Beginning
1 Ang(A) mga salita ni Amos, na kasama ng mga pastol ng Tekoa, na nakita niya tungkol sa Israel nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda, at nang mga araw ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.
2 At(B) kanyang sinabi:
“Ang Panginoon ay umuungal mula sa Zion,
at ipinahahayag ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
at ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa,
at ang tuktok ng Carmel ay natutuyo.”
Hinatulan ng Diyos ang mga Kalapit-bayan ng Israel:
Ang Siria
3 Ganito(C) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Damasco,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang giniik ang Gilead
ng panggiik na bakal.
4 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa sambahayan ni Hazael,
at tutupukin niyon ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
5 Aking wawasakin ang mga halang ng pintuan ng Damasco,
at aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Libis ng Aven,
at siyang humahawak ng setro mula sa Bet-eden;
at ang bayan ng Siria ay tutungo sa pagkabihag sa Kir,” sabi ng Panginoon.
Ang Filistia
6 Ganito(D) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Gaza,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang dinalang-bihag ang buong bayan,
upang ibigay sila sa Edom.
7 Ngunit ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Gaza,
at tutupukin nito ang mga tanggulan niyon.
8 Aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Asdod,
at siyang humahawak ng setro mula sa Ascalon;
at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ekron,
at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol,”
sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Tiro
9 Ganito(E) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Tiro,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom,
at hindi inalala ang tipan ng pagkakapatiran.
10 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Tiro,
at tutupukin nito ang kanyang tanggulan.”
Ang Edom
11 Ganito(F) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Edom,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat hinabol niya ng tabak ang kanyang kapatid,
at ipinagkait ang lahat ng habag,
at ang kanyang galit ay laging nangwawasak,
at taglay niya ang kanyang poot magpakailanman.
12 Ngunit magsusugo ako ng apoy sa Teman,
at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Bosra.”
Ang Amon
13 Ganito(G) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng mga anak ni Amon,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead,
upang kanilang mapalawak ang kanilang hangganan.
14 Kaya't ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Rabba,
at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan,
na may sigawan sa araw ng pakikipaglaban,
na may bagyo sa araw ng ipu-ipo.
15 At ang kanilang hari ay tutungo sa pagkabihag,
siya at ang kanyang mga pinuno na magkakasama,” sabi ng Panginoon.
Ang Moab
2 Ganito(H) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Moab,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanyang sinunog upang maging apog ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa Moab,
at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Kiryot;
at ang Moab ay mamamatay sa gitna ng pagkakagulo,
na may sigawan at tunog ng trumpeta.
3 At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyon,
at papatayin ko ang lahat ng pinuno niyon na kasama niya,” sabi ng Panginoon.
Ang Hatol ng Diyos sa Juda
4 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Juda,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon,
at hindi iningatan ang kanyang mga tuntunin,
kundi iniligaw sila ng kanilang mga kasinungalingang
nilakaran din ng kanilang mga magulang.
5 Kaya't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda;
at tutupukin niyon ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Hatol ng Diyos sa Israel
6 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak,
at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas—
7 kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa,
at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba;
at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga,
kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana,
sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla;
at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak
na binili mula sa multa na kanilang ipinataw.
9 “Gayunma'y(I) nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila,
na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro,
at kasinlakas na gaya ng mga ensina;
nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim.
10 Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto,
at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang,
upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo.
11 At(J) pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta,
at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita.
Di ba gayon, O bayan ng Israel?” sabi ng Panginoon.
12 “Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazirita,
at inutusan ninyo ang mga propeta,
na sinasabi, ‘Huwag kayong magsalita ng propesiya!’
13 “Narito, pabibigatan ko kayo sa inyong dako,
na gaya ng pagpapabigat sa isang karwaheng punô ng mga bigkis.
14 Ang pagtakas ay maglalaho sa matulin;
at hindi mapapanatili ng malakas ang kanyang kalakasan;
ni maililigtas ng makapangyarihan ang kanyang sarili.
15 Hindi makakatindig ang humahawak ng pana;
at siyang matulin ang paa ay hindi makakatakas,
ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makapagliligtas ng kanyang buhay.
16 At siya na matapang sa mga makapangyarihan
ay tatakas na hubad sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon.
3 Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng Panginoon laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto:
2 “Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa;
kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan.
Ang Gawain ng Propeta
3 “Makakalakad ba ang dalawa na magkasama,
malibang sila'y mayroong ginawang tipanan?
4 Uungal ba ang leon sa gubat,
kapag wala siyang huli?
Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5 Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa,
kapag walang silo para dito?
Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa,
kapag wala itong nahuling anuman?
6 Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod,
at ang taong-bayan ay hindi matatakot?
Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod,
malibang ginawa ito ng Panginoon?
7 Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin,
malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim
sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
8 Ang leon ay umungal, sinong di matatakot?
Ang Panginoong Diyos ay nagsalita;
sinong hindi magsasalita ng propesiya?”
