Chronological
Mga Tuntunin sa Templo
44 Muli akong dinala ng tao sa pintuang palabas ng templo sa gawing silangan, pero nakasarado ito. 2 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay kinakailangang palaging nakasara at hindi dapat buksan para walang makadaan, dahil ako, ang Panginoong Dios ng Israel ay dumaan dito. 3 Ang pinuno lang ng Israel ang makakaupo rito sa daanan para kumain ng inihandog sa akin, pero roon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya lalabas.”
4 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa harap ng templo. Doon kami dumaan sa daanan sa gawing hilaga. Nakita ko roon ang dakilang presensya ng Panginoon na nakapalibot sa templo niya, at nagpatirapa ako. 5 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo tungkol sa lahat ng tuntunin sa aking templo. Alamin mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok at ang hindi. 6 Sabihin mo sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ng Israel, tigilan na ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. 7 Pinapapasok ninyo sa aking templo ang mga dayuhang hindi naniniwala sa akin. Sa ganitong paraan, dinudungisan ninyo ang templo ko kahit na naghahandog pa kayo ng mga pagkain, taba, at dugo. Maliban sa kasuklam-suklam ninyong ginagawa, nilalabag pa ninyo ang kasunduan ko. 8 Sa halip na kayo ang mamamahala sa mga banal na bagay sa templo, ipinauubaya ninyo ito sa ibang tao. 9 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, walang dayuhan na hindi naniniwala sa akin ang papayagang pumasok sa templo ko, kahit na ang mga dayuhang nakatira kasama ninyo.
10 “Tungkol naman sa mga Levita na tumalikod sa akin at sumama sa ibang Israelita na sumamba sa mga dios-diosan, pagdurusahan nila ang kasalanan nila. 11 Maaari silang maglingkod sa akin bilang mga tagapagbantay sa pintuan at tagakatay ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog ng mga tao. Maaari rin silang maglingkod sa mga tao sa templo. 12 Ngunit dahil sumamba sila sa mga dios-diosan habang naglilingkod sa mga tao, at dahil din dooʼy nagkasala ang mga mamamayan ng Israel, isinusumpa kong pagdurusahan nila ang kasalanan nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa. 14 Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.
15 “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo. 17 Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo. 18 Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila. 19 At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.[a]
20 “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit. 21 Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo. 22 Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari. 23 Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis. 24 Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa. 26 Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis[b] at maghintay ng pitong araw, 27 bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
28 Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila. 29 Ang pagkain nila ay magmumula sa mga handog ng pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan.[c] Ang anumang bagay na itinalaga para sa akin ay para sa kanila. 30 Ang pinakamagandang unang ani ninyo at mga natatanging handog para sa akin ay para sa mga pari. Bigyan din ninyo ng inyong pinakamagandang klase ng harina ang mga pari, para pagpalain ang sambahayan ninyo. 31 Ang mga pari ay hindi dapat kumain ng anumang ibon o hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop.”
Ang Partihan ng Lupa
45 Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro[d] ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal. 2 Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang. 3-4 Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar. 5 Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.[e]
6 “Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon. 7 Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel. 8 Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.
Mga Utos para sa mga Pinuno ng Israel
“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila. 9 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan. 10 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan. 11 Ang ‘homer’[f] ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang ‘homer’ ay sampung ‘epa’[g] o sampung ‘bat’.[h] 12 Ang ‘shekel’[i] ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang ‘shekel’ ay 20 ‘gera’, at ang 60 ‘shekel’ ay isang ‘mina’.
Mga Natatanging Kaloob at mga Araw
13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,[j] 14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’), 15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon,[k] upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel. 17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”
Ang mga Pista(A)
18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo. 19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob. 20 Ganito rin ang gawin ninyo sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang hindi nalalaman. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang templo.
21 “Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo. 22 Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita. 23 Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa akin. At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 24 Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog ng pagpaparangal sa akin, kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo. 25 Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay maghahandog ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog sa paglilinis, handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin at langis.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®