Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 40-42

Pangitain tungkol sa Bahay

40 Nang ikadalawampu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasampung araw ng buwan, nang ikalabing-apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masakop, nang araw na iyon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin.

Sa(A) mga pangitaing mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at pinaupo ako sa isang napakataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang lunsod sa timog.

Nang kanyang(B) madala ako roon, mayroong isang lalaki na ang anyo ay nagliliwanag na parang tanso, na may pising lino at isang panukat na tambo sa kanyang kamay at siya'y nakatayo sa pintuang-daan.

At sinabi ng lalaki sa akin, “Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, pakinggan mo ng iyong mga pandinig, at ilagak mo ang iyong isipan sa lahat ng aking ipapakita sa iyo; sapagkat ikaw ay dinala rito upang aking maipakita ito sa iyo. Ipahayag mo ang lahat ng iyong nakita sa sambahayan ni Israel.”

Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan

At(C) narito, may pader sa palibot sa dakong labas ng lugar ng bahay, at ang haba ng panukat na tambo sa kamay ng tao ay anim na siko, na tig-isang siko at isang dangkal ang luwang ng bawat isa. Kaya't kanyang sinukat ang kapal ng pader, isang tambo; at ang taas, isang tambo.

Pumasok siya sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan, sa mga baytang niyon at kanyang sinukat ang pasukan ng pintuan, isang tambo ang luwang; ang kabilang pasukan ay isang tambo ang luwang.

Ang mga silid ng bantay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan ng pintuan sa tabi ng patyo ng pintuan sa pinakadulo ng daanan ay isang tambo.

Kanya rin namang sinukat ang bulwagan sa pintuang-daan, walong siko.

At ang mga haligi niyon, dalawang siko; at ang bulwagan sa pintuang-daan ay nasa pinakadulo ng daanan.

10 Mayroong tatlong silid ng bantay sa magkabilang dako ng pintuan sa silangan; ang tatlo ay iisang sukat; at ang mga haligi sa magkabilang panig ay iisang sukat.

11 Kanyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sampung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labintatlong siko.

12 May harang sa harapan ng mga silid ng bantay, isang siko sa magkabilang panig. Ang mga silid ng bantay ay anim na siko sa magkabilang panig.

13 At kanyang sinukat ang pintuang-daan mula sa likuran ng isang silid ng bantay hanggang sa likuran ng kabila, may luwang na dalawampu't limang siko, mula sa pintuan hanggang sa isa pang pintuan.

14 Sinukat din niya ang bulwagan, dalawampung siko; at sa paligid ng bulwagan ng pintuang-daan ay ang patyo.

15 Mula sa harapan ng pintuan sa pasukan hanggang sa dulo ng pinakaloob na bulwagan ng pintuan ay limampung siko.

16 May mga bintana sa palibot ang mga pintuang-daan na papaliit sa mga pintuan sa gilid. Ang bulwagan ay mayroon ding mga bintana sa palibot at sa mga haligi ay may puno ng palma.

Ang Bulwagan sa Labas

17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa labas ng bulwagan, at narito, may mga silid at may batong daanan sa palibot ng bulwagan; tatlumpung silid ang nakaharap sa nalalatagan ng bato.

18 At ang nalalatagan ng bato ay hanggang sa gilid ng mga pintuan, ayon sa haba ng mga pintuan; ito ang mas mababang nalalatagan ng bato.

19 Nang magkagayo'y kanyang sinukat ang pagitan mula sa harapan ng mas mababang pintuan hanggang sa harapan ng pinakaloob na bulwagan sa labas, isandaang siko, kahit sa silangan o kahit sa kanluran.

Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga

20 At siya'y umuna sa akin patungo sa hilaga, at may pintuang nakaharap sa hilaga na kabilang sa panlabas na bulwagan. Sinukat niya ang haba at luwang niyon.

21 Ang mga silid niyon sa gilid ay tatlo sa bawat panig, at ang mga haligi at mga patyo ay ayon sa sukat ng unang pintuan. Ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

22 Ang mga bintana at bulwagan niyon, at ang mga puno ng palma niyon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa silangan. Pitong baytang ang paakyat doon at ang bulwagan niyon ay nasa loob.

