Beginning
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2 “Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3 Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4 Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5 Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6 Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7 “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9 Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito.
12 Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.”
13 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong Diyos! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”
14 At sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, ‘Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:’ Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon.
16 At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila—sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan.
17 “Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
ng isang napakabigat na dagok.
18 Kung ako'y lalabas sa parang,
tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
at walang kaalaman.’”
19 Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20 Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
at ang kasamaan ng aming mga magulang;
sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21 Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22 Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(A) ay sinabi ng Panginoon sa akin, “Kahit pa tumayo sina Moises at Samuel sa harapan ko, hindi babaling ang aking puso sa bayang ito. Palayasin mo sila sa aking paningin, at paalisin mo sila!
2 At(B) kapag tinanong ka nila, ‘Saan kami pupunta?’ sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga nakatakda sa kamatayan ay sa kamatayan,
at ang sa tabak ay sa tabak;
at ang sa taggutom, ay sa taggutom;
at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.”’
3 “Ako'y magtatalaga sa kanila ng apat na bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa upang lumamon at lumipol.
4 At(C) gagawin ko silang katatakutan ng lahat ng mga kaharian sa lupa dahil sa ginawa sa Jerusalem ni Manases, na anak ni Hezekias, hari ng Juda.
5 “Sinong mahahabag sa iyo, O Jerusalem,
o sinong tataghoy sa iyo?
Sinong hihinto
upang itanong ang iyong kalagayan?
6 Itinakuwil mo ako, sabi ng Panginoon,
patuloy kang umuurong;
kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinuksa kita;
pagod na ako sa pagiging mahabagin.
7 Tinahipan ko sila ng pantahip
sa mga pintuang-bayan ng lupain;
pinangulila ko sila, nilipol ko ang aking bayan;
sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.
8 Pinarami ko ang kanilang mga babaing balo
nang higit kaysa buhangin sa karagatan.
Dinala ko laban sa mga ina ng mga binata
ang manglilipol sa katanghaliang-tapat;
bigla kong pinarating sa kanila
ang dalamhati at sindak.
9 Siyang nanganak ng pito ay nanghihina;
siya'y nalagutan ng hininga;
ang kanyang araw ay lumubog samantalang may araw pa;
siya'y napahiya at napariwara.
At ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak
sa harapan ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.”
Dumaing si Jeremias sa Panginoon
10 Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat.
11 Sinabi ng Panginoon, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan!
12 Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso?
13 “Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan.
14 Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman.”
15 O Panginoon, nalalaman mo;
alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16 Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17 Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18 Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
at ang aking sugat ay walang lunas,
at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
parang tubig na nauubos?
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20 At gagawin kita para sa bayang ito
na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21 At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”
Ang Kalooban ng Panginoon para kay Jeremias
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon man ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito:
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, at tungkol sa mga ina at ama na nagsilang sa kanila sa lupaing ito:
4 Sila'y mamamatay sa mga masaklap na pagkamatay. Hindi sila tatangisan, ni ililibing man sila. Sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Sila'y mamamatay sa tabak at pagkagutom, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at ng mga hayop sa lupa.
5 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang pumasok sa bahay ng pagluluksa, o pumaroon upang tumaghoy, o umiyak man sa mga iyon; sapagkat aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito at ang aking tapat na pag-ibig at habag, sabi ng Panginoon.
6 Ang dakila at hamak ay kapwa mamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi malilibing, at walang tataghoy para sa kanila o maghihiwa ng sarili o magpapakalbo man para sa kanila.
7 Walang magpuputol ng tinapay para sa nagluluksa, upang aliwin sila dahil sa namatay; ni ang sinuman ay magbibigay sa kanya ng saro ng kaaliwan upang inumin para sa kanyang ama o ina.
8 Huwag kang papasok sa bahay na may handaan upang makasalo nila sa pagkain at pag-inom.
9 Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking patitigilin sa lugar na ito, sa harapan ng inyong mga mata at sa inyong mga araw, ang tinig ng katuwaan at kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal.
10 “At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, ‘Bakit binigkas ng Panginoon ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa Panginoon naming Diyos?’
11 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng Panginoon.
12 At yamang kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin.
13 Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.’
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda
17 “Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;
2 habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,
3 sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.
4 Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”
Iba't Ibang Kasabihan
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
at ginagawang kalakasan ang laman,
at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
6 Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
sa lupang maalat at hindi tinatahanan.
7 “Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
at ang pag-asa ay ang Panginoon.
8 Sapagkat(E) siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
9 Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
at lubhang napakasama;
sinong makakaunawa nito?
10 “Akong(F) Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
at sumusubok ng puso,[a]
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”
11 Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.
12 Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
ang lugar ng aming santuwaryo.
13 O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.
Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias
14 Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
iligtas mo ako, at maliligtas ako;
sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15 Sinasabi nila sa akin,
“Nasaan ang salita ng Panginoon?
Hayaan itong dumating ngayon!”
16 Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
ay nasa iyong harapan.
17 Huwag kang maging kilabot sa akin,
ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18 Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!
Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath
19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;
20 at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.
21 Ganito(G) ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.
22 Huwag(H) din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
23 Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.
24 “‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,
25 kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.
26 At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.
27 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001