Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Zacarias 8-14

Nangako ang Panginoon na Ibabalik ang Jerusalem

Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi:

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, ang banal na bundok.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan.

Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran;

at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran.”

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, upang maitayo ang templo.

10 Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa.

11 Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.

13 Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay.”

14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

15 ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot.

16 Ito(A) ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan.

17 Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.”

18 Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi,

19 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga ayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito, at sa ikasampung buwan ay magiging kagalakan, kaligayahan, at masasayang kapistahan sa sambahayan ni Juda; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at ang kapayapaan.

20 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Darating pa ang mga bayan, maging ang mga naninirahan sa maraming lunsod;

21 ang mga naninirahan sa isang lunsod ay lalapit sa isa, na magsasabi, ‘Pumunta tayo agad upang ating hilingin ang lingap ng Panginoon, at hanapin ang Panginoon ng mga hukbo; ako man ay pupunta.’

22 Maraming bayan at malalakas na bansa ang darating upang hanapin ang Panginoon ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng Panginoon.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa mga araw na iyon, sampung lalaki mula sa mga bansa ng bawat wika ang hahawak sa laylayan ng isang Judio, na nagsasabi, ‘Pasamahin ninyo kami, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.’”

Ang Hatol sa mga Kalapit na Bansa

Ang(B) (C) salita ng Panginoon ay laban sa lupain ng Hadrac,
    at Damasco ang pahingahang dako nito.
Sapagkat ang mata ng tao,
    pati ang lahat ng lipi ng Israel ay nasa Panginoon,
gayundin ang Hamat, na hangganan nito;
    sa Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong.
Ang Tiro ay nagtayo ng kanyang muog,
    at nagbunton ng pilak na parang alabok,
    at ng ginto na parang putik ng lansangan.
Narito, ngunit aalisan siya ng Panginoon ng kanyang mga yaman,
    at ihahagis ang kanyang kayamanan sa dagat,
    at siya'y lalamunin ng apoy.

Makikita(D) ito ng Ascalon, at matatakot;
    gayundin ng Gaza, at mamimilipit sa hinagpis,
    gayundin ang Ekron, sapagkat ang kanyang pag-asa ay malalanta.
Ang hari ay mamamatay sa Gaza,
    at ang Ascalon ay hindi tatahanan.
Isang anak sa labas ang maninirahan sa Asdod,
    at aking tatapusin ang kapalaluan ng mga Filisteo.
Aalisin ko ang kanyang dugo sa kanyang bibig,
    at ang mga kasuklamsuklam nito sa pagitan ng kanyang mga ngipin;
iyon man ay magiging nalabi para sa ating Diyos;
    ito'y magiging gaya ng isang angkan sa Juda,
    ang Ekron ay magiging gaya ng Jebuseo.
At ako'y magkakampo sa aking bahay dahil sa hukbo,
    dahil sa kanya na dumadaan, at dahil sa kanya na bumabalik;
at wala nang manlulupig na daraan pa sa kanila,
    sapagkat ngayo'y nakita ko ng aking sariling mga mata.

Ang Hari sa Hinaharap

Magalak(E) ka nang husto, O anak na babae ng Zion!
    Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Jerusalem!
Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo;
    siya'y matuwid at matagumpay,
mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno,
    sa isang batang asno na anak ng asnong babae.
10 Aking(F) aalisin ang karwahe mula sa Efraim,
    at ang kabayo mula sa Jerusalem;
at ang mga busog na pandigma ay mapuputol;
    at siya'y magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa;
ang kanyang nasasakupan ay magiging mula sa kabilang dagat hanggang sa dagat,
    at mula sa ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.

11 Tungkol(G) naman sa iyo, dahil sa dugo ng aking tipan sa iyo
    ay aking palalayain ang iyong mga bilanggo mula sa hukay na walang tubig.
12 Bumalik kayo sa inyong muog, kayong mga bilanggo na may pag-asa,
    ngayo'y ipinahahayag ko na aking ibabalik sa inyo nang makalawa.
13 Sapagkat aking binaluktot ang Juda bilang aking busog,
    ginawa ko ang Efraim na aking palaso.
Gigisingin ko ang iyong mga anak, O Zion,
    laban sa iyong mga anak, O Grecia,
    at gagawin kitang parang tabak ng mandirigma.

