Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Daniel 1-3

Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan sa Babilonia

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoyakim sa Juda, sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang mga kawal ang Jerusalem. Binihag niya si Haring Jehoyakim ayon sa kalooban ng Panginoon. Kinuha niya ang ilang mga kagamitan sa templo ng Dios at dinala sa Babilonia.[a] Inilagay niya ang mga ito sa taguan ng kayamanan doon sa templo ng kanyang dios.

Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Ashpenaz na pinuno ng mga tauhan niya na pumili sa mga bihag na Israelita ng ilang kabataang mula sa angkan ng mga hari at angkan ng mararangal na pamilya. Kinakailangan na ang mga ito ay gwapo, malusog, matalino, mabilis kumilos at madaling turuan para maging karapat-dapat maglingkod sa hari. Inutusan din niya si Ashpenaz na turuan sila ng wika at mga panitikan ng mga taga-Babilonia.[b] Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya.

Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria na pawang mula sa lahi ni Juda. Pinalitan ni Ashpenaz ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Belteshazar, si Hanania ay Shadrac, si Mishael ay Meshac, at si Azaria ay Abednego.

Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan.[c] Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon. Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz. 10 Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”

11 Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila, 12 “Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.” 14 Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw.

15 Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari. 16 Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari.

17 Binigyan ng Dios ang apat na kabataang ito ng karunungan at pang-unawa, pati na ang kaalaman sa ibaʼt ibang literatura. Bukod pa rito, binigyan ng Dios si Daniel ng karunungan sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip.

18 Pagkalipas ng tatlong taon na pagtuturo sa kanila ayon sa utos ni Haring Nebucadnezar, dinala sila ni Ashpenaz sa kanya. 19 Nakipag-usap ang hari sa kanila, at napansin ng hari na wala ni isa man sa mga kabataan doon ang makahihigit kina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria. Kaya sila ang piniling maglingkod sa kanya. 20 Sa lahat ng itinanong ng hari sa kanila, nakita niya na ang kanilang kaalaman ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kaalaman ng mga salamangkero at engkantador[d] sa buong kaharian niya. 21 Patuloy na naglingkod si Daniel kay Nebucadnezar hanggang sa unang taon ng paghahari ni Cyrus.[e]

Ang Panaginip ni Nebucadnezar

Noong pangalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip na bumabagabag sa kanya, kaya hindi siya makatulog. Ipinatawag niya ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo[f] para ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.”

Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Aramico,[g] “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”

Sinabi ng hari sa kanila, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.”

Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”

Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip para maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.”

10 Sumagot sila sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. At wala ring hari, gaano man ang kanyang kapangyarihan, na mag-uutos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. 11 Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga dios lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.”

12 Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong[h] na mga tao sa Babilonia. 13 Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama para patayin din.

14-15 Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari.

16 Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. 17 Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hanania, Mishael at Azaria ang tungkol sa nangyari. 18 Hiniling niya sa mga ito na manalangin para kaawaan sila ng Dios sa langit[i] at para malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang hindi sila patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. 19 Nang gabing iyon, ipinahayag ng Dios kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Dios sa langit. 20 Sinabi niya,

    “Purihin ang Dios magpakailanman.
    Siya ay matalino at makapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng panahon.
    Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono.
    Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong.
22 Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin.
    Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
23 O Dios ng aking mga ninuno, pinupuri ko kayo at pinapasalamatan.
    Kayo ang nagbigay sa akin ng karunungan at kakayahan.
    At ibinigay nʼyo sa amin ang aming kahilingan sa inyo na ipahayag sa amin ang panaginip ng hari.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc na inutusan ng hari para patayin ang mga marurunong na tao sa Babilonia. Sinabi ni Daniel sa kanya, “Huwag mo muna silang patayin; dalhin mo muna ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”

25 Kaya dali-daling dinala ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi ni Arioc, “Mahal na Hari, may nakita po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip.” 26 Tinanong ng hari si Daniel na tinatawag ding Belteshazar, “Talaga bang mahuhulaan mo ang aking panaginip at maipapaliwanag ang kahulugan nito?” 27 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip. 28 Pero may Dios sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa inyo sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip.

29 “Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Dios na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay. 30 At inihayag sa akin ng Dios ang inyong panaginip hindi dahil mas matalino ako kaysa sa iba kundi para maipaliwanag ko sa inyo at maintindihan nʼyo ang gumugulo sa inyong isipan.