23 At sa tapat ng pintuan sa gawing hilaga, gaya ng sa silangan, ay may pintuan sa pinakaloob na bulwagan. Kanya itong sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan, isandaang siko.

Ang Tarangkahan sa Gawing Timog

24 Dinala niya ako patungo sa timog, at may isang pintuan sa timog; at kanyang sinukat ang mga haligi niyon at ang bulwagan niyon. Ang sukat ng mga iyon ay gaya rin ng iba.

25 May mga bintana sa palibot nito at sa bulwagan, gaya ng mga bintana ng iba. Ang haba nito ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

26 At may pitong baytang paakyat doon, at ang bulwagan niyon ay nasa loob, at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig.

27 May pintuan sa looban sa dakong timog; at kanyang sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan sa dakong timog, isandaang siko.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog

28 Dinala niya ako sa pinakaloob na bulwagan sa tabi ng pintuan sa timog, at kanyang sinukat ang pintuan sa timog; ang sukat nito ay gaya ng iba.

29 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi at ang bulwagan ay kasukat ng iba. May mga bintana sa palibot niyon at sa bulwagan. Ang haba nito ay may limampung siko at dalawampu't limang siko ang luwang.

30 May mga bulwagan sa palibot, na dalawampu't limang siko ang haba at limang siko ang luwang.

31 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, at ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan

32 Dinala niya ako sa panloob na patyo sa dakong silangan, at sinukat niya ang pintuan—iyon ay kagaya ng sukat ng iba.

33 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi niyon, at ang mga bulwagan niyon ay kagaya ng sukat ng iba; at may mga bintana sa palibot at sa mga bulwagan niyon. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang luwang niyon.

34 Ang mga bulwagan ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga

35 At dinala niya ako sa pintuang-daan sa hilaga, at sinukat niya iyon. Ang sukat nito ay gaya rin ng sa iba.

36 Ang mga silid ng bantay nito, ang mga haligi niyon at mga bulwagan niyon ay may sukat na gaya rin ng iba at may mga bintana sa palibot. Ang haba nito ay limampung siko at ang luwang ay dalawampu't limang siko.

37 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.

Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga

38 May isang silid na ang pintuan ay nasa bulwagan ng pintuan, na doon huhugasan ang handog na sinusunog.

39 Sa bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa sa magkabilang panig, na doon kakatayin ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan at ang handog para sa budhing nagkasala.

40 Sa labas ng bulwagan sa pasukan ng pintuan sa dakong hilaga ay may dalawang mesa; at sa kabilang dako ng bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa.

41 Apat na mesa ang nasa magkabilang dako sa tabi ng pintuan; o walong mesa ang kanilang pinagkakatayan ng mga handog.

42 Mayroon ding apat na mesa na batong tinabas para sa handog na sinusunog, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglagyan ng mga kasangkapan na kanilang ginagamit sa pagkatay sa handog na sinusunog at sa mga alay.

43 Ang mga kawit na isang lapad ng kamay ang haba ang nakakabit sa loob sa palibot. At sa ibabaw ng mga mesa ay ilalagay ang laman ng handog.

44 Dinala niya ako mula sa labas patungo sa panloob na patyo. May dalawang silid sa panloob na patyo. Ang isa ay nasa tabi ng pintuang nakaharap sa timog at ang isa ay sa tabi ng pintuan sa silangan na nakaharap sa hilaga.

45 Kanyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa timog ay sa mga pari na namamahala sa templo,

46 ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga pari na namamahala sa dambana. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, na sa mga anak ni Levi ay sila lamang ang makakalapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya.

47 Sinukat niya ang bulwagan; ito'y isandaang siko ang haba, at isandaang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harapan ng templo.

Ang Bulwagan sa Loob at ang Bahay

48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa bulwagan ng bahay at sinukat niya ang haligi ng bulwagan. Ito'y limang siko sa magkabilang panig. Ang luwang ng pintuan ay labing-apat na siko. Ang tagilirang pader ng pintuan ay tatlong siko sa magkabilang panig.

49 Ang haba ng bulwagan ay dalawampung siko, at ang luwang ay labing-isang siko, at ang hagdanan ay paakyat dito. Mayroon ding mga tukod sa tabi ng mga haligi sa magkabilang panig.

