Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Joel 1-3

Ipinagluksa ng Bayan ang Pagkawasak ng mga Pananim

Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel:

Pakinggan ninyo ito, O matatanda,
    pakinggan ninyo, kayong lahat na naninirahan sa lupain!
May nangyari na bang ganitong bagay sa inyong mga araw,
    o sa mga araw ng inyong mga ninuno?
Sabihin ninyo iyon sa inyong mga anak,
    at ng inyong mga anak sa kanilang mga anak,
    at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi.
Ang iniwan ng nagngangatngat na balang,
    ay kinain ng kuyog na balang.
Ang iniwan ng kuyog na balang
    ay kinain ng gumagapang na balang;
at ang iniwan ng gumagapang na balang
    ay kinain ng maninirang balang.

Gising, kayong mga maglalasing, at umiyak kayo;
    tumangis kayo, kayong lahat na manginginom ng alak,
dahil sa matamis na alak
    na inilayo sa inyong bibig.
Sapagkat(A) ang isang bansa ay sumalakay sa aking lupain,
    malakas at di mabilang,
ang kanyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon,
    at siya'y may mga pangil ng babaing leon.
Kanyang sinira ang aking puno ng ubas,
    at sinibak ang aking puno ng igos;
kanyang binalatan at inihagis,
    ang kanilang mga sanga ay pumuti.

Managhoy ka na parang birheng may bigkis ng damit-sako
    para sa asawa ng kanyang kabataan.
Ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay inalis sa bahay ng Panginoon.
Ang mga pari na mga lingkod ng Panginoon
    ay nagdadalamhati.
10 Ang mga bukid ay sira,
    ang lupain ay nagluluksa,
sapagkat ang trigo ay sira,
    ang bagong alak ay natuyo
    at ang langis ay kulang.

11 Mahiya kayo, O kayong mga magsasaka,
    tumangis kayong mga nag-aalaga ng ubasan,
dahil sa trigo at sebada;
    sapagkat ang ani sa bukid ay nasira.
12 Ang puno ng ubas ay natuyo,
    at ang puno ng igos ay nalalanta.
    Ang puno ng granada, ang puno ng palma at ang puno ng mansanas,
    at lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo;
sapagkat ang kagalakan ay nawala
    sa mga anak ng mga tao.

13 Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy,
    manangis, kayong mga lingkod sa dambana.
Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako,
    O mga lingkod ng aking Diyos!
Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos.

14 Magtakda kayo ng pag-aayuno,
    tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang matatanda
    at ang lahat ng naninirahan sa lupain
sa bahay ng Panginoon ninyong Diyos,
    at dumaing kayo sa Panginoon.

15 Kahabag-habag(B) ang araw na iyon!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na,
    at ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat.
16 Hindi ba ang pagkain ay inalis
    sa ating harapan,
ang kagalakan at kasayahan
    mula sa bahay ng ating Diyos?

17 Ang mga binhi ay natutuyo sa ilalim ng lupa,
    ang mga kamalig ay walang laman,
ang mga imbakan ay wasak;
    sapagkat walang trigo.
18 Nag-uungalan ang mga hayop!
    Ang mga kawan ng mga baka ay nalilito
sapagkat wala silang pastulan;
    pati ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa.

19 O Panginoon, tumatawag ako sa iyo.
Sapagkat tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang,
at sinunog ng apoy ang lahat ng punungkahoy sa parang.
20 Maging ang mga hayop sa bukid ay humihingal sa iyo;
    sapagkat ang mga tubig sa batis ay natutuyo,
at tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.

Babala ng Araw ng Panginoon

Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion,
    patunugin ninyo ang hudyat sa aking banal na bundok!
Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain,
    sapagkat ang araw ng Panginoon ay dumarating, ito'y malapit na;
isang araw ng kadiliman at pagkulimlim,
    araw ng mga ulap at makapal na dilim!
Gaya ng bukang-liwayway na kumakalat sa mga bundok,
    isang dakila at makapangyarihang hukbo ang dumarating;
hindi nagkaroon kailanman ng gaya nila,
    ni magkakaroon pa man pagkatapos nila,
    hanggang sa mga taon ng maraming salinlahi.

