Chronological
Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem
8 1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. 3 Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[a] ay tatawaging Banal na Bundok. 4 Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. 5 At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”
6 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. 7 Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. 8 Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”
9 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[b] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”
14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”
18-19 Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.[c] 20 Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21 Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’
22 “Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23 At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”
Parurusahan ng Dios ang mga Bansang Kalaban ng Israel
9 Ito ang mensahe ng Panginoon:
Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damascus, dahil ang lahat ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.[d] 2 Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damascus, pati na ang lungsod ng Tyre at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito. 3 Ang mga taga-Tyre ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa. 4 Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.
5 Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan. 6 Ang Ashdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo. 7 Hindi na sila kakain ng karneng may dugo[e] o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Dios na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.[f] 8 Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo[g] laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.
Ang Darating na Hari ng Jerusalem
9 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, dahil ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno. 10 Ipaaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda.[h] Babaliin ang mga panang ginagamit sa pandigma. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat,[i] at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.”[j]
Palalayain ng Dios ang Nabihag na mga Taga-Israel
11 Sinabi pa ng Panginoon, “Tungkol naman sa inyo na mga taga-Israel, palalayain ko ang mga nabihag sa inyo. Sila ay parang mga taong inihulog sa balon na walang tubig. Palalayain ko sila dahil sa kasunduan ko sa inyo na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo. 12 Kayong mga binihag na umaasang mapalaya, bumalik na kayo sa inyong mga lugar kung saan ligtas kayo. Sinasabi ko ngayon sa inyo na ibabalik ko nang doble ang mga nawala sa inyo. 13 Gagamitin kong parang pana ang Juda at parang palaso ang Israel. Gagawin kong parang espada ng kawal ang mga taga-Zion, at lilipulin nila ang mga taga-Grecia.”
Tutulungan ng Dios ang mga Taga-Israel
14 Magpapakita ang Panginoon sa ibabaw ng kanyang mga mamamayan. Kikislap ang kanyang pana na parang kidlat. Patutunugin ng Panginoong Dios ang trumpeta; at darating siyang kasama ng bagyong mula sa timog. 15 Iingatan ng Panginoong Makapangyarihan ang kanyang mga mamamayan. Tatapak-tapakan lang nila ang mga batong ibinabato sa kanila ng mga kaaway nila. Magkakainan at mag-iinuman sila upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Magsisigawan sila na parang mga lasing. Mabubusog sila ng inumin katulad ng mangkok na punong-puno ng dugong iwiniwisik sa mga sulok ng altar. 16-17 Sa araw na iyon, ililigtas sila ng Panginoon na kanilang Dios bilang kanyang mga tupa. Napakaganda nilang tingnan sa kanilang lupain. Ang katulad nilaʼy mamahaling batong kumikislap sa korona. Magiging sagana sila sa mga butil at ubas na magpapalakas sa kanilang mga kabataan.
Nahabag ang Dios sa Juda at sa Israel
10 Humingi kayo ng ulan sa Panginoon sa panahon ng tagsibol, dahil siya ang gumagawa ng mga ulap. Binibigyan niya ng ulan ang mga tao at ang bawat tanim sa parang. 2 Ang totoo, hindi mapapaniwalaan ang mga dios-diosan at ang mga manghuhula. Mali ang ibinibigay nilang kahulugan sa mga panaginip. Walang kabuluhan ang pagpapalakas nila ng loob sa mga tao. Kaya naliligaw ang mga mamamayan ng Israel na parang mga tupa. Nahihirapan sila dahil wala silang pinuno.
3 Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ko ang aking mga tupa, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan. 4 Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan. 5 Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kalaban nila na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ako, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.
