Beginning
Ang Pangitain tungkol sa mga Tuyong Buto
37 Ang kamay ng Panginoon ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay punô ng mga buto.
2 Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo.
3 Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?” At ako'y sumagot, “O Panginoong Diyos; ikaw ang nakakaalam.”
4 Muling sinabi niya sa akin, “Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga[a] sa inyo, at kayo'y mabubuhay.
6 Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
7 Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito.
8 Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon.
9 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay.”
10 Sa(A) gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo.
11 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, ‘Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.’
12 Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel.
13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko.
14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.”
Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
16 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod at sulatan mo sa ibabaw, ‘Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kanyang mga kasama;’ saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: ‘Sa Jose, (na siyang tungkod ng Efraim), at sa buong sambahayan ni Israel na kanyang mga kasama.’
17 Iyong pagdugtungin para sa iyong sarili upang maging isang tungkod, upang sila'y maging isa sa iyong kamay.
18 At kapag sinabi sa iyo ng iyong mga kababayan, ‘Hindi mo ba ipapaalam sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?’
19 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang tungkod ni Jose, (na nasa kamay ni Efraim), at ang mga lipi ng Israel na kanyang mga kasama. Akin silang isasama sa tungkod ng Juda at gagawin ko silang isang tungkod, upang sila'y magiging isa sa aking kamay.
20 Ang mga tungkod na iyong sinusulatan ay nasa iyong mga kamay sa harapan ng kanilang mga mata,
21 at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain.
22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat. Hindi na sila magiging dalawang bansa, at hindi na mahahati pa sa dalawang kaharian.
23 Hindi na nila durungisan ang kanilang sarili ng mga diyus-diyosan at ng mga kasuklamsuklam na bagay, o ng anuman sa kanilang mga pagsuway, kundi aking ililigtas sila sa lahat ng pagtalikod na kanilang ipinagkasala at lilinisin ko sila. Sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Diyos.
Si David ang Magiging Kanilang Hari
24 “At(B) ang aking lingkod na si David ay magiging hari nila; at sila'y magkakaroon ng isang pastol. Susundin nila ang aking mga batas at magiging maingat sa pagtupad sa aking mga tuntunin.
25 Sila'y maninirahan sa lupain na tinirahan ng inyong mga ninuno na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod. Sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, ay tatahan doon magpakailanman. Si David na aking lingkod ay magiging kanilang pinuno magpakailanman.
26 Makikipagtipan ako ng kapayapaan sa kanila, ito'y magiging tipan na walang hanggan sa kanila. Sila'y aking pagpapalain at pararamihin at ilalagay ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman.
27 Ang(C) aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan.
28 At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna nila magpakailanman.”
Ang Pahayag Laban sa Gog
38 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak(D) ng tao, humarap ka sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,
3 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, na pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal.
4 Paiikutin kita at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga. Ilalabas kita kasama ng iyong buong hukbo, mga kabayo at mga mangangabayo, silang lahat na may sandata na napakalaking pulutong, na may sinturon, kalasag, at mga tabak.
5 Ang Persia, Etiopia, at Put ay kasama nila; silang lahat ay may kalasag at helmet;
6 ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang Bet-togarmah mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga, at lahat niyang mga pulutong—maraming bayan ang kasama mo.
7 “Humanda ka at manatiling handa, ikaw at ang buong hukbo na natipon sa palibot mo, at maging bantay ka nila.
8 Pagkatapos ng maraming araw ay tatawagin ka. Sa mga huling taon ay hahayo ka laban sa lupain na ibinalik mula sa digmaan, ang lupain na ang mga bayan ay natipon mula sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba. Ang mga bayan nito ay kinuha mula sa mga bansa at silang lahat ay naninirahan ngayong tiwasay.
9 Ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo; ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.
10 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na iyon, may mga bagay na darating sa iyong kaisipan, at ikaw ay magbabalak ng masamang panukala.
11 At iyong sasabihin, ‘Ako'y aahon laban sa lupaing may mga nayong walang pader. Ako'y darating sa isang tahimik na bayan na naninirahang tiwasay, silang lahat na naninirahang walang pader, at wala kahit mga halang o mga pintuan man;’
12 upang kumuha ng samsam at magdala ng nakaw, upang wasakin ang mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at ang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagkaroon ng mga hayop at mga ari-arian, na nagsisitahan sa gitna ng daigdig.
13 Ang Seba, Dedan, ang mga mangangalakal sa Tarsis at ang lahat nitong mga nayon, ay magsasabi sa iyo, ‘Naparito ka ba upang kumuha ng samsam? Tinipon mo ba ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam, upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga ari-arian, upang kumuha ng malaking samsam?’
