Beginning
Ang Babala ng Asiria sa Juda(A)
36 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng may pader na lunsod ng Juda, at sinakop ang mga ito.
2 At sinugo ng hari ng Asiria si Rabsake sa Jerusalem mula sa Lakish kay Haring Hezekias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng Bilaran ng Tela.
3 At doo'y humarap sa kanya si Eliakim na anak ni Hilkias, na tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.
Ang Mabangis na Pananalumpati ni Rabsake
4 At sinabi ni Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa anong pag-asa ka nagtitiwala?
5 Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan. Ngayo'y kanino ka nagtitiwala, anupa't ikaw ay naghimagsik laban sa akin?
6 Narito,(B) ikaw ay nagtitiwala sa Ehipto, sa tungkod na ito na tambong wasak, na bubutas sa kamay ng sinumang sumandal dito. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kanya.
7 Ngunit kung iyong sabihin sa akin, “Kami ay nagtitiwala sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya'y inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa harapan ng dambanang ito?”
8 Magsiparito kayo ngayon, makipagtawaran ka sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.
9 Paano mo madadaig ang isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, gayong nagtitiwala ka sa Ehipto para sa mga karwahe at sa mga mangangabayo?
10 Bukod dito'y umahon ba ako na di kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang ito'y lipulin? Sinabi sa akin ng Panginoon, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.’”
11 Nang magkagayo'y sinabi nina Eliakim, Sebna at Joah kay Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico, sapagkat iyon ay aming naiintindihan. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio sa pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”
12 Ngunit sinabi ni Rabsake, “Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito at hindi sa mga taong nakaupo sa pader, upang kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi na kasama ninyo?”
13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsake, at sumigaw nang malakas na tinig sa wikang Judio: “Pakinggan ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!
14 Ganito ang sabi ng hari, ‘Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo maililigtas.
15 Huwag ninyong hayaan si Hezekias na kayo'y papagtiwalain sa Panginoon sa pagsasabing, “Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; ang lunsod na ito ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.”
16 Huwag ninyong pakinggan si Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria: Makipagpayapaan kayo sa akin, at humarap kayo sa akin. Kung gayo'y kakain ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang puno ng ubas, at ang bawat isa sa kanyang puno ng igos, at bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig ng kanyang sariling balon;
17 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.
18 Mag-ingat kayo na huwag mailigaw ni Hezekias sa pagsasabing, “Ililigtas tayo ng Panginoon.” Nagligtas ba ang sinuman sa mga diyos ng mga bansa ng kanyang lupain sa kamay ng hari ng Asiria?
19 Saan naroon ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Saan naroon ang mga diyos ng Sefarvaim? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
20 Sino sa lahat na diyos ng mga lupaing ito ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”
21 Ngunit sila'y tahimik, at hindi sumagot sa kanya ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”
22 Nang magkagayo'y pumaroon kay Hezekias si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala, na punit ang kanilang kasuotan, at sinabi sa kanya ang mga salita ni Rabsake.
Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias(C)
37 Nang marinig ito ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang kasuotan, at binalot ang sarili ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kanyang sinugo sina Eliakim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang nakatatandang mga pari na may suot na damit-sako, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.
3 Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, ‘Ang araw na ito ay araw ng kalungkutan, ng pagsaway, at ng kahihiyan. Ang mga anak ay ipapanganak na, at walang lakas upang sila'y mailuwal.
4 Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang mga salita ni Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoon na hari ng Asiria upang hamakin ang buháy na Diyos, at sasawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos; kaya't ilakas mo ang iyong dalangin para sa nalabi na naiwan.’”
5 Nang dumating kay Isaias ang mga lingkod ni Haring Hezekias,
6 sinabi ni Isaias sa kanila, “Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ginamit sa paglapastangan sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kanya, upang siya'y makarinig ng balita at bumalik sa kanyang sariling lupain; at aking pababagsakin siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”
Ang Sulat ni Senakerib kay Hezekias(D)
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsake, at natagpuan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna; sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.
9 Ngayon nga'y nabalitaan ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo.” At nang kanyang marinig ito, siya'y nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,
10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari sa Juda: ‘Huwag kang padaya sa iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan na sinasabing ang Jerusalem ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.
11 Narito, nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ang mga iyon ay winasak na lubos: At maliligtas ka ba?
12 Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran, ng Rezef, at ng mga anak ni Eden na nasa Telasar?
