Beginning
Ang Ikalawang Panaginip ni Nebukadnezar
4 Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan!
2 Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 Napakadakila ng kanyang mga tanda!
at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan!
Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian,
at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi.
4 Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.
5 Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito.
8 Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos;[a] at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip:
9 O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito.
10 Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas.
11 Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa.
12 Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon.
13 “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga.
15 Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa.
16 Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya.
17 Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’
18 Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos[b] ay nasa iyo.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip
19 Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, “Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan.” Si Belteshasar ay sumagot, “Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway!
20 Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa;
21 na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid—
22 ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa.
23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya’—
24 ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari:
25 Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya.
26 Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno.
27 Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan.”
28 Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar.
29 Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia.
30 Nagsalita ang hari at sinabi, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?”
31 Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, “O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo!
32 Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin.”
33 Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon.
Pinuri ni Nebukadnezar ang Diyos
34 At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nagtaas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman.
Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan,
at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi.
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala;
at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit,
at sa mga nananahan sa lupa.
Walang makakahadlang sa kanyang kamay,
o makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”
36 Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin.
37 Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan.
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[c] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
6 Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2 Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3 Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7 Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10 Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12 Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13 Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14 Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15 At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16 Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17 Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18 Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19 Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21 Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22 Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23 Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24 Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26 Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28 Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001