Beginning
Laganap na Kasamaan
59 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi maikli na di makapagligtas;
ni hindi mahina ang kanyang pandinig, na ito'y di makarinig.
2 Ngunit pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Diyos,
at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo,
anupa't siya'y hindi nakikinig.
3 Sapagkat ang inyong mga kamay ay nadungisan ng dugo,
at ang inyong mga daliri ng kasamaan;
ang inyong mga labi ay nagsalita ng mga kasinungalingan,
ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
4 Walang nagdadala ng usapin na may katarungan,
at nagtutungo sa batas na may katapatan;
sila'y nagtitiwala sa kalituhan, sila'y nagsasalita ng mga kasinungalingan;
sila'y naglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
5 Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas,
at gumagawa ng bahay ng gagamba;
ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay,
at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
6 Ang kanilang mga bahay ng gagamba ay hindi magiging mga kasuotan,
hindi nila matatakpan ang kanilang sarili ng kanilang mga ginawa.
Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan,
at ang mararahas na gawa ay nasa kanilang mga kamay.
7 Ang(A) kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
at sila'y nagmamadaling nagpapadanak ng dugong walang kasalanan,
ang kanilang mga pag-iisip ay mga pag-iisip ng kasamaan,
pagwasak at paggiba ang nasa kanilang mga daan.
8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman,
sa kanilang mga lakad ay walang katarungan,
ginawa nilang liku-liko ang kanilang mga daan,
sinumang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9 Kaya't malayo sa amin ang katarungan,
at hindi umaabot sa amin ang katuwiran,
kami'y naghahanap ng liwanag, ngunit, narito ang kadiliman;
at ng kaliwanagan, ngunit naglalakad kami sa kadiliman.
10 Kami'y nangangapa sa bakod na parang bulag,
oo, kami'y nangangapa na gaya nila na walang mga mata,
kami'y natitisod sa katanghaliang-tapat na gaya sa gabi,
sa gitna ng malalakas, kami'y parang mga patay.
11 Kaming lahat ay umuungol na parang mga oso,
kami'y dumaraing nang may kalungkutan parang mga kalapati,
kami'y naghahanap ng katarungan, ngunit wala;
ng kaligtasan, ngunit iyon ay malayo sa amin.
12 Sapagkat ang aming mga pagsuway ay dumami sa harapan mo,
at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin,
sapagkat ang aming mga pagsuway ay kasama namin,
at ang sa aming mga kasamaan ay nalalaman namin;
13 na sinusuway at itinatatwa ang Panginoon,
at lumalayo sa pagsunod sa aming Diyos,
na nagsasalita ng pang-aapi at paghihimagsik,
na nagbabalak at nagsasalita mula sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
14 Ang katarungan ay tumatalikod,
at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo;
sapagkat ang katotohanan ay nahulog sa lansangan,
at hindi makapasok ang katuwiran.
15 Nagkukulang sa katotohanan,
at ang humihiwalay sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kanyang sarili.
Ito'y nakita ng Panginoon,
at ikinasama ng kanyang loob na walang katarungan.
16 Kanyang(B) nakita na walang tao,
at namangha na walang sinumang mamamagitan;
kaya't ang kanyang sariling bisig ay nagdala ng tagumpay sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay umalalay sa kanya.
17 At(C) bilang baluti ay nagsuot siya ng katuwiran,
at sa kanyang ulo ay helmet ng kaligtasan;
siya'y nagdamit ng mga bihisan ng paghihiganti bilang kasuotan,
at bilang balabal ang sarili ay binalutan ng sikap.
18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin,
poot sa kanyang mga kalaban, ganti sa kanyang mga kaaway;
sa mga pulo ay ganti ang kanyang ipapataw.
19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kanluran,
at ang kanyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw,
sapagkat siya'y darating na parang bugso ng tubig
na itinataboy ng hininga ng Panginoon.
20 “Ang(D) isang Manunubos ay darating sa Zion,
at sa kanila sa Jacob na humihiwalay sa pagsuway, sabi ng Panginoon.
21 “At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, ay hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailanpaman.”
Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem
60 Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,[a]
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
9 Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
at dahil sa Banal ng Israel,
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10 Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11 Magiging(E) laging bukas ang iyong mga pintuan,
hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12 Sapagkat ang bansa at kaharian
na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14 At(F) ang mga anak nila na umapi sa iyo
ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
ang Zion ng Banal ng Israel.”
Ang Maluwalhating Zion
15 Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16 Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
18 Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan,
ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan,
at Papuri ang iyong mga pintuan.
19 Ang(G) araw ay hindi na magiging
iyong liwanag kapag araw;
o ang buwan man
ay magbibigay sa iyo ng liwanag.
Kundi ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog,
o ang iyo mang buwan ay lulubog;
sapagkat ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan,
kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman,
ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay,
upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan,
at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa.
Ako ang Panginoon,
ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito.
Balita ng Kaligtasan
61 Ang(H) (I) Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin;
sapagkat hinirang[b] ako ng Panginoon
upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi
kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso,
upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,
at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo;
2 upang(J) ihayag ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon,
at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
upang aliwin ang lahat ng tumatangis;
3 upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion—
upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo,
sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan,
sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan,
upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran,
ang pananim ng Panginoon, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian.
4 Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho,
kanilang ibabangon ang mga dating giba,
kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira,
na sa maraming salinlahi ay nagiba.
5 At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan,
at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan.
6 Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng Panginoon,
tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos,
kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa,
at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo.
7 Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan,
sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran;
kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo,
walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo.