Ang Sukat ng Templo

41 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi. Anim na siko ang luwang ng haligi sa magkabilang panig.

Ang luwang ng pasukan ay sampung siko; at ang mga pader sa tagiliran ng pasukan ay limang siko sa magkabilang panig. Sinukat niya ang haba ng templo at iyon ay apatnapung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko.

Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang mga haligi sa pasukan, na ito'y dalawang siko. Ang pasukan ay anim na siko at ang luwang ng pasukan ay pitong siko.

At sinukat niya ang haba ng silid, dalawampung siko at ang luwang ay dalawampung siko sa harapan ng templo. At sinabi niya sa akin, “Ito ang dakong kabanal-banalan.”

Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader

Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko ang kapal; at ang luwang ng bawat tagilirang silid, apat na siko, sa palibot ng templo.

At ang mga tagilirang silid ay tatlong palapag, patung-patong at tatlumpu sa bawat palapag. Mayroong mga suhay sa palibot ng pader ng bahay upang magsilbing haligi para sa mga tagilirang-silid, upang ang mga ito ay hindi pabigat sa pader ng bahay.

At ang mga tagilirang silid ay papaluwang habang paitaas nang paitaas kagaya ng paglaki ng mga suhay sa bawat palapag sa palibot ng templo. Sapagkat ang paligid ng bahay ay pataas nang pataas, kaya't ang daan mula sa pinakamababang palapag hanggang sa pinakamataas na palapag sa pamamagitan ng gitnang palapag.

Nakita ko rin na ang bahay ay may nakatayong plataporma sa palibot. Ang mga pundasyon ng mga tagilirang silid ay mayroong sukat na isang buong tambo na anim na siko ang haba.

Ang kapal ng panlabas na pader ng mga tagilirang silid ay limang siko, at ang bahaging bukas ng plataporma ay limang siko. Sa pagitan ng plataporma ng bahay

10 at ng mga silid ng patyo ay dalawampung siko sa palibot ng bahay sa bawat panig.

11 Ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay bukas sa bahagi ng plataporma na iniwang nakabukas—isang pintuan sa hilaga at isang pintuan sa timog. Ang luwang ng naiwang bukas ay limang siko sa palibot.

Ang Gusali sa Gawing Kanluran

12 Ang gusaling nakaharap sa bakuran ng bahay sa bahaging kanluran ay pitumpung siko ang luwang; at ang pader ng gusali ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyon ay siyamnapung siko.

Ang Kabuuang Sukat ng Bahay

13 Pagkatapos ay sinukat niya ang bahay, isandaang siko ang haba; ang bakuran, ang bahay at ang pader niyon, isandaang siko ang haba;

14 gayundin ang luwang ng silangang harapan ng bahay at ang bakuran, isandaang siko.

Ang Bahay

15 At sinukat niya ang haba ng gusali sa harapan ng bakuran na nasa likuran niyon, at ang mga galeria niyon sa magkabilang dako, isandaang siko; at ang looban ng templo at ang mga bulwagan ng looban.

16 Ang mga pasukan at ang mga nasasarang bintana at ang mga galeria sa palibot sa tatlong palapag, ang katapat na pasukan ay napapaligiran ng tabla sa palibot, mula sa sahig hanggang sa mga bintana (natatakpan ang mga bintana),

17 sa pagitan ng itaas ng pintuan, hanggang sa pinakaloob ng bahay, at sa labas. At sa lahat ng pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.

18 Ito ay niyari ng may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, isang puno ng palma sa pagitan ng mga kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:

19 ang mukha ng isang tao na nakaharap sa puno ng palma sa isang panig, at mukha ng batang leon na nakaharap sa puno ng palma sa kabilang panig. Ang mga ito ay nakaukit sa palibot ng buong bahay.

20 Mula sa sahig hanggang sa itaas ng pintuan ay may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, gayon din sa pader ng templo.

Ang Dambanang Kahoy

21 Ang mga haligi ng pintuan ng patyo ay parisukat; at sa harapan ng banal na dako ang anyo ng isang haligi ay kagaya ng iba.

