Chronological
Ang Kalderong Kinakalawang
24 Noong ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem. 3 Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito:
“Maglagay ka ng tubig sa kaldero, 4 lagyan mo ng magandang klase ng karne na mula sa parteng balikat at hita kasama ang mga buto nito. 5 Ang pinakamagandang karne lang ng tupa ang gamitin mo. Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti kasama ang mga buto. 6 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Ang lungsod na itoʼy tulad ng kalderong kinakalawang at hindi nililinis. Kaya isa-isa mong kunin ang laman nito. Huwag kang mamimili. 7 Sapagkat ang pagpatay niya ay alam ng lahat. Ang dugo ng mga taong pinatay niya ay hinayaan niyang dumanak sa ibabaw ng mga bato at itoʼy nakikita ng lahat. Hindi niya ito tinabunan ng lupa. 8 Nakita ko iyon at hinayaan kong makita iyon ng lahat. Ang mga dugong iyon ay parang sumisigaw sa akin na ipaghiganti ko sila.
9 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: ‘Nakakaawa ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Mag-iipon ako ng mga panggatong para sunugin sila. 10 Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong at sindihan. Pakuluan ninyo ang karne hanggang sa matuyo[a] ang sabaw at masunog pati ang mga buto. 11 Pagkatapos, ipatong ninyo ang kalderong wala nang laman sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito. At sa ganitong paraan, lilinis ang kaldero at masusunog pati ang mga kalawang. 12 Pero kahit ganito ang gawin mo, hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.’
13 “O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo. 14 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pagpatay sa Asawa ni Ezekiel
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man. 17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon. 19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?” 20-21 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoong Dios na sabihin ko ito sa mga mamamayan ng Israel: Nakahanda na akong dungisan ang aking templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem. 22 At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan. 23 Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa. 24 Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”
25 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak, 26 may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Ammon
25 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa lugar ng Ammon at sabihin mo ito laban sa kanya. 3 Sabihin mo sa kanyang mga mamamayan na makinig sa akin, dahil ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Dahil natuwa kayo nang gibain ang aking templo, nang wasakin ang Israel at bihagin ang mga taga-Juda, 4 ipapasakop ko kayo sa mga tao sa silangan at magiging pagmamay-ari nila kayo. Magkakampo sila sa inyo, at kakainin nila ang inyong mga prutas at iinumin ang inyong gatas. 5 Gagawin kong pastulan ng mga kamelyo ang lungsod ng Rabba, at ang buong Ammon ay gagawin kong pastulan ng mga tupa. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
6 “Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Dahil pumalakpak kayo at lumundag sa tuwa sa pagkutya sa Israel, 7 parurusahan ko kayo. Ipapaubaya ko kayo sa ibang bansa para kunin ang mga ari-arian ninyo. Lilipulin ko kayo at uubusin hanggang wala nang matira sa inyo, at malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”
Ang Mensahe Laban sa Moab
8 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang Moab, na tinatawag ding Seir ay nagsasabing ang Juda ay katulad lang din ng ibang bansa. 9 Kaya ipapalusob ko ang mga bayan sa mga hangganan ng Moab, kasama ang ipinagmamalaki nilang bayan ng Bet Jeshimot, Baal Meon at Kiriataim. 10 Ipapasakop ko ang mga ito sa mga tao sa silangan at aariin din silang katulad ng mga taga-Ammon. At ang Ammon ay hindi na maituturing na isang bansa, ganoon din ang Moab. 11 Parurusahan ko ang Moab, at malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Edom
12 Sinabi ng Panginoong Dios, “Gumanti ang Edom sa Juda at dahil ditoʼy nagkasala ang Edom. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, parurusahan ko ang Edom. Papatayin ko ang mga mamamayan at mga hayop niya. Gagawin ko itong mapanglaw, mula sa Teman hanggang sa Dedan. Mamamatay ang mga mamamayan nito sa digmaan. 14 Maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng mga mamamayan kong Israelita. Parurusahan nila ang mga taga-Edom ayon sa matinding galit ko sa kanila, at malalaman ng mga taga-Edom kung paano ako maghiganti. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe Laban sa Filistia
15 Sinabi ng Panginoong Dios, “Nagplano ang mga Filisteo na paghigantihan ang Juda dahil sa matagal na nilang alitan. 16 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga Filisteo. Papatayin ko ang mga Kereteo[b] pati ang mga nakatira sa tabing-dagat. 17 Sa aking galit, maghihiganti ako at parurusahan ko sila. At kapag nakapaghiganti na ako sa kanila, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe Laban sa Tyre
26 Noong unang araw ng buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, natuwa ang mga taga-Tyre nang mawasak ang Jerusalem. Ang sabi nila, ‘Nawasak na ang pangunahing pinupuntahan ng mga mangangalakal kaya dito na sila pupunta sa atin at tayo naman ang uunlad.’ 3 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing kakalabanin ko ang Tyre. Ipasasalakay ko sila sa maraming bansa, darating ang mga ito na parang rumaragasang alon. 4 Gigibain ang mga pader niya at wawasakin ang kanyang mga tore. Kakalkalin nila ang lupain niya hanggang sa walang matira kundi mga bato. 5 At magiging bilaran na lang ito ng mga lambat ng mangingisda. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Ipauubaya ko ang Tyre sa ibang mga bansa at sasamsamin nila ang mga ari-arian niya. 6 Ang mga mamamayan niya sa mga bukid ay papatayin sa pamamagitan ng espada, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