31 Ito po ang inyong panaginip: May nakita kayong malaking rebulto na nakakasilaw na nakatayo sa inyong harapan at nakakatakot tingnan. 32 Ang ulo nito ay purong ginto, ang mga bisig at dibdib ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso. 33 Ang kanyang mga binti ay bakal at ang kanyang mga paa naman ay bakal at luwad.[j] 34 At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paang bakal at luwad ng rebulto, at nawasak ang kanyang mga paa. 35 Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Pero ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok at pumuno sa buong mundo.

36 “Iyan po ang panaginip nʼyo, at ito naman ang kahulugan: 37 Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Dios sa langit[k] at binigyan ng kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. 38 Ipinasakop niya sa inyo ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang sumisimbolo sa gintong ulo ng rebulto.

39 “Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay sumisimbolo ng tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. 40 At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog, ang kahariang ito ay dudurog din ng ibang mga kaharian. 41 Ang mga paa na yari sa bakal at luwad ay nangangahulugan ng mahahating kaharian. Pero mananatili itong malakas, dahil ikaw mismo ang nakakita na may halo itong bakal. 42 Ang mga daliring bakal at luwad na mga paa ay nangangahulugan na may bahagi ang kaharian na matibay at may bahaging mahina. 43 Ang pagsasama ng bakal at luwad ay nangangahulugang magkakaisa ang mga pinuno ng mga kahariang ito sa pamamagitan ng pag-aasawa ng magkaibang lahi. Pero hindi rin magtatagal ang kanilang pagkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin.

44 “Sa panahon ng mga haring ito, ang Dios sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman. 45 Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok (na hindi kagagawan ng tao) na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto.

“Mahal na Hari, ipinahayag po ng makapangyarihang Dios sa inyo kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.”

46 Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng dios. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.”

48 Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon. 49 Hiniling ni Daniel sa hari na italaga sina Shadrac, Meshac, at Abednego bilang katulong niya sa pamamahala ng lalawigan. Pumayag naman ang hari. At namalagi si Daniel sa palasyo ng hari.

Iniutos ni Nebucadnezar na Sambahin ang Rebulto

Nagpagawa si Haring Nebucadnezar ng rebultong ginto.[l] May 90 talampakan ang taas at 9 na talampakan ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2-3 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nebucadnezar ang mga gobernador, mga mayor, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan para dumalo sa pagtatalaga ng nasabing rebulto. Nang naroon na sila nakatayo sa harap ng rebulto, sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. Ang sinumang hindi sasamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” Kaya nang marinig nila ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebulto.

Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia[m] na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! 10 Hindi baʼt nag-utos po kayo na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, 11 at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? 12 Ngunit may ilang mga Judiong hindi sumusunod sa inyong utos. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga dios, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.”

13 Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag niya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. 14 Nang dumating sila, tinanong sila ng hari, “Totoo bang hindi ninyo iginagalang ang aking mga dios at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? 15 Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo.”

16 Sumagot silang tatlo, “Mahal na Hari, wala po kaming masasabi tungkol diyan. 17 Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. 18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”

19 Dahil sa sagot nilang iyon, lalo pang nagalit ang hari sa kanila, at kitang-kita ito sa kanyang mukha. Kaya iniutos niyang painitin pa ang hurno ng pitong ulit. 20 Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang pinakamalalakas na sundalo na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego, at itapon sa naglalagablab na hurno. 21 Kaya iginapos sila ng mga sundalo at itinapon sa hurno na hindi na inalis ang kanilang mga damit. 22 Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon sa kanila dahil sa lagablab ng apoy. 23 At silang tatlo na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno.

24 Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.”

25 Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang dios.”[n]

26 Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Dios, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno.

27 Pagkatapos, nagtipon sa kanila ang mga gobernador, mayor, komisyoner, at ang iba pang mga opisyal ng hari. At nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit.

28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nagsugo siya ng kanyang anghel para iligtas ang kanyang mga lingkod na nagtitiwala sa kanya. Hindi nila sinunod ang aking utos; minabuti pa nilang mapatapon sa apoy kaysa sumamba sa alinmang dios maliban sa kanilang Dios. 29 Kaya iniuutos ko na ang sinumang tao sa alinmang bansa, lahi, o wika na magsasalita ng masama laban sa Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego ay pagpuputol-putulin ang katawan at wawasakin ang kanilang mga bahay. Sapagkat walang dios na makapagliligtas katulad ng kanilang Dios.”

30 At binigyan ng hari sina Shadrac, Meshac at Abednego ng mas mataas pang tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®