Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 32-34

Inihalintulad sa Buwaya ang Hari ng Egipto

32 Noong unang araw ng ika-12 buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10 Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo. 11 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing lulusubin ka sa pamamagitan ng espada ng hari ng Babilonia. 12 Ipapapatay ko ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng espada ng mga makapangyarihang tao na siyang pinakamalupit sa lahat ng bansa. Lilipulin nila ang lahat ng tao sa Egipto at ang mga bagay na ipinagmamalaki ng bansang ito. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Egipto na nanginginain[a] sa tabi ng ilog. Kaya wala nang hayop o taong magpapalabo ng tubig nito. 14 Palilinawin ko ang tubig nito, at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang Egipto at nawasak ko na ang lahat, at kapag napatay ko na rin ang mga nakatira rito, malalaman nila na ako ang Panginoon.

16 “Ito ang panaghoy ng mga mamamayan ng mga bansa para sa Egipto at sa mga mamamayan nito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

17 Noong ika-12 taon, nang ika-15 araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Egipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios[b] 20 na nangamatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Egipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Egipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin papunta sa kapahamakan. 21 Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Egipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.’

22-23 “Naroon din ang hari ng Asiria na napapaligiran ng libingan ng mga sundalo niyang namatay sa digmaan. Ang mga libingan nila ay naroon sa pinakamalalim na bahagi ng kailaliman. Ang mga taong itoʼy naghasik ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila.

24 “Naroon din ang hari ng Elam. Ang libingan naman niya ay napapaligiran ng libingan ng kanyang mga tauhan. Namatay silang lahat sa digmaan. Nagsibaba sila roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios. Noong nabubuhay pa sila, naghasik sila ng takot sa mga tao sa daigdig, pero ngayon, inilalagay sila sa kahihiyan kasama ng ibang mga namatay na. 25 May himlayan din doon ang hari ng Elam kasama ng mga namatay sa digmaan. Ang libingan niya ay napapalibutan ng libingan ng kanyang mga tauhan. Lahat sila ay hindi naniniwala sa Dios at silang lahat ay namatay din sa digmaan. Naghasik sila ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila. Pero inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay kasama ng mga namatay sa digmaan.

26 “Naroon din ang hari ng Meshec at ng Tubal. Napapalibutan din ang libingan nila ng libingan ng kanilang mga tauhan. Silang lahat ay hindi naniniwala sa Dios, at namatay din sa digmaan. Kinatatakutan sila noong nabubuhay pa sila. 27 Hindi sila binigyan ng marangal na libing katulad ng mga tanyag na mandirigma na hindi naniniwala sa Dios, na noong inilibing ay nasa ulunan nila ang kanilang espada at ang kanilang pananggalang ay nasa kanilang dibdib. Pero noong nabubuhay pa sila kinatatakutan din sila ng mga tao.

28 “At ikaw, Faraon, ay mamamatay din at mahihimlay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.

29 “Naroon din sa lugar ng mga patay[c] ang hari ng Edom at ang lahat ng pinuno niya. Makapangyarihan sila noon, pero ngayon, nakalibing na sila kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.

30 “Naroon din ang mga Sidoneo at ang lahat ng pinuno ng mga bansa sa hilaga. Kinatatakutan din sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila dahil sa kapangyarihan nila, pero ngayon, inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan. 31 Kapag nakita na ng Faraon ang mga namatay doon sa lugar ng mga patay, masisiyahan siya at ang mga sundalo niya dahil hindi lang sila ang namatay sa digmaan. 32 Kahit ipinahintulot kong katakutan sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila, mamamatay sila kasama ng mga hindi naniniwala sa akin na namatay sa digmaan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ginawa ng Dios na Bantay ng Israel si Ezekiel(A)

33 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo ito sa mga kababayan mo: Kapag ipapasalakay ko ang isang bayan, ang mga mamamayan sa lugar na iyon ay pipili ng isa sa mga kababayan nila na magiging bantay ng kanilang lungsod. Kapag nakita ng bantay na iyon na paparating na ang mga kaaway, patutunugin niya ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao. Ang sinumang makarinig sa babala pero nagsawalang-bahala at napatay nang nilusob sila, siya ang may pananagutan sa kanyang kamatayan. Sapagkat nang marinig niya ang babala ay hindi niya pinansin. Kaya siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lang sana siya, nailigtas sana niya ang kanyang sarili. Pero kung nakita naman ng bantay na lulusubin na sila ng mga kaaway at hindi niya pinatunog ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao, at may mga napatay na kababayan niya, pananagutin ko ang bantay sa pagkamatay nila kahit na namatay din ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan.

“Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.

10 “Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?

12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.

17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18 Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19 At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20 Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”

Ang Paliwanag tungkol sa Pagwasak ng Jerusalem

21 Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!” 22 Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.

23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’ 25 Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao? 26 Nagtitiwala kayo sa inyong espada,[d] gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?

27 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit. 28 Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon. 29 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”

30 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’ 31 Kaya magkakasamang pumunta sa iyo ang mga mamamayan ko na nagpapanggap lang na gustong makinig sa iyo, pero hindi nila sinusunod ang mga sinasabi mo. Magaling silang magsalita na mahal nila ako, ngunit ang nasa puso nila ay kasakiman sa pera. 32 Para sa kanila, isa kang magaling na mang-aawit ng mga awit na tungkol sa pag-ibig at isang magaling na manunugtog. Pinakikinggan nila ang mga sinasabi mo, pero hindi nila sinusunod. 33 Ngunit kapag nangyari na sa kanila ang parusang ito, at tiyak na mangyayari ito sa kanila, malalaman nila na totoong may kasama silang propeta.”

Ang mga Bantay ng Israel

34 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel.[e] Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.

“Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. 10 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.

11 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. 12 Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[f] 13 Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. 14 Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. 15 Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.

17 Mga mamamayan ng Israel na aking mga tupa, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama, ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig? 19 Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?

20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat. 21 Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama. 23 Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila. 24 Ako, ang Panginoon, ang magiging Dios nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila para makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib. 26 Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan. 29 Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani para hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa. 30 At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Dios na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

31 “Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®