Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezra 7-10

Dumating si Ezra sa Jerusalem

1-6 Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaserses ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraya. Si Seraya ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Hilkia. Si Hilkia ay anak ni Shalum. Si Shalum ay anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub. Si Ahitub ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Merayot. Si Merayot ay anak ni Zerahia. Si Zerahia ay anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. Si Buki ay anak ni Abishua. Si Abishua ay anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ni Aaron na punong pari.

Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil tinutulungan siya ng Panginoon na kanyang Dios. May sumama ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. Kabilang sa mga sumama ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at mga utusan sa templo. 8-9 Umalis si Ezra sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan. At sa tulong ng Dios, nakarating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. 10 Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.

Ang Sulat ni Artaserses kay Ezra

11 Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:

12 “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.

13 “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama. 14 Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.[a] 15 Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem. 17 Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil, at inuming handog sa altar ng templo ng inyong Dios sa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay pwede nʼyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Dios. 19 Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa templo ng iyong Dios ay ibigay mong lahat sa Dios ng Jerusalem. 20 Kung may iba ka pang kailangan para sa templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.

21 “Ako, si Haring Artaserses, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay nʼyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan. 22 Bigyan nʼyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan. 23 Ibigay nʼyo rin ang lahat ng kinakailangan sa templo ayon sa iniutos ng Dios ng kalangitan. Sapagkat kung hindi, magagalit siya sa kaharian ko at sa mga anak ko. 24 Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga utusan sa templo, at iba pang nagtatrabaho sa templo ng Dios.

25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Dios, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Dios at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo. 26 Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Dios o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”

Pinuri ni Ezra ang Dios

27 Sinabi ni Ezra, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno natin, na humipo ng puso ng hari na parangalan niya ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. 28 Dahil sa kabutihan sa akin ng Panginoon, mabuti ang pagtrato sa akin ng hari at ng mga tagapayo niya, at pati na ng lahat ng makapangyarihan niyang opisyal. At dahil nga tinutulungan ako ng Panginoon na aking Dios, nagkaroon ako ng lakas ng loob para tipunin ang mga pinuno ng Israel para sumama sa akin sa Jerusalem.”

Ang mga Bumalik Galing sa Pagkabihag Kasama ni Ezra

Sinabi ni Ezra, “Ito ang mga pinuno ng mga pamilya na sumama sa akin sa Jerusalem galing sa Babilonia, noong panahon ng paghahari ni Haring Artaserses:

si Gershom, na galing sa pamilya ni Finehas;

si Daniel, na galing sa pamilya ni Itamar;

si Hatush na anak ni Shecania, na galing sa pamilya ni David;

si Zacarias at ang 150 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Paros (mayroong talaan ng mga ninuno nila);

si Eliehoenai na anak ni Zerahia at ang 200 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;

si Shecania na anak ni Jahaziel at ang 300 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Zatu;

si Ebed na anak ni Jonatan at ang 50 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Adin;

si Jeshaya na anak ni Atalia at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Elam;

si Zebadia na anak ni Micael at ang 80 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Shefatia;

si Obadias na anak ni Jehiel at ang 218 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Joab;

10 si Shelomit na anak ni Josifia at ang 160 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bani;

11 si Zacarias na anak ni Bebai at ang 28 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bebai;

12 si Johanan na anak ni Hakatan at ang 110 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Azgad;

13 si Elifelet, si Jeuel, at si Shemaya at ang 60 lalaking kasama nila, na galing sa pamilya ni Adonikam;

14 si Utai at si Zacur at ang 70 lalaking kasama niya, na galing sa pamilya ni Bigvai.”

Ang Pagbalik nina sa Ezra sa Jerusalem

15 Tinipon ko ang sasama sa akin sa Jerusalem doon sa ilog na dumadaloy papunta sa lugar ng Ahava. Nagkampo kami roon ng tatlong araw. Nang tingnan ko ang talaan ng mga tao na sasama sa akin, pati na ang mga pari, nalaman kong walang mga Levita roon. 16 Kaya ipinatawag ko ang mga pinuno ng grupo na sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Meshulam, at ang dalawang matalinong tao na sina Joyarib at Elnatan. 17 Pinapunta ko sila kay Iddo na pinuno ng lugar ng Casifia para hilingin sa kanya at sa mga kamag-anak niyang utusan sa templo na magpadala sila ng mga tao na maglilingkod sa templo ng Dios. 18 Dahil tinulungan kami ng Dios, ipinadala nila sa amin si Sherebia, kasama ang kanyang mga anak at mga kapatid niyang lalaki, na ang kabuuang bilang ay 18. Si Sherebia ay maabilidad na tao at mula siya sa pamilya ni Mahli na lahi ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel. 19 Ipinadala rin nila si Hashabia at ang mga kapatid at mga pamangkin nitong lalaki na 20 ang bilang, kasama si Jeshaya na galing sa pamilya ni Merari. 20 Ipinadala pa nila ang 220 utusan sa templo. Ang mga utusan sa templo ay pinili noon ni Haring David at ng mga opisyal niya para tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang mga pangalan nila.

