Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 1-4

Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos

Nang(A) ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pampang ng Ilog Chebar, ang langit ay nabuksan at ako'y nakakita ng mga pangitain ng Diyos.

Nang(B) ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng Haring Jehoiakin,

ang salita ng Panginoon ay dumating kay Ezekiel na pari, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pampang ng Ilog Chebar; at doon ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.

Habang ako'y nakatingin, at narito, isang maunos na hangin ang lumabas mula sa hilaga. May isang malaking ulap na may apoy na patuloy na sumisiklab, may maningning na liwanag na nakapalibot dito at sa gitna ay may parang nagbabagang tanso sa gitna ng apoy.

Mula(C) sa gitna nito ay may isang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. Ganito ang kanilang anyo: sila'y may anyong tao.

Bawat isa ay may apat na mukha at bawat isa sa kanila ay may apat na pakpak.

Ang kanilang mga paa ay tuwid at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y kumikinang na parang tansong pinakintab.

Sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran. Silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:

ang kanilang mga pakpak ay magkakadikit. Bawat isa sa kanila ay lumalakad nang tuluy-tuloy at hindi lumilingon habang lumalakad.

10 Tungkol(D) sa anyo ng kanilang mga mukha, ang apat ay may mukha ng tao, may mukha ng leon sa kanang tagiliran, may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran, at silang apat ay may mukha ng agila;

11 gayon ang kanilang mga mukha. At ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas; bawat nilalang ay may dalawang pakpak na bawat isa ay magkakadikit, samantalang ang dalawa ay nakatakip sa kanilang mga katawan.

12 Bawat isa ay lumakad nang tuwid; saanman pumaroon ang espiritu, doon sila pumaparoon at hindi lumilingon sa kanilang paglakad.

13 Sa(E) gitna ng mga nilalang na may buhay gaya ng mga bagang nagniningas, parang mga sulo na nagpaparoo't parito sa gitna ng mga nilalang na may buhay. Ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.

14 At ang mga nilalang na may buhay ay tumakbong paroo't parito na parang kislap ng kidlat.

Ang Apat na Gulong sa Pangitain ni Ezekiel

15 Samantalang(F) minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito ang isang gulong sa lupa sa tabi ng mga nilalang na may buhay, isa para sa bawat isa sa kanilang apat.

16 Ganito ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari: ang kanilang anyo ay parang kislap ng berilo; at ang apat ay magkakatulad, ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.

17 Kapag sila'y lumakad, sila'y lumalakad sa alinman sa apat na dako na hindi lumilingon habang lumalakad.

18 Tungkol(G) sa kanilang mga rayos ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga rayos na punô ng mga mata sa palibot.

19 At kapag ang mga nilalang na may buhay ay lumalakad, ang mga gulong ay kasunod sa tabi nila; at kapag ang mga nilalang na may buhay ay tumataas mula sa lupa, ang mga gulong ay tumataas.

20 Kung saanman ang espiritu pumupunta, doon pupunta ang espiritu at ang mga gulong ay tumataas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.

21 Kapag ang mga iyon ay lumakad, ang mga ito'y lumalakad din; at kapag ang mga iyon ay huminto, sila ay hihinto. Kapag sila ay tumayo mula sa lupa, ang mga gulong ay tatayong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.

Ang Kaluwalhatian na Pangitain ni Ezekiel

22 Sa(H) ibabaw ng ulo ng mga nilalang na may buhay, may isang bagay na kawangis ng kalawakang kumikinang na parang kristal na nakaladlad sa itaas ng kanilang mga ulo.

23 At sa ilalim ng kalawakan ay nakaunat nang tuwid ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay paharap sa isa; at bawat nilalang ay may dalawang pakpak na tumatakip sa kanyang katawan sa dakong ito, at bawat isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong iyon.

24 Nang(I) sila'y gumalaw, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang ugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, at ugong ng kaguluhan na gaya ng ingay ng isang hukbo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.

