Beginning
Hinatulan ang Israel sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
8 Ilagay mo ang trumpeta sa iyong bibig.
Gaya ng agila ang kaaway ay dumarating laban sa bahay ng Panginoon,
sapagkat kanilang sinuway ang aking tipan,
at nilabag ang aking kautusan.
2 Sila'y dumadaing sa akin,
“Diyos ko, kami ng Israel ay nakakakilala sa iyo.”
3 Itinakuwil ng Israel ang mabuti,
hahabulin siya ng kaaway.
4 Sila'y naglalagay ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko.
Sila'y naglalagay ng mga prinsipe, ngunit wala akong kinalaman.
Sa kanilang pilak at ginto ay gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang sarili,
upang sila'y mapahiwalay.
5 Kanyang itinakuwil ang iyong guya, O Samaria.
Ang aking galit ay nag-aalab laban sa kanila.
Kailan pa sila magiging mga walang sala?
6 Sapagkat ito'y mula sa Israel,
ginawa ito ng manggagawa,
at ito'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria
ay pagpuputul-putulin.
7 Sapagkat sila'y naghahasik ng hangin,
sila'y mag-aani ng ipu-ipo.
Ang mga nakatayong trigo ay walang mga ulo,
hindi ito magbibigay ng butil;
at kung magbigay
ay lalamunin ito ng mga dayuhan.
8 Ang Israel ay nilamon;
ngayo'y kasama na siya ng mga bansa
tulad sa sisidlang walang sinumang nalulugod.
9 Sapagkat sila'y nagsiahon sa Asiria,
parang isang mailap na asno na nag-iisa;
ang Efraim ay may upahang mga mangingibig.
10 Bagaman sila'y umuupa ng mga kapanalig sa mga bansa,
akin nga silang titipunin ngayon.
At sila'y magsimulang mangaunti
dahil sa kabigatan mula sa mga hari at ng mga pinuno.
11 Sapagkat ang Efraim ay nagparami ng mga dambana upang magkasala
ang mga iyon sa kanya ay naging mga dambana para sa pagkakasala.
12 Kahit isulat ko para sa kanya ang aking kautusan nang sampu-sampung libo,
ang mga iyon ay ituturing nilang kakatuwang bagay.
13 Kahit maghandog sila ng mga piling alay,
bagaman kumain sila ng laman,
ang mga iyon ay hindi tinatanggap ng Panginoon.
Ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
sila'y babalik sa Ehipto.
14 Sapagkat nilimot ng Israel ang Lumikha sa kanya,
at nagtayo ng mga palasyo,
at nagparami ang Juda ng mga lunsod na may kuta,
ngunit magsusugo ako ng apoy sa kanyang mga lunsod,
at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan.
Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel
9 Huwag kang magalak, O Israel!
Huwag kang matuwa, na gaya ng ibang mga bayan;
sapagkat ikaw ay naging bayarang babae,[a] tinalikuran mo ang iyong Diyos;
iyong inibig ang bayad sa bayarang babae
sa ibabaw ng lahat ng giikan.
2 Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila,
at ang bagong alak ay kukulangin sa kanya.
3 Sila'y hindi mananatili sa lupain ng Panginoon;
kundi ang Efraim ay babalik sa Ehipto,
at sila'y kakain ng maruming pagkain sa Asiria.
4 Hindi sila magbubuhos ng inuming handog sa Panginoon,
ni makalulugod man sa kanya ang kanilang mga alay.
Ang kanilang mga handog ay magiging parang tinapay ng nagluluksa;
lahat ng kumakain niyon ay madudungisan;
sapagkat ang kanilang tinapay ay para lamang sa kanilang gutom;
hindi iyon papasok sa bahay ng Panginoon.
5 Ano ang inyong gagawin sa araw ng takdang kapulungan,
at sa araw ng kapistahan ng Panginoon?