6 “Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Dios, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati. 7 Ang mga mamamayan ng Israel[k] ay magiging katulad ng mga malalakas na kawal. Magiging masaya sila na parang nakainom ng alak. Ang tagumpay na ito ay maaalala ng kanilang mga kaapu-apuhan at matutuwa sila dahil sa ginawa ko. 8 Tatawagin ko ang aking mga mamamayan at titipunin ko sila. Palalayain ko sila, at dadami sila tulad nang dati. 9 Kahit na ipinangalat ko sila sa ibang bansa, maaalala pa rin nila ako roon. Mananatili silang buhay pati ang kanilang mga anak, at babalik sila sa kanilang lupain. 10 Pauuwiin ko sila mula sa Egipto at Asiria, at patitirahin ko sila sa Gilead at Lebanon. Magiging masikip sila sa kanilang lupain. 11 Tatawid sila sa dagat na maalon ngunit magiging payapa ang mga alon. At kahit ang Ilog ng Nilo ay matutuyo. Ang ipinagmamalaki ng Asiria ay babagsak at ang kapangyarihan ng Egipto ay mawawala. 12 Palalakasin ko ang aking mga mamamayan dahil nasa akin sila, at susundin nila ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Parurusahan ng Dios ang Lebanon at Bashan
11 Kayong mga taga-Lebanon, buksan ninyo ang mga pintuan ng inyong lungsod at nang makapasok ang apoy na susunog sa inyong mga puno ng sedro. 2 Kung paanong nasira ang inyong mga magaganda at mayayabong na mga puno ng sedro, ganoon din masisira ang mga puno ng sipres[l] at mga puno ng ensina ng Bashan.[m] 3 Umiiyak ang mga pastol dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan. Pati ang mga leon[n] ay umaatungal dahil nasira ang kagubatan ng Jordan na kanilang tinitirhan.
Ang Dalawang Pastol
4 Ito ang sinabi ng Panginoon kong Dios: “Alagaan mo ang mga tupang[o] kakatayin. 5 Ang mga bumibili at kumakatay sa kanila ay hindi pinarurusahan. Ang mga nagtitinda ng mga tupang ito ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.
6 “Alagaan mo ang aking mga mamamayan, dahil ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa mundo.[p] Ako mismo ang uudyok sa bawat tao na magpasakop sa kanyang kapwa at sa kanyang hari. At silang mga namamahala ay magdadala ng kapahamakan sa buong mundo, at hindi ko ililigtas ang mga tao mula sa kanilang mga kamay.”
7 Kaya inalagaan ko ang mga tupang kakatayin ng mga nagbebenta ng mga tupa.[q] Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isa ay tinawag kong Kabutihan[r] at ang isa naman ay tinawag kong Pagkakaisa.
8 Pinaalis ko ang tatlong pastol sa loob lamang ng isang buwan. Naubos na ang pasensya ko sa kanila,[s] at sila rin ay galit sa akin. 9 Pagkatapos, sinabi ko sa mga tupa, “Hindi na ako ang inyong pastol. Hayaang mamatay ang mga naghihingalo at mapahamak ang mga mapapahamak. At ang mga matitira ay hayaang kainin ang laman ng isaʼt isa.”
10 Pagkatapos, kinuha ko ang tungkod na tinatawag na Kabutihan at binali ko upang ipahiwatig na ipinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang kasunduan sa mga tao. 11 Kaya ng araw ding iyon, ipinawalang-bisa ang kasunduan. At nalaman ng mga nagbebenta ng mga tupa[t] na nanonood sa akin na may mensahe ang Panginoon sa mga ginagawa kong ito. 12 Sinabi ko sa kanila, “Kung sa palagay ninyo ay dapat akong bigyan ng sahod, ibigay ninyo ang sahod ko. Ngunit kung hindi, sa inyo na lang.” Kaya binayaran nila ako ng 30 pirasong pilak bilang sahod ko. 13 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ilagay mo ang pilak na iyan sa kabang-yaman[u] ng templo.” Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak, na inaakala nilang sapat na bilang aking sahod, at inilagay ko iyon sa kabang-yaman ng templo ng Panginoon. 14 Pagkatapos, binali ko ang pangalawang tungkod na tinatawag na Pagkakaisa upang ipahiwatig na naputol na ang magandang pagsasamahan ng Juda at ng Israel.