Isang apoy ang tumutupok sa harapan nila;
    at sa likuran nila'y isang nagliliyab na apoy.
Ang lupain ay parang halamanan ng Eden sa harapan nila,
    ngunit sa likuran nila'y isang sirang ilang;
    at walang nakatakas sa kanila.

Ang(C) anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo;
    at sila'y tumatakbong gaya ng mga kabayong pandigma.
Gaya ng rumaragasang karwahe
    ay lumulukso sila sa tuktok ng mga bundok,
gaya ng hugong ng liyab ng apoy
    na tumutupok sa dayami,
    gaya ng isang makapangyarihang hukbo na nakahanda sa labanan.

Sa kanilang harapan ay nagdadalamhati ang mga tao,
    lahat ng mukha ay namumutla.
Sila'y sumasalakay na gaya ng mga mandirigma,
    kanilang iniakyat ang pader na gaya ng mga kawal.
Bawat isa'y patungo sa kanya-kanyang lakad,
    at hindi sila lumilihis ng kanilang mga daan.
Hindi sila nagtutulakan sa isa't isa;
    bawat isa'y lumalakad sa kanya-kanyang landas;
kanilang sinasagupa ang mga sandata,
    at hindi sila mapahinto.

Kanilang nilulukso ang lunsod;
    kanilang tinatakbo ang mga pader;
kanilang inaakyat ang mga bahay;
    sila'y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.

10 Ang(D) lupa ay nayayanig sa harap nila,
    ang langit ay nanginginig.
Ang araw at ang buwan ay nagdidilim
    at ang mga bituin ay nawawalan ng kanilang kaningningan.
11 Pinatutunog(E) ng Panginoon ang kanyang tinig
    sa unahan ng kanyang hukbo;
sapagkat ang kanyang hukbo ay napakalaki,
    siya na nagsasagawa ng kanyang salita ay makapangyarihan.
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay dakila at kakilakilabot;
    sinong makakatagal?

Isang Panawagan upang Magsisi

12 “Gayunma'y ngayon,” sabi ng Panginoon,
    “manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso,
    na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati.
13 At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.”
Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos;
    sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin,
hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig
    at nalulungkot sa kasamaan.
14 Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot,
    at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya,
ng handog na butil at handog na inumin
    sa Panginoon ninyong Diyos?

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion;
    magtakda kayo ng isang ayuno,
tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon.
16     Tipunin ninyo ang bayan.
Pakabanalin ang kapulungan;
    tipunin ang matatanda,
tipunin ang mga bata,
    at ang mga sanggol na pasusuhin.
Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid,
    at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid.

17 Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon
    sa pagitan ng portiko at ng dambana,
at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O Panginoon,
    at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana,
    na hinahamak ng mga bansa.
Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan,
    ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”

Ibinalik ng Panginoon ang Katabaan ng Lupain

18 At ang Panginoon ay nanibugho para sa kanyang lupain,
    at nahabag sa kanyang bayan.
19 At ang Panginoon ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan,
“Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis,
at kayo'y mabubusog;
at hindi ko kayo gagawing
    isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa.

20 “Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga,
    at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain,
ang kanyang unaha'y sa dagat silangan,
    at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran;
ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw,
    sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay.

21 “Huwag kang matakot, O lupa,
    ikaw ay matuwa at magalak;
    sapagkat ang Panginoon ang gumawa ng mga dakilang bagay!
22 Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang;
    sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa;
ang punungkahoy ay nagbubunga,
    ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga.

23 “Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion,
    at magalak sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala,
    kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan,
    ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati.
24 Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo,
    at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis.

25 “Aking isasauli sa inyo ang mga taon
    na kinain ng kuyog na balang,
ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang
    na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo.

26 “Kayo'y kakain nang sagana at mabubusog,
    at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos,
    na gumawa ng kababalaghan sa inyo;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
27 At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel,
    at ako ang Panginoon ninyong Diyos, at wala nang iba;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.

