Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 31-35

Ipagsasanggalang ng Diyos ang Jerusalem

31 Kahabag-habag sila na sa Ehipto ay lumulusong upang humingi ng tulong,
    at umaasa sa mga kabayo;
na nagtitiwala sa mga karwahe sapagkat marami sila,
    at sa mga mangangabayo sapagkat napakalakas nila,
ngunit hindi sila nagtitiwala sa Banal ng Israel,
    o sumasangguni man sa Panginoon!
Gayunman siya'y pantas at nagdadala ng kapahamakan,
    hindi niya iniurong ang kanyang mga salita,
kundi mag-aalsa laban sa sambahayan ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at laban sa tumutulong sa mga gumagawa ng kasamaan.
Ang mga Ehipcio ay mga tao, at hindi Diyos;
    at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi espiritu.
Kapag iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay,
    siyang tumutulong ay matitisod, at siyang tinutulungan ay mabubuwal,
    at silang lahat ay sama-samang mapapahamak.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa akin,
Kung paanong ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kanyang biktima,
    at kapag ang isang pangkat ng mga pastol ay tinatawag laban sa kanya,
ay hindi natatakot sa kanilang sigaw,
    o naduduwag man dahil sa kanilang ingay,
gayon bababa ang Panginoon ng mga hukbo
    upang lumaban sa Bundok ng Zion, at sa burol niyon.
Gaya ng mga ibong nagsisilipad
    gayon iingatan ng Panginoon ng mga hukbo ang Jerusalem;
iyon ay kanyang iingatan at ililigtas,
    kanyang ililigtas at iingatan iyon.

Kayo'y manumbalik sa kanya na inyong pinaghimagsikang lubha, O mga anak ni Israel.

Sapagkat sa araw na iyon ay itatapon ng bawat tao ang kanyang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanyang mga diyus-diyosang ginto, na ginawa ng inyong mga kamay na para sa inyo ay naging kasalanan.

“Kung magkagayo'y mabubuwal ang taga-Asiria sa pamamagitan ng tabak, hindi sa tao;
    at ang tabak, na hindi sa mga tao, ang lalamon sa kanya;
at kanyang tatakasan ang tabak,
    at ang kanyang mga binata ay ilalagay sa sapilitang paggawa.
Ang kanyang bato ay mawawala dahil sa pagkasindak,
    at ang kanyang mga pinuno ay manginginig sa watawat,”
sabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nasa Zion,
    at ang kanyang hurno ay nasa Jerusalem.

Ang Matuwid na Hari

32 Narito, ang isang hari ay maghahari sa katuwiran,
    at ang mga pinuno ay mamumuno na may katarungan.
Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako laban sa hangin,
    at kanlungan mula sa bagyo,
gaya ng mga agos ng tubig sa tuyong dako,
    gaya ng lilim ng malaking bato sa pagod na lupain.
At ang mga mata nila na nakakakita ay hindi lalabo,
    at ang mga tainga nila na nakikinig ay makikinig.
Ang isipan ng padalus-dalos ay magkakaroon ng mabuting pagpapasiya,
    at ang dila ng mga utal ay agad makakapagsalita ng malinaw.
Ang hangal ay hindi na tatawagin pang marangal,
    at ang walang-hiya ay hindi sasabihing magandang loob.
Sapagkat ang taong hangal ay magsasalita ng kahangalan,
    at ang kanyang puso ay nagbabalak ng kasamaan:
upang magsanay ng kasamaan,
    at siya'y magsasalita ng kamalian laban sa Panginoon,
upang gawing walang laman ang gutom na kaluluwa,
    at upang pagkaitan ng inumin ang nauuhaw.
Ang mga sandata ng mandaraya ay masama;
    siya'y nagbabalak ng masasamang pakana
upang wasakin ang mga dukha sa pamamagitan ng mga salitang kasinungalingan,
    bagaman matuwid ang pakiusap ng nangangailangan.
Ngunit ang marangal ay kumakatha ng mga bagay na marangal
    at sa mga mararangal na bagay siya'y naninindigan.