15 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Magkunwari kang isang walang kwentang pastol ng mga tupa. 16 Sapagkat may ilalagay akong pinuno sa Israel na ang katulad ay isang walang kwentang pastol. Hindi niya tutulungan ang mga tupang halos mamamatay na,[v] o hahanapin ang mga nawawala,[w] o gagamutin ang mga sugatan, o pakakainin ang mga payat. Ngunit kakainin niya ang karne ng matatabang tupa at aalisin ang mga kuko nito. 17 Nakakaawa ang kahihinatnan ng walang kwentang pastol. Pinababayaan niya ang mga tupa! Sa pamamagitan ng espada ay puputulin ang kanyang kamay at tutusukin ang kanang mata niya, at hindi na mapapakinabangan ang kamay niya at hindi na rin makakakita ang kanang mata niya.”
Lilipulin ang mga Kalaban ng Jerusalem
12 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Ako ang Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa. At ako ang nagbibigay ng buhay sa tao. 2 Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda. 3 Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem. 4 Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa. 5 At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoong Makapangyarihan ang kanilang Dios.’
6 “Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak. 7 Una kong pagtatagumpayin ang ibang mga lungsod ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi hihigit sa ibang mga lungsod ng Juda. 8 Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Dios,[x] parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila. 9 Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.
10 “Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako[y] na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad Rimon sa kapatagan ng Megido. 12-14 Iiyak ang bawat pamilya sa lupain ng Israel: ang mga pamilya ng angkan nina David, Natan, Levi, Shimei, at ang iba pang mga pamilya. Magkahiwalay na mag-iiyakan ang mga lalaki at mga babae.”
Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan
13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila. 3 At kung mayroon pang magpapanggap na propeta, ang mga magulang niya mismo ang magbibigay ng babala na karapat-dapat siyang patayin, dahil nagsasalita siya ng kasinungalingan at sinasabi pa na ang mensahe niya ay mula sa Panginoon. At kung patuloy pa rin siyang magpapanggap na propeta, ang amaʼt ina niya mismo ang sasaksak sa kanya. 4 Ang mga propetang iyon ay mapapahiya sa mga sinasabi nilang pangitain. Hindi na sila magsusuot ng mabalahibong damit na pampropeta upang manlinlang. 5 Sa halip sasabihin nilang, ‘Hindi ako propeta. Isa akong magbubukid mula noong bata pa ako.’ 6 At kung may magtatanong tungkol sa mga sugat nila sa katawan, sasabihin nila, ‘Nakuha ko ito sa bahay ng aking mga kaibigan.’ ”
Mamamatay ang Pastol at Mangangalat ang Kanyang mga Tupa
7 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Ihanda ang espada! Patayin ang pastol[z] ko na aking lingkod. Patayin siya at mangangalat ang mga tupa, ang aba kong mga mamamayan. At parurusahan ko sila. 8 Mamamatay ang dalawa sa tatlong bahagi ng mga tao sa buong lupain ng Israel. 9 At ang ikatlong bahaging matitira ay lilinisin ko tulad ng pilak na pinadadalisay sa apoy. Susubukin ko sila tulad ng gintong sinusubok sa apoy kung tunay o hindi. Tatawag sila sa akin at diringgin ko sila. Sasabihin ko, ‘Sila ang aking mga mamamayan.’ At sasabihin din nila, ‘Ang Panginoon ang aming Dios.’ ”
Darating ang Panginoon at Maghahari
14 Darating ang araw na hahatol ang Panginoon. Paghahatian ng mga kalaban ang mga ari-ariang sinamsam nila sa inyo na mga taga-Jerusalem habang nakatingin kayo. 2 Sapagkat titipunin ng Panginoon ang lahat ng bansang makikipaglaban sa Jerusalem. Sasakupin nila ang lungsod na ito, kukunin nila ang mga ari-arian sa mga bahay, at gagahasain nila ang mga babae. Dadalhin nila sa ibang lugar ang kalahati ng mga mamamayan ng lungsod, pero ang matitira sa kanila ay mananatili sa lungsod. 3 Pagkatapos, makikipaglaban ang Panginoon laban sa mga bansang iyon, katulad ng ginawa niyang pakikipagdigma noon. 4 Sa araw na iyon, tatayo siya sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Mahahati ang bundok na ito mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang kalahati ng bundok ay lilipat pahilaga at ang kalahati naman ay lilipat patimog. At magiging malawak na lambak ang gitna nito. 5 Dito kayo dadaan mga taga-Jerusalem sa inyong pagtakas, dahil ang lambak na ito ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo katulad ng ginawa ng inyong mga ninuno noong lumindol sa panahon ni haring Uzia ng Juda. At darating ang Panginoon kong Dios kasama ang lahat niyang mga anghel. 6 Sa araw na iyon ay walang init o lamig. 7 Magiging katangi-tangi ang araw na iyon, dahil walang gabi kundi panay araw lang. Ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.
