Beginning
Panawagan upang Magsisi
4 “Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng Panginoon,
sa akin ka dapat manumbalik.
Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan,
at hindi ka mag-uurong-sulong,
2 at kung ikaw ay susumpa, ‘Habang buháy ang Panginoon,’
sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran;
ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya,
at sa kanya luluwalhati sila.”
Ang Juda ay Binalaang Sasalakayin
3 Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoon sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem,
“Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang,
at huwag kayong maghasik sa mga tinikan.
4 Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa Panginoon,
at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso,
O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem;
baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy,
at magliyab na walang makakapatay nito,
dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.”
5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin,
“Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain;
sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin,
‘Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok
sa mga lunsod na may kuta!’
6 Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion;
kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil;
sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga,
at ng malaking pagkawasak.
7 Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya,
at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda;
siya'y lumabas mula sa kanyang lugar,
upang wasakin ang iyong lupain,
ang iyong mga lunsod ay magiging guho
na walang maninirahan.
8 Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako,
managhoy kayo at tumangis;
sapagkat ang mabangis na galit ng Panginoon
ay hindi pa humihiwalay sa atin.”
9 “Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”
11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, “Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man;
12 isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila.”
13 Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap,
at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo;
mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo—
kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo!
14 O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan,
upang ikaw ay maligtas naman.
Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban
ang iyong pag-iisip na kasamaan?
15 Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan,
at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan.
16 Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating;
ibalita ninyo sa Jerusalem,
“Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain,
sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda.
17 Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa
ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo.
Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait!
Ito'y tumatagos sa iyong puso.”
Ang Kalungkutan ni Jeremias para sa Kanyang Bayan
19 Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit!
O ang pagdaramdam ng aking puso!
Ang aking puso ay kakaba-kaba,
hindi ako matahimik;
sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta,
ang hudyat ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga pagkapinsala,
ang buong lupain ay nasisira.
Ang aking mga tolda ay biglang nawasak,
at ang aking mga tabing sa isang iglap.
21 Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita
at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 “Sapagkat ang bayan ko ay hangal,
hindi nila ako nakikilala:
sila'y mga batang mangmang
at sila'y walang pang-unawa.
Sa paggawa ng masama sila ay marunong,
ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam.”
23 Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman;
at sa mga langit, at sila'y walang liwanag.
24 Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig,
at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik.
25 Ako'y tumingin, at narito, walang tao,
at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan.
26 Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto,
at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho
sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng kanyang mabangis na galit.
27 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak.
28 Dahil dito ang lupa ay tatangis,
at ang langit sa itaas ay magiging madilim;
sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala,
at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong.”
29 Ang bawat bayan ay tumakas dahil sa ingay
ng mga mangangabayo at ng mga mamamana;
sila'y pumapasok sa mga sukal, at umaakyat sa malalaking bato;
lahat ng mga lunsod ay pinabayaan,
at walang taong sa mga iyon ay naninirahan.
30 At ikaw, ikaw na nawasak, anong gagawin mo?
Magdamit ka man ng matingkad na pula,
gayakan mo man ang iyong sarili ng mga palamuting ginto,
palakihin mo man ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pinta?
Sa walang kabuluhan ay nagpapaganda ka.
Hinahamak ka ng iyong mga mangingibig,
pinagbabantaan nila ang iyong buhay.
31 Sapagkat ako'y nakarinig ng isang sigaw na gaya ng sa babaing manganganak,
ng daing na gaya ng isang magsisilang ng kanyang panganay,
ang daing ng anak na babae ng Zion, na hinahabol ang paghinga,
na nag-uunat ng kanyang mga kamay,
“Kahabag-habag ako! Ako ay nanlulupaypay sa harap ng mga mamamatay-tao.”
Ang Kasalanan ng Jerusalem
5 Tumakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem,
tingnan ninyo, at pansinin!
Halughugin ninyo ang kanyang mga liwasan
kung kayo'y mayroong taong matatagpuan,
na gumagawa ng katarungan
at naghahanap ng katotohanan;
upang patawarin ko siya.
2 Bagaman kanilang sinasabi, “Habang ang Panginoon ay buháy;”
gayunma'y sumusumpa sila ng may kasinungalingan.
