Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Habakuk 1-3

Si Habakuk ay Dumaing dahil sa Kawalan ng Katarungan

Ang pahayag ng Diyos na nakita ni propeta Habakuk.

O Panginoon, hanggang kailan ako hihingi ng tulong,
    at hindi mo papakinggan?
O dadaing sa iyo ng “Karahasan!”
    at hindi ka magliligtas?
Bakit mo hinahayaang makita ko ang kamalian,
    at tingnan ang kasamaan?
Ang kasiraan at karahasan ay nasa harapan ko;
    paglalaban at pagtatalo ay lumilitaw.
Kaya't ang batas ay hindi pinapansin,
    at ang katarungan ay hindi kailanman nangingibabaw.
Sapagkat pinaliligiran ng masama ang matuwid;
    kaya't ang katarungan ay nababaluktot.

Ang Sagot ng Panginoon

Magmasid(A) kayo sa mga bansa, at tumingin kayo;
    mamangha at magtaka.
Sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga araw
    na hindi ninyo paniniwalaan kapag sinabi sa inyo.
Sapagkat(B) narito, aking ginigising ang mga Caldeo,
    ang malupit at marahas na bansa,
na lumalakad sa kaluwangan ng lupa,
    upang sakupin ang mga tahanang hindi kanila.
Sila'y kakilakilabot at nakakatakot;
    ang kanilang katarungan at karangalan ay mula sa kanilang sarili.
Ang kanilang mga kabayo ay matutulin kaysa mga leopardo,
    higit na mababangis kaysa panggabing asong-gubat
    at ang kanilang mga mangangabayo ay mabibilis.
Ang kanilang mga mangangabayo ay galing sa malayo;
    sila'y lumilipad na parang agila na nagmamadali upang manakmal.
Silang lahat ay dumarating para sa karahasan;
    na may mukhang pasulong.
    Kanilang tinitipon ang mga bihag na parang buhangin.
10 Kanilang tinutuya ang mga hari,
    at ang mga pinuno ay kanilang pinagtatawanan.
Kanilang kinukutya ang bawat tanggulan;
    sapagkat kanilang binubuntunan ang lupa at sinasakop ito.
11 Pagkatapos ay lalampas sila na parang hangin
    at magpapatuloy, mga taong nagkasala,
    na ang sarili nilang kapangyarihan ay ang kanilang diyos!

Muling Dumaing si Habakuk

12 Di ba ikaw ay mula sa walang hanggan,
    O Panginoon kong Diyos, aking Banal?
    Kami ay hindi mamamatay.
O Panginoon, iyong itinakda sila sa paghuhukom;
    at ikaw, O Malaking Bato, ang nagtatag sa kanila upang magtuwid.
13 “Ang iyong mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan,”
    at hindi makakatingin sa kamalian,
bakit mo minamasdan ang taong masasama,
    at tumatahimik ka kapag sinasakmal ng masama
    ang taong higit na matuwid kaysa kanya?
14 Sapagkat ginagawa mo ang mga tao na gaya ng mga isda sa dagat,
    gaya ng mga gumagapang na bagay na walang namumuno.

15 Kanyang binubuhat silang lahat sa pamamagitan ng bingwit,
    kanyang hinuhuli sila sa kanyang lambat,
at kanyang tinitipon sila sa kanyang panghuli,
    kaya't siya'y nagagalak at nagsasaya.
16 Kaya't siya'y naghahandog sa kanyang lambat,
    at nagsusunog ng kamanyang sa kanyang panghuli,
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyo'y nabubuhay siya sa karangyaan,
    at ang kanyang pagkain ay sagana.
17 Patuloy ba niyang aalisan ng laman ang kanyang lambat,
    at walang habag na papatayin ang mga bansa magpakailanman?

