Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 32-34

Si Jeremias ay Ibinilanggo

32 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar.

Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda,

sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, “Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito.

Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata.

At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?’”

Sinabi ni Jeremias, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.’

Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, ‘Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!’ Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng Panginoon.

“At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi—labimpitong siklong pilak.

10 Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan.

11 Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi.

12 Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay.

13 Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi,

14 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon.

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!’

Ang Panalangin ni Jeremias

16 “Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:

17 ‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,

18 na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;

19 dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.

20 Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.

21 Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;

22 at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.

23 Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.

24 Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.

25 Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”

26 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

27 “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?

28 Kaya't(B) ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.

29 Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.

30 Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.

31 Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,

32 dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.

33 Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.

34 Kundi(C) inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.

35 At(D) kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.

Isang Pangako ng Pag-asa

36 “At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.’

37 Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay.

38 At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos.

39 Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila.

40 Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin.

41 Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa.

42 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila.

43 At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo.

44 Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng Panginoon.”

Isa pang Pangako ng Pag-asa

33 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lupa, ang Panginoon na nag-anyo nito upang ito'y itatag—ang Panginoon ang kanyang pangalan:

Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak:

Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan.

Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan.

Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gaya nang una.

Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin.

At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito.

10 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa dakong ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y wasak, walang tao o hayop,’ sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig

11 ang(E) tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon,

‘Kayo'y magpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo,
    sapagkat ang Panginoon ay mabuti,
    sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!’

Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng Panginoon.

12 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan.

13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.

14 “Narito,(F) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.

15 Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

16 Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay ating katuwiran.’

17 “Sapagkat(G) ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel;

18 at(H) ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.”

19 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

20 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan;

21 kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro.

22 Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

24 “Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng Panginoon ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin.

25 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag;

26 ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”

Mensahe para kay Zedekias

34 Ang(I) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.

Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’

Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.

Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”

Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,

nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.

Dinaya ang mga Alipin

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,

na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.

10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.

11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.

12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,

14 ‘Sa(J) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.

15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.

16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—

19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya

20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.

21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.

22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001