Beginning
Nanawagan ang Panginoon sa Kanyang Bayan
1 Nang(A) ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, ang propeta, na sinasabi,
2 “Ang Panginoon ay galit na galit sa inyong mga ninuno.
3 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno, na sa kanila'y sinabi ng mga unang propeta, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, at sa inyong masasamang gawa.’ Ngunit hindi nila ako pinakinggan o pinansin man, sabi ng Panginoon.
5 Ang inyong mga ninuno, nasaan sila? At ang mga propeta, nabubuhay ba sila magpakailanman?
6 Ngunit ang aking mga salita at mga tuntunin na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba inabutan ng mga ito ang inyong mga ninuno? Kaya't sila'y nagsisi at nagsabi, ‘Kung paano ang inisip na gawin sa amin ng Panginoon ng mga hukbo, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.’”
Ang mga Kabayo sa Pangitain ni Zacarias
7 Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi:
8 “Nakita(B) ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti.
9 Nang magkagayo'y aking sinabi, ‘O panginoon ko, ano ang mga ito?’ At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, ‘Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.’
10 Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, ‘Ang mga iyon ang mga sinugo ng Panginoon upang manmanan ang lupa.’
11 Sila'y sumagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, ‘Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.’
12 Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng Panginoon, ‘O Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?’
13 Ang Panginoon ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin.
14 Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, ‘Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion.
15 Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem.
17 Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: ‘Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng Panginoon ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at mga Panday
18 Aking itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, apat na sungay!
19 Aking sinabi sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito?” At siya'y sumagot sa akin, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel, at sa Jerusalem.”
20 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.
21 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito?” Siya'y sumagot, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, na walang lalaki na nagtaas ng kanyang ulo at ang mga ito'y dumating upang takutin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang ito'y pangalatin.”
Ang Pangitain tungkol sa Pising Panukat
2 Tumingin ako sa itaas at nakita ko at narito, ang isang lalaki na may panukat na pisi sa kanyang kamay.
2 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Saan ka pupunta?” Sinabi niya sa akin, “Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung ano ang luwang at haba nito.”
3 At narito, ang anghel na nakipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating upang salubungin siya.
4 Sinabi sa kanya, “Tumakbo ka, sabihin mo sa binatang ito, ‘Ang Jerusalem ay titirhan na parang mga nayon na walang mga pader, dahil sa dami ng mga tao at hayop doon.
5 Sapagkat ako ay magiging sa kanya'y isang pader na apoy sa palibot, sabi ng Panginoon, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.’”
Ang mga Bihag ay Tinawagan upang Umuwi na
6 “Hoy! Hoy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga, sapagkat ikinalat ko kayo na gaya ng apat na hangin ng kalangitan,” sabi ng Panginoon.
7 Hoy! Tumakas ka na Zion, ikaw na naninirahang kasama ng anak na babae ng Babilonia.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, pagkatapos na suguin ako ng kanyang kaluwalhatian sa mga bansa na nanamsam sa inyo: Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata.
9 “Sapagkat narito, iwawagayway ko ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam sa mga naglilingkod sa kanila. Inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.
10 Umawit ka at magalak, O anak na babae ng Zion, sapagkat narito, ako'y dumarating at ako'y maninirahan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
11 Maraming bansa ang sasama sa Panginoon sa araw na iyon, at magiging aking bayan; ako'y maninirahan sa gitna mo at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa iyo.
12 Mamanahin ng Panginoon ang Juda bilang bahagi niya sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem.
13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y bumangon na mula sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain tungkol sa Pinakapunong Pari
3 Pagkatapos,(C) ipinakita niya sa akin si Josue na pinakapunong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon, at si Satanas[a] na nakatayo sa kanyang kanan upang paratangan siya.
2 Sinabi(D) ng Panginoon kay Satanas, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, O Satanas! Ang Panginoon na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito'y isang gatong na inagaw sa apoy?”
3 Si Josue nga na nakasuot ng maruming damit ay nakatayo sa harapan ng anghel.
4 Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harapan niya, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan.” Sinabi ng anghel kay Josue, “Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan.”
5 Aking sinabi, “Hayaang kanilang lagyan siya ng isang malinis na turbante sa kanyang ulo.” Kaya't nilagyan siya ng malinis na turbante sa kanyang ulo at dinamitan siya at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa tabi.
6 Tinagubilinan ng anghel ng Panginoon si Josue,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong susundin ang aking bilin, ikaw ang mamumuno sa aking bahay at mangangasiwa sa aking mga bulwagan. Bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito.
8 Pakinggan(E) mo ngayon, O Josue na pinakapunong pari, ikaw at ang iyong mga kaibigan na nakaupo sa harapan mo, sapagkat sila'y mga palatandaan ng mga bagay na mangyayari. Ilalabas ko ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagkat, narito, ang bato na aking inilagay sa harapan ni Josue, sa ibabaw ng isang bato na may pitong mata, narito, ako'y mag-uukit ng titik nito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.
