Beginning
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Halimaw
7 Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito.
2 Sinabi ni Daniel, “Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat,
3 at(A) apat na malalaking halimaw[a] na magkakaiba ang umahon mula sa dagat.
4 Ang(B) una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao.
5 Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, ‘Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.’
6 Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.
7 Pagkatapos(C) nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay.
8 Habang(D) tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.
9 Habang(E) ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10 May(F) dumaloy na isang ilog ng apoy
at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.
11 Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy.
12 At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon.
13 Patuloy(G) akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,
ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.
At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw,
at iniharap sa kanya.
14 Binigyan(H) siya ng kapangyarihan,
kaluwalhatian, at kaharian,
upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika
ay maglingkod sa kanya.
Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan
na hindi lilipas,
at ang kanyang kaharian
ay hindi mawawasak.
Ang Panaginip ay Ipinaliwanag
15 “Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip.
16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay.
17 Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa.
18 Ngunit(I) tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.
19 Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;
20 at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.
21 Habang(J) ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,
22 hanggang(K) sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.
23 “Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24 Tungkol(L) sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25 At(M) siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27 At(N) ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’
28 “Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan.”
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking Tupa at Lalaking Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring si Belshasar, akong si Daniel ay nakakita ng isang pangitain pagkatapos ng unang pangitaing nakita ko.
2 Ako'y tumingin sa pangitain, at habang ako'y tumitingin, ako'y nasa palasyo sa Susa na nasa lalawigan ng Elam, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai.
3 At itiningin ko ang aking mga mata, at aking nakita ang isang lalaking tupa na nakatayo sa pampang ng ilog. Ito ay may dalawang sungay, at ang dalawang sungay ay kapwa mahaba, ngunit ang isa'y higit na mahaba kaysa isa, at ang higit na mahaba ay huling lumitaw.
4 Aking nakita ang lalaking tupa na sumasalakay sa dakong kanluran, hilaga, at timog. Walang hayop na makatagal sa harapan niya, at walang sinumang makapagliligtas mula sa kanyang kapangyarihan. Kanyang ginawa ang ayon sa kanyang nais at itinaas ang kanyang sarili.
5 Habang aking pinapanood, narito, lumitaw ang isang lalaking kambing mula sa kanluran na tumatawid sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumasayad sa lupa. Ang lalaking kambing ay may lantad na sungay sa pagitan ng kanyang mga mata.
6 Ito'y dumaluhong sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa pampang ng ilog, at kanyang sinalakay ito na may matinding poot.
7 Nakita ko itong lumalapit sa lalaking tupa, at ito'y napoot sa kanya at sinaktan ang tupa at binali ang kanyang dalawang sungay. Ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatagal sa harapan nito. Ibinuwal nito sa lupa ang lalaking tupa at niyapakan ito, at walang sinumang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kapangyarihan nito.
8 At lubhang itinaas ng lalaking kambing ang kanyang sarili, ngunit nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali. Sa lugar nito'y lumitaw ang apat na lantad na mga sungay, paharap sa apat na hangin ng langit.
9 Mula sa isa sa mga iyon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na lubhang naging makapangyarihan sa dakong timog, sa dakong silangan at sa maluwalhating lupain.
10 Ito(O) ay lumaki nang lumaki, hanggang sa ang hukbo sa langit at ang ilan sa mga hukbo at mga bituin ay ibinagsak nito sa lupa at niyapakan ang mga iyon.
11 Nagpalalo pa ito laban sa Pinuno ng hukbo; ang patuloy na handog na sinusunog ay pinahinto nito at ang lugar ng kanyang santuwaryo ay ibinagsak.
12 Dahil sa paglabag, ang hukbo ay ibinigay sa kanya kasama ng patuloy na handog na sinusunog. Ibinagsak nito ang katotohanan sa lupa, at ang sungay ay patuloy na nagtagumpay sa ginagawa nito.
13 Pagkatapos nito, narinig kong nagsasalita ang isang banal, at sinabi ng isa pang banal sa nagsalita, “Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog, ang pagsuway na sumisira, at ang pagsusuko sa santuwaryo at sa hukbo upang mayapakan ng paa?”
14 At sinabi niya sa akin, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain ni Daniel
15 Nang ako, si Daniel, ay makakita sa pangitain, pinagsikapan ko itong maunawaan. At narito, nakatayo sa harapan ko ang isang kawangis ng tao.
16 Narinig(P) ko ang tinig ng isang tao sa may pampang ng Ulai, at ito'y tumawag at nagsabi, “Gabriel, ipaunawa mo sa taong ito ang pangitain.”
17 Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubsob. Ngunit sinabi niya sa akin, “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas.”
18 Samantalang siya'y nagsasalita sa akin, ako'y nakatulog nang mahimbing na ang mukha ay nakasubsob sa lupa. At hinipo niya ako at itinayo.
19 Sinabi niya, “Narito, ipapaalam ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagkat ito'y tungkol sa takdang panahon ng wakas.
20 Ang lalaking tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay ang mga hari ng Media at Persia.
21 Ang lalaking kambing na may magaspang na balahibo ay ang hari ng Grecia, at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari.
22 Ang sungay na nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay ang apat na kaharian na babangon mula sa kanyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
23 Sa pagtatapos ng kanilang paghahari, kapag ang mga paglabag ay umabot sa kanilang ganap na sukat, isang hari na may mabagsik na pagmumukha ang babangon na nakakaunawa ng mga palaisipan.
24 Ang kanyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan; at siya'y gagawa ng nakakatakot na pagwasak, at siya'y magtatagumpay at gagawin ang kanyang maibigan. Pupuksain niya ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan.