6 Sapagkat, narito, sila'y nakatakas mula sa pagkawasak,
gayunma'y titipunin sila ng Ehipto,
sila'y ililibing ng Memfis;
ang kanilang mahahalagang bagay na pilak ay aariin ng dawag;
magkakaroon ng mga tinik ang kanilang mga tolda.
7 Ang(A) mga araw ng pagpaparusa ay dumating na,
sumapit na ang mga araw ng paniningil;
hayaang malaman iyon ng Israel.
Ang propeta ay hangal,
ang lalaking may espiritu ay ulol,
dahil sa iyong malaking kasamaan,
at malaking poot.
8 Ang propeta ang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
gayunma'y nasa lahat ng kanyang daan ang bitag ng manghuhuli,
at ang pagkamuhi ay nasa bahay ng kanyang Diyos.
9 Pinasama(B) nila nang lubusan ang kanilang mga sarili.
na gaya nang mga araw ng Gibea;
kanyang aalalahanin ang kanilang kasamaan,
kanyang parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ang Kasalanan ng Israel at mga Bunga Nito
10 Aking(C) natagpuan ang Israel na parang ubas sa ilang.
Aking nakita ang inyong mga magulang
na parang unang bunga sa puno ng igos
sa kanyang unang kapanahunan.
Ngunit sila'y pumaroon kay Baal-peor,
at itinalaga ang kanilang sarili sa kahihiyan,
at naging kasuklamsuklam na gaya ng bagay na kanilang inibig.
11 Ang kaluwalhatian ng Efraim, ay lilipad papalayo na parang ibon;
walang panganganak, walang pagbubuntis, at walang paglilihi!
12 Kahit magpalaki pa sila ng mga anak,
aalisan ko sila ng anak hanggang walang matira.
Oo, kahabag-habag sila
kapag ako'y humiwalay sa kanila!
13 Ang Efraim, gaya nang aking makita ang Tiro, na natatanim sa magandang dako,
ngunit ilalabas ng Efraim ang kanyang mga anak sa katayan.
14 Bigyan mo sila, O Panginoon—anong iyong ibibigay?
Bigyan mo sila ng mga sinapupunang maaagasan
at ng mga tuyong suso.
Hinatulan ng Panginoon ang Efraim
15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal;
doo'y nagsimula kong kapootan sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa,
palalayasin ko sila sa aking bahay.
Hindi ko na sila iibigin;
lahat ng kanilang pinuno ay mga mapanghimagsik.
16 Ang Efraim ay nasaktan,
ang kanilang ugat ay natuyo,
sila'y hindi magbubunga.
Kahit sila'y manganak,
aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang sinapupunan.
Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel
17 Itatakuwil sila ng aking Diyos,
sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
at sila'y magiging mga palaboy sa gitna ng mga bansa.
10 Ang Israel ay isang mayabong na baging na namumunga.
Habang dumarami ang kanyang bunga,
dumarami rin ang mga itinatayo niyang dambana;
kung paanong bumubuti ang kanyang lupain
ay gayon niya pinabubuti ang mga haligi niya.
2 Ang kanilang puso ay di-tapat;
ngayo'y dapat nilang pasanin ang kanilang kasalanan.
Ibabagsak ng Panginoon ang kanilang mga dambana,
at wawasakin ang kanilang mga haligi.
3 Sapagkat ngayo'y kanilang sasabihin,
“Wala kaming hari;
sapagkat hindi kami natatakot sa Panginoon;
at ang hari, ano ang magagawa niya para sa amin?”
4 Sila'y bumibigkas ng mga salita lamang;
sa pamamagitan ng mga hungkag na panata ay gumagawa sila ng mga tipan;
kaya't ang paghatol ay sumisibol tulad ng damong nakalalason
sa mga lupang binungkal sa bukid.
5 Ang mga naninirahan sa Samaria ay nanginginig
dahil sa mga guya ng Bet-haven.
Sapagkat ang taong-bayan niyon ay magluluksa doon,
at ang mga paring sumasamba sa diyus-diyosan niyon ay mananangis[b] doon,
dahil sa kaluwalhatian niyon na nawala roon.
