Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Hoseas 1-7

Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Hoseas na anak ni Beeri, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda, at sa kapanahunan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel.

Ang Taksil na Asawa ni Hoseas

Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Humayo ka, mag-asawa ka ng isang bayarang babae[a] at magkaroon ka ng mga anak sa bayarang babae, sapagkat ang lupain ay gumagawa ng malaking kahalayan dahil sa pagtalikod nila sa Panginoon.”

Kaya't humayo siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim. At siya'y naglihi at nanganak sa kanya ng isang lalaki.

Sinabi(B) ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Jezreel, sapagkat ilang sandali na lang at aking parurusahan ang sambahayan ni Jehu dahil sa dugo ni Jezreel, at aking tatapusin ang kaharian ng sambahayan ni Israel.

Sa araw na iyon, aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel.”

Siya'y muling naglihi, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ruhama;[b] sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni patatawarin pa sila.

Ngunit ako'y maaawa sa sambahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng Panginoon nilang Diyos. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng digmaan, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo.”

Nang maihiwalay niya sa pagsuso si Lo-ruhama, siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki.

At sinabi ng Panginoon, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ammi;[c] sapagkat kayo'y hindi ko bayan, at ako'y hindi ninyo Diyos.”

Ibabalik ang Israel

10 Gayunma'y(C) ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi masusukat, o mabibilang man; at sa dakong sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi aking bayan,” ay sasabihin sa kanila, “Kayo'y mga anak ng Diyos na buháy.”

11 Ang mga anak ni Juda, at ang mga anak ni Israel ay magkakasama-sama at sila'y maghahalal sa kanilang sarili ng isang pinuno, at sila'y magsisisampa mula sa lupain; sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.

Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel

Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;[d] at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.[e]

Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
    sapagkat siya'y hindi ko asawa,
    at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae[f] sa kanyang mukha,
    at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
Kung hindi'y huhubaran ko siya,
    at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
    at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
    at papatayin ko siya sa uhaw.
Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
    sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
    siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
    na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
    ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
    at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
    ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
    ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
    Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
    at babalik sa aking unang asawa;
    sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.

Sapagkat hindi niya nalaman

    na ako ang nagbigay sa kanya
    ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
    at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.

Kaya't aking babawiin

    ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
    at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
    na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
    sa paningin ng kanyang mga mangingibig
    at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11 Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
    ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
    at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12 At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
    na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
    na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
    at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13 Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
    nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
    at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
    at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.

Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan

14 Kaya't akin siyang aakitin,
    at dadalhin siya sa ilang,
    at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(D) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
    at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.

16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”

17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.

18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.

19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.

20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.

21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
    ako'y sasagot sa langit,
    at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
    at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(E) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
    At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
    at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”

Si Hoseas at ang Babaing Mangangalunya

At sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Humayo ka uli, ibigin mo ang isang babae na minamahal ng kanyang asawa, bagama't isang mangangalunya, kung paanong iniibig ng Panginoon ang mga anak ni Israel, bagaman sila'y bumaling sa ibang mga diyos, at gustong-gusto ang mga tinapay na may pasas.”

Sa gayo'y binili ko siya sa halagang labinlimang siklong pilak, isang omer na sebada, at ng isang takal na alak.

At sinabi ko sa kanya, “Dapat kang manatiling akin sa loob ng maraming araw. Huwag kang maging bayarang babae,[g] o pipisan sa ibang lalaki, at magiging gayon din ako sa iyo.”

Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili nang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, walang alay at walang haligi, walang efod o terafim.

Pagkatapos ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari. Darating silang may takot sa Panginoon at sa kanyang kabutihan sa mga huling araw.

Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa Israel

Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, o mga anak ni Israel;
    sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain.
Sapagkat walang katapatan o kabaitan man,
    ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain.

Naroon ang panunumpa,

    pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya;
    sila'y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo.

Kaya't ang lupain ay tumatangis,

    at lahat ng nakatira doon ay nanlulupaypay,
kasama ng mga hayop sa parang
    at ng mga ibon sa himpapawid;
    pati ang mga isda sa dagat ay nangawala.

Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa mga Pari

Gayunma'y huwag makipaglaban ang sinuman,
    o magbintang man ang sinuman;
    sapagkat ang iyong bayan ay gaya ng mga nakikipagtalo sa pari.
At ikaw ay matitisod sa araw,
    at ang propeta man ay matitisod na kasama mo sa gabi;
    at aking pupuksain ang iyong ina.
Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman;
    sapagkat itinakuwil mo ang kaalaman,
    itinatakuwil din kita bilang aking pari.
At yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos,
    akin ding lilimutin ang iyong mga anak.

Habang lalo silang dumarami,
    lalo silang nagkakasala laban sa akin;
    aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian.
Sila'y kumakain sa kasalanan ng aking bayan,
    at itinuon ang kanilang pagnanasa tungo sa kanilang kasamaan.
At magiging kung paano ang taong-bayan, gayon ang pari.
    Parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga lakad,
    at pagbabayarin ko sila sa kanilang mga gawa.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    sila'y magiging tulad sa bayarang babae,[h] ngunit hindi dadami;
    sapagkat sila'y humintong makinig sa Panginoon.

Sinusumpa ng Panginoon ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

11 Ang kahalayan, alak at bagong alak ay nag-aalis ng pang-unawa.
12 Ang aking bayan ay sumasangguni sa bagay na yari sa kahoy,
    at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila.
Sapagkat iniligaw sila ng espiritu ng pagiging bayarang babae,
    at sila'y tumalikod sa kanilang Diyos upang maging bayarang babae.
13 Sila'y naghahandog ng mga alay sa mga tuktok ng mga bundok,
    at nagsusunog ng kamanyang,
sa ilalim ng mga ensina at ng mga alamo at ng mga roble,
    sapagkat ang lilim ng mga iyon ay mabuti.
Kaya't ang inyong mga anak na babae ay naging bayarang babae,
at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.
14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae kapag sila'y naging bayarang babae
ni ang inyong mga manugang na babae kapag sila'y nangangalunya;
sapagkat ang mga lalaki mismo ay humahayo kasama ng bayarang babae
    at sila'y naghahandog ng mga alay kasama ang mga bayarang babae sa templo.
    at ang bayang walang pang-unawa ay mawawasak.

15 Bagaman ikaw, O Israel, ay naging bayarang babae,[i]
    huwag hayaang magkasala ang Juda.
Huwag kayong pumunta sa Gilgal,
    ni sumampa man sa Bet-haven,
    at huwag kayong sumumpa, “Habang nabubuhay ang Panginoon.”
16 Sapagkat ang Israel ay matigas ang ulo,
    gaya ng isang guyang babae na matigas ang ulo
mapapakain ba ngayon sila ng Panginoon
    tulad ng batang tupa sa isang malawak na pastulan?

17 Ang Efraim ay nakisama sa mga diyus-diyosan;
    hayaan ninyo siya.
18 Ang kanilang alak ay ubos, nagpatuloy sila sa pagiging bayarang babae,
    ang kanilang mga pinuno ay iniibig na mabuti ang kahihiyan.
19 Tinangay sila ng hangin sa kanyang mga pakpak;
    at sila'y mapapahiya dahil sa kanilang mga handog.

Ang Pagsalangsang ng Israel ay Tinutulan

Pakinggan ninyo ito, O mga pari!
    Makinig kayo, O sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, O sambahayan ng hari!
    Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan;
sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah,
    at isang lambat na inilatag sa Tabor.
Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan;
    ngunit parurusahan ko silang lahat.

Kilala ko ang Efraim,
    at ang Israel ay hindi lingid sa akin;
sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae,
    ang Israel ay dinungisan ang sarili.
Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa
    na manumbalik sa kanilang Diyos.
Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila,
    at hindi nila nakikilala ang Panginoon.

Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
    kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala;
    ang Juda'y natitisod ding kasama nila.

Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan

    upang hanapin ang Panginoon;
ngunit hindi nila siya matatagpuan;
    siya'y lumayo sa kanila.
Sila'y naging taksil sa Panginoon;
    sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas.
    Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang.

Digmaan ng Juda at ng Israel

Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
    at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
    tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
Ang Efraim ay mawawasak
    sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
    ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10 Ang mga pinuno ng Juda ay naging
    gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11 Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
    sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12 Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
    at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13 Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
    at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
    at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
    ni malulunasan man ang inyong sugat.
14 Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
    at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
    ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15 Ako'y muling babalik sa aking dako,
    hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
    Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.

