Beginning
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 “At ikaw, O anak ng tao, kumuha ka ng matalas na tabak; gamitin mo ito bilang pang-ahit ng manggugupit at iyong paraanin sa iyong ulo at sa iyong balbas. Pagkatapos, kumuha ka ng timbangang panimbang, at hatiin mo ang buhok.
2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng lunsod, kapag ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at hahampasin mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong ikakalat sa hangin, at aking bubunutin ang tabak sa likuran nila.
3 At kukuha ka sa mga iyon ng kaunti, at itatali mo sa mga laylayan ng iyong balabal.
4 Sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy. Mula roo'y manggaling ang apoy patungo sa buong sambahayan ni Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ay Jerusalem. Inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at ang mga lupain ay nasa palibot niya.
6 Ngunit siya'y naghimagsik na may kasamaan laban sa aking mga tuntunin na higit kaysa mga bansa, at laban sa aking mga batas na higit kaysa mga lupain na nasa palibot niya, sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa mga tuntunin at hindi paglakad ayon sa aking mga batas.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kayo'y mas magulo kaysa mga bansa na nasa palibot ninyo, at hindi kayo lumakad sa aking mga tuntunin o iningatan man ang aking mga batas, kundi gumawa ayon sa mga batas ng mga bansa na nasa palibot ninyo;
8 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako, ako mismo, ay darating laban sa iyo. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.
9 At dahil sa lahat ninyong kasuklamsuklam, ay aking gagawin sa iyo ang hindi ko pa ginawa, at ang katulad nito ay di ko na muling gagawin.
10 Kaya't(A) kakainin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakainin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang lahat ng nalabi sa iyo ay aking ikakalat sa lahat ng hangin.
11 Kaya't habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, ito'y tiyak, sapagkat iyong nilapastangan ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat mong kasuklamsuklam at mga karumaldumal na bagay. Kaya't ako'y lalayo sa iyo, hindi ka patatawarin ng aking paningin, at ako'y hindi mahahabag.
12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng taggutom ay mauubos sila sa gitna mo. Ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo, at ang ikatlong bahagi ay aking ikakalat sa lahat ng hangin, at magbubunot ako ng tabak sa likuran nila.
13 “Ganito uubusin ang aking galit, at aking lulubusin ang aking poot sa kanila, at ako'y masisiyahan. Kanilang malalaman na ako, ang Panginoon, ay nagsalita sa aking paninibugho, kapag aking inubos ang aking poot sa kanila.
14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at tampulan ng pagkutya sa gitna ng mga bansa na nasa palibot mo, sa paningin ng lahat ng dumaraan.
15 Ikaw ay magiging kasiraan at pagtatawanan, isang babala at katatakutan sa mga bansang nasa palibot mo, kapag ako'y naglapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa poot kasama ang mababagsik na pagsaway—ako, ang Panginoon, ang nagsalita—
16 kapag ako'y nagpakawala sa kanila ng mga nakakamatay na pana ng taggutom, mga pana sa ikawawasak, na aking pakakawalan upang wasakin kayo, at kapag ako'y nagpadala ng higit at higit pang taggutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay.
17 Ako'y(B) magpapadala sa inyo ng taggutom at mababangis na hayop, at kanilang aalisan ka ng anak. Salot at dugo ang daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsalita.”
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “O anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay magpahayag ng propesiya laban sa mga iyon,
3 at magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoong Diyos. Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok, sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako, ako mismo ay magdadala ng tabak sa inyo, at aking wawasakin ang inyong matataas na dako.
4 Ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga dambana ng insenso ay mawawasak. Aking ibabagsak ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan.
5 Aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana.
6 Saanman kayo manirahan ay magiging sira ang inyong mga lunsod at ang inyong matataas na dako ay masisira, anupa't ang inyong mga dambana ay mawawasak at magigiba. Ang inyong mga diyus-diyosan ay mababasag at madudurog, ang inyong mga dambana ng insenso ay babagsak, at ang inyong mga gawa ay mawawala.
7 Ang mga napatay ay mabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
8 “Gayunman, iiwan kong buháy ang ilan sa inyo. Ang ilan sa inyo ay makakatakas sa tabak sa gitna ng mga bansa at mangangalat sa mga lupain.
9 Silang nakatakas sa inyo ay maaalala ako sa gitna ng mga bansa na pinagdalhan sa kanila bilang bihag, gayon ako nasaktan ng kanilang mapangalunyang puso na lumayo sa akin, at ng kanilang mga mata, na may kasamaang bumaling sa kanilang mga diyus-diyosan. Sila'y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam.
10 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon; hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan upang aking dalhin ang kapahamakang ito sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, ipadyak mo ang iyong mga paa, at iyong sabihin, Kahabag-habag sila! Dahil sa lahat ng masamang kasuklamsuklam ng sambahayan ni Israel! Sapagkat sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.
12 Ang malayo ay mamamatay sa salot, at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Ang nalabi at nakubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom. Ganito ko ibubuhos ang aking poot sa kanila.
13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ang kanilang mga patay na tao ay nakahandusay na kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawat mataas na burol, sa lahat ng tuktok ng mga bundok, sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy, at sa ilalim ng bawat mayabong na ensina na kanilang pinaghandugan ng mabangong samyo sa lahat nilang mga diyus-diyosan.