10 Sa(F) araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa sa lilim ng puno ng ubas at ng puno ng igos.”
Ang Pangitain tungkol sa Kandelero
4 Ang anghel na nakipag-usap sa akin ay bumalik at ginising ako, na gaya ng taong ginigising sa pagkakatulog.
2 Sinabi niya sa akin, “Ano ang iyong nakikita?” Aking sinabi, “Ako'y tumingin, at nakita ko, at narito, ang isang ilawan na purong ginto na may mangkok sa ibabaw niyon; may pitong ilawan sa ibabaw niyon, at may pitong tubo sa bawat isa sa mga ilawan na nasa ibabaw niyon.
3 May(G) dalawang puno ng olibo sa tabi niyon, isa sa dakong kanan ng mangkok, at ang isa'y sa dakong kaliwa niyon.”
4 Sinabi ko sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito, panginoon ko?”
5 Nang magkagayo'y sinagot ako ng anghel na nakipag-usap sa akin, “Hindi mo ba nalalaman kung ano ang mga ito?” Aking sinabi, “Hindi, panginoon ko.”
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
6 Sinabi(H) niya sa akin, “Ito ang salita ng Panginoon kay Zerubabel, na sinasabi: Hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
7 Ano ka, O malaking bundok? Sa harapan ni Zerubabel ay magiging kapatagan ka; at kanyang ilalagay ang pangunahing bato na may pagsisigawan ng, ‘Biyaya, biyaya sa kanya.’”
8 Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon na sinasabi:
9 “Ang mga kamay ni Zerubabel ay siyang naglagay ng pundasyon ng bahay na ito; ang kanyang mga kamay ay siya ring tatapos nito. At malalaman mo na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo.
10 Sapagkat(I) sinong humamak sa araw ng maliliit na bagay? Sapagkat sila'y magagalak, at makikita nila ang batong pabigat sa kamay ni Zerubabel. “Ang pitong ito'y mga mata ng Panginoon na nagpaparoo't parito sa buong lupa.”
11 At(J) sumagot ako sa kanya, “Ano itong dalawang puno ng olibo sa dakong kanan at kaliwa ng ilawan?”
12 Sa ikalawang pagkakataon ay sumagot ako sa kanya, “Ano itong dalawang sangang olibo na nasa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis?”
13 Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba nalalaman kung ano ang mga ito?” Aking sinabi, “Hindi, panginoon ko.”
14 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ito ang dalawang binuhusan ng langis na nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.”
Ang Pangitain ng Lumilipad na Balumbon
5 Muli kong itinaas ang aking mga paningin at aking nakita, at narito, isang lumilipad na balumbon!
2 Sinabi niya sa akin, “Ano ang iyong nakikita?” Ako'y sumagot, “Nakikita ko ang isang lumilipad na balumbon. Ang haba nito ay dalawampung siko at ang luwang nito ay sampung siko.”
3 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ito ang sumpa na lumalabas sa ibabaw ng buong lupain; tiyak na ang bawat nagnanakaw ay mahihiwalay sa isang dako ayon doon; at bawat manunumpa na may kasinungalingan ay mahihiwalay sa kabilang dako, ayon doon.
4 Aking isusugo iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ito'y papasok sa bahay ng magnanakaw, at sa bahay ng nanunumpa ng kasinungalingan sa pangalan ko. Ito'y titira sa gitna ng kanyang bahay at uubusin ito, ang mga kahoy at mga bato.”
5 Ang anghel na nakipag-usap sa akin ay lumapit at sinabi sa akin, “Itaas mo ang iyong paningin, at tingnan mo kung ano itong dumarating.”
6 Aking sinabi, “Ano iyon?” Kanya namang sinabi, “Ito ang efa na dumarating.” At kanyang sinabi, “Ito ang kanilang anyo sa buong lupain.”
7 At narito, ang tinggang panakip ay itinaas at may isang babaing nakaupo sa gitna ng efa!
8 Kanyang sinabi, “Ito ang Kasamaan.” Kanyang itinulak itong pabalik sa gitna ng efa, at ipinatong ang pabigat na tingga sa bunganga niyon.
9 Itinaas ko ang aking paningin, aking nakita, at lumalapit ang dalawang babae! Ang hangin ay nasa kanilang mga pakpak; sila nga'y may mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng tagak at kanilang itinaas ang efa sa pagitan ng lupa at langit.
10 Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang efa?”
11 Sinabi niya sa akin, “Sa lupain ng Sinar upang ipagtayo ito ng bahay doon; at kapag ito'y naihanda na, ilalagay ito doon sa patungan nito.”