Ang Sagot ng Panginoon kay Habakuk

Ako'y tatayo upang magbantay,
    at magbabantay ako sa ibabaw ng tore,
at tatanaw upang makita ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin,
    at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing.
At ang Panginoon ay sumagot sa akin:
“Isulat mo ang pangitain,
    at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato,
upang ang makabasa niyon ay makatakbo.
Sapagkat(C) ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito;
    at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling.
Kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo;
    ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala.
Masdan(D) mo ang palalo!
    Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya,
    ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
Bukod dito ang alak[a] ay mandaraya;
    ang taong hambog ay hindi mamamalagi sa kanyang tahanan.
Ang kanyang nasa ay parang Sheol,
    at siya'y parang kamatayan na hindi masisiyahan.
Kanyang tinitipon para sa kanya ang lahat ng bansa
    at tinitipon para sa kanya ang lahat ng bayan.”

Hindi ba ang lahat ng ito ay magsasalita ng kanilang pagtuya at panlilibak laban sa kanya, at kanilang sabihin,

“Kahabag-habag siya na nagpaparami ng di kanya—
    Hanggang kailan ka magpapasan ng mga bagay na mula sa sangla?”
Hindi ba biglang tatayo ang iyong mga nagpapautang,
    at magigising ang mga naniningil sa iyo?
    Kung gayon ay magiging samsam ka nila.
Sapagkat iyong sinamsaman ang maraming bansa,
    sasamsaman ka ng lahat ng nalabi sa mga tao,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasang ginawa sa lupain,
    sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.

Kahabag-habag siya na may masamang pakinabang para sa kanyang sambahayan,
    upang kanyang mailagay ang kanyang pugad sa itaas,
    upang maligtas sa abot ng kapahamakan!
10 Ikaw ay nagbalak ng kahihiyan sa iyong sambahayan,
    sa pamamagitan ng pagpatay ng maraming tao,
    ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili.
11 Sapagkat ang bato ay daraing mula sa pader,
    at ang biga mula sa mga kahoy ay sasagot.

12 Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo,
    at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!
13 Hindi ba mula sa Panginoon ng mga hukbo
    na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan?
14 Sapagkat(E) ang lupa ay mapupuno
    ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
15 Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa,
    na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila,
    upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran!
16 Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian.
    Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran!
Ang kopa sa kanang kamay ng Panginoon
    ay darating sa iyo,
    at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian!
17 Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo,
    ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain,
    sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.

18 Anong pakinabang sa diyus-diyosan
    pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon,
isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan?
    Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang
    kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan!
19 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka;
    sa piping bato, Bumangon ka!
    Makakapagturo ba ito?
Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak,
    at walang hininga sa loob niyon.

20 Ngunit ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal;
    tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!

Ang Panalangin ni Habakuk

Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.

O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
    at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
    Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
    sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
    at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
    at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
    may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
    at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
    at ang salot ay malapit na sumusunod.
Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
    Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
    ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
    Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
    Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
    Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
    O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
    sa iyong karwahe ng kaligtasan?
Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
    ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
    Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
    ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
    at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
    sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
    sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
    iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
    at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
    hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
    na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
    ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
    ang bunton ng makapangyarihang tubig.

Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon

16 Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
    ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
    ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
    na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
17 Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
    ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
    ang olibo ay hindi magbubunga,
at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain;
ang kawan ay aalisin sa kulungan,
    at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,
18 gayunma'y magagalak ako sa Panginoon,
    ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.
19 Ang(F) Diyos, ang Panginoon, ay aking kalakasan;
    ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    pinalalakad niya ako sa aking matataas na dako.
Sa Punong Manunugtog: na may panugtog na may kuwerdas.

Sefanias 1-3

Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Sefanias na anak ni Cushi, na anak ni Gedalias, na anak ni Amarias, na anak ni Hezekias, nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda.