14 “Kaya't anak ng tao, ikaw ay magsalita ng propesiya, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na ang aking bayang Israel ay naninirahang tiwasay, di mo ba malalaman?
15 Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilaga, ikaw at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking pulutong at makapangyarihang hukbo.
16 Ikaw ay aahon laban sa aking bayang Israel, gaya ng ulap na tumatakip sa lupain. Sa mga huling araw, dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, kapag sa pamamagitan mo, O Gog, ay pinatunayan ko ang aking kabanalan sa harapan ng kanilang mga mata.
17 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ikaw ba ang aking kinausap noong una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsalita ng propesiya nang mga araw na iyon sa loob ng maraming taon na aking dadalhin ka laban sa kanila?
18 Ngunit sa araw na iyon, kapag si Gog ay pumaroon laban sa lupain ng Israel, ang aking poot ay mag-aalab, sabi ng Panginoong Diyos.
19 Sapagkat sa aking paninibugho at sa aking nag-aalab na poot ay nagpahayag ako, tunay na sa araw na iyon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel.
20 Ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa parang, at lahat ng gumagapang na bagay sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa, ay manginginig sa aking harapan. Ang mga bundok ay maguguho at ang matatarik na dako ay guguho, at bawat pader ay babagsak sa lupa.
21 Aking ipatatawag sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kanya, sabi ng Panginoong Diyos; ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kanyang kapatid.
22 Hahatulan ko siya sa pamamagitan ng salot at pagdanak ng dugo. Pauulanan ko siya, ang kanyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking yelo, ng apoy, at ng asupre.
23 Kaya't aking ipapakita ang aking kadakilaan at kabanalan at ipapakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Gog
39 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal:
2 Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel.
3 Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay.
4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba't ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.
5 Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.
6 Ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
7 “Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal sa Israel.
8 Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong Diyos. Ito ang araw na aking sinalita.
9 “Silang naninirahan sa mga bayan ng Israel ay hahayo, at susunugin ang mga sandata, ang mga kalasag, mga pananggalang, mga busog at mga palaso, mga tungkod, at ang mga sibat. Susunugin nila ito nang pitong taon.
10 Kaya't sila'y hindi na kukuha pa ng kahoy sa parang, o puputol man ng anuman sa mga gubat, sapagkat sila'y gagawa ng kanilang mga apoy mula sa mga sandata. Kanilang sasamsaman ang nanamsam sa kanila, at nanakawan ang nagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Libingan ng Gog
11 “Sa araw na iyon, ako'y magbibigay kay Gog ng dakong libingan sa Israel, ang libis ng mga manlalakbay na nasa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang manlalakbay, sapagkat doon ililibing si Gog at ang lahat niyang mga karamihan; at kanilang tatawagin itong Libis ng Hamon-gog.
12 Pitong buwan silang ililibing ng sambahayan ni Israel upang linisin ang lupain.
13 Sila'y ililibing ng buong bayan ng lupain at magiging sa kanila'y karangalan, sa araw na ipakita ko ang aking kaluwalhatian, sabi ng Panginoong Diyos.
14 Sila'y magbubukod ng mga lalaking palaging daraan sa lupain at maglilibing ng nalalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin ito. Pagkatapos ng pitong buwan ay gagawa sila ng pagsisiyasat.
15 Kapag ang mga ito ay dumaan sa lupain at ang sinuman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan niya ng tanda roon hanggang sa mailibing ng mga manlilibing sa Libis ng Hamon-gog.
16 At Hamonah ang magiging pangalan ng lunsod. Ganito nila lilinisin ang lupain.
17 “Tungkol(E) sa iyo, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsalita ka sa sari-saring ibon at sa lahat ng hayop sa parang, ‘Magtipun-tipon kayo at pumarito; magtipon kayo sa lahat ng dako sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo, sa malaking kapistahan ng paghahandog sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, at kayo'y kakain ng laman at iinom ng dugo.
18 Kayo'y kakain ng laman ng makapangyarihan, at iinom ng dugo ng mga pinuno ng lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, ng mga kambing, at ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.
19 Kayo'y kakain ng taba hanggang sa kayo'y mabusog, at iinom ng dugo hanggang sa kayo'y malasing sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo.
20 At kayo'y mabubusog sa aking hapag ng mga kabayo at mga mangangabayo, ng magigiting na lalaki, at ng lahat ng uri ng mandirigma,’ sabi ng Panginoong Diyos.
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.
22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.
23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
Ang Israel ay Muling Itatayo
25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.
28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;
29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001