Paghatol at Pagpapanumbalik

Kayo'y bumangon, kayong mga babaing tiwasay, pakinggan ninyo ang tinig ko;
    kayong mga anak na babaing walang pakialam, pakinggan ninyo ang aking pananalita.
10 Kayo'y mangangatog sa isang taon at ilang mga araw
    kayong mga babaing walang pakialam;
sapagkat ang ani ng ubas ay magkukulang,
    ang pag-aani ay hindi darating.
11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay;
    kayo'y mabagabag, kayong mga walang pakialam,
kayo'y maghubad, at mag-alis ng damit,
    at magbigkis kayo ng damit-sako sa inyong mga baywang.
12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang,
    dahil sa mabungang puno ng ubas.
13 Sa lupain ng aking bayan
    ay tutubo ang mga tinik at mga dawag;
oo, para sa lahat ng nagagalak na bahay
    sa masayang lunsod.
14 Sapagkat ang palasyo ay mapapabayaan;
    ang maraming tao ng lunsod ay mapapabayaan;
ang burol at ang bantayang tore
    ay magiging mga yungib magpakailanman,
isang kagalakan para sa maiilap na asno,
    at pastulan ng mga kawan;
15 hanggang sa ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa itaas,
    at ang ilang ay maging mabungang kabukiran,
    at ang mabungang bukid ay ituring na kagubatan.
16 Kung magkagayo'y ang katarungan ay maninirahan sa ilang,
    at mananatili sa mabungang bukid ang katuwiran.
17 At ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan;
    at ang gawa ng katuwiran ay katahimikan at pagtitiwala kailanman.
18 At ang bayan ko ay maninirahan sa payapang tahanan,
    at sa mga ligtas na tirahan, at sa mga tiwasay na dakong pahingahan.
19 Ngunit uulan ng yelo sa pagbagsak ng kagubatan,
    at ang lunsod ay lubos na ibabagsak.
20 Mapapalad kayo na naghahasik sa tabi ng lahat ng tubig,
    na nagpapahintulot na malayang makagala ang mga paa ng baka at ng asno.

Ang Panginoon ang Magliligtas

33 Kahabag-habag ka na mangwawasak;
    ikaw na hindi nawasak;
ikaw na taksil,
    na hindi ginawan ng kataksilan ng sinuman!
Kapag ikaw ay tumigil sa pagwasak,
    ikaw ay wawasakin;
at kapag iyong winakasan ang paggawa ng kataksilan,
    ikaw ay gagawan ng kataksilan.

O Panginoon, mahabag ka sa amin; kami'y umaasa sa iyo.
    Ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga;
    aming kaligtasan sa panahon ng pagkabalisa.
Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga tao,
    sa pagbangon mo ay nangalat ang mga bansa;
at ang iyong samsam ay tinitipon na gaya nang pagtitipon ng mga uod;
    kung paanong ang mga balang ay lumulukso, gayon niluluksuhan ito ng mga tao.
Ang Panginoon ay dinakila, sapagkat sa mataas siya'y tumatahan,
    kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran;
at siya ang magiging katatagan ng iyong mga panahon,
    kalakasan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman;
    ang takot sa Panginoon ay kanyang kayamanan.

Narito, ang kanilang mga bayani ay nagsisisigaw sa labas;
    ang mga sugo ng kapayapaan ay matinding nagsisiiyak.
Ang mga lansangan ay iniwanan,
    ang manlalakbay ay huminto.
Kanyang sinisira ang mga tipan,
    kanyang tinanggihan ang mga lunsod,
    hindi niya iginalang ang tao.
Ang lupain ay nananangis at nagdurusa,
    ang Lebanon ay napapahiya;
ang Sharon ay natutuyo gaya ng isang disyerto;
    at nalalagas ang mga dahon ng Basan at Carmel.

10 “Ngayo'y babangon ako,” sabi ng Panginoon,
    “ngayo'y itataas ko ang aking sarili;
    ngayo'y dadakilain ako.
11 Kayo'y naglihi ng ipa, kayo'y nanganak ng dayami;
    ang inyong hininga ay apoy na tutupok sa inyo.
12 At ang mga bayan ay parang sinunog sa apog,
    gaya ng mga pinutol na mga tinik, na sinunog sa apoy.”