3 O Panginoon, hindi ba naghahanap ng katotohanan ang iyong mga mata?
Hinampas mo sila,
ngunit hindi sila nasaktan;
nilipol mo sila,
ngunit ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid.
Kanilang pinatigas ang kanilang mukha ng higit kaysa batong malaki;
ayaw nilang magsisi.
4 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ang mga ito ay dukha lamang,
sila'y mga hangal,
sapagkat hindi nila alam ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.
5 Ako'y pupunta sa mga dakila,
at magsasalita sa kanila;
sapagkat alam nila ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.”
Ngunit nagkakaisa nilang binali ang pamatok,
nilagot nila ang mga gapos.
6 Kaya't isang leon mula sa gubat ang sa kanila'y papaslang,
pupuksain sila ng isang lobo mula sa ilang,
isang leopardo ang nag-aabang sa kanilang mga lunsod.
Bawat isa na lalabas doon ay pagluluray-lurayin;
sapagkat ang kanilang mga pagsuway ay marami,
at ang kanilang mga pagtalikod ay malalaki.
7 “Paano kita mapapatawad?
Tinalikuran ako ng iyong mga anak,
at sila'y nanumpa sa pamamagitan ng mga hindi diyos.
Nang busugin ko sila,
sila'y nangalunya
at nagpuntahan sa mga bahay ng mga babaing upahan.[a]
8 Sila'y mga kabayong malulusog at pinakaing mabuti,
bawat isa'y humalinghing sa asawa ng kanyang kapwa.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon,
sa isang bansang gaya nito
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Akyatin ninyo ang kanyang mga hanay ng ubasan at inyong sirain;
ngunit huwag kayong magsagawa ng lubos na pagwasak.
Tanggalin ninyo ang kanyang mga sanga;
sapagkat sila'y hindi sa Panginoon.
11 Sapagkat ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda
ay labis na nagtaksil sa akin, sabi ng Panginoon.
12 Sila'y nagsalita ng kasinungalingan tungkol sa Panginoon,
at kanilang sinabi, ‘Wala siyang gagawin,
walang kasamaang darating sa atin,
ni makakakita tayo ng tabak o ng taggutom.
13 Ang mga propeta ay magiging hangin,
at ang salita ay wala sa kanila.
Ganoon ang gagawin sa kanila!’”
14 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo:
“Sapagkat sinabi ninyo ang salitang ito,
narito, gagawin kong apoy ang aking mga salita sa inyong bibig,
at ang sambayanang ito ay kahoy, at sila'y lalamunin ng apoy.
15 Narito, ako'y nagdadala sa inyo
ng isang bansang mula sa malayo, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.
Ito'y isang tumatagal na bansa,
ito'y isang matandang bansa,
isang bansa na ang wika ay hindi mo nalalaman,
at ang kanilang sinasabi ay di mo mauunawaan.
16 Ang kanilang lalagyan ng pana ay gaya ng bukas na libingan,
silang lahat ay mga lalaking makapangyarihan.
17 Lalamunin nila ang iyong ani at ang iyong pagkain,
lalamunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae;
lalamunin nila ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan;
lalamunin nila ang iyong mga puno ng ubas at mga puno ng igos;
ang iyong mga lunsod na may kuta na iyong pinagtitiwalaan,
ay kanilang wawasakin sa pamamagitan ng tabak.”
18 “Ngunit maging sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi ko gagawin ang inyong lubos na pagkawasak.
19 Mangyayari na kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon nating Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa atin?’ At sasabihin mo sa kanila, ‘Kung paanong inyong tinalikuran ako, at naglingkod kayo sa mga ibang diyos sa inyong lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga banyaga sa isang lupain na hindi sa inyo.’”
Binalaan ng Diyos ang Kanyang Bayan
20 Ipahayag mo ito sa sambahayan ng Jacob,
at ibalita mo ito sa Juda, na sinasabi,
21 “Pakinggan(B) ninyo ito ngayon, O hangal at bayang walang unawa;
na may mga mata, ngunit hindi nakakakita;
na may mga tainga, ngunit hindi nakakarinig.
22 Hindi(C) ba kayo natatakot sa akin? sabi ng Panginoon,
hindi ba kayo nanginginig sa aking harapan?
