Beginning
64 O buksan mo sana ang langit at ikaw ay bumaba,
upang ang mga bundok ay mayanig sa iyong harapan—
2 gaya nang kapag tinutupok ng apoy ang kakahuyan,
at pinakukulo ng apoy ang tubig—
upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway,
at upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay,
ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay nayanig sa iyong harapan.
4 Sapagkat(A) hindi narinig ng mga tao mula nang una,
o naulinigan man ng pandinig,
o ang mata man ay nakakita ng Diyos liban sa iyo,
na gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya.
5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak na gumagawa ng katuwiran,
ang mga umaalala sa iyo sa iyong mga daan.
Narito, ikaw ay nagalit, at kami ay nagkasala;
matagal na panahon na kami sa aming mga kasalanan, at maliligtas ba kami?
6 Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi,
at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming kasuotan.
Kaming lahat ay nalalantang gaya ng dahon,
at tinatangay kami ng aming mga kasamaan na parang hangin.
7 At walang tumatawag sa iyong pangalan,
na gumigising upang sa iyo ay manangan;
sapagkat ikinubli mo ang iyong mukha sa amin,
at ibinigay mo kami sa kamay ng aming mga kasamaan.
8 Ngunit ngayon, O Panginoon, ikaw ay aming Ama;
kami ang luwad, at ikaw ang aming magpapalayok;
at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
9 Huwag kang lubhang magalit, O Panginoon,
at huwag mong alalahanin ang kasamaan magpakailanman.
Narito, tingnan mo, ngayon kaming lahat ay iyong bayan.
10 Ang iyong mga lunsod na banal ay naging ilang,
ang Zion ay naging giba,
ang Jerusalem ay sira.
11 Ang aming banal at magandang bahay,
kung saan ka pinuri ng aming mga magulang
ay nasunog sa apoy;
at lahat naming mahahalagang bagay ay nasira.
12 Magpipigil ka ba sa mga bagay na ito, O Panginoon?
Ikaw ba'y tatahimik, at paghihirapan mo kaming mabuti?
Ang Parusa sa Pagmamatigas
65 Ako'y(B) nakahandang tumugon sa mga hindi nagtatanong sa akin.
Ako'y nakahandang matagpuan noong mga naghahanap sa akin.
Aking sinabi, “Narito ako, narito ako,”
sa isang bansa na hindi tumawag sa pangalan ko.
2 Iniunat(C) ko ang aking mga kamay buong araw
sa mapaghimagsik na bayan,
na lumalakad sa hindi mabuting daan,
na sumusunod sa kanilang sariling mga kalooban;
3 isang Bayan na lagi akong ginagalit nang mukhaan,
na naghahandog sa mga halamanan,
at nagsusunog ng insenso sa ibabaw ng mga bato;
4 na umuupo sa gitna ng mga libingan,
at ginugugol ang magdamag sa lihim na dako;
na kumakain ng laman ng baboy,
at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 na nagsasabi, “Lumayo ka,
huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako'y higit na banal kaysa iyo.”
Ang mga ito ay usok sa aking ilong,
apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasusulat sa harap ko:
“Hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti,
oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan.
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon;
sapagkat nagsunog sila ng insenso sa mga bundok,
at inalipusta nila ako sa mga burol,
susukatin ko sa kanilang kandungan
ang kabayaran sa kanilang ginawa noong una.”
8 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung paanong natatagpuan ang bagong alak sa kumpol,
at kanilang sinasabi, ‘Huwag mong sirain,
sapagkat diyan ay may pagpapala;’
gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
at hindi ko sila pupuksaing lahat.
9 At ako'y maglalabas ng mga lahi na mula sa Jacob,
at mula sa Juda ay mga tagapagmana ng aking mga bundok;
iyon ay mamanahin ng aking hinirang,
at ang aking mga lingkod doon ay maninirahan.
10 Ang(D) Sharon ay magiging pastulan ng mga kawan,
at ang Libis ng Acor ay dakong higaan ng mga bakahan,
para sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Ngunit kayo na tumalikod sa Panginoon,
na lumimot sa aking banal na bundok,
na naghahanda ng hapag para sa Kapalaran,
at pinupuno ang kopa ng hinalong alak para sa Tadhana;
12 itatadhana ko kayo sa tabak,
at kayong lahat ay yuyuko sa katayan;
sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot,
nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig;
kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin,
at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.”
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain,
ngunit kayo'y magugutom;
narito, ang aking mga lingkod ay iinom,
ngunit kayo'y mauuhaw;
narito, magagalak ang aking mga lingkod,
ngunit kayo'y mapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay aawit dahil sa kagalakan ng puso,
ngunit kayo'y dadaing dahil sa kalungkutan ng puso,
at tatangis dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa,
at papatayin ka ng Panginoong Diyos;
ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan.
16 Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa
sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala;
at siyang sumusumpa sa lupa
sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa;
sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na,
at nakubli sa aking mga mata.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
17 “Sapagkat(E) narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
o darating man sa isipan.
18 Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19 Ako'y(F) magagalak sa Jerusalem,
at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon doon
ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21 At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22 Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25 Ang(G) asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”
Ang Paghatol ng Panginoon sa mga Bansa
66 Ganito(H) (I) ang sabi ng Panginoon:
“Ang langit ay aking trono,
at ang lupa ay aking tuntungan.