6 Dadalhin mismo ang bagay na iyon sa Asiria,
bilang kaloob sa Haring Jareb.
Ang Efraim ay ilalagay sa kahihiyan,
at ikahihiya ng Israel ang kanyang sariling payo.
7 Ang hari ng Samaria ay mapapahamak,
na parang bula sa ibabaw ng tubig.
8 Ang(D) matataas na dako ng Aven, ang kasalanan ng Israel
ay mawawasak.
Ang mga tinik at mga dawag ay tutubo
sa kanilang mga dambana;
at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami;
at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.
9 O(E) Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga araw ng Gibea;
doon sila ay nagpatuloy.
Hindi ba sila aabutan ng digmaan sa Gibea?
10 Ako'y darating laban sa masasamang tao upang parusahan sila;
at ang mga bansa ay titipunin laban sa kanila,
kapag sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.
11 Ang Efraim ay isang turuan na dumalagang baka,
na mahilig gumiik,
at aking iniligtas ang kanyang magandang leeg;
ngunit ilalagay ko ang Efraim sa pamatok,
ang Juda ay dapat mag-araro,
dapat hilahin ng Jacob ang kanyang pansuyod.
12 Maghasik(F) kayo para sa inyong sarili ng katuwiran;
mag-ani kayo ng bunga ng kabutihang loob;
bungkalin ninyo ang inyong tiwangwang na lupa,
sapagkat panahon nang hanapin ang Panginoon,
upang siya'y dumating at magpaulan ng katuwiran sa inyo.
13 Kayo'y nag-araro ng kasamaan,
kayo'y nag-ani ng walang katarungan;
kayo'y nagsikain ng bunga ng kasinungalingan.
Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong lakad,
at sa dami ng iyong mga mandirigma.
14 Kaya't babangon ang kaguluhan ng digmaan sa iyong mga taong-bayan,
at lahat ng iyong mga muog ay magigiba,
gaya ni Salman na giniba ang Bet-arbel sa araw ng paglalaban:
ang mga ina ay pinagluray-luray na kasama ng kanilang mga anak.
15 Gayon ang gagawin sa inyo, O Bethel,
dahil sa inyong malaking kasamaan.
Sa pagbubukang-liwayway, ang hari ng Israel
ay pupuksain.
Nananabik ang Diyos sa Pagbabalik ng Suwail na Bayan
11 Nang(G) bata pa ang Israel, minahal ko siya,
at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.
2 Habang lalo ko silang tinatawag
ay lalo naman silang lumalayo sa akin
sila'y patuloy na nag-aalay sa mga Baal,
at nagsusunog ng mga kamanyang sa mga diyus-diyosan.
3 Gayunma'y ako ang nagturo sa Efraim na lumakad;
kinalong ko sila sa aking mga bisig;
ngunit hindi nila nalaman na pinagaling ko sila.
4 Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao,
ng mga panali ng pag-ibig.
Sa kanila ako'y naging gaya
ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga;
at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.
5 Sila'y hindi babalik sa lupain ng Ehipto;
ngunit ang Asiria ang magiging hari nila,
sapagkat sila'y tumangging manumbalik sa akin.
6 Ang tabak ay magngangalit sa kanilang mga lunsod,
at tutupukin ang mga halang sa kanilang mga pintuan,
at lalamunin sila dahil sa kanilang sariling mga pakana.
7 Ang bayan ko ay mahilig lumayo sa akin.
Bagaman tumatawag sila sa Kataas-taasan,
walang sinumang nagtataas sa kanya.
8 Paano(H) kitang pababayaan, O Efraim?
Paano kita itatakuwil, O Israel?
Paano kita gagawing tulad ng Adma?
Paano kita ituturing na tulad ng Zeboim?
Ang aking puso ay nabagbag sa loob ko,
ang aking habag ay nagningas.
9 Hindi ko igagawad ang aking mabangis na galit,
hindi ako babalik upang wasakin ang Efraim;
sapagkat ako'y Diyos, at hindi tao;
ang Banal sa gitna mo;
at hindi ako darating na may poot.