8 Sa araw na iyon, dadaloy ang sariwang tubig mula sa Jerusalem. Ang kalahati nito ay dadaloy sa Dagat na Patay[aa] at ang kalahati ay sa Dagat ng Mediteraneo.[ab] Patuloy itong dadaloy sa panahon ng tag-araw at tag-ulan. 9 Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Dios at wala nang iba.
10-11 Gagawing kapatagan ang buong lupain mula sa Geba sa hilaga hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Kaya mananatiling mataas ang Jerusalem sa kinaroroonan nito. At titirhan ito mula sa Pintuan ni Benjamin hanggang sa lugar na kinaroroonan ng Unang Pintuan, at hanggang sa Sulok na Pintuan; at mula sa Tore ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari. Ang Jerusalem ay hindi na muling wawasakin, at ang mga mamamayan nito ay mamumuhay nang ligtas sa panganib.
12 Ang mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay padadalhan ng mga salot na ito: Mabubulok ang kanilang mga katawan, mata, at dila kahit buhay pa sila. 13-15 Ganito ring salot ang darating sa lahat ng mga hayop sa kanilang kampo, pati na sa kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, at asno.
Sa araw na iyon, lubhang lilituhin ng Panginoon ang mga taong iyon. Ang bawat isa sa kanila ay sasalakay sa kanilang kapwa, at sila mismo ay maglalaban-laban. Makikipaglaban din ang ibang mga lungsod ng Juda. Sasamsamin at titipunin nila ang mga kayamanan ng mga bansa sa palibot nila – ang napakaraming ginto, pilak at mga damit.
16 Pagkatapos, ang lahat ng natitirang mga tao sa mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay pupunta sa Jerusalem taun-taon para sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, at para makipag-isa sa pagdiriwang ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 17 Ang mga taong hindi pupunta sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, ay hindi padadalhan ng ulan. 18 Ang mga taga-Egipto na hindi pupunta sa Jerusalem ay padadalhan ng Panginoon ng salot na katulad ng salot na kanyang ipapadala sa mga bansang hindi pupunta para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 19 Iyan ang parusa sa Egipto at sa lahat ng bansang hindi pupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.
20 Sa araw na iyon na sasamba ang mga bansa sa Panginoon, isusulat sa mga kampanilyang palamuti ng mga kabayo ang mga katagang, “Itinalaga sa Panginoon.”[ac] Ang mga lutuan sa templo ng Panginoon ay magiging kasimbanal ng mga mangkok na ginagamit sa altar. 21 At ang bawat lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging banal para sa Panginoong Makapangyarihan. Gagamitin ito ng mga naghahandog para paglutuan ng kanilang inihahandog. At sa araw na iyon, wala nang mga negosyante sa templo ng Panginoong Makapangyarihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®