyang yumukod sa kanyang ina bilang paggalang. Pagkatapos, muli siyang naupo sa kanyang trono. Nagpakuha siya ng upuan at ipinalagay sa kanan niya at doon pinaupo ang kanyang ina. 20 Sinabi ni Batsheba, “Mayroon akong maliit na kahilingan sa iyo. Huwag mo sana akong tatanggihan.” Sumagot ang hari, “Ano po ang hihilingin ninyo? Hindi ko kayo bibiguin.” 21 Sinabi ni Batsheba, “Hayaan mong mapangasawa ng iyong kapatid na si Adonia si Abishag na taga-Shunem.”
22 Nagtanong si Haring Solomon, “Bakit hinihiling ninyo na mapangasawa ni Adonia si Abishag? Baka hilingin nʼyo rin na ibigay ko sa kanya ang kaharian ko dahil mas matanda siya sa akin at kakampi niya ang paring si Abiatar at si Joab na anak ni Zeruya!” 23 Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa pangalan ng Panginoon, “Parusahan sana ako ng Dios kung hindi ko mapatay si Adonia dahil sa kahilingan niya. 24 Ang Panginoon ang siyang nagluklok sa akin sa trono ng aking amang si David. Tinupad niya ang kanyang pangako na ibibigay niya ang kaharian sa akin at sa aking mga angkan. Kaya sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na mamamatay si Adonia sa araw na ito!” 25 Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito.
26 Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong Dios noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.” 27 Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli.
Namatay si Joab
28 Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[i] 29 Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab. 30 Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab. 31-32 Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya sa kanila. 33 Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.”
34 Kaya pinuntahan ni Benaya si Joab at pinatay. Inilibing siya malapit sa bahay[j] niya sa ilang. 35 Pagkatapos, ipinalit ng hari si Benaya kay Joab bilang kumander ng mga sundalo at ang ipinalit niya kay Abiatar ay ang paring si Zadok.
Ang Pagkamatay ni Shimei
36 Ipinatawag ng hari si Shimei at sinabi sa kanya, “Magpatayo ka ng sarili mong bahay sa Jerusalem at doon ka tumira. Huwag kang umalis sa lungsod at pumunta sa ibang lugar. 37 Sa oras na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron, tiyak na mamamatay ka. At kapag nangyari ito, ikaw na ang may pananagutan nito.” 38 Sumagot si Shimei, “Mabuti po ang sinabi nʼyo, susundin ko ito!” Kaya tumira si Shimei sa Jerusalem nang matagal na panahon. 39 Pero pagkalipas ng tatlong taon, lumayas ang dalawa sa mga alipin ni Shimei, at pumunta sa hari ng Gat na si Akish, na anak ni Maaca. Nang mabalitaan ito ni Shimei, 40 nilagyan niya agad ng upuan ang kanyang asno at sumakay, pumunta siya kay Akish sa Gat para hanapin ang dalawang alipin niya. Nakita niya sila at isinama pauwi.
41 Nang mabalitaan ni Solomon na umalis si Shimei sa Jerusalem at pumunta sa Gat at nakabalik na, 42 ipinatawag niya ito at sinabihan, “Hindi baʼt pinasumpa kita sa pangalan ng Panginoon at binalaan na sa oras na umalis ka sa Jerusalem at pumunta sa ibang lugar ay tiyak na mamamatay ka? At hindi ba sinabi mo na mabuti ang sinabi ko at susundin mo ito? 43 Ngayon, bakit hindi mo sinunod ang ipinangako mo sa Panginoon? Bakit hindi mo tinupad ang mga iniutos ko sa iyo?”
44 Sinabi pa ng hari sa kanya, “Tiyak na naaalala mo ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, gagantihan ka ng Panginoon sa masamang ginawa mo. 45 Pero pagpapalain ako ng Panginoon, at ang kaharian ng aking ama na si David ay magpapatuloy sa kanyang mga angkan magpakailanman.”
46 Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaya na patayin si Shimei. Kaya dinala ni Benaya si Shimei sa labas at pinatay.
Mas lalong tumatag ang kaharian sa ilalim ng pamamahala ni Solomon.
Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao
37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2 dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.
3 Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4 Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6 Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7 Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8 Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9 Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.
12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.
21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.
27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.
34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.
35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
Ang Dios ang Hukom ng Lahat
94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
2 Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
kaya sige na po Panginoon,
gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
3 Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
4 Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
5 Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
6 Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
7 Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”
8 Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
Unawain ninyo ito:
9 Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®