“Halikayo at tayo'y manumbalik sa Panginoon;
    sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo;
    sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.
Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin;
    sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo,
    upang tayo'y mabuhay sa harap niya.
At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon;
    ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway;
at siya'y paparito sa atin na parang ulan,
    tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa.”

Ang Tugon ng Panginoon

Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim?
    Anong gagawin ko sa iyo, O Juda?
Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga,
    at parang hamog na maagang umaalis.
Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta;
    pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig;
    at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.
Sapagkat(F) nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay,
    ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.

Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan;
    doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.
Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan;
    tigmak ng dugo.
Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao,
    gayon nagsasama-sama ang mga pari;
sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem.
    Sila'y gumagawa ng kasamaan.
10 Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay;
    ang pagiging bayarang babae[j] ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili.
11 Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani,
kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan.

Kapag pagagalingin ko na ang Israel,
    ang kasamaan nga ng Efraim ay mabubunyag,
    at ang masasamang gawa ng Samaria;
sapagkat sila'y nandaraya,
    ang magnanakaw ay nanloloob,
    at ang mga tulisan ay nananamsam sa labas.
Ngunit hindi nila isinasaalang-alang sa kanilang mga puso
    na aking tinatandaan ang lahat nilang masasamang gawa.
Ngayo'y pinalilibutan sila ng kanilang sariling mga gawa;
    sila'y nasa harap ko.

Sabwatan sa Palasyo

Kanilang pinasasaya ang hari sa pamamagitan ng kanilang kasamaan,
    at ng kanilang pagsisinungaling ang mga pinuno.
Silang lahat ay mga mangangalunya;
    sila'y parang pinainit na pugon,
na ang magtitinapay nito ay tumitigil sa pagpapaningas ng apoy,
    mula sa paggawa ng masa hanggang sa ito'y malagyan ng pampaalsa.
Nang araw ng ating hari ang mga pinuno
    ay nagkasakit dahil sa tapang ng alak;
    kanyang iniunat ang kanyang kamay kasama ng mga mapanlibak.
Sapagkat sila'y nagniningas tulad ng isang pugon, habang sila'y nag-aabang,
    ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag,
    sa kinaumagaha'y lumalagablab na parang nagliliyab na apoy.
Silang lahat ay mainit na parang pugon,
    at nilalamon nila ang kanilang mga hukom.
Lahat ng kanilang mga hari ay nabuwal;
    at wala ni isa sa kanila na tumatawag sa akin.

Ang Israel at ang mga Bansa

Ang Efraim ay nakikisalamuha sa mga bansa;
    ang Efraim ay isang tinapay na hindi binaligtad.
Nilalamon ng mga dayuhan ang kanyang lakas,
    at hindi niya ito nalalaman;
mga uban ay nakasabog sa kanya,
    at hindi niya ito nalalaman.
10 Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
    gayunma'y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Diyos,
    ni hinanap man siya, dahil sa lahat ng ito.

11 At ang Efraim ay parang isang kalapati,
    hangal at walang pang-unawa
    sila'y tumatawag sa Ehipto, sila'y pumupunta sa Asiria.
12 Habang sila'y humahayo, aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila;
    akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid;
    aking parurusahan sila ayon sa iniulat sa kanilang kapisanan.
13 Kahabag-habag sila, sapagkat sila'y lumayo sa akin!
    Ang pagkawasak ay sumakanila, sapagkat sila'y naghimagsik laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng mga kasinungalingan laban sa akin.
14 Sila'y hindi dumadaing sa akin mula sa kanilang puso,
    kundi sila'y nananangis sa kanilang mga higaan;
sila'y nagtitipon dahil sa trigo at alak;
    sila'y naghihimagsik laban sa akin.
15 Kahit na aking sinanay at pinalakas ang kanilang mga bisig,
    gayunma'y nagbalak sila ng masama laban sa akin.
16 Sila'y nanunumbalik, ngunit hindi sa kanya na kataas-taasan;
    sila'y parang mandarayang busog;
ang kanilang mga pinuno ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak
    dahil sa poot ng kanilang dila.
Ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Ehipto.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001