Ang Araw ng Paghuhukom ng Panginoon

“Aking lubos na lilipulin ang lahat ng bagay
    sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
“Aking pupuksain ang tao at ang hayop;
    lilipulin ko ang mga ibon sa himpapawid,
    at ang mga isda sa dagat,
at ang katitisuran kasama ang masasama;
    aking aalisin ang sangkatauhan
    sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
“Aking iuunat ang aking kamay laban sa Juda,
    at laban sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem;
at aking aalisin mula sa lugar na ito ang nalabi ni Baal,
    at ang mga pangalan ng mga paring sumasamba sa diyus-diyosan kasama ang mga pari;
yaong mga yumuyukod sa mga bubungan
    sa mga bagay na nasa kalangitan;
sa mga yumuyukod at sumusumpa rin sa Panginoon
    at gayunma'y sumusumpa sa pangalan ni Malcam;
at iyong mga tumalikod mula sa pagsunod sa Panginoon;
    at ang mga hindi hinanap ang Panginoon, ni sumangguni man sa kanya.”

Tumahimik ka sa harapan ng Panginoong Diyos!
    Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
sapagkat inihanda ng Panginoon ang isang handog,
    at itinalaga ang kanyang mga panauhin.
At sa araw ng paghahandog sa Panginoon
“Aking parurusahan ang mga pinuno, at ang mga anak ng hari,
    at ang lahat na nagsusuot ng damit ng dayuhan.
At sa araw na iyon ay aking parurusahan
    ang lahat ng lumulukso sa pasukan,
na pinupuno ang bahay ng kanilang panginoon
    ng karahasan at pandaraya.”

10 “At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon,
    “maririnig ang panaghoy mula sa Pintuang Isda,
ang pananambitan mula sa Ikalawang Bahagi,
    ang isang malakas na lagapak mula sa mga burol.
11 Managhoy kayo, kayong mga naninirahan sa Mortar!
    Sapagkat ang buong bayan ng Canaan ay nalansag;
    lahat ng nagtitimbang ng pilak ay inalis.
12 At sa panahong iyon, ang Jerusalem ay sisiyasatin ko sa pamamagitan ng ilawan,
    at aking parurusahan ang mga tao
na nagsisiupo sa kanilang mga latak,
    na nagsasabi sa kanilang puso,
‘Ang Panginoon ay hindi gagawa ng mabuti,
    ni gagawa man siya ng masama.’
13 At ang kanilang kayamanan ay nanakawin,
    at ang kanilang mga bahay ay gigibain.
Bagaman sila'y nagtatayo ng mga bahay,
    hindi nila titirahan ang mga iyon;
bagaman sila'y nagtatanim ng ubasan,
    hindi sila iinom ng alak niyon.”
14 Ang dakilang araw ng Panginoon ay malapit na,
    malapit na at napakabilis na dumarating,
ang tinig ng araw ng Panginoon,
    ang makapangyarihang tao ay sumisigaw nang may kapaitan roon.
15 Ang araw na iyon ay araw ng pagkapoot,
    araw ng kaguluhan at kahapisan,
    araw ng pagkawasak at pagkasira,
    araw ng kadiliman at kalumbayan,
    araw ng mga ulap at makapal na kadiliman,
16     araw ng tunog ng tambuli at ng hudyat ng digmaan,
laban sa mga lunsod na may muog,
    at laban sa mataas na kuta.

17 At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao,
    upang sila'y lumakad na parang mga bulag,
    sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon;
at ang kanilang dugo ay ibubuhos na parang alabok,
    at ang kanilang laman ay parang dumi.
18 Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man
    ay hindi makakapagligtas sa kanila
    sa araw ng poot ng Panginoon.
Sa apoy ng kanyang naninibughong poot
    ang buong lupa ay matutupok;
sapagkat isang ganap at biglang paglipol
    ang kanyang gagawin, sa lahat ng naninirahan sa daigdig.

Ang Malagim na Wakas ng mga Bansa

Sama-sama kayong pumarito
    at magtipon, O bansang walang kahihiyan;

bago ang utos ay lumabas, ang araw ay dadaang parang ipa,

    bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon,
    bago dumating sa inyo ang araw ng poot ng Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain,
    na sumusunod sa kanyang mga utos;
hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan,
    maaaring kayo'y maitago
    sa araw ng poot ng Panginoon.

Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel

Sapagkat(B) ang Gaza ay pababayaan,
    at ang Ascalon ay magigiba;
palalayasin ang mamamayan ng Asdod sa katanghaliang-tapat,
    at ang Ekron ay mabubunot.

Kahabag-habag ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat,
    ikaw na bansa ng mga Kereteo!
Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo,
    O Canaan, lupain ng mga Filisteo;
    aking wawasakin ka, hanggang maubos ang lahat ng mamamayan.
At ikaw, O baybayin ng dagat ay magiging pastulan,
    kaparangan para sa mga pastol,
    at mga kulungan para sa mga kawan.
At ang baybayin ay magiging pag-aari
    ng nalabi sa sambahayan ni Juda;
    na iyon ay kanilang pagpapastulan,
at sa mga bahay sa Ascalon ay
    mahihiga sila sa gabi.
Sapagkat dadalawin sila ng Panginoon nilang Diyos,
    at ibabalik mula sa kanilang pagkabihag.

“Aking(C) narinig ang panunuya ng Moab,
    at ang panglalait ng mga anak ni Ammon,
kung paanong tinuya nila ang aking bayan,
    at nagmalaki sila laban sa kanilang nasasakupan.
Kaya't(D) habang buháy ako,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
    ng Diyos ng Israel,
“ang Moab ay magiging parang Sodoma,
    at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra,
isang lupaing pag-aari ng mga dawag at tambakan ng asin,
    at isang pagkasira magpakailanman.
Sila'y sasamsaman ng nalabi sa aking bayan,
    at sila'y aangkinin ng nalabi sa aking bansa.”
10 Ito ang kanilang magiging kapalaran kapalit ng kanilang pagmamataas,
    sapagkat sila'y nanlibak at nagmalaki
    laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo.
11 Ang Panginoon ay magiging kakilakilabot laban sa kanila;
    oo, kanyang gugutumin ang lahat ng diyos sa lupa;
at sa kanya ay yuyukod,
    bawat isa sa kanya-kanyang dako,
    ang lahat ng pulo ng mga bansa.

12 Kayo(E) rin, O mga taga-Etiopia,
    kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak.
13 At(F) kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga,
    at gigibain ang Asiria,
at ang Ninive ay sisirain,
    at tutuyuing gaya ng ilang.
14 At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon,
    lahat ng hayop ng mga bansa,
ang pelikano at gayundin ang kuwago
    ay maninirahan sa kanyang mga kabisera,
ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana,
    ang kasiraan ay darating sa mga pasukan;
    sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira.
15 Ito ang masayang bayan na
    naninirahang tiwasay,
na nagsasabi sa sarili,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
Siya'y naging wasak,
    naging dakong higaan para sa mababangis na hayop!
Bawat dumaraan sa kanya
    ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay.

Ang Kasamaan at Katubusan ng Israel

Kahabag-habag siya na marumi, nadungisan at mapang-aping lunsod!
Siya'y hindi nakinig sa tinig ninuman;
    siya'y hindi tumanggap ng pagtutuwid.
Siya'y hindi nagtiwala sa Panginoon;
    siya'y hindi lumapit sa kanyang Diyos.
Ang mga pinunong kasama
    niya ay mga leong umuungal;
ang mga hukom niya ay mga asong ligaw sa gabi;
    sila'y walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan.
Ang kanyang mga propeta ay walang kabuluhan at mga taksil;
nilapastangan ng kanyang mga pari ang bagay na banal,
    sila'y nagsigawa ng karahasan sa kautusan.
Ang Panginoon sa gitna niya ay matuwid;
    siya'y hindi gumagawa ng mali;
tuwing umaga'y kanyang ipinapakita ang kanyang katarungan,
    siya'y hindi nagkukulang bawat madaling-araw;
    ngunit walang kahihiyan ang di-matuwid.