Ano ang bahay na inyong itatayo para sa akin?
At ano ang dako ng aking pahingahan?
2 Sapagkat lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay,
kaya't nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon.
Ngunit ito ang taong aking titingnan,
siya na mapagpakumbaba at may nagsisising diwa,
at nanginginig sa aking salita.
3 “Ang kumakatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao;
ang nag-aalay ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso;
ang nag-aalay ng butil na handog ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy;
ang naghahandog ng kamanyang bilang pinakaalaala ay gaya ng pumupuri sa isang diyus-diyosan.
Pinili ng mga ito ang kanilang sariling mga lakad,
at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam.
4 Pipili rin ako ng kapighatian para sa kanila,
at dadalhan ko sila ng kanilang takot;
sapagkat nang ako'y tumawag, walang sumagot,
nang ako'y magsalita ay hindi sila nakinig;
kundi sila'y gumawa sa aking paningin ng kasamaan,
at pinili ang hindi ko kinaluluguran.”
5 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon,
kayo na nanginginig sa kanyang salita:
“Ang inyong mga kapatid na namumuhi sa inyo
na nagtatakuwil sa inyo alang-alang sa aking pangalan,
ang nagsabi, ‘Luwalhatiin ang Panginoon,
upang makita namin ang inyong kagalakan;’
ngunit sila ay mapapahiya.
6 “May tinig ng kaguluhan mula sa lunsod!
Isang tinig na mula sa templo!
Ang tinig ng Panginoon,
na naggagawad ng ganti sa kanyang mga kaaway!
7 “Bago(J) siya nagdamdam,
siya'y nanganak;
bago dumating ang kanyang paghihirap,
siya'y nanganak ng isang lalaki.
8 Sinong nakarinig ng ganyang bagay?
Sinong nakakita ng ganyang mga bagay?
Ipapanganak ba ang lupain sa isang araw?
Ilalabas ba sa isang sandali ang isang bansa?
Sapagkat sa pasimula pa lamang ng pagdaramdam ng Zion,
ay isinilang niya ang kanyang mga anak.
9 Bubuksan ko ba ang bahay-bata at hindi ko paaanakin?
sabi ng Panginoon;
ako ba na nagpapaanak ang siyang magsasara ng bahay-bata?
sabi ng iyong Diyos.
10 “Kayo'y magalak na kasama ng Jerusalem, at matuwa dahil sa kanya,
kayong lahat na umiibig sa kanya;
magalak kayong kasama niya sa katuwaan,
kayong lahat na tumatangis dahil sa kanya;
11 upang kayo'y makasuso at mabusog
mula sa kanyang nakaaaliw na mga suso;
upang kayo'y ganap na makasipsip na may kasiyahan
mula sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbibigay ng kapayapaan sa kanya na parang isang ilog,
at ng kaluwalhatian ng mga bansa ay parang umaapaw na batis;
at inyong sususuhin; kayo'y kakalungin sa kanyang balakang,
at lilibangin sa kanyang mga tuhod.
13 Gaya ng inaaliw ng kanyang ina,
gayon ko aaliwin kayo;
kayo'y aaliwin sa Jerusalem.
14 Inyong makikita, at magagalak ang inyong puso;
ang inyong mga buto ay giginhawang gaya ng sariwang damo;
at malalaman na ang kamay ng Panginoon ay nasa kanyang mga lingkod,
at ang kanyang galit ay laban sa kanyang mga kaaway.
15 “Sapagkat, ang Panginoon ay darating na may apoy,
at ang kanyang mga karwahe ay gaya ng ipu-ipo;
upang igawad ang kanyang galit na may poot,
at ang kanyang saway na may ningas ng apoy.
16 Sapagkat sa pamamagitan ng apoy ay ilalapat ng Panginoon ang hatol,
at sa pamamagitan ng kanyang tabak sa lahat ng mga tao,
at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami.
17 “Silang nagpapakabanal, at nagpapakalinis upang pumaroon sa mga halamanan, na sumusunod sa nasa gitna, na kumakain ng laman ng baboy, ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y sama-samang darating sa isang wakas, sabi ng Panginoon.
18 “Sapagkat nalalaman ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pag-iisip. Dumarating ang panahon upang tipunin ang lahat ng bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y paroroon at makikita ang aking kaluwalhatian.
19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila. At mula sa kanila ay aking susuguin ang mga nakaligtas sa mga bansa, sa Tarsis, Put, at Lud, na humahawak ng pana, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian. At kanilang ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.
20 At kanilang dadalhin ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng bansa bilang handog sa Panginoon, na nakasakay sa mga kabayo, sa mga karwahe, sa mga duyan, at sa mga mola, at sa mga kamelyo, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog na butil sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.
21 At ang ilan sa kanila ay kukunin ko ring mga pari at mga Levita, sabi ng Panginoon.
22 “Sapagkat(K) kung paanong ang mga bagong langit
at ang bagong lupa na aking lilikhain
ay mananatili sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan.
23 At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan,
at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath,
paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko,
sabi ng Panginoon.
24 “At(L) sila'y lalabas at titingin sa mga bangkay ng mga taong naghimagsik laban sa akin, sapagkat ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kasuklamsuklam sa lahat ng laman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001