Sapagkat inilagay ko ang buhangin bilang hangganan sa karagatan,
isang palagiang hadlang na hindi nito malalampasan;
bagaman tumaas ang mga alon, hindi sila magtatagumpay,
bagaman ang mga ito'y magsihugong, hindi nila ito madadaanan.
23 Ngunit ang bayang ito ay may suwail at mapaghimagsik na puso;
sila'y tumalikod at lumayo.
24 Hindi nila sinasabi sa kanilang mga puso,
‘Sa Panginoon nating Diyos ay matakot tayo,
na nagbibigay ng ulan sa kapanahunan nito,
ng ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol,
at nag-iingat para sa atin
ng mga sanlinggong itinakda para sa pag-aani!’
25 Ang inyong mga kasamaan ang nagpalayo ng mga ito,
at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil ng kabutihan para sa inyo.
26 Sapagkat ang masasamang tao ay natagpuang kasama ng aking bayan;
sila'y nagbabantay na gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag.
Sila'y naglalagay ng silo,
sila'y nanghuhuli ng mga tao.
27 Gaya ng hawla na punô ng mga ibon,
ang kanilang mga bahay ay punô ng pandaraya;
kaya't sila'y naging dakila at mayaman.
28 Sila'y nagsitaba, sila'y kumintab.
Sila'y magagaling sa paggawa ng kasamaan.
Hindi nila ipinaglalaban ang usapin,
ang usapin ng mga ulila, upang sila'y magwagi,
at hindi nila ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga dukha.
29 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansang gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay
ang nangyayari sa lupain:
31 ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan,
at ang mga pari ay namumuno ayon sa kanilang kapangyarihan,
at iniibig ng aking bayan ang gayon;
ngunit ano ang inyong gagawin sa wakas nito?
Ang Jerusalem ay Pinaligiran ng mga Kaaway
6 Tumakas kayo upang maligtas, O mga anak ni Benjamin,
mula sa gitna ng Jerusalem!
Hipan ninyo ang trumpeta sa Tekoa,
at magtaas ng hudyat sa Bet-hacquerim;
sapagkat may nagbabadyang kasamaan sa hilaga,
at isang malaking pagkawasak.
2 Ang maganda at maayos na anak na babae ng Zion
ay pupuksain ko.
3 Ang mga pastol at ang kanilang mga kawan ay darating laban sa kanya;
magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa palibot niya,
sila'y magpapakain ng tupa, sa kanya-kanyang lugar ang bawat isa.
4 “Maghanda kayo upang digmain siya,
bangon, at tayo'y sumalakay sa katanghaliang-tapat!”
“Kahabag-habag tayo! sapagkat ang araw ay kumikiling,
sapagkat ang mga dilim ng gabi ay humahaba!”
5 “Bangon, at tayo'y sumalakay nang gabi,
at gibain natin ang kanyang mga palasyo!”
6 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
“Putulin ninyo ang kanyang mga punungkahoy,
at magtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem.
Ito ang lunsod na dapat parusahan;
walang anumang bagay sa loob niya kundi kalupitan.
7 Kung paanong pinananatiling sariwa ng isang bukal ang kanyang tubig,
gayon niya pinananatiling sariwa ang kanyang kasamaan;
karahasan at pagwasak ang naririnig sa loob niya;
pagkakasakit at mga sugat ang laging nasa harapan ko.
8 Tumanggap ka ng babala, O Jerusalem,
baka mapalayo ako sa iyo;
at ikaw ay gawin kong wasak,
isang lupaing hindi tinatahanan.”
Ang Mapanghimagsik na Israel
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Pupulutin nilang lubusan na gaya ng sa puno ng ubas
ang nalabi sa Israel;
gaya ng mamimitas ng ubas ay idaan mo uli ang iyong kamay
sa mga sanga nito.”
10 Kanino ako magsasalita at magbibigay ng babala,
upang sila'y makinig?
Ang kanilang mga tainga ay nakapinid,[b]
at hindi sila makarinig:
Narito, ang salita ng Panginoon sa kanila ay kadustaan;
ito'y hindi nila kinaluluguran.