Ang Hatol sa Samaria
9 Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod,
at sa mga muog sa lupain ng Ehipto,
at inyong sabihin, “Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya,
at ang pagpapahirap na nasa gitna niya.”
10 “Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid,” sabi ng Panginoon,
“sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog.”
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Palilibutan ng isang kaaway ang lupain
at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan,
at ang iyong mga muog ay sasamsaman.”
12 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama.”
13 “Pakinggan ninyo, at magpatotoo kayo laban sa sambahayan ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Diyos, ng Diyos ng mga hukbo:
14 “Sa(K) araw na aking parusahan ang Israel dahil sa kanyang pagsuway,
ay aking parurusahan din ang mga dambana ng Bethel,
at ang mga sungay ng dambana ay tatanggalin,
at sila'y malalaglag sa lupa.
15 At aking wawasakin ang bahay na pang-taglamig na kasabay ng bahay na pang-tag-init;
at ang mga bahay na garing ay mawawala,
at ang malalaking bahay ay magwawakas,”
sabi ng Panginoon.
4 “Pakinggan ninyo ang salitang ito, O mga baka ng Basan,
na nasa bundok ng Samaria,
na umaapi sa mga dukha,
na dumudurog sa mga nangangailangan,
na nagsasabi sa kanilang mga asawang lalaki, ‘Dalhin ninyo ngayon, upang kami'y makainom!’
2 Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang kabanalan:
Ang mga araw ay tiyak na darating sa inyo,
na kanilang tatangayin kayo sa pamamagitan ng mga bingwit,
pati ang kahuli-hulihan sa inyo sa pamamagitan ng mga pamingwit.
3 At kayo'y lalabas sa mga butas,
na bawat isa'y tuluy-tuloy sa harapan niya.
at kayo'y itatapon sa Harmon,” sabi ng Panginoon.
Ang Pagmamatigas ng Israel
4 “Pumunta kayo sa Bethel, at sumuway kayo;
sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsuway,
dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga,
at ang inyong mga ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw;
5 kayo'y maghandog ng alay ng pasasalamat na may pampaalsa,
at kayo'y maghayag ng mga kusang handog at inyong ipamalita ang mga iyon,
sapagkat gayon ang nais ninyong gawin,
O bayan ng Israel!” sabi ng Panginoong Diyos.
6 “At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
7 “At pinigil ko rin ang ulan sa inyo,
nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na;
ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan:
ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo.
8 Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan
upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
9 “Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag.
Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan;
ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
10 “Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto;
ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak,
kasama ang inyong mga kabayong nabihag;
at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
11 “Ibinuwal(L) ko kayo
gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra,
at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
12 “Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel;
sapagkat aking gagawin ito sa iyo,
humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!”
13 Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin,
at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip;
na nagpapadilim ng umaga,
at yumayapak sa matataas na dako ng lupa—
ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan!
Panawagan sa Pagsisisi
5 Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel:
2 “Siya'y bumagsak na,
hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel;
siya'y itinakuwil sa kanyang lupain,
walang magbangon sa kanya.”
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan,
at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan,
sa sambahayan ni Israel.”
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa sambahayan ni Israel,
“Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay;
5 ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel,
at huwag pumasok sa Gilgal,
ni dumaan sa Beer-seba;
sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag,
at ang Bethel ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mabubuhay;
baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose,
at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon.
7 O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan,
at inihahagis sa lupa ang katuwiran!
8 Siya(M) na lumikha ng Pleyades at Orion,
at ang gabing malalim ay ginagawang umaga,
at pinadidilim ang araw upang maging gabi,
na tinatawag ang mga tubig ng dagat,
at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa
ang Panginoon ang kanyang pangalan;
9 siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas,
anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan.
10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan,
at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan.
11 Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha,
at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo,
kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas,
ngunit hindi ninyo iyon tatahanan;
kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan,
ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon.
12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway,
at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—
kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol,
at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon;
sapagkat iyon ay masamang panahon.
14 Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama,
upang kayo'y mabuhay;
at sa gayo'y ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo,
gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama,
at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan.
Marahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon:
“Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan,
at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’
Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati,
at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy;
sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
18 Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon!
Sa anong layunin ang araw ng Panginoon sa inyo?
Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan,
19 gaya ng isang tao na tumakas sa leon,
at sinalubong siya ng oso,
o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,
at isang ahas ang tumuka sa kanya.
20 Hindi ba kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan,
at kadiliman na walang ningning doon?
21 “Aking(N) kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan,
at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon.
22 Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil,
hindi ko iyon tatanggapin;
ni akin mang pagmamasdan
ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop.
23 Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit;
hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.
24 Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig,
at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.
25 “Nagdala(O) ba kayo sa akin ng mga alay, at mga handog sa ilang sa loob ng apatnapung taon, O sambahayan ni Israel?
26 Inyong dinala si Sakkuth na inyong hari, at si Kaiwan na inyong mga larawan, ang bituin ng inyong diyos, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
27 Kaya't kayo'y aking dadalhin sa pagkabihag sa kabila ng Damasco,” sabi ng Panginoon, na ang pangalan ay Diyos ng mga hukbo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001