25 Sa pamamagitan ng kanyang katusuhan ay kanyang pauunlarin ang pandaraya sa ilalim ng kanyang kamay; at sa kanyang sariling isipan ay itataas niya ang kanyang sarili. Walang babalang papatayin niya ang marami; siya'y tatayo rin laban sa Pinuno ng mga pinuno; ngunit siya'y mawawasak, hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao.
26 Ang pangitain tungkol sa mga hapon at mga umaga na isinalaysay ay totoo; ngunit ilihim mo ang pangitain, sapagkat ito'y tungkol sa maraming mga araw mula ngayon.”
27 At akong si Daniel ay nanghina, at nagkasakit ng ilang araw. Pagkatapos ay bumangon ako, at ginawa ko ang mga gawain ng hari. Ngunit ako'y pinapanlumo ng pangitain, at walang makapagpaliwanag nito.
Nanalangin si Daniel para sa Kanyang Bayan
9 Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuerus, mula sa lahi ng Media, na naging hari sa kaharian ng mga taga-Caldea—
2 nang(Q) unang taon ng kanyang paghahari, akong si Daniel ay nakaunawa mula sa mga aklat ng bilang ng mga taon, ayon sa salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na dapat lumipas bago magwakas ang pagkasira ng Jerusalem, ito ay pitumpung taon.
3 Kaya ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit-sako at mga abo.
4 Ako'y nanalangin sa Panginoon kong Diyos, at nagpahayag ng kasalanan na sinasabi, “O Panginoon, Diyos na dakila at kakilakilabot, na nag-iingat ng tipan at tapat na pag-ibig sa umiibig sa iyo at nag-iingat ng iyong mga utos.
5 Kami ay nagkasala, gumawa ng pagkakamali, kumilos na may kasamaan, naghimagsik at tumalikod sa iyong mga utos at mga batas.
6 Ni hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, mga pinuno, mga ninuno, at sa lahat ng mga tao ng lupain.
7 O Panginoon, ang katuwiran ay sa iyo, ngunit sa amin ay hayag na kahihiyan hanggang sa araw na ito, sa mga tao ng Juda, sa mga naninirahan sa Jerusalem, sa buong Israel, sa mga nasa malapit at nasa malayo sa lahat ng lupain na iyong pinagtabuyan sa kanila dahil sa kataksilang ginawa nila laban sa iyo.
8 O Panginoon, hayag na kahihiyan ang dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, at mga ninuno, sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
9 Sa Panginoon naming Diyos nagmumula ang habag at kapatawaran; sapagkat kami ay naghimagsik laban sa kanya.
10 Ni hindi namin sinunod ang tinig ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan na kanyang inilagay sa harapan namin sa pamamagitan ng kanyang lingkod na mga propeta.
11 Tunay na ang buong Israel ay sumuway sa iyong kautusan at tumalikod, na hindi nakinig sa iyong tinig. At ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya.
12 Sa gayo'y kanyang pinagtibay ang kanyang mga salita na kanyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga pinuno na namuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan; sapagkat sa silong ng buong langit ay hindi pa nagagawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.
13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kapahamakang ito'y dumating sa amin, gayunma'y hindi namin hiniling ang lingap ng Panginoon naming Diyos, at hindi namin tinalikuran ang aming mga kasamaan at pinakinggan ang iyong katotohanan.
14 Kaya't inihanda ng Panginoon ang kapahamakan, at ibinagsak sa amin; sapagkat ang Panginoon naming Diyos ay matuwid sa lahat ng kanyang mga gawa na kanyang ginagawa, ngunit hindi namin tinupad ang kanyang tinig.
15 At ngayon, O Panginoon naming Diyos na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at pinatanyag mo ang iyong pangalan hanggang sa araw na ito; kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan.
16 O Panginoon, ayon sa lahat mong matuwid na mga gawa, ilayo mo nawa ang iyong galit at poot sa Jerusalem na iyong lunsod, ang iyong banal na bundok; sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong sambayanan ay naging kahiyahiya sa lahat ng nasa palibot namin.
17 Kaya't ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin at mga pagsamo ng iyong lingkod, alang-alang sa iyo, O Panginoon, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong wasak na santuwaryo.
18 O Diyos ko, ikiling mo ang iyong tainga, at ikaw ay makinig. Ibukas mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga pagkawasak, at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang awa.
19 O Panginoon, makinig ka; O Panginoon, magpatawad ka; O Panginoon, makinig ka at kumilos ka! Alang-alang sa iyong sarili, O aking Diyos, huwag mong ipagpaliban sapagkat ang iyong lunsod at ang iyong sambayanan ay tinatawag sa iyong pangalan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Propesiya
20 Samantalang ako'y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harapan ng Panginoon kong Diyos alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos;
21 samantalang(R) ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, ay dumating sa akin sa mabilis na paglipad, sa panahon ng pag-aalay sa hapon.
22 Ako'y kanyang tinuruan at nakipag-usap sa akin at sinabi, “O Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa.
23 Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang salita, at ako'y naparito upang sabihin sa iyo; sapagkat ikaw ay lubhang minamahal. Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain:
24 “Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod: upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, gumawa ng pagtubos para sa kasamaan, dalhan ng walang hanggang katuwiran, tatakan ang pangitain at ang propesiya, at upang buhusan ng langis ang kabanal-banalan.
25 Kaya't iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas,[b] na pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo. Ito'y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa mga panahon ng kaguluhan.
26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang sanlinggo, ang Mesiyas[c] ay mahihiwalay at mawawalan, at ang bayan ng pinunong darating ang wawasak sa lunsod at sa santuwaryo. Ang wakas nito ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magkakaroon ng digmaan. Ang pagkasira ay itinakda na.
27 At(S) siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kanyang patitigilin ang handog at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay darating ang isang mangwawasak, hanggang sa ang iniutos na wakas ay maibuhos sa mangwawasak.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001