14 At ang Panginoon ay makikita sa itaas nila;
    at lalabas ang kanyang pana na parang kidlat;
patutunugin ng Panginoong Diyos ang trumpeta,
    at hahayo na kasama ang ipu-ipo ng timog.
15 Iingatan sila ng Panginoon ng mga hukbo;
    at kanilang lalamunin at tatapakan ang mga batong pantirador;
at kanilang iinumin ang kanilang dugo na gaya ng alak;
    at sila'y mapupunong parang mga mangkok,
    na basang-basa na gaya ng mga sulok ng dambana.

16 Ililigtas sila ng Panginoon nilang Diyos sa araw na iyon
    sapagkat sila ang kawan ng kanyang bayan;
sapagkat gaya ng mga bato ng isang korona
    ay magniningning sila sa kanyang lupain.
17 Sapagkat napakalaki ng kanyang kabutihan, at napakalaki ng kanyang kagandahan!
    Pagiginhawahin ng trigo ang mga binata,
    at ng bagong alak ang mga dalaga.

Ang Pagbabalik ng Juda at Israel

10 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan

    sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol,
mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos,
    at kanyang bibigyan sila ng ulan,
    sa bawat isa'y ng damo sa parang.
Sapagkat(H) ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan,
    at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan;
at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip,
    at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan.
Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa,
    sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol.

“Ang aking galit ay mainit laban sa mga pastol,
    at aking parurusahan ang mga lalaking kambing;
sapagkat dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang kawan, ang sambahayan ni Juda,
    at kanyang gagawin silang parang kanyang magilas na kabayo sa pakikipaglaban.
Mula sa kanila ay lalabas ang batong panulok,
    mula sa kanila ay ang tulos ng tolda,
mula sa kanila ay ang busog ng pakikipaglaban,
    mula sa kanila ay ang bawat pinuno na magkakasama.
At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalaki,
    na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan,
at sila'y lalaban, sapagkat ang Panginoon ay kasama nila,
    at kanilang hihiyain ang mga mangangabayo.

“Aking palalakasin ang sambahayan ni Juda,
    at aking ililigtas ang sambahayan ni Jose,
ibabalik ko sila sapagkat ako'y naawa sa kanila;
    at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil:
    sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos
at sila'y aking diringgin.
Ang Efraim ay magiging gaya ng mga makapangyarihang lalaki,
    at ang kanilang puso ay magagalak na gaya ng may alak.
Ito'y makikita ng kanilang mga anak at magagalak,
    ang kanilang puso ay magagalak sa Panginoon.

“Huhudyatan ko sila at sila'y titipunin,
    sapagkat tinubos ko sila;
    at sila'y dadami na gaya nang una.
Bagaman pinangalat ko sila sa gitna ng mga bansa;
    gayunma'y aalalahanin nila ako kahit sa malalayong lupain;
    at sila'y mabubuhay kasama ng kanilang mga anak at magbabalik.
10 Ibabalik ko silang pauwi mula sa lupain ng Ehipto,
    at titipunin ko sila mula sa Asiria;
at dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon,
    hanggang wala nang silid para sa kanila.
11 Sila'y[a] tatawid sa dagat ng kaguluhan,
    at ang mga alon ng dagat ay hahampasin,
    at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo.
Ang pagmamataas ng Asiria ay ibababa,
    at ang setro ng Ehipto ay mawawala.
12 Palalakasin ko sila sa Panginoon;
    at sila'y lalakad sa kanyang pangalan,” sabi ng Panginoon.

Ang Pagbagsak ng Malulupit

11 Buksan mo ang iyong mga pintuan, O Lebanon,
    upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedro!
Tumangis ka, O puno ng sipres, sapagkat ang sedro ay nabuwal,
    sapagkat ang maluluwalhating puno ay nawasak!
Tumangis kayo, mga ensina sa Basan,
    sapagkat ang makapal na gubat ay nasira!
May isang ugong ng panaghoy ng mga pastol,
    sapagkat ang kanilang kaluwalhatian ay nasira!
May isang ugong ng ungal ng mga batang leon,
    sapagkat ang pagmamataas ng Jordan ay nasira!

Ang Dalawang Pastol

Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.

Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.

Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”

At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.

Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.

Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”

10 Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.

11 Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.

12 At(I) (J) sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.

13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.

14 Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.

16 Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.

17 Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
    na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
    at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
    at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”

Ang Darating na Pagliligtas sa Jerusalem

12 Ang salita ng Panginoon laban sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya:

“Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem.

Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya.

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan.

Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos.’

“Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem.

“Unang ililigtas ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.

Sa araw na iyon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon sa unahan nila.

At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem.

10 “Ibubuhos ko(K) (L) sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay.

11 Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.

12 Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

13 ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

14 ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod.

13 “Sa araw na iyon ay mabubuksan ang isang bukal para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem para sa kasalanan at karumihan.

“Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, aking aalisin sa lupain ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan, kaya't sila'y hindi na maaalala pa. Aking palalayasin sa lupain ang mga propeta at ang karumaldumal na espiritu sa lupain.

Kapag ang sinuman ay muling magpropesiya, sasabihin sa kanya ng kanyang ama at ina na nagsilang sa kanya, ‘Ikaw ay hindi mabubuhay sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ng Panginoon;’ at uulusin siya ng kanyang ama at ng kanyang ina na nagsilang sa kanya kapag siya'y nagsalita ng propesiya.

At mangyayari, sa araw na iyon, ikahihiya ng bawat propeta ang kanyang pangitain kapag siya'y nagsalita ng propesiya. Hindi sila magsusuot ng kasuotang balahibo, upang mandaya,

kundi kanyang sasabihin, ‘Ako'y hindi propeta, ako'y magbubungkal ng lupa; sapagkat ang lupain ay aking pag-aari mula sa aking kabataan.’

At sasabihin ng isa sa kanya, ‘Ano itong mga sugat sa pagitan ng iyong mga bisig?’ kung magkagayon siya'y sasagot, ‘Ang mga ito'y sugat na tinanggap ko sa bahay ng aking mga kaibigan.’

Ang Utos na Patayin ang Pastol ng Diyos

“Gumising(M) ka, O tabak, laban sa pastol ko,
    at laban sa lalaking kasama ko,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
“Saktan mo ang pastol upang ang mga tupa ay mangalat;
    at aking ipipihit ang aking kamay laban sa maliliit.
At mangyayari, sa buong lupain, sabi ng Panginoon,
    dalawang-ikatlong bahagi ay aalisin at mamamatay;
    ngunit ang ikatlo ay maiiwan.
At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy,
    at sila'y dadalisayin ko na gaya ng pagdalisay sa pilak,
    at sila'y susubukin ko na gaya ng pagsubok sa ginto.
Sila'y tatawag sa aking pangalan,
    at akin silang diringgin.
Aking sasabihin, ‘Sila'y bayan ko;’
    at kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay aking Diyos.’”

Ang Jerusalem at ang mga Bansa

14 Narito, isang araw darating para sa Panginoon, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo.

Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.

Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan.

Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog.

At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.

At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti.

At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng Panginoon, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag.

Sa(N) araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buháy na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig.

Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa.

10 Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.

11 Ito'y(O) titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.

12 Ito ang magiging salot na ibibigay ng Panginoon sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila'y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig.

13 Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa Panginoon; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa'y itataas laban sa kamay ng iba pa;

14 maging ang Juda ay makikipaglaban sa Jerusalem. Ang kayamanan ng lahat ng bansa sa palibot ay titipunin—ginto, pilak, at kasuotan na napakarami.

15 Isang salot na gaya ng salot na ito ang darating sa mga kabayo, mola, kamelyo, asno, at sa lahat ng hayop na naroroon sa mga kampong iyon.

16 Bawat(P) isa na nakaligtas mula sa lahat ng bansa na lumaban sa Jerusalem ay aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga kubol.

17 Ang sinuman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan.

18 Kung ang angkan ng Ehipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, ang ulan ay hindi babagsak sa kanila ngunit darating sa kanila ang salot na ipinalasap ng Panginoon sa mga bansang hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

19 Ito ang magiging kaparusahan sa Ehipto at sa lahat ng bansa na hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

20 Sa araw na iyon ay isusulat sa mga kampanilya ng mga kabayo, “Banal sa Panginoon.” Ang mga palayok sa bahay ng Panginoon ay magiging gaya ng mga mangkok sa harapan ng dambana;

21 at bawat palayok sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal sa Panginoon ng mga hukbo, upang lahat ng mag-aalay ay gamitin ang mga iyon sa paglalaga ng laman ng handog. Hindi na magkakaroon pa ng Cananeo[b] sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo sa araw na iyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001