Nag-ayuno at Nanalangin Sina Ezra

21 Doon sa tabi ng Ilog Ahava, sinabi ko sa grupo na mag-ayuno kami at magpakumbaba ng mga sarili namin sa presensya ng aming Dios para hilingin sa kanya na ingatan kami sa paglalakbay, pati ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Sapagkat nahihiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mangangabayo na magbabantay sa amin laban sa mga kalaban habang naglalakbay kami, dahil sinabi na namin sa hari na tinutulungan ng aming Dios ang lahat ng nagtitiwala sa kanya, pero galit na galit siya sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Kaya nag-ayuno at nanalangin kami sa aming Dios na ingatan niya kami, at tinugon niya ang dalangin namin.

Ang mga Handog para sa Templo

24 Pumili ako ng 12 tao mula sa mga namumunong pari, hindi kabilang sina[b] Sherebia, Hashabia, at ang sampu sa kamag-anak nila. 25 Pagkatapos, ipinagkatiwala ko sa kanila ng walang kulang[c] ang mga pilak, ginto, at mga kagamitang ibinigay ng hari, at ng mga tagapayo niya at mga opisyal, at ng maraming Israelita, bilang tulong sa templo ng aming Dios. 26-27 Ito ang aking ipinagkatiwala sa kanila:

22 toneladang pilak

3 toneladang kasangkapang pilak

3 toneladang ginto

20 gintong mangkok na mga waloʼt kalahating kilo,

2 tansong mangkok[d] na pinakintab na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.

28 Sinabi ko sa mga pari, “Kayo at ang mga kagamitang ito ay ibinukod para sa Panginoon. Ang mga pilak at ginto ay handog na kusang-loob para sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. 29 Ingatan nʼyo itong mabuti hanggang sa madala nʼyo ito sa mga bodega templo ng Panginoon sa Jerusalem na walang kulang,[e] sa harap ng mga namumunong pari, mga Levita, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita.”

30 Kaya kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang mga pilak, ginto, at ang mga kagamitan, na walang kulang, para dalhin sa templo ng aming Dios sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Jerusalem

31 Umalis kami sa Ilog Ahava at naglakbay papuntang Jerusalem nang ika-12 araw ng unang buwan. Tinulungan kami ng aming Dios at iningatan kami sa mga kalaban at tulisan habang naglalakbay kami. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, nagpahinga muna kami ng tatlong araw.

33 Nang ikaapat na araw, pumunta kami sa templo ng aming Dios at ipinagkatiwala namin ang mga pilak, ginto, at mga kagamitan ng walang kulang kay Meremot na pari na anak ni Uria. Kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas at ang dalawang Levita na sina Jozabad na anak ni Jeshua at Noadia na anak ni Binui. 34 Binilang at tinimbang ito lahat, at inilista.

35 Pagkatapos, ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay nag-alay sa Dios ng Israel ng mga handog na sinusunog: 12 toro para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa, at 77 batang lalaking tupa. Nag-alay din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Ang lahat ng ito ay ang mga handog na sinusunog para sa Panginoon. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates ang dokumento kung saan nakasulat ang utos ng hari. At ang mga pinunong ito ay tumulong sa mga mamamayan ng Israel at sa templo ng Dios.

Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan ang mga Israelita

Sinabi pa ni Ezra: Pagkatapos ng pangyayaring iyon, pumunta sa akin ang mga pinuno ng mga Judio at nagsabi, “Marami sa mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari at mga Levita, ang namumuhay katulad ng mga tao sa paligid nila. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio, at Amoreo. Nagsipag-asawa pa sila at ang mga anak nila ng mga babaeng mula sa mga mamamayang nabanggit. Kaya ang mga mamamayang pinili ng Dios ay nahaluan ng ibang mga lahi. At ang mga pinuno at mga opisyal pa natin ang siyang nangunguna sa paggawa nito.”

Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit ko, sinabunutan ko ang buhok ko, hinila ko ang balbas ko, at naupo akong tulala. Nagtipon sa akin ang mga tao na takot sa mensahe ng Dios ng Israel dahil sa pagtataksil ng mga kapwa nila Israelitang bumalik galing sa pagkabihag. Naupo akong tulala, hanggang sa dumating ang oras ng panggabing paghahandog. Pagdating ng oras na iyon, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Dios. Sinabi ko, “Dios ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.

“At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Dios. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito para mabigyan kami ng bagong buhay, at para maipatayo namin muli ang templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga dito sa Juda at Jerusalem.

10 “Pero ngayong nagkasala kami, O aming Dios, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11 na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin para angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12 Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, para maging matibay at maunlad kami,[f] at para manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman. 13 Pinarusahan nʼyo kami, O aming Dios, dahil sa mga kasalanan namin. Pero ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14 Pero sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15 O Panginoon, Dios ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”

Ang Pagpapahayag ng mga Israelita ng Kanilang mga Kasalanan

10 Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng templo ng Dios, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Shecania na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Dios natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Pero sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan ng Israel. Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Dios. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Dios na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan. Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.”