22 Ang dambana ay kahoy, tatlong siko ang taas, at ang haba ay dalawang siko, at dalawang siko ang luwang. Ang mga sulok niyon, ang patungan at mga tagiliran ay kahoy. Sinabi niya sa akin, “Ito ang mesa na nasa harapan ng Panginoon.”

Ang mga Pinto

23 Ang bulwagan at ang banal na dako ay may tigdalawang pintuan.

24 Ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto para sa bawat pintuan.

25 Sa mga pintuan ng patyo ay nakaukit ang mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng nakaukit sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harapan ng bulwagan sa labas.

26 May panloob na bintana at mga puno ng palma sa magkabilang panig, sa tagilirang pader ng bulwagan; ganito ang mga tagilirang silid ng bahay at mga pasukan.

Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo

42 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa patyo sa labas ng bahay, sa daan patungo sa hilaga, at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako at katapat ng gusali patungo sa hilaga.

Sa kahabaan ng gusali na isandaang siko ay ang pintuang hilaga, at ang luwang ay limampung siko.

Sa tapat ng dalawampung siko na kabilang sa panloob na patyo, at nakaharap sa nalalatagan ng bato na kabilang sa panlabas na patyo, ay ang galeria sa tapat ng galeria na may tatlong palapag.

At sa harapan ng mga silid ay may isang pasukang paloob na sampung siko ang luwang at isandaang siko ang haba; at ang mga pintuan nila ay nasa hilaga.

Ang pang-itaas na silid ay mas makipot, sapagkat ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito nang higit kaysa pang-ibaba at panggitnang silid sa gusali.

Sila'y iniayos sa tatlong palapag, at walang mga haligi na gaya ng ibang gusali sa patyo. Kaya't ang ikatlo ay ginawang mas makipot kaysa pang-ibaba at panggitnang palapag mula sa lupa.

Mayroong pader na nasa labas na malapit sa mga silid, sa dako ng patyo sa tapat ng mga silid, ang haba niyon ay limampung siko.

Ang haba ng mga silid na nasa patyo ay limampung siko, at narito, ang harapan ng templo ay isandaang siko.

Sa ilalim ng mga silid na ito ay ang pasukan sa dakong silangan, sa pagpasok mula sa patyo sa labas.

10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silangan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng gusali ay mayroong mga silid.

11 Ang daan sa harapan ng mga iyon ay gaya ng anyo ng mga silid na nasa dakong hilaga; ayon sa haba ay gayon din ang kanilang luwang, at ang labasan ay ayon sa kanilang ayos ng mga pintuan.

12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nasa dakong timog ay may isang pasukan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa harapan ng pader sa dakong silangan sa pagpasok sa mga iyon.

13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ang mga silid sa hilaga at ang mga silid sa timog na nasa harapan ng bukod na dako ay mga banal na silid, kung saan kakainin ng mga pari na lumalapit sa Panginoon ang mga kabanal-banalang bagay. Doon nila ilalapag ang mga kabanal-banalang bagay—ang handog na butil, at ang handog pangkasalanan, at ang handog ng budhi na may sala; sapagkat ang dako ay banal.

14 Kapag ang mga pari ay pumasok sa banal na dako, hindi sila lalabas sa banal na dako na papasok sa bulwagan sa labas hangga't hindi nila inilalapag doon ang mga kasuotan na kanilang ipinaglingkod, sapagkat ang mga iyon ay banal. Sila'y magsusuot ng ibang kasuotan bago sila magsisilapit sa mga bagay na para sa bayan.”

Ang Sukat ng Paligid ng Bahay

15 Nang matapos na niyang masukat ang loob ng bahay, inilabas niya ako sa pintuang nakaharap sa silangan, at sinukat ang bahay sa palibot.

16 Sinukat niya sa dakong silangan ng panukat na tambo, limang daang siko sa panukat na tambo.

17 Sinukat niya ang dakong hilaga, limang daang siko sa panukat na tambo.

18 Pagkatapos ay sinukat niya ang dakong timog, limang daang siko sa panukat na tambo.

19 At siya'y pumihit sa dakong kanluran at sinukat ito, limang daang siko sa panukat na tambo.

20 Sinukat niya ito sa apat na sulok. May pader ito sa palibot, ang haba'y limang daang siko at ang luwang ay limang daang siko, upang ihiwalay ang banal sa karaniwan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001