Beginning
Iniutos ng Panginoon na Muling Itayo ang Templo
1 Nang(A) ikalawang taon ni Haring Dario, nang unang araw ng ikaanim na buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari:
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: sinasabi ng bayang ito na hindi pa dumarating ang panahon, upang muling itayo ang bahay ng Panginoon.”
3 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai.
4 “Panahon ba para sa inyong mga sarili na manirahan sa inyong mga bahay na may kisame, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak?
5 Ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
6 Kayo'y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo'y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo'y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo'y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas.
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
8 Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako'y luwalhatiin, sabi ng Panginoon.
9 Kayo'y naghanap ng marami, at nakakita ng kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, iyon ay aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa aking bahay na nananatiling wasak, samantalang tumatakbo ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang sariling bahay.
10 Kaya't dahil sa inyo pinipigil ng langit na nasa itaas ninyo ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang bunga nito.
11 At ako'y nagpatawag ng tagtuyot sa lupa, at sa mga burol, sa trigo, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at sa mga hayop, at sa lahat ng pinagpagalan.”
12 Nang magkagayo'y si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at si Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, pati ang lahat ng nalabi sa bayan, ay sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at sa mga salita ni propeta Hagai, na siyang sinugo ng Panginoon nilang Diyos; at ang bayan ay natakot sa harap ng Panginoon.
13 Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng Panginoon ayon sa mensahe ng Panginoon sa bayan, “Ako'y sumasainyo, sabi ng Panginoon.”
14 At kinilos ng Panginoon ang diwa ni Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at ang espiritu ni Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at ang diwa ng buong nalabi sa bayan. Sila'y dumating at ginawa ang bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos,
15 nang ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan nang ikalawang taon ni Haring Dario.
Ang Kagandahan ng Templo
2 Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo,
3 ‘Sino(B) ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?
4 Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
5 ayon(C) sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot.
6 Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa.
7 Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’”
10 Nang ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
11 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Itanong ninyo ngayon sa mga pari upang pagpasiyahan ang katanungang ito:
12 ‘Kung ang isang tao ay may dalang itinalagang karne sa laylayan ng kanyang damit, ang kanyang laylayan ay makasagi ng tinapay, o nilaga, o alak, o langis, o anumang pagkain, nagiging banal ba ito?’” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”
13 Nang(E) magkagayo'y sinabi ni Hagai, “Kung ang isang taong marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay ay masagi ang alinman sa mga ito, nagiging marumi ba ito?” Sumagot ang mga pari, “Nagiging marumi iyon.”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, “Gayon ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng Panginoon. Gayon ang bawat gawa ng kanilang mga kamay, at ang kanilang inihahandog doon ay marumi.
15 Ngunit ngayon, inyong pakaisipin kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. Bago ipatong ang isang bato sa isa pang bato sa templo ng Panginoon,
16 mula sa panahong iyon, kapag ang isang tao ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, magkakaroon ng sampu lamang; kapag ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limampung sukat, may dalawampu lamang.
17 Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng yelo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Isaalang-alang mula sa araw na ito, mula sa ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ilagay ang saligan ng templo ng Panginoon isaalang-alang ninyo.
19 Ang binhi ba'y nasa kamalig pa? O kahit ang puno ng ubas, ang puno ng igos, ang granada, at ang puno ng olibo ay wala pa ring bunga? Gayunman, mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.”
Ang Pangako ng Panginoon
20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Hagai nang ikadalawampu't apat na araw ng buwan, na sinasabi,
21 “Magsalita ka kay Zerubabel na gobernador ng Juda, at iyong sabihin, Aking uugain ang mga langit at ang lupa;
22 at aking ibabagsak ang trono ng mga kaharian, at aking sisirain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at ibubuwal ang mga karwahe at ang mga sumasakay sa mga iyon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga iyon ay mahuhulog, ang bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kanyang kasama.
23 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kukunin kita, O Zerubabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng Panginoon, at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak; sapagkat pinili kita, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001