Beginning
Ang Pagpatay sa Masasama
9 Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, “Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay.”
2 Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana.
3 Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang.
4 At(A) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon.”
5 Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, “Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag.
6 Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo.” Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.
7 Sinabi niya sa kanila, “Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo.” At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod.
8 Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, “O Panginoong Diyos! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?”
9 Sinabi niya sa akin, “Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay punô ng dugo, at ang lunsod ay punô ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, ‘Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon!’
10 Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo.”
11 At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, “Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin.”
Iniwan ng Kaluwalhatian ng Diyos ang Templo
10 Nang(B) magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo ay parang isang trono.
2 Sinabi(C) niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, “Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod.” At umalis siya sa harapan ko.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan.
4 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5 At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita.
6 Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, “Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7 Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas.
8 Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Ako'y(D) tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo.
10 Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong.
11 Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot.
12 Ang(E) kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay punô ng mga mata sa palibot.
13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, “ang umiikot na mga gulong.”
14 Bawat(F) isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila.
15 At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar.
16 Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila.
17 Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon.
18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin.
19 Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin.
21 Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
22 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad.
Pinatay ang Masasamang Pinuno
11 Bukod dito'y, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan.
2 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito;
3 na nagsasabi, ‘Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.’
4 Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao.”
5 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip.
6 Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito.
8 Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9 At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo.
10 Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
11 Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel.
12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.”
13 Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, “Ah, Panginoong Diyos! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?”
Muling Titipunin ang mga Labi ng Israel
14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
15 “Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, ‘Lumayo na sila nang malayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.’
16 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.’
17 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.’
18 At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon.
19 Bibigyan(G) ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman,
20 upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos.
21 Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.”
Inalis ng Panginoon ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pagkatapos(H) nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon.
23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod.
24 Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita.
25 At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.
Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel
12 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak(I) ng tao, ikaw ay naninirahan sa gitna ng isang mapaghimagsik na sambahayan na may mga mata upang makakita, ngunit hindi nakakakita; na may mga tainga upang makarinig, ngunit hindi makarinig; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
3 Dahil dito, anak ng tao, maghanda ka ng dala-dalahan ng bihag. Habang maliwanag pa ang araw ay pumunta ka sa pagkabihag na nakikita nila. Ikaw ay lalakad na gaya ng bihag mula sa iyong lugar hanggang sa ibang lugar na nakikita nila. Baka sakaling kanilang maunawaan ito, bagaman sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
4 Ilalabas mo ang iyong dala-dalahan kapag araw na nakikita nila, bilang dala-dalahan sa pagkabihag. Ikaw ay lalabas sa hapon na kanilang nakikita na gaya ng mga tao na dapat tumungo sa pagkabihag.
5 Bumutas ka sa pader na nakatingin sila at lumabas ka sa pamamagitan niyon.
6 Habang nakatingin sila ay iyong papasanin ang dala-dalahan sa iyong balikat, at dadalhing papalabas sa dilim. Tatakpan mo ang iyong mukha upang hindi mo makita ang lupa: sapagkat ginawa kitang isang tanda sa sambahayan ni Israel.”
7 At aking ginawa ang ayon sa iniutos sa akin. Inilabas ko ang aking dala-dalahan nang araw, na gaya ng dala-dalahan sa pagkabihag, at nang hapon ay bumutas ako sa pader sa pamamagitan ng aking kamay. Lumabas ako sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat ang aking kagamitan habang sila'y nakatingin.
8 Kinaumagahan, dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na sinasabi,
9 “Anak ng tao, hindi ba ang sambahayan ni Israel, ang mapaghimagsik na sambahayan, ay nagsabi sa iyo, ‘Anong ginagawa mo?’
10 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pahayag na ito ay tungkol sa pinuno ng Jerusalem at sa buong sambahayan ni Israel na nasa gitna nila.’
11 Sabihin mo, ‘Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila; sila'y patungo sa pagkabihag, sa pagkatapon.’
12 Ang pinuno na nasa gitna nila ay magpapasan ng kanyang dala-dalahan sa kanyang balikat sa dilim, at lalabas. Bubutasin nila ang pader at lalabas doon. Siya'y magtatakip ng kanyang mukha, upang hindi niya makita ang lupa.
13 At(J) ilaladlad ko ang aking lambat sa ibabaw niya, at siya'y mahuhuli sa aking bitag. Aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayunma'y hindi niya ito makikita, at siya'y mamamatay doon.
14 Aking pangangalatin sa bawat dako ang lahat ng nasa palibot niya, ang kanyang mga katulong, at ang lahat niyang mga pulutong. At aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.
15 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag sila'y aking pinangalat sa gitna ng mga bayan at mga bansa.
16 Ngunit hahayaan kong makatakas sa tabak ang ilan sa kanila, sa taggutom at sa salot, upang kanilang maipahayag ang lahat nilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Tanda ng Panginginig ng Propeta
17 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
18 “Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot.
19 At sabihin mo sa mga mamamayan ng lupain, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga naninirahan sa Jerusalem sa lupain ng Israel: Kanilang kakainin na may pagkatakot ang kanilang tinapay, at nanlulupaypay na iinom ng kanilang tubig, sapagkat ang kanyang lupain ay mawawalan ng lahat nitong laman dahil sa karahasan ng lahat ng naninirahan doon.
20 Ang mga lunsod na tinitirhan ay mawawasak at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.’”
Ang mga Palasak na Kasabihan
21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
22 “Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na mayroon ka tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, ‘Ang mga araw ay tumatagal, at ang bawat pangitain ay nawawalang kabuluhan’?
23 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Wawakasan ko ang kawikaang ito, at hindi na gagamitin pang kawikaan sa Israel.’ Ngunit sabihin mo sa kanila, ‘Ang mga araw ay malapit na, at ang katuparan ng bawat pangitain.
24 Sapagkat hindi na magkakaroon pa ng anumang huwad na pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sambahayan ni Israel.
25 Sapagkat ako na Panginoon ay magsasalita ng salita na aking sasalitain, at ito ay matutupad. Hindi na ito magtatagal pa, ngunit sa inyong mga araw, O mapaghimagsik na sambahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Diyos.’”
26 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
27 “Anak ng tao, narito, silang nasa sambahayan ni Israel ay nagsasabi, ‘Ang pangitain na kanyang nakikita ay sa darating pang maraming mga araw, at siya'y nagsasalita ng propesiya sa mga panahong malayo.’
28 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi na magtatagal pa ang aking mga salita, kundi ang salita na aking sinasalita ay matutupad, sabi ng Panginoon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001