10 Sila'y lalakad nang ayon sa Panginoon,
siya'y uungal na parang leon; kapag siya'y umungal,
ang kanyang mga anak ay darating na nanginginig mula sa kanluran.
11 Sila'y darating na nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto,
at parang mga kalapati mula sa lupain ng Asiria;
at ibabalik ko sila sa kanilang mga tahanan, sabi ng Panginoon.
Ang Kasinungalingan at Pang-aapi ng Efraim
12 Pinalibutan ako ng Efraim ng kasinungalingan,
at ng sambahayan ni Israel ng daya;
ngunit ang Juda ay lumalakad pa ring kasama ng Diyos,
at tapat pa rin sa Banal.
12 Ang Efraim ay nanginginain sa hangin,
at humahabol sa hanging silangan sa buong araw;
sila'y nagpaparami ng mga kabulaanan at karahasan;
sila'y nakikipagkasundo sa Asiria,
at nagdadala ng langis sa Ehipto.
2 Ang Panginoon ay may paratang laban sa Juda,
at parurusahan ang Jacob ayon sa kanyang mga lakad;
at pagbabayarin siya ayon sa kanyang mga gawa.
3 Sa(I) (J) sinapupunan ay kanyang hinawakan sa sakong ang kanyang kapatid;
at sa kanyang pagkabinata ay nakipagbuno siya sa Diyos.
4 Siya'y(K) nakipagbuno sa anghel, at nanaig;
siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya.
Nakatagpo niya siya sa Bethel,
at doo'y nakipag-usap siya sa kanya.[c]
5 Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo;
Panginoon ang kanyang pangalan!
6 Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Diyos,
mag-ingat ng kabutihang-loob at katarungan,
at hintayin mong lagi ang iyong Diyos.
7 Isang mangangalakal na may timbangang madaya sa kanyang mga kamay,
maibigin siya sa pang-aapi.
8 At sinabi ng Efraim, “Tunay na ako'y mayaman,
ako'y nagkamal ng kayamanan para sa aking sarili;
sa lahat ng aking pakinabang
walang natagpuang paglabag sa akin
na masasabing kasalanan.”
9 Ngunit(L) ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
muli kitang patitirahin sa mga tolda,
gaya sa mga araw ng takdang kapistahan.
10 Ako ay nagsalita sa mga propeta,
at ako ang nagparami ng mga pangitain;
at sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbigay ako ng mga talinghaga.
11 Sa Gilead ba'y may kasamaan?
Sila'y pawang walang kabuluhan.
Sa Gilgal ay naghahandog sila ng mga toro;
ang kanilang mga dambana ay parang mga bunton
sa mga lupang binungkal sa bukid.
12 Si(M) Jacob ay tumakas patungo sa lupain ng Aram,
at doon ay naglingkod si Israel dahil sa isang asawa,
at dahil sa isang asawa ay nag-alaga siya ng mga tupa.
13 Sa(N) pamamagitan ng isang propeta ay iniahon ng Panginoon ang Israel mula sa Ehipto,
at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y napangalagaan.
14 Ang Efraim ay nagbigay ng mapait na galit,
kaya't ibababa ng kanyang Panginoon ang mga kasamaan niya sa kanya
at pagbabayarin siya sa kanyang mga panlalait.
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Nang magsalita ang Efraim, nanginig ang mga tao;
kanyang itinaas ang kanyang sarili sa Israel;
ngunit siya'y nagkasala dahil kay Baal, at siya'y namatay.
2 At ngayo'y patuloy silang nagkakasala,
at gumagawa ng mga larawang hinulma para sa kanilang sarili,
mga diyus-diyosang pilak na ginawa ayon sa kanilang pang-unawa,
lahat ng iyon ay gawa ng mga manggagawa.
Sinasabi nila tungkol sa mga iyon, “Maghandog kayo rito.”
Ang mga tao ay humahalik sa mga guya!