13 Nasaan ang hari sa Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”
Ang Panalangin ni Hezekias
14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito; at umahon si Hezekias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.
15 Si Hezekias ay nanalangin sa Panginoon,
16 “O(E) Panginoon ng mga hukbo, Diyos ng Israel na nakaupo sa mga kerubin. Ikaw ang Diyos, ikaw lamang, sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong dinggin. Imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon, at tumingin ka. Pakinggan mo ang lahat ng salita ni Senakerib, na kanyang ipinasabi upang lapastanganin ang buháy na Diyos.
18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari ng Asiria at ang kanilang lupain.
19 Inihagis nila ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira ang mga ito.
20 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw lamang ang Panginoon.”
Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias(F)
21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria,
22 ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:
‘Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion,
tinawanan ka niya—
iniiling ng anak na babae ng Jerusalem
ang kanyang ulo sa likod mo.
23 ‘Sino ang iyong inalipusta at hinamak?
Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata?
Laban nga sa Banal ng Israel!
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang Panginoon,
at sinabi mo, “Sa pamamagitan ng marami kong karwahe,
nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok,
sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon,
at ang mga piling sipres niyon;
ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan,
ng pinakamakapal na gubat.
25 Ako'y humukay ng balon
at uminom ng tubig,
at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa.
26 ‘Hindi mo ba nabalitaan
na iyon ay aking ipinasiya noon pa?
Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon,
ngayo'y aking pinapangyari na maganap
at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod
upang maging mga nakaguhong bunton,
27 kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas,
nanlupaypay at napahiya.
Sila'y naging parang damo sa bukid,
at tulad ng sariwang gulayin,
parang damo sa mga bubungan,
na natuyo na bago pa tumubo.
28 ‘Nalalaman ko ang iyong pag-upo,
at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin,
at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
at ang aking pamingkaw sa iyong bibig,
at pababalikin kita sa daan
na iyong pinanggalingan.’
30 “At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon.
31 At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas.
32 Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.
33 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan.
34 Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.
35 Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.”
Si Senakerib ay Nawalan ng Loob at Pinatay
36 At ang anghel ng Panginoon ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
37 Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive.
38 At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.
Nagkasakit si Hezekias(G)
38 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at halos mamamatay na siya. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay pumunta sa kanya, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay, at hindi ka na mabubuhay.”
2 Nang magkagayo'y ibinaling ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding, at nanalangin sa Panginoon.
3 Kanyang sinabi, “Alalahanin mo, O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo ng may katapatan at buong puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak na may kapaitan.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias:
5 “Humayo ka at sabihin mo kay Hezekias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ni David na iyong ama: Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha; narito, aking daragdagan ng labinlimang taon ang iyong buhay.
6 At aking ililigtas ka at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.
7 “Ito ang magiging tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kanyang ipinangako:
8 Narito, aking pababalikin ang anino sa mga baytang na pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw ng sampung baytang.” Sa gayo'y umurong ang anino ng araw ng sampung baytang sa mga baytang na binabaan nito.
9 Ang sulat ni Hezekias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kanyang sakit:
10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
ang iyong katapatan.
20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
sa bahay ng Panginoon.
21 Sinabi ni Isaias, “Magsikuha sila ng isang kimpal na igos, at ilagay na tapal sa bukol upang siya'y gumaling.”
22 Sinabi rin ni Hezekias, “Ano ang tanda na ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon?”
Mga Sugo mula sa Babilonia(H)
39 Nang panahong yaon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may dalang mga sulat at regalo kay Hezekias, sapagkat nabalitaan niya na siya'y nagkasakit at gumaling.
2 At natuwa si Hezekias dahil sa kanila, at ipinakita sa kanila ang taguan ng kanyang kayamanan, ang pilak, ang ginto, ang mga pabango, ang mahalagang langis, ang lahat ng kanyang sandata, at lahat na nandoon sa kanyang mga imbakan. Walang bagay sa kanyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Hezekias sa kanila.
3 Nang magkagayo'y pumunta si Isaias na propeta kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila nanggaling upang makipagkita sa iyo?” Sinabi ni Hezekias, “Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”
4 Kanyang sinabi, “Ano ang kanilang nakita sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Lahat ng nasa aking bahay ay kanilang nakita; walang anumang bagay sa aking mga imbakan na hindi ko ipinakita sa kanila.”
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo:
6 Narito, ang mga araw ay dumarating, na ang lahat na nasa iyong bahay, at ang mga inipon ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
7 At(I) ang iba sa iyong mga anak na ipapanganak sa iyo ay dadalhin. Sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang sinabi, “Magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga araw.”