14 Sa lahat ng kanilang tirahan, aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang kanilang lupain, mula sa ilang hanggang sa Ribla. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Dumating na ang Wakas
7 Bukod dito'y, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “O anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa lupain ng Israel: Wakas na! Ang wakas ay dumating na sa apat na sulok ng lupain.
3 Ngayon ang wakas ay sumasaiyo, at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
4 Hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita, kundi aking parurusahan ka dahil sa iyong mga ginagawa, habang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa iyong kalagitnaan. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.
5 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapahamakan, tanging kapahamakan: Narito, ito'y dumarating.
6 Ang wakas ay dumating na, ang wakas ay dumating na; ito'y gumigising laban sa iyo. Narito, ito'y dumarating.
7 Ang iyong kapahamakan ay dumating na sa iyo, O naninirahan sa lupain. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay malapit na, araw ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may sigawan sa ibabaw ng mga bundok.
8 Malapit ko na ngayong ibuhos sa iyo ang aking poot, at aking uubusin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad, at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
9 Ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Parurusahan kita ayon sa iyong mga lakad; samantalang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa kalagitnaan mo. At inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.
10 “Narito ang araw! Narito, dumarating ito. Ang iyong kapahamakan ay dumating na, ang tungkod[a] ay namulaklak, ang kapalaluan ay sumibol.
11 Ang karahasan ay tumubo na naging pamalo ng kasamaan. Walang malalabi sa kanila, wala kahit sa mga tao, ni kayamanan man, at hindi magkakaroon ng karangalan sa kanila.
12 Ang panahon ay dumating na, ang araw ay nalalapit. Huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang nagtitinda, sapagkat ang poot ay nasa lahat nilang karamihan.
13 Gayon nga hindi na babalikan ng nagtitinda ang kanyang ipinagbili, habang sila'y buháy pa. Sapagkat ang pangitain ay nasa lahat nilang karamihan. Hindi iyon babalik; at dahil sa kanyang kasamaan, walang makapagpapanatili ng kanyang buhay.
14 “Hinipan na nila ang trumpeta at naihanda na ang lahat. Ngunit walang pumaroon sa labanan sapagkat ang aking poot ay laban sa lahat nilang karamihan.
15 Ang tabak ay nasa labas, ang salot at ang taggutom ay nasa loob. Siyang nasa parang ay namatay sa tabak; at siyang nasa lunsod ay nilamon ng taggutom at salot.
16 At kung makatakas ang sinumang nakaligtas, sila'y mapupunta sa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis. Silang lahat ay tumatangis, bawat isa dahil sa kanyang kasamaan.
17 Lahat ng mga kamay ay manghihina, at lahat ng mga tuhod ay manlalata gaya ng tubig.
18 Sila'y nagbigkis ng damit-sako at sinakluban sila ng pagkatakot. Ang pagkahiya ay nasa lahat ng mukha, at ang pagkakalbo sa lahat nilang ulo.
19 Kanilang inihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng Panginoon. Hindi nila mapapawi ang kanilang pagkagutom o mabubusog man ang kanilang mga tiyan, sapagkat iyon ay katitisuran ng kanilang kasamaan.
20 Ang kanilang magandang panggayak ay ginamit nila sa kahambugan, at ang mga ito'y ginawa nilang mga larawang kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay. Kaya't gagawin ko ito na maruming bagay para sa kanila.
21 At aking ibibigay ito sa mga kamay ng mga dayuhan bilang biktima, at sa masasama sa lupa bilang samsam; at kanilang lalapastanganin ito.
22 Tatalikuran ko sila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako. Ang mga magnanakaw ay magsisipasok doon at lalapastanganin.
23 Gumawa ka ng tanikala! “Sapagkat ang lupain ay punô ng madudugong krimen, at ang lunsod ay punô ng karahasan.
24 Kaya't aking dadalhin ang pinakamasasama sa mga bansa upang angkinin ang kanilang mga bahay. Aking wawakasan ang kanilang palalong kalakasan, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.
25 Kapag dumating ang kapighatian, sila'y maghahanap ng kapayapaan, ngunit hindi magkakaroon.
26 Sunud-sunod na darating ang kapahamakan at bulung-bulungan. Maghahanap sila ng pangitain mula sa propeta; ngunit ang kautusa'y nawawala mula sa pari, at ang payo mula sa matatanda.
27 Ang hari ay tatangis, at ang pinuno ay madadamitan ng pagkatakot, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay manginginig.[b] Aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kahatulan ay hahatulan ko sila. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Pangitain tungkol sa Kasuklamsuklam na Gawain ng Jerusalem
8 Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong Diyos ay dumating sa akin doon.
2 Tumingin(C) ako, at narito, may isang anyo na parang tao.[c] Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang.
3 Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho.
4 At(D) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.
5 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga.” Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho.
6 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam.”
7 Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader.
8 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humukay ka sa pader;” at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan.
9 Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.”
10 Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel.
11 Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang.
12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan na ng Panginoon ang lupa.’”
13 Sinabi rin niya sa akin, “Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.”
14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.
15 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito.”
16 At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng Panginoon; at narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan.
17 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.
18 Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001