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe
6 Muli kong itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, lumabas ang apat na karwahe mula sa pagitan ng dalawang bundok; at ang mga bundok ay mga bundok na tanso.
2 Ang(K) unang karwahe ay may mga kabayong pula; ang ikalawa ay mga kabayong itim,
3 ang(L) ikatlo ay may mga kabayong puti; ang ikaapat na karwahe ay mga kabayong kulay abo.
4 Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito, panginoon ko?”
5 Ang(M) anghel ay sumagot sa akin, “Ang mga ito ay apat na espiritu ng kalangitan na pumaparoo't parito mula sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ang karwahe na may mga kabayong itim ay patungo sa hilagang lupain, ang mga mapuputi ay sumunod sa kanila, ang mga kulay abo ay patungo sa timugang lupain.”
7 Nang ang mga malalakas ay lumabas, sila ay nagpipilit na humayo upang libutin ang lupa. Kanyang sinabi, “Sulong, magmanman kayo sa buong lupa.” Kaya't sila'y nagmanman sa buong lupa.
8 Siya'y sumigaw sa akin, at nagsalita sa akin na sinasabi: “Narito, silang nagtungo sa hilagang lupain ang nagpatahimik sa aking espiritu sa hilagang lupain.”
Ang Utos na Putungan si Josue
9 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
10 “Kumuha ka mula sa mga bihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedias, na dumating sa pagkabihag mula sa Babilonia. Sa araw ding iyon ay pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias.
11 Kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong korona at iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadak, na pinakapunong pari.
12 Sabihin(N) mo sa kanya, ‘Ganito ang sinabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Narito ang lalaking ang pangala'y Sanga: sapagkat siya'y magsasanga sa kanyang dako at itatayo niya ang templo ng Panginoon.
13 Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon at siya'y magtataglay ng karangalan, at siya'y uupo at mamumuno sa kanyang trono. At siya'y magiging pari sa kanyang trono at ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan nila.”’
14 Ang korona ay magiging pinakaalaala sa templo ng Panginoon kina Helem, Tobias, Jedias, at Hen na anak ni Sefanias.
15 “Silang nasa malayo ay paparito at magtatayo ng templo ng Panginoon, at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa inyo. Ito'y mangyayari kung inyong masikap na susundin ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.”
Sinumbatan ng Panginoon ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 Nang ikaapat na taon ni Haring Dario, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias, nang ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng Chislev.
2 Noon ay sinugo ng mga taga-Bethel sina Sharezer at Regemelec at ang kanilang mga kalalakihan, upang hilingin ang lingap ng Panginoon,
3 upang magsalita sa mga pari ng bahay ng Panginoon ng mga hukbo at ang mga propeta, na sinasabi, “Iiyak ba ako at mag-aayuno sa ikalimang buwan, gaya ng aking ginawa nitong maraming taon?”
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon ng mga hukbo sa akin, na sinasabi,
5 “Sabihin mo sa lahat ng tao ng lupain at sa mga pari: Nang kayo'y mag-ayuno at tumangis nang ikalima at ikapitong buwan, nitong pitumpung taon, kayo ba'y nag-ayuno para sa akin?
6 Kapag kayo'y kumakain at umiinom, di ba kayo'y kumakain para sa inyong sarili at umiinom para sa inyong sarili?
7 Hindi ba ito ang mga salitang ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng mga unang propeta nang ang Jerusalem ay tinitirhan at nasa kaginhawahan, kasama ang mga bayang nasa palibot nito, at maging noong ang Negeb at Shefela ay tinitirahan?”
8 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias na nagsasabi,
9 “Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Magbigay kayo ng tunay na hatol, magpakita ng kaawaan at kahabagan ang bawat isa sa kanyang kapatid.
10 Huwag ninyong apihin ang balo, ni ang ulila man, ang dayuhan, ni ang dukha man; at sinuman sa inyo ay huwag mag-isip ng kasamaan sa inyong puso laban sa kanyang kapatid.”
11 Ngunit sila'y tumangging makinig, itinigas ang balikat, at tinakpan ang kanilang tainga upang huwag silang makarinig.
12 Pinatigas nila ang kanilang puso upang huwag nilang marinig ang kautusan at ang mga salita na ipinasugo ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kanyang espiritu sa mga unang propeta. Kaya't dumating ang malaking poot mula sa Panginoon ng mga hukbo.
13 “At nangyari, na kung paanong siya'y tumawag at hindi sila nakinig, kaya't nang sila'y tumawag, hindi ako nakinig,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
14 “at ikinalat ko sila sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala. Kaya't ang lupain na kanilang iniwan ay napabayaan, kaya't walang tao na nagpaparoo't parito, at ang magandang lupain ay napabayaan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001