Chronological
Ang Pahayag Laban kay Gog
38 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa lupain ng Magog at magsalita ka laban kay Gog na pinuno ng Meshec at Tubal. 3 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, na pinuno ng Meshec at Tubal, kalaban kita. 4 Paiikutin kita at kakawitan ko ng kawil ang panga mo. Hihilahin kita kasama ang buong hukbo mo – ang iyong mga kabayo, armadong mangangabayo at ang napakarami mong sundalo na may malalaki at maliliit na kalasag at may mga espada. 5 Sasama sa kanila ang mga sundalo ng Persia, Etiopia[a] at Libya na may mga kalasag at helmet, 6 kasama rin ang Gomer at Bet Togarma sa hilaga at ang lahat ng sundalo nila. Maraming bansa ang sasama sa iyo.
7 “Maghanda ka at ang lahat ng sundalo mo. Pamunuan mo sila sa pakikipagdigma. 8 Sapagkat darating ang araw na uutusan ko kayong salakayin ang Israel, na sa mahabang panahon ay naging mapanglaw dahil nawasak sa digmaan. Pero muli itong itinayo, at nakabalik na ang mga mamamayan nito mula sa mga bansa at namumuhay na nang payapa. 9 Ikaw at ang mga sundalo mo at ang sundalo ng mga kasama mong bansa ay sasalakay sa Israel na parang bagyo, at paliligiran ninyo ito na parang pinaligiran ng ulap.”
10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa panahong iyon, magbabalak ka ng masama. 11 Sasabihin mong, ‘Sasalakayin ko ang Israel na ang mga bayan ay walang pader, pintuan o harang at ang mga mamamayan ay payapang namumuhay at walang kinatatakutang panganib. 12 Sasamsamin ko ang mga ari-arian ng mga lungsod na ito na dating mapanglaw, ngunit ngayon ay puno na ng tao mula sa ibaʼt ibang bansa. Marami ang hayop nila at ari-arian, at itinuturing nila na pinakapangunahing bansa sa daigdig ang bansa nila.’
13 “Pero sasabihin sa iyo ng mga taga-Sheba at Dedan, at ng mga mangangalakal sa mga bayan ng Tarshish, ‘Tinipon mo ba ang iyong mga sundalo para samsamin ang mga pilak at ginto ng mga taga-Israel? Sasamsamin mo rin ba ang kanilang mga hayop at ari-arian?’
14 “Kaya, anak ng tao, sabihin mo kay Gog na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa araw na iyon na namumuhay na nang tahimik ang mga mamamayan kong Israelita, malalaman mo iyon. 15 Sasalakayin mo sila mula sa kinalalagyan mong malayong lugar sa hilaga kasama ang iyong marami at malalakas na mga sundalo na nakasakay sa kabayo. 16 Sasalakayin mo ang mga mamamayan kong Israelita na parang ulap na nakapaligid sa kanila. Gog, ipasasalakay ko sa iyo ang aking lupain sa hinaharap. At sa pamamagitan mo ay maipapakita ko sa mga bansa ang aking kabanalan. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
17 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Noong unang panahon, sinabi ko sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta ng Israel, na sa mga huling araw ay may sasalakay sa Israel. At ikaw ang tinutukoy ko noon. 18 Ngunit Gog, sa araw na iyon ay ito ang mangyayari sa iyo: Kapag sinalakay mo na ang Israel, labis akong magagalit. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 19 At sa tindi ng galit ko, isinusumpa kong yayanigin ko nang malakas na lindol ang lupain ng Israel. 20 Ang lahat ng tao at lahat ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang at nasa tubig ay manginginig sa takot sa akin. Guguho ang mga bundok at burol, at mawawasak ang mga pader. 21 At ikaw, Gog ay ipapapatay ko roon sa aking mga bundok, at ang mga sundalo mo ay magpapatayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 22 Parurusahan kita at ang mga sundalo mo, pati ang mga bansang kasama mo. Parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng salot at magpapatayan kayo sa isaʼt isa. Pauulanan ko kayo ng yelong parang bato at ng nagniningas na asupre. 23 Sa ganitong paraan ipapakita ko ang aking kapangyarihan at kabanalan sa lahat ng bansa. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Pagbagsak ni Gog at ng mga Kawal Niya
39 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Meshec at Tubal. 2 Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel. 3 Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo, 4 mamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop. 5 Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
6 “Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon. 7 Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 8 Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9 “Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
11 “Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.[b]
12 “Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain. 13 Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain. 15 Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog. 16 (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”
17-18 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan. 19 Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito. 20 Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
21 “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan. 22 At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Dios. 23 At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway. 24 Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at kahalayan.”
25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin,[c] para maparangalan ang banal kong pangalan. 26 Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila. 27 Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila. 28 At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa. 29 Hindi ko na sila pababayaan dahil ipapadala ko ang aking Espiritu sa kanila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®