Add parallel Print Page Options

Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(A)

Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.

11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?

12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 At(B) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.

17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,

18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.

19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”

Read full chapter