25 At may tinig na nagmula sa itaas ng kalawakan na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.

26 Sa(J) itaas ng kalawakan na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang trono na parang anyo ng batong zafiro. Sa ibabaw ng kawangis ng trono ay may kawangis ng isang tao na nakaupo sa itaas niyon.

27 At(K) nakita ko sa anyo ng kanyang balakang at paitaas ang isang bagay na tulad ng kumikinang na metal na kung pagmasdan ay gaya ng apoy sa palibot nito, at mula sa anyo ng kanyang balakang at paibaba ay nakita ko ang gaya ng apoy na may ningning sa palibot niya.

28 Gaya ng anyo ng bahaghari na nasa ulap sa araw na maulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Gayon ang anyo ng katulad ng kaluwalhatian ng Panginoon. Nang iyon ay aking makita, ako'y nasubasob at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.

Ang Pagtawag kay Ezekiel

Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, tumayo ka sa iyong mga paa, at ako'y makikipag-usap sa iyo.”

Nang siya'y magsalita sa akin, ang Espiritu ay pumasok sa akin at itinayo niya ako sa aking mga paa. At narinig ko siya na nagsasalita sa akin.

Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, isinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa isang bansa ng mga mapaghimagsik na naghimagsik laban sa akin. Sila at ang kanilang mga ninuno ay nagkasala laban sa akin hanggang sa araw na ito.

Ang mga tao ay wala ring galang at matitigas ang ulo. Isinusugo kita sa kanila at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos.’

Kung pakinggan man nila o hindi (sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan) ay malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.

At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman ang mga dawag at mga tinik ay kasama mo, at nauupo ka sa mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manlupaypay man sa kanilang harapan, sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan.

Iyong sasabihin ang aking mga salita sa kanila, pakinggan man nila o hindi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

“Ngunit ikaw, anak ng tao, pakinggan mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging mapaghimagsik na gaya niyong mapaghimagsik na sambahayan. Ibuka mo ang iyong bibig at kainin mo ang ibinibigay ko sa iyo.”

Nang(L) ako'y tumingin, at narito ang isang kamay ay nakaunat sa akin at narito, isang balumbon ang nakalagay roon.

10 Iniladlad niya iyon sa harap ko, at doon ay may nakasulat sa harapan at sa likuran, at may nakasulat doon na mga salita ng panaghoy, panangis, at mga daing.

Sinabi(M) niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang iyong natagpuan. Kainin mo ang balumbong ito, at ikaw ay humayo, magsalita ka sa sambahayan ni Israel.”

Kaya't ibinuka ko ang aking bibig at ipinakain niya sa akin ang balumbon.

Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ito at busugin mo ang iyong tiyan.” Kaya't kinain ko iyon at sa aking bibig ay naging parang pulot sa tamis.

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.

Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel—

hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila.

Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso.

Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo.

Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.”

10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig.

11 Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; pakinggan man nila o hindi.”

12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kanyang dako.

13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay habang sila'y magkakadikit, at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila, na ang tunog ay parang malakas na ugong.

14 Itinaas ako ng Espiritu at ako'y dinala palayo; ako'y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.

15 At ako'y dumating sa mga bihag sa Tel-abib, na naninirahan sa pampang ng Ilog Chebar. Ako'y umupo roon na natitigilan sa gitna nila ng pitong araw.

Ang Bantay ng Israel(N)

16 Sa katapusan ng pitong araw, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin,

17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel. Tuwing makakarinig ka ng salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.

18 Kapag aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsalita ka man upang bigyan ng babala ang masama mula sa kanyang masamang landas, upang iligtas ang kanyang buhay, ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.

19 Gayunman, kung iyong balaan ang masama at siya'y hindi tumalikod sa kanyang kasamaan, o sa kanyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.