7 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Mga taga-Tyre, ipasasalakay ko kayo sa hari ng mga hari, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakay siya mula sa hilaga kasama ang maraming sundalo, mga karwahe, mga kabayo at mga mangangabayo. 8 Ang mga mamamayan ninyo sa baryo ay ipapapatay niya sa pamamagitan ng espada. Sasalakay ang kanyang mga sundalo dala ang mga pangwasak ng pader, at tatambakan nila ng lupa ang gilid ng inyong mga pader para maakyat ito. 9 Ipapawasak niya ang mga pader ninyo sa pamamagitan ng trosong pangwasak nito at ang mga tore ninyo sa pamamagitan ng maso. 10 Matatabunan kayo ng alikabok dahil sa dami ng kabayong gagamitin niya sa pagsalakay. Mayayanig ang mga pader ninyo dahil sa yabag ng mga kabayo at karwaheng papasok sa giba ninyong lungsod. 11 Mapupuno ng nagtatakbuhang kabayo ang mga lansangan ninyo at papatayin nila ang mga mamamayan ninyo sa pamamagitan ng espada. Mabubuwal ang matitibay na haligi ninyo. 12 Sasamsamin nila ang mga kayamanan at paninda ninyo. Wawasakin din nila ang mga pader at magagandang bahay ninyo. At itatapon nila sa dagat ang mga bato, kahoy at ang mga matitira sa winasak. 13 Patitigilin ko ang mga awitan ninyo at pagtugtog ng alpa. 14 Ang lugar ninyo ay gagawin kong isang malapad na bato at magiging tuyuan na lang ng lambat ng mga mangingisda. Hindi na maitatayong muli ang lungsod ninyo. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga taga-Tyre, “Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan. 16 Ang mga hari sa mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo. 17 At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat. 18 At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot dahil sa iyong pagkawasak.”
19 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “O Tyre, magiging mapanglaw kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig. 20 Ililibing kita sa kailaliman kasama ng mga tao noong unang panahon. Mananatili kang wasak sa ilalim ng lupa kasama ng mga taong naibaon doon, at hindi ka na makakabalik sa lugar ng mga buhay. 21 Tatapusin na kita, at nakakatakot ang magiging katapusan mo. Mawawala ka na at kahit hanapin ka, hindi ka na matatagpuan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Panaghoy tungkol sa Tyre
27 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, managhoy ka para sa Tyre, 3 ang lungsod na daungan ng mga barko[c] na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Ipinagmamalaki mo Tyre, ang iyong kagandahan at sinasabi mong wala kang kapintasan. 4 Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan. Talagang pinaganda ka ng mga nagtayo sa iyo. 5 Tulad ka ng isang malaking barko na gawa sa kahoy na abeto mula sa Senir. Ang palo moʼy yari sa kahoy na sedro mula sa Lebanon. 6 Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy na ensina mula sa Bashan. At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy na galing pa sa isla[d] ng Cyprus[e] na may disenyong gawa sa pangil ng elepante. 7 Ang layag moʼy gawa sa binurdahan na telang linen na mula pa sa Egipto at parang bandila kapag tiningnan. Ang iyong tolda ay kulay asul at ube na mula sa tabing-dagat ng Elisha. 8 Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan. 9 Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan. 10 Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo. 11 Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.
12 “ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarshish dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga. 13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Grecia,[f] Tubal at Meshec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga alipin at mga gamit na yari sa tanso. 14 Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet Togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.
15 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Dedan[g] at marami kang suki sa mga lugar sa tabing-dagat. At ang ibinayad nila ay mga pangil ng elepante at maiitim at matitigas na kahoy.
16 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Syria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, telang linen, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.
17 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.
18 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Damascus sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar. 19 Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.
20 “ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang panapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.
21 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.
22 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.
23 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Heran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Ashur at Kilmad. 24 At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.
25 “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan. 26 Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan. 27 Ang mga kayamanan moʼt produkto, mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero, maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo, ay lulubog sa gitna ng laot sa oras na mawasak ka.
28 “ ‘Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat kapag narinig nila ang sigawan ng mga nalulunod. 29 Iiwan ng mga tagasagwan, mga tripulante at mga opisyal ng barko ang kanilang mga sasakyan at tatayo sa tabing-dagat. 30 Iiyak sila ng buong pait, maglalagay ng alikabok sa ulo at gugulong sa abo para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. 31 Magpapakalbo sila at magdadamit ng sako habang umiiyak sa labis na kapighatian 32 Sa pagdadalamhati nilaʼy tataghoy sila ng ganito: O Tyre, may iba pa bang tulad mo na lumubog sa gitna ng karagatan? 33 Naglayag kang dala ang mga kalakal mo at maraming bansa ang natuwa sa napakarami mong kayamanan. Pinayaman mo ang mga hari sa mundo sa pamamagitan ng iyong mga produkto. 34 Pero ngayon, wasak ka na at lumubog na sa gitna ng karagatan, pati ang mga kalakal moʼt tripulante. 35 Ang lahat ng nakatira sa mga tabing-dagat ay nagulat sa nangyari sa iyo. Natakot ang mga hari nila at kitang-kita ito sa kanilang mga mukha. 36 Hindi makapaniwala ang mga mangangalakal ng mga bansa sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®