Kaya tumayo si Ezra at pinanumpa niya ang mga namumunong pari, mga Levita, at ang lahat ng mga Israelita, na gagawin nila ang sinasabi ni Shecania. At nanumpa sila. Pagkatapos, umalis si Ezra sa harapan ng templo ng Dios at pumunta sa kwarto ni Jehohanan na anak ni Eliashib. Pagdating niya roon, hindi siya kumain at uminom, dahil nalulungkot siya dahil hindi naging tapat ang mga Israelitang bumalik mula sa pagkabihag.

7-8 Ipinabatid ng mga pinuno at mga tagapamahala sa mga Israelita sa buong Juda pati na sa Jerusalem na ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay magtipon sa Jerusalem. At ang sinumang hindi pupunta doon sa loob ng tatlong araw, kukunin sa kanya ang lahat niyang mga ari-arian at hindi na siya ituturing na kabilang sa mga tao na bumalik galing sa pagkabihag.

Kaya sa loob ng tatlong araw, nagtipon ang buong mamamayan ng Juda at Benjamin, at naupo sila doon sa plasa ng templo ng Dios sa Jerusalem. Nangyari ito nang ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Nanginginig ang mga tao dahil napakaseryoso ng pinag-uusapan nila at dahil sa malakas na ulan.

10 Pagkatapos, tumayo si Ezra na pari at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel. 11 Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa Panginoon ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.”

12 Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo. 13 Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas. 14 Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Dios sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.”

15 Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazea na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Meshulam at Shabetai na Levita.

16-17 Tinupad ng mga bumalik sa pagkabihag ang planong iyon. Kaya pumili si Ezra na pari ng mga lalaking pinuno ng mga pamilya, at inilista ang pangalan nila. At nang unang araw ng ikasampung buwan, naupo sila at sinimulan nila ang pagsisiyasat tungkol sa pag-aasawa ng mga Israelita ng mga dayuhang babae. Natapos nila ang pagsisiyasat ng lahat ng kaso nang unang araw ng unang buwan, ng sumunod na taon.

Ang mga Lalaki na Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan

18-19 Ito ang mga lalaking nagsipag-asawa ng mga dayuhan, at nangakong hihiwalayan nila ang mga asawa nila: (Naghandog sila ng mga lalaking tupa bilang pambayad sa mga kasalanan nila.)

Sa mga pari:

sina Maaseya, Eliezer, Jarib, at Gedalia, na galing sa pamilya ni Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kapatid niya;

20 sina Hanani at Zebadia, na galing sa pamilya ni Imer;

21 sina Maaseya, Elias, Shemaya, Jehiel at Uzia, na galing sa pamilya ni Harim;

22 sina Elyoenai, Maaseya, Ishmael, Natanael, Jozabad, at Elasa, na galing sa pamilya ni Pashur.

23 Mula sa mga Levita:

sina Jozabad, Shimei, Kelaya (na tinatawag din na Kelita), Petahia, Juda, at Eliezer.

24 Mula sa mga musikero:

si Eliashib.

Mula sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo ay sina:

Shalum, Telem, at Uri.

25 Mula sa iba pang mga Israelita:

sina Ramia, Izia, Malkia, Mijamin, Eleazar, Malkia, at Benaya, na galing sa pamilya ni Paros;

26 sina Matania, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremat, at Elias, na galing sa pamilya ni Elam;

27 sina Elyoenai, Eliashib, Matania, Jeremot, Zabad, at Asisa, na galing sa pamilya ni Zatu;

28 sina Jehohanan, Hanania, Zabai, at Atlai, na galing sa pamilya ni Bebai;

29 sina Meshulam, Maluc, Adaya, Jashub, Sheal, at Jeremot, na galing sa pamilya ni Bani;

30 sina Adna, Kelal, Benaya, Maaseya, Matania, Bezalel, Binui, at Manase, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;

31-32 sina Eliezer, Ishya, Malkia, Shemaya, Simeon, Benjamin, Maluc at Shemaria, na galing sa pamilya ni Harim;

33 sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manase at Shimei, na galing sa pamilya ni Hashum;

34-37 sina Maadai, Amram, Uel, Benaya, Bedia, Keluhi, Vania, Meremot, Eliashib, Matania, Matenai at Jaasu, na galing sa pamilya ni Bani;

38-42 sina Shimei, Shelemia, Natan, Adaya, Macnadebai, Shasai, Sharai, Azarel, Shelemia, Shemaria, Shalum, Amaria at Jose, na galing sa pamilya ni Binui;

43 sina Jeyel, Matitia, Zabad, Zebina, Jadai, Joel at Benaya, na galing sa pamilya ni Nebo.

44 Silang lahat ang nagsipag-asawa ng mga dayuhang babae, at ang iba sa kanila ay may mga anak sa mga babaeng ito.[g]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®