11 Ngunit ako'y punô ng poot ng Panginoon;
ako'y pagod na sa pagpipigil nito.
“Ibuhos mo ito sa mga bata sa lansangan,
at gayundin sa pagtitipon ng kabinataan;
sapagkat ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa kukunin,
maging ang may gulang at ang napakatanda na.
12 At(D) ang kanilang mga bahay ay ibibigay sa iba,
ang kanilang mga bukid at ang kanilang mga asawa na magkakasama,
sapagkat iuunat ko ang aking kamay
laban sa mga naninirahan sa lupain,” sabi ng Panginoon.
13 “Sapagkat mula sa pinakamaliit sa kanila hanggang sa pinakamalaki sa kanila,
ang bawat isa ay sakim sa pinagkakakitaan;
at mula sa propeta hanggang sa pari man,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
14 Kanilang(E) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan’;
gayong wala namang kapayapaan.
15 Sila ba'y nahiya dahil sa ginawa nilang karumaldumal?
Hindi, kailanma'y hindi sila nahiya;
kung paano mamula ang pisngi ay hindi nila alam.
Kaya't sila'y mabubuwal na kasama ng mga nabubuwal;
sa panahon na akin silang parurusahan, sila'y babagsak,” sabi ng Panginoon.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tumayo kayo sa mga daan at tumingin,
at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas,
kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon,
at kayo'y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami lalakad doon.’
17 Ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na sinasabi,
‘Inyong pakinggan ang tunog ng trumpeta!’
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami makikinig.’
18 Kaya't inyong pakinggan, mga bansa,
at inyong alamin, O kapulungan, kung ano ang mangyayari sa kanila.
19 Pakinggan mo, O lupa: ako'y nagdadala ng kasamaan sa bayang ito,
na bunga ng kanilang mga pakana,
sapagkat sila'y hindi nakinig sa aking mga salita;
at tungkol sa aking kautusan, ito'y kanilang itinakuwil.
20 Sa anong layunin nagdadala kayo sa akin ng insenso mula sa Sheba,
o ng matamis na tubó mula sa malayong lupain?
Ang inyong mga handog na sinusunog ay hindi maaaring tanggapin,
ni ang inyo mang mga handog ay nakakalugod sa akin.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Tingnan mo, ako'y maglalagay ng mga batong katitisuran
sa harap ng bayang ito na kanilang katitisuran;
ang mga magulang at kasama ang mga anak,
ang kapitbahay at ang kanyang kaibigan ay mapapahamak.’”
22 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tingnan mo, isang bayan ay dumarating mula sa lupain sa hilaga,
ang isang malaking bansa ay gigisingin mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa.
23 Sila'y nagsisihawak ng pana at ng sibat;
sila'y malupit at walang habag;
ang kanilang tunog ay gaya ng nagngangalit na dagat;
sa mga kabayo sila'y nakasakay,
nakahanay na gaya ng isang lalaki para sa digmaan,
laban sa iyo, O anak na babae ng Zion!”
24 Narinig namin ang balita tungkol doon,
ang aming mga kamay ay walang magawa;
napigilan kaming lahat ng kahapisan,
ng sakit na gaya ng sa isang babae sa panganganak.
25 Huwag kang lumabas sa parang,
o lumakad man sa daan;
sapagkat may tabak ang kaaway,
ang kilabot ay nasa bawat dako.
26 O anak na babae ng bayan ko, magbihis ka ng damit-sako,
at gumulong ka sa abo,
tumangis ka na gaya ng sa bugtong na anak,
ng pinakamapait na pag-iyak;
sapagkat biglang darating sa atin ang mangwawasak.
27 “Ginawa kitang isang tagasubok at tagapagdalisay sa gitna ng aking bayan:
upang iyong malaman at masubok ang kanilang mga daan.
28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik,
gumagala na may paninirang-puri;
sila'y tanso at bakal,
silang lahat ay kumikilos na may kabulukan.
29 Ang panghihip ay humihihip nang malakas;
ang tingga ay natutunaw sa apoy;
sa walang kabuluhan na nagpapatuloy ang pagdalisay,
sapagkat ang masasama ay hindi natatanggal.
30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil,
sapagkat itinakuwil sila ng Panginoon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001