Ang Araw ng Panginoon

28 “At(F) mangyayari pagkatapos nito,
    na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
    ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip,
    ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.
29 At maging sa mga lingkod na lalaki at babae
    ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu.

30 “At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok.

31 Ang(G) araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.

32 At(H) mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng Panginoon, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.

Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa

“Sapagkat, narito, sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, kapag aking ibinalik ang kayamanan ng Juda at Jerusalem,

aking titipunin ang lahat ng bansa at ibababa ko sila sa libis ni Jehoshafat; at hahatulan ko sila roon, dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, sapagkat kanilang pinangalat sila sa mga bansa, at pinaghatian ang aking lupain,

at nagsapalaran para sa aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalaki dahil sa isang babaing upahan, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, at ininom iyon.

“Ano(I) (J) kayo sa akin, O Tiro at Sidon, at buong lupain ng Filistia? Binabayaran ba ninyo ako dahil sa isang bagay? Kung ako'y inyong binabayaran, mabilis at madali kong gagantihan ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.

Sapagkat inyong kinuha ang aking pilak at ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mga kayamanan.

Inyong ipinagbili ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa mga taga-Grecia, at inilayo sila sa kanilang sariling hangganan.

Ngunit ngayon ay gigisingin ko sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking sisingilin ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.

At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalaki at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at kanilang ipagbibili sila sa mga Sabeo, sa isang bansang malayo; sapagkat nagsalita ang Panginoon.”

Ipahayag ninyo ito sa mga bansa:
Maghanda kayo ng pakikidigma,
    pasiglahin ninyo ang malalakas na lalaki.
Magsilapit ang lahat ng lalaking mandirigma,
    sila'y magsiahon.
10 Gawin(K) ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod,
    at mga sibat ang inyong mga karit;
    hayaang sabihin ng mahina, “Ako'y malakas.”

11 Magmadali kayo, at magsiparito
    kayong lahat ng bansa sa palibot,
    magtipun-tipon kayo roon.
Ibaba mo ang iyong mga malalakas, O Panginoon.
12 Pasiglahin ng mga bansa ang kanilang sarili,
    at sila'y umahon sa libis ni Jehoshafat;
sapagkat doo'y uupo ako upang hatulan
    ang lahat ng bansa sa palibot.

13 Gamitin(L) ninyo ang karit,
    sapagkat ang aanihin ay hinog na.
Pumasok kayo, at inyong yapakan,
    sapagkat ang pisaan ng alak ay puno.
Ang imbakan ng alak ay inaapawan,
    sapagkat ang kanilang kasamaan ay napakalaki.

14 Napakarami, napakarami,
    ang nasa libis ng pagpapasiya!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na
    sa libis ng pagpapasiya.
15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim,
    at pinipigil ng mga bituin ang kanilang pagningning.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

16 At(M) ang Panginoon ay sumisigaw mula sa Zion,
    at binibigkas ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
    at ang langit at ang lupa ay nayayanig.
Ngunit ang Panginoon ay kanlungan sa kanyang bayan,
    at muog sa mga anak ni Israel.

17 “At inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos,
    na naninirahan sa Zion, na aking banal na bundok.
Kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem,
    at hindi na ito daraanan ng mga dayuhan.

18 “At sa araw na iyon,
ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak,
    at ang mga burol ay dadaluyan ng gatas,
at ang lahat ng batis ng Juda ay dadaluyan ng tubig;
at isang bukal ay lalabas mula sa bahay ng Panginoon,
    at didiligin ang libis ng Shittim.

19 “Ang Ehipto ay masisira,
    at ang Edom ay magiging ilang na sira,
dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda,
    sapagkat sila'y nagpadanak ng dugong walang sala sa kanilang lupain.
20 Ngunit ang Juda'y tatahanan magpakailanman,
    at ang Jerusalem sa lahat ng salinlahi.
21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo
    at hindi ko pawawalang-sala ang nagkasala,
    sapagkat ang Panginoon ay naninirahan sa Zion.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001