13 Pakinggan ninyo, kayong nasa malayo, kung ano ang aking ginawa;
    at kayong nasa malapit, kilalanin ang aking kapangyarihan.
14 Ang mga makasalanan sa Zion ay natatakot;
    kinilabutan ang masasama:
“Sino sa atin ang makatatahang kasama ng lumalamong apoy?
    Sino sa atin ang makatatahang kasama ng walang hanggang pagsunog?”
15 Siyang lumalakad nang matuwid, at nagsasalita nang matuwid;
    siyang humahamak ng pakinabang ng pang-aapi,
na ipinapagpag ang kanyang mga kamay, baka mayroon silang hawak na suhol,
    na nagtatakip ng kanyang mga tainga sa pagdinig ng pagdanak ng dugo,
    at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;
16 siya'y maninirahan sa kaitaasan;
    ang kanyang dakong tanggulan ay magiging muog ng malalaking bato;
    ang kanyang tinapay ay ibibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sasagana.

Ang Mabiyayang Paghahari ng Panginoon

17 Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kanyang kagandahan;
    matatanaw nila ang lupaing nasa malayong lugar.
18 Gugunitain ng iyong isipan ang kakilabutan:
    “Nasaan siya na eskriba,
    nasaan siya na tumitimbang?
    Nasaan siya na bumibilang ng mga muog?”
19 Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan,
    ang bayan na may malabong pananalita na hindi mo maunawaan,
    nauutal sa wika na hindi mo maiintindihan.
20 Narito ang Zion, ang lunsod ng ating mga takdang kapistahan!
    Makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem,
    isang tahimik na tahanan, isang tolda na hindi makikilos,
na ang mga tulos ay hindi mabubunot kailanman,
    o mapapatid man ang alinman sa mga tali niyon.
21 Kundi doon ang kamahalan ng Panginoon, ay maglalagay para sa atin,
    isang dako ng maluluwang na ilog at batis;
na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod,
    o daraanan man ng malalaking sasakyang-dagat.
22 Sapagkat ang Panginoon ang ating hukom, ang Panginoon ang ating tagapagbigay ng kautusan,
    ang Panginoon ay ating hari; tayo'y kanyang ililigtas.

23 Ang iyong mga tali ay nakalag;
    hindi nila mahawakan ang patungan ng kanilang palo,
    hindi nila mabuka ang kanilang layag.

At ang biktima at saganang samsam ay babahaginin,
    kahit ang pilay ay kukuha ng nasila.
24 At walang mamamayan na magsasabi, “Ako'y may karamdaman”;
    ang bayang tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan.

Parurusahan ng Diyos ang Kanyang mga Kaaway

34 Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang makinig;
    at pakinggan ninyo, O mga bayan!
Dinggin ng lupa at ng lahat ng narito;
    ng sanlibutan, at ng lahat na bagay na mula rito.
Sapagkat ang Panginoon ay galit laban sa lahat ng bansa,
    at napopoot laban sa lahat nilang hukbo,
    kanyang inilaan na sila, kanyang ibinigay sila upang patayin.
Ang kanilang patay ay itatapon,
    at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw;
    at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.
Ang(A) lahat ng mga bagay sa langit ay mabubulok,
    at ang langit ay malululon na parang balumbon.
Lahat ng bagay ay babagsak,
    na parang dahong nalalagas sa puno ng ubas,
    at gaya ng dahong nalalanta sa puno ng igos.

Sapagkat(B) ang aking tabak ay nalasing sa langit;
    narito, ito'y bumababa sa Edom,
    sa bayan na aking itinalaga para hatulan.
Ang Panginoon ay may tabak na punô ng dugo,
    ito ay ginawang mataba ng katabaan,
    sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing,
    sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa.
Sapagkat may handog ang Panginoon sa Bosra,
    isang malaking patayan sa lupain ng Edom.
Ang maiilap na baka ay mabubuwal na kasama nila,
    at ang mga batang baka na kasama ng malalakas na toro.
Ang kanilang lupain ay basang-basa sa dugo,
    at ang kanilang alabok ay sasagana sa katabaan.

Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay sa Panginoon,
    ang taon ng pagganti para sa kapakanan ng Zion.
At ang kanyang mga batis ay magiging alkitran,
    at ang alabok niya ay magiging asupre,
    at ang lupain niya ay magiging nagniningas na alkitran.
10 Hindi(C) ito mapapatay sa gabi o sa araw man;
    ang usok niyon ay paiilanglang magpakailanman.
Mula sa isang lahi hanggang sa susunod na lahi ito ay tiwangwang,
    walang daraan doon magpakailan kailanman.
11 Ngunit ito ay aangkinin ng lawin at ng porkupino;
    at ang kuwago at ang uwak ay maninirahan doon.
Kanyang iuunat doon ang pisi ng pagkalito,
    at ang pabigat ng kawalan sa mga mararangal nito.
12 Kanilang tatawagin iyon na Walang Kaharian Doon,
    at lahat niyang mga pinuno ay mawawalang kabuluhan.
13 At mga tinik ay tutubo sa kanyang mga palasyo,
    mga dawag at damo sa mga muog niyon.
Iyon ay magiging tahanan ng mga asong-gubat,
    tirahan ng mga avestruz.
14 At ang maiilap na hayop ay makikipagsalubong sa mga asong-gubat,
    at ang lalaking kambing ay sisigaw sa kanyang kasama;
ang malaking kuwago ay maninirahan din doon,
    at makakatagpo siya ng dakong pahingahan.
15 Doo'y magpupugad at mangingitlog ang ahas,
    at magpipisa ng itlog at titipunin sa kanyang lilim;
doon matitipon ang mga lawin,
    bawat isa'y kasama ng kanyang kauri.
16 Inyong saliksikin at basahin ang aklat ng Panginoon:
    Kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang;
    walang mangangailangan ng kanyang kasama.
Sapagkat iniutos ng bibig ng Panginoon,
    at tinipon sila ng kanyang Espiritu.
17 At siya'y nagpalabunutan para sa kanila,
    at ito'y binahagi ng kanyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat;
ito'y kanilang aariin magpakailanman,
    mula sa mga sali't salinlahi ay maninirahan sila roon.

Ang Landas ng Kabanalan

35 Ang ilang at ang tuyong lupa ay magagalak,
    at ang disyerto ay magagalak at mamumulaklak;
gaya ng rosas,

ito ay mamumulaklak nang sagana,

    at magsasaya na may kagalakan at awitan.
Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay rito,
    ang karilagan ng Carmel at ng Sharon.
Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon,
    ang karilagan ng ating Diyos.

Inyong(D) palakasin ang mahihinang kamay,
    at patatagin ang mahihinang tuhod.
Inyong sabihin sa kanila na may matatakuting puso,
    “Kayo'y magpakatapang, huwag kayong matakot!
Narito, tingnan mo, ang inyong Diyos
    ay darating na may paghihiganti,
na may ganti ng Diyos.
    Siya'y darating at ililigtas kayo.”

Kung(E) magkagayo'y mamumulat ang mga mata ng bulag,
    at ang mga tainga ng bingi ay mabubuksan;
kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa,
    at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.
Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig,
    at batis sa disyerto.
At ang tigang na lupa ay magiging lawa,
    at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig;
ang tahanan ng mga asong-gubat ay magiging latian,
    ang damo ay magiging mga tambo at mga yantok.

At magkakaroon doon ng lansangan, isang daanan,
    at ito'y tatawaging ang Daan ng Kabanalan;
ang marumi ay hindi daraan doon;
    ngunit ito'y para sa kanya na lumalakad sa daang iyon,
    at ang mga hangal ay hindi maliligaw roon.
Hindi magkakaroon ng leon doon,
    o sasampa man doon ang anumang mabangis na hayop;
hindi sila matatagpuan doon,
    kundi ang mga tinubos ay lalakad doon.
10 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magbabalik,
    at darating sa Zion na nag-aawitan;
walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo;
    sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan,
    at ang kalungkutan at ang pagbubuntong-hininga ay maglalaho.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001