8 Sapagkat akong Panginoon ay umiibig sa katarungan,
kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog;
at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala,
at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
9 At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa,
at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan;
lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila,
na sila ang bayang pinagpala ng Panginoon.
10 Ako'y(K) magagalak na mabuti sa Panginoon,
ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
11 Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan
sa harapan ng lahat ng bansa.
62 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
2 At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
3 Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
4 Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’;[c]
hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’;[d]
kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’,[e]
at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’,[f]
sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo,
at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
5 Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga,
gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki,
at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal,
gayon magagalak ang Diyos sa iyo.
6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem;
sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi.
Kayong mga umaalala sa Panginoon,
huwag kayong magpahinga,
7 at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,
hanggang sa maitatag niya
at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.
8 Ang Panginoon ay sumumpa ng kanyang kanang kamay,
at ng bisig ng kanyang kalakasan:
“Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo
upang maging pagkain ng mga kaaway mo,
at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak
na pinagpagalan mo.
9 Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon,
at magpupuri sa Panginoon,
at silang nagtipon niyon ay iinom niyon
sa mga looban ng aking santuwaryo.”
10 Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan,
inyong ihanda ang lansangan para sa bayan;
inyong itayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan,
inyong alisin ang mga bato;
sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11 Narito,(L) ipinahayag ng Panginoon
hanggang sa dulo ng lupa:
Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion,
“Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating;
ang kanyang gantimpala ay nasa kanya,
at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.”
12 At sila'y tatawaging “Ang banal na bayan,
Ang tinubos ng Panginoon”;
at ikaw ay tatawaging “Hinanap,
Lunsod na hindi pinabayaan.”
Ang Tagumpay ng Panginoon
63 Sino(M) ito na nanggagaling sa Edom,
na may mga kasuotang matingkad na pula mula sa Bosra?
Siya na maluwalhati sa kanyang suot,
na lumalakad sa kadakilaan ng kanyang lakas?
“Ako iyon na nagsasalita ng katuwiran,
makapangyarihang magligtas.”
2 Bakit pula ang iyong kasuotan,
at ang iyong damit ay gaya niyong yumayapak sa pisaan ng alak?
3 “Aking(N) niyapakan ang pisaan ng alak na mag-isa,
at mula sa mga bayan ay wala akong kasama;
sa aking galit ay akin silang niyapakan,
at sa aking poot ay akin silang niyurakan;
at ang kanilang dugo ay tumilamsik sa mga suot ko,
at namantsahan ang lahat ng suot ko.
4 Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso,
at ang aking taon ng pagtubos ay dumating.
5 Ako'y(O) tumingin, ngunit walang sinumang tutulong,
ako'y namangha ngunit walang umalalay;
kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay,
at ang aking poot sa akin ay umalalay.
6 Aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit,
nilasing ko sila sa aking poot,
at ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.
Ang Kabutihan ng Panginoon sa Israel
7 Aking aalalahanin ang kagandahang-loob ng Panginoon,
at ang mga kapurihan ng Panginoon,
ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin,
at ang dakilang kabutihan na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel
na kanyang ipinagkaloob sa kanila ayon sa kanyang kaawaan,
at ayon sa kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob.
8 Sapagkat kanyang sinabi, “Tunay na sila'y aking bayan,
mga anak na hindi gagawang may kasinungalingan;
at siya'y naging kanilang Tagapagligtas.
9 Sa lahat nilang pagdadalamhati ay nadalamhati siya,
at iniligtas sila ng anghel na nasa kanyang harapan;
sa kanyang pag-ibig at sa kanyang pagkaawa ay tinubos niya sila;
at kanyang itinaas at kinalong sila sa lahat ng mga araw noong una.
10 Ngunit sila'y naghimagsik,
at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu;
kaya't siya'y naging kaaway nila,
at siya mismo ay lumaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y naalala ng kanyang bayan ang mga araw nang una,
tungkol kay Moises.
Nasaan siya na nag-ahon mula sa dagat,
na kasama ng mga pastol ng kanyang kawan?
Nasaan siya na naglagay sa gitna nila
ng kanyang Banal na Espiritu?
12 Sinong(P) naglagay ng kanyang maluwalhating bisig
na humayong kasama ng kanang kamay ni Moises,
na humawi ng tubig sa harapan nila,
upang gumawa para sa kanyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13 Sinong pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman?
Gaya ng isang kabayo sa ilang
ay hindi sila natisod.
14 Gaya ng kawan na bumababa sa libis,
ay pinapagpapahinga sila ng Espiritu ng Panginoon.
Gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan,
upang gumawa para sa iyong sarili ng isang maluwalhating pangalan.
15 Tumingin ka mula sa langit, at iyong masdan,
mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan.
Nasaan ang iyong sigasig at ang iyong kapangyarihan?
Ang hangad ng iyong puso at ang iyong habag
ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagkat ikaw ay aming Ama,
bagaman hindi kami nakikilala ni Abraham,
at hindi kami kinikilala ng Israel.
Ikaw, O Panginoon, ay aming Ama,
aming Manunubos noong una pa ay ang iyong pangalan.
17 O Panginoon, bakit mo kami iniligaw sa iyong mga daan,
at pinapagmatigas mo ang aming puso na anupa't hindi kami natakot sa iyo?
Ikaw ay magbalik alang-alang sa iyong mga lingkod,
na mga lipi ng iyong mana.
18 Inaring sandali lamang ng iyong banal na bayan ang santuwaryo,
niyapakan ito ng aming mga kaaway.
19 Kami ay naging gaya ng mga hindi mo pinamahalaan kailanman,
gaya ng mga hindi tinatawag sa iyong pangalan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001