Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 13-15

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Lalaki

13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga propeta ng Israel na nagsasalita ng propesiya, at sabihin mo sa kanila na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon!’

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga hangal na propeta na sumusunod sa kanilang sariling espiritu, at walang nakitang anuman!

O Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga asong-gubat sa mga gibang dako.

Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sambahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipaglaban sa araw ng Panginoon.

Sila'y nagsalita ng kabulaanan at nanghula ng kasinungalingan. Kanilang sinasabi, ‘Sabi ng Panginoon;’ bagaman hindi sila sinugo ng Panginoon, gayunma'y naghihintay sila sa katuparan ng kanilang mga salita.

Hindi ba kayo nakakita ng huwad na pangitain, at hindi ba kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, tuwing inyong sasabihin, ‘Sabi ng Panginoon', bagaman hindi ko sinalita?”

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Sapagkat kayo'y nagsalita ng kabulaanan at nakakita ng mga kasinungalingan, kaya't narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.

At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nakakakita ng mga huwad na pangitain at nagbigay ng sinungaling na panghuhula. Sila'y hindi mapapasama sa kapulungan ng aking bayan, o matatala man sa talaan ng sambahayan ni Israel, ni sila man ay papasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.

10 Sapagkat(A) sa katotohanan, sapagkat kanilang iniligaw ang aking bayan, na sinasabi, ‘Kapayapaan;’ ngunit walang kapayapaan; at sapagkat, nang ang bayan ay magtatayo ng kuta, narito, tinapalan ito ng apog.

11 Sabihin mo sa kanila na nagtatapal ng apog na iyon ay babagsak. Magkakaroon ng malakas na ulan; malalaking granizo ang babagsak, at isang unos na hangin ang darating.

12 At kapag ang kuta ay bumagsak, hindi ba sasabihin sa inyo, ‘Nasaan ang tapal na inyong itinapal?’

13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y magpaparating ng unos na hangin dahil sa aking galit; at magkakaroon ng bugso ng ulan dahil sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo upang wasakin iyon.

14 Ibabagsak ko at ilalagpak sa lupa ang kuta na inyong tinapalan ng apog, upang ang pundasyon niyon ay lilitaw. Kapag iyon ay bumagsak, kayo'y malilipol sa gitna niyon, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

15 Ganito ko gagamitin ang aking poot sa pader, at sa nagtapal ng apog; at sasabihin ko sa iyo: Ang pader ay wala na, ni ang nagtapal man;

16 ito ang mga propeta ng Israel na nagsalita ng propesiya tungkol sa Jerusalem at nakakakita ng pangitain ng kapayapaan para sa bayan, ngunit walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Babae

17 “At ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila,

18 at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga babae na nananahi ng mga bendang para sa pulsuhan, at nagsisigawa ng mga lambong na para sa ulo ng mga taong may iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Huhulihin ba ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at hahayaang buháy ang ibang mga kaluluwa para sa inyong pakinabang?

19 Inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa ilang dakot na sebada at ilang pirasong tinapay. Inyong ipinapatay ang mga taong hindi marapat mamatay at upang hayaang mabuhay ang mga taong hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong mga kasinungalingan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.

20 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa inyong mga benda na inyong ipinanghuhuli ng mga buhay, at pupunitin ko sila mula sa inyong mga kamay. Aking palalayain ang mga kaluluwa na inyong hinuli na gaya ng mga ibon.

21 Sisirain ko rin ang inyong mga lambong, at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na sila mapapasa inyong kamay bilang biktima, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

22 Sapagkat sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay.

23 Kaya't hindi na kayo makakakita ng mapanligaw na pangitain o manghuhula man. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin?

Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong Panginoon ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan;

upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

“Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang-bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong Panginoon ang sasagot sa kanya.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong Panginoon ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.

10 Kanilang papasanin ang kanilang parusa—ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni—

11 upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

13 “Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop;

14 bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop;

16 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira.

17 O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, ‘Padaanan ng tabak ang lupain,’ at aking alisin roon ang tao at hayop;

18 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.

19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao at hayop;

20 bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.

21 “Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop?

22 Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.

23 Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Diyos.”

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sa ano nakakalamang ang puno ng baging sa alinmang puno ng kahoy,
    ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punungkahoy sa gubat?
Makakakuha ba ng kahoy doon upang gawing anuman?
    O makakakuha ba roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anumang kasangkapan?
Iyon ay inihahagis sa apoy bilang panggatong.
    Kapag natupok na ng apoy ang dalawang dulo niyon,
    at ang gitna niyon ay nasusunog,
    iyon ba'y mapapakinabangan pa?
Narito, nang ito'y buo pa, hindi ito ginamit sa anuman,
    gaano pa nga kaya, kapag ito'y natupok ng apoy at nasunog,
    magagamit pa ba sa anumang gawain?

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaya ng puno ng baging sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy bilang panggatong, gayon ko ibibigay ang mga naninirahan sa Jerusalem.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa kanila; at bagaman sila'y makatakas sa apoy, tutupukin pa rin sila ng apoy. Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag iniharap ko ang aking mukha laban sa kanila.

At aking sisirain ang lupain, sapagkat sila'y gumawa ng kataksilan, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001