Mga Pananalita ng Pag-asa
40 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan,
sabi ng inyong Diyos.
2 Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem,
at sabihin ninyo sa kanya,
na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na,
na ang kanyang kasamaan ay pinatawad,
sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon
ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan.
3 Ang(J) (K) tinig ng isang sumisigaw:
“Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos.
4 Bawat libis ay matataas,
at bawat bundok at burol ay mabababa;
ang mga baku-bako ay matutuwid,
at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag.
5 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag,
at sama-samang makikita ng lahat ng laman,
sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”
6 Sinasabi(L) ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!”
At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?”
Lahat ng laman ay damo,
at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang.
7 Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta,
kapag ang hininga ng Panginoon ay humihihip doon;
tunay na ang mga tao ay damo.
8 Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta;
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
9 Umakyat ka sa mataas na bundok,
O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita;
itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan,
O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita,
itaas mo, huwag kang matakot;
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Tingnan ang inyong Diyos!”
10 Narito,(M) ang Panginoong Diyos ay darating na may kapangyarihan,
at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya;
narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya,
at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.
11 Kanyang(N) pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol,
kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig,
at dadalhin sila sa kanyang kandungan,
at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.
12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
at ng mga burol sa timbangan?
13 Sinong(O) pumatnubay sa Espiritu ng Panginoon,
o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
14 Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
15 Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
itinuturing na parang alabok sa timbangan;
masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
16 Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.
18 Kanino(P) nga ninyo itutulad ang Diyos?
O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
19 Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
at binabalot ito ng ginto ng platero,
at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
20 Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.
21 Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
23 na dinadala sa wala ang mga pinuno,
at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.
24 Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik,
oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa,
at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo,
at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami.
25 Kanino nga ninyo ako itutulad,
upang makatulad niya ako? sabi ng Banal.
26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas,
at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito?
Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang;
tinatawag niya sila ayon sa pangalan;
sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan,
at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan
ay walang nagkukulang.
27 Bakit sinasabi mo, O Jacob,
at sinasalita mo, O Israel,
“Ang daan ko ay lingid sa Panginoon,
at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko”?
28 Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig?
Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos,
ang Lumikha ng mga dulo ng lupa.
Hindi siya nanghihina, o napapagod man;
walang makatatarok ng kanyang kaunawaan.
29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina;
at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan.
30 Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod,
at ang mga binata ay lubos na mabubuwal;
31 ngunit silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas,
sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila,
sila'y tatakbo at hindi mapapagod,
sila'y lalakad, at hindi manghihina.
Ang Pangako ng Diyos sa Israel
41 Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.
2 Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
3 Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
4 Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong Panginoon, ang una,
at kasama ng huli, Ako nga.
5 Nakita ng mga pulo, at natakot,
ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
sila'y lumapit, at pumarito.
6 Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
7 Pinasisigla ng karpintero ang platero,
at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
Ang Israel ay Tiniyak na Tutulungan ng Panginoon
8 Ngunit(Q) ikaw, Israel, lingkod ko,
Jacob, na siyang aking pinili,
na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
9 ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
10 huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.
11 Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo
ay mapapahiya at malilito:
silang nakikipaglaban sa iyo
ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo,
ngunit hindi mo sila matatagpuan;
silang nakikipagdigma laban sa iyo
ay matutulad sa wala.
13 Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos,
ang humahawak ng iyong kanang kamay;
ako na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot,
ikaw ay aking tutulungan.”
14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob,
at kayong mga lalaki ng Israel!
aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon,
ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik,
na may mga ngipin;
iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon,
at iyong gagawing parang ipa ang mga burol.
16 Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin,
at pangangalatin ng ipu-ipo.
At ikaw ay magagalak sa Panginoon,
at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel.
17 Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig,
at wala,
at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw,
akong Panginoon ay sasagot sa kanila,
akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan,
at ng mga bukal sa gitna ng mga libis;
aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig,
at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang sedro,
ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
ang alerses at pino;
20 upang makita at malaman ng mga tao,
isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
at nilikha ito ng Banal ng Israel.
Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos
21 Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22 Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24 Narito, kayo'y bale-wala,
at walang kabuluhan ang inyong gawa;
kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Zion,
narito, narito sila;
at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
sa gitna nila ay walang tagapayo
na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29 Narito, silang lahat ay masama;
ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001