Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezra 4-6

Sinalungat ang Pagpapatayo ng Templo

Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.” Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Cyrus ng Persia na muling ipatayo ang templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Dios. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.”

Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon[a] ang mga tao sa Juda para hindi nila maipagpatuloy ang pagpapagawa nila ng templo. Sinuhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa mula nang panahon na si Cyrus ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Darius na ang hari ng Persia.

Ang Pagsalungat sa Pagpapatayo ng Templo nang Panahon ni Haring Artaserses

Nang maging hari si Ahasuerus, ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila. At kahit na noong si Artaserses na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bishlam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Aramico at isinalin ito sa wika ng mga taga-Persia.

8-11 Sumulat din kay Haring Artaserses si Rehum na gobernador at si Shimsai na kalihim laban sa mga taga-Jerusalem. Ito ang nilalaman ng sulat nila:

“Mahal na Haring Artaserses,

Una po sa lahat nangungumusta kami sa inyo, kaming mga lingkod nʼyo rito sa lalawigan ng kanluran ng Eufrates. Kasama po sa mga nangungumusta ay ang mga kasama naming mga pinuno at opisyal, ang mga tao sa Tripolis, Persia, Erec, Babilonia, at ang mga tao sa Susa sa lupain ng Elam. Kinukumusta rin po kayo ng mga taong pinaalis sa kanilang mga lugar ni Osnapar,[b] ang tanyag at makapangyarihan na hari ng Asiria. Itong mga mamamayan ay pinatira niya sa lungsod ng Samaria at sa ibang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.

12 “Mahal na Hari, gusto po naming malaman nʼyo na muling ipinapatayo ng mga Judio ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.[c] 13 Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian.

14 “Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo 15 para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman nʼyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito. 16 Ipinapaalam lang po namin sa inyo, Mahal na Hari, na kung muling maipatayo ang lungsod na ito at maiayos na ang mga pader nito, mawawala sa inyo ang lalawigan na nasa kanluran ng Eufrates.”

17 Ito ang sagot na ipinadala ng hari:

Nangungumusta ako sa iyo Gobernador Rehum, kay Shimsai na kalihim, at sa inyong mga kasama na nakatira sa Samaria at sa iba pang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.

“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.

18 “Ang sulat na inyong ipinadala ay isinalin sa wika namin at binasa sa akin. 19 Nag-utos akong saliksikin ang mga kasulatan, at napatunayan na ang mga dating naninirahan sa Jerusalem ay kumakalaban nga sa mga hari. Nakasanayan na nga ng lugar na iyan ang pagrerebelde laban sa gobyerno. 20 Nalaman ko rin sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Jerusalem ay pinamahalaan at pinagbayad ng buwis at ng iba pang bayarin ng mga makapangyarihang hari, na namuno sa buong lalawigan sa kanluran ng Eufrates.

21 “Ngayon, ipag-utos nʼyong itigil ng mga taong iyan ang muling pagpapatayo ng lungsod hanggaʼt hindi ko iniuutos. 22 Gawin nʼyo agad ito para hindi mapahamak ang kaharian ko.”

23 Pagkatapos basahin kina Rehum, Shimsai, at sa mga kasama nila ang liham ni Haring Artaserses, pumunta agad sila sa Jerusalem at pinilit ang mga Judio na itigil ang muling pagpapatayo ng lungsod.

24 Kaya natigil ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia.

Ipinagpatuloy ang Pagpapatayo ng Templo

Ngayon, inutusan ng Dios ng Israel, ang mga propeta na sina Hageo at Zacarias na apo ni Iddo para sabihin ang mensahe niya sa mga Judio sa Juda pati na sa Jerusalem. Nakinig sa kanila sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at Jeshua na anak ni Jozadak. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem. Tinulungan sila ng dalawang propeta ng Dios.

Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, si Shetar Bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila[d] sa mga Judio, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng templong ito?” Nagtanong pa sila, “Ano ang pangalan ng mga taong nagtatrabaho rito?” 5-7 Ngunit iningatan ng Dios ang mga tagapamahala ng Judio, kaya nagpasya sina Tatenai, Shetar Bozenai, at ang kanilang kasamang mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na hindi muna nila ipapatigil ang pagpapatayo ng templo hanggang sa maipaalam nila ang tungkol dito kay Haring Darius at makatanggap ng kanyang sagot.

Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala nila kay Haring Darius:

“Mahal na Haring Darius,

“Nawaʼy nasa mabuti po kayong kalagayan.

“Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng templo ng makapangyarihang Dios. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso upang tumibay. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito. Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng templo. 10 At tinanong din namin ang mga pangalan nila para maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.

11 “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno. 13 Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios. 14 Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda. 15 Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito. 16 Kaya pumunta si Sheshbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng templo ng Dios. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang templo; hindi pa ito tapos.’

17 “Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Cyrus na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem. At agad nʼyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”

Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo

Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:

“Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”

Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:

“Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.

“Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[e] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.

11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[f] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.

“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”

Itinalaga ang Templo

13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.

16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17 Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis[g] ng bawat lahi ng Israel. 18 Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

19 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21 Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Tumalikod sila sa mga bagay na ito para sambahin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria para tulungan sila sa paggawa ng templo ng Dios, ang Dios ng Israel.

Salmo 137

Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag

137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
    Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
    Ang sabi nila,
    “Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
    Sinabi nila,
    “Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”

Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
    Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
    at ihahampas sa mga bato.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®