20 Muli, kapag ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kanyang katuwiran at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay. Sapagkat hindi mo siya binalaan, siya'y mamamatay sa kanyang kasalanan, at ang matutuwid na gawa na kanyang ginawa ay hindi aalalahanin; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.

21 Subalit kung iyong binalaan ang taong matuwid na huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y tiyak na mabubuhay, sapagkat tinanggap niya ang babala at iyong iniligtas ang iyong buhay.”

Ginawang Pipi ang Propeta

22 At ang kamay ng Panginoon ay sumaakin doon at sinabi niya sa akin, “Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipag-usap ako sa iyo.”

23 Nang magkagayo'y bumangon ako at lumabas sa kapatagan. At narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay naroon gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pampang ng Ilog Chebar, at ako'y napasubasob.

24 At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya'y nakipag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, “Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay.

25 Ngunit ikaw, anak ng tao, lalagyan ka ng mga lubid at igagapos kang kasama nila upang ikaw ay hindi makalabas sa gitna nila.

26 Aking padidikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at hindi maging taong sumasaway sa kanila, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

27 Ngunit kapag ako'y nagsalita sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; siyang makikinig ay makinig; at ang tatanggi ay tumanggi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Jerusalem

“Ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka ng isang tisa at ilagay mo sa harapan mo, at gumuhit ka sa ibabaw niyon ng isang lunsod, ang Jerusalem;

kubkubin mo ito, at magtayo ka ng mga pader sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon. Maglagay ka rin ng mga kampo sa tapat noon, at maglagay ka ng mga trosong pambayo sa tapat noon sa palibot.

Magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. Humarap ka sa dakong iyon at hayaang makubkob, at iyong pag-ibayuhin ang pagkubkob dito. Ito ay isang tanda sa sambahayan ni Israel.

“Pagkatapos, humiga ka nang patagilid sa iyong kaliwa at aking ilalagay ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel sa iyo ayon sa bilang ng mga araw na iyong inihiga roon, papasanin mo ang kanilang kaparusahan.

Sapagkat aking itinakda sa iyo ang bilang ng mga araw, tatlong daan at siyamnapung araw, katumbas ng bilang ng mga taon ng kanilang kaparusahan; gayon mo katagal papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel.

Kapag natapos mo na ang mga ito, ikaw ay hihiga sa ikalawang pagkakataon, sa iyong kanang tagiliran, at iyong papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Juda. Apatnapung araw ang aking itinakda sa iyo, isang araw sa bawat taon.

At ikaw ay haharap sa dako ng pagkubkob ng Jerusalem, na nakalitaw ang iyong kamay; at ikaw ay magpapahayag ng propesiya laban sa lunsod.

Narito, lalagyan kita ng lubid, upang ikaw ay hindi makabaling mula sa isang panig patungo sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.

“Magdala ka rin ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay. Sa panahon ng mga araw na ikaw ay nakahiga sa iyong tagiliran, tatlong daan at siyamnapung araw, kakainin mo iyon.

10 Ang pagkain na iyong kakainin ay magiging ayon sa timbang, dalawampung siklo isang araw; tuwi-tuwina ito'y iyong kakainin.

11 Ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin; ikaw ay iinom tuwi-tuwina.

12 Iyong kakainin ito na parang mga munting tinapay na sebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.”

13 At sinabi ng Panginoon, “Ganito kakainin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Panginoong Diyos! Narito, ang aking sarili ay hindi ko dinungisan. Mula sa aking pagkabata hanggang ngayon ay hindi ako kailanman kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.”

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Tingnan mo, hahayaan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, na paglulutuan mo ng iyong tinapay.”

16 Bukod dito'y sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem. Sila'y kakain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkatakot; sila'y iinom ng tubig ayon sa takal at may pagbabalisa.

17 Sapagkat magkukulang ng tinapay at tubig, at magtinginan sa isa't isa na may pagkabalisa, at manghina sa kanilang kaparusahan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001