3 Kaya't sila'y magiging tulad ng ulap sa umaga,
at tulad ng hamog na maagang naglalaho,
na gaya ng ipa na tinatangay ng ipu-ipo mula sa giikan,
at gaya ng usok na lumalabas sa labasan ng usok.
4 Gayunma'y ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
at wala kang kilalang Diyos kundi ako,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
5 Ako(O) ang kumilala sa iyo sa ilang,
sa lupain ng tagtuyot.
6 Ayon sa kanilang pastulan, sila ay nabusog;
sila ay nabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki;
kaya't kinalimutan nila ako.
7 Kaya't ako'y magiging gaya ng leon sa kanila;
gaya ng leopardo ako'y mag-aabang sa tabi ng daan.
8 Ako'y susunggab sa kanila na gaya ng oso na ninakawan ng kanyang mga anak,
at pupunitin ko upang mabuksan ang takip ng kanilang puso;
at doo'y lalamunin ko sila na gaya ng leon;
kung paanong lalapain sila ng mabangis na hayop.
9 Sa iyong ikapapahamak, O Israel;
na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.
10 Nasaan(P) ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod?
Nasaan ang iyong mga hukom,
na sa kanila'y sinabi mo, “Bigyan mo ako ng hari at mga pinuno?”
11 Sa(Q) galit ko'y binigyan kita ng hari,
at sa poot ko'y inalis ko siya.
12 Ang kasamaan ng Efraim ay nababalot;
ang kanyang kasalanan ay nakaimbak.
13 Ang sakit ng panganganak ay dumarating para sa kanya;
ngunit siya'y isang hangal na anak;
sapagkat sa tamang panahon ay hindi siya nagpapakita
sa bungad ng sinapupunan.
14 Tutubusin(R) ko ba sila mula sa kapangyarihan ng Sheol?
Tutubusin ko ba sila mula kay Kamatayan?
O Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot?
O Sheol, nasaan ang iyong pangwasak?
Ang kahabagan ay nakatago sa aking mga mata.
15 Bagaman siya'y maging mabunga sa kanyang mga kapatid,
ang hanging silangan ay darating,
ang malakas na hangin ng Panginoon ay tataas mula sa ilang;
at ang kanyang bukal ay matutuyo,
at ang kanyang batis ay magiging tigang.
Sasamsaman nito ang kanyang kabang-yaman
ng bawat mahalagang bagay.
16 Papasanin ng Samaria ang kanyang pagkakasala;
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa kanyang Diyos:
sila'y ibubuwal ng tabak;
ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
at ang kanilang mga babaing buntis ay paluluwain ang bituka.
Panawagan upang Magsisi
14 O Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Diyos;
sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.
2 Magdala kayo ng mga salita,
at manumbalik kayo sa Panginoon;
sabihin ninyo sa kanya,
“Alisin mo ang lahat ng kasamaan,
tanggapin mo ang mabuti;
at aming ihahandog
ang bunga ng aming mga labi.
3 Hindi kami ililigtas ng Asiria;
hindi kami sasakay sa mga kabayo;
hindi na kami magsasabi
sa gawa ng aming mga kamay, ‘Aming Diyos.’
Sa iyo'y nakakatagpo ng awa ang ulila.”
4 Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil,
malaya ko silang iibigin;
sapagkat ang aking galit ay naalis na sa kanila.
5 Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel;
siya'y mamumukadkad gaya ng liryo,
at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon.
6 Ang kanyang mga sanga ay yayabong,
at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo,
at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon.
7 Sila'y muling maninirahan sa kanyang lilim
sila'y lalago gaya ng trigo,
at mamumulaklak na gaya ng puno ng ubas,
at ang kanilang bango ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.
8 O Efraim, ano ba ang kinalaman ko sa mga diyus-diyosan?
Ako ang siyang sumasagot at nagbabantay sa iyo.[d]
Ako'y tulad sa sipres na laging luntian,
sa akin nanggagaling ang iyong bunga.
9 Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito;
sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito;
sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay matuwid,
at nilalakaran ng mga taong matuwid,
ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001