“Ako'y nag-alis ng mga bansa;
    ang kanilang mga kuta ay sira.
Aking winasak ang kanilang mga lansangan,
    na anupa't walang dumaraan sa mga iyon;
ang kanilang mga lunsod ay giba, kaya't walang tao,
    walang naninirahan.
Aking sinabi, ‘Tiyak na ikaw ay matatakot sa akin,
    siya'y tatanggap ng pagtutuwid;
sa gayo'y ang kanyang tahanan ay hindi mahihiwalay
    ayon sa aking itinakda sa kanya.’
Ngunit sila'y lalong naging masigasig
    na pasamain ang lahat nilang mga gawa.”

“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ng Panginoon,
    “sa araw na ako'y bumangon bilang saksi.
Sapagkat ang aking pasiya ay tipunin ang mga bansa,
    upang aking matipon ang mga kaharian,
upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit,
    lahat ng init ng aking galit;
sapagkat ang buong lupa ay tutupukin,
    ng apoy ng aking naninibughong poot.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
    upang maging dalisay na pananalita,
upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ng Panginoon;
    at paglingkuran siya na may pagkakaisa.
10 Mula sa kabila ng mga ilog ng Etiopia,
    ang mga sumasamba sa akin,
    ang anak na babae na aking pinapangalat,
ay magdadala ng handog sa akin.
11 “Sa araw na iyon ay hindi ka mapapahiya
    ng dahil sa mga gawa,
na iyong ipinaghimagsik laban sa akin;
sapagkat kung magkagayon aking aalisin sa gitna mo
    ang iyong mga taong nagsasayang may pagmamataas,
at hindi ka na magmamalaki pa
    sa aking banal na bundok.
12 Sapagkat aking iiwan sa gitna mo
    ang isang mapagpakumbaba at maamong bayan.
Sila'y manganganlong sa pangalan ng Panginoon,
13     Ang(G) mga nalabi sa Israel
ay hindi gagawa ng kasamaan,
    ni magsasalita man ng mga kasinungalingan;
ni matatagpuan man
    ang isang mandarayang dila sa kanilang bibig.
sapagkat sila'y manginginain at hihiga,
    at walang tatakot sa kanila.”

Isang Awit ng Kagalakan

14 Umawit ka nang malakas, O anak na babae ng Zion;
    Sumigaw ka, O Israel!
Ikaw ay matuwa at magalak nang buong puso,
    O anak na babae ng Jerusalem!

15 Inalis ng Panginoon ang mga hatol laban sa iyo,

    kanyang iwinaksi ang iyong mga kaaway.
Ang Hari ng Israel, ang Panginoon, ay nasa gitna mo;
    hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem;
“Huwag kang matakot;
    O Zion, huwag manghina ang iyong mga kamay.
17 Ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo,
    isang mandirigma na nagbibigay ng tagumpay;
siya'y magagalak sa iyo na may kagalakan;
siya'y tatahimik sa kanyang pag-ibig;
siya'y magagalak sa iyo na may malakas na awitan,
18 aking pipisanin ang namamanglaw dahil sa
    takdang kapistahan.[a]
“Sila'y nagmula sa iyo, aalisin ang kakutyaan sa kanya.
19 Narito, sa panahong iyon ay aking parurusahan ang lahat ng mga umaapi sa iyo.
At aking ililigtas ang pilay at titipunin ang pinalayas;
at aking papalitan ng kapurihan ang kanilang kahihiyan,
    at kabantugan sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon kayo'y aking ipapasok,
    sa panahon na kayo'y aking tinitipon;
oo, aking gagawin kayong bantog at pinupuri
    ng lahat ng mga bayan sa daigdig,
kapag ibinalik ko ang inyong mga kapalaran
    sa harapan ng inyong paningin,” sabi ng Panginoon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001