Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Panaghoy 1:1-3:36

Mga Kapanglawan ng Jerusalem

Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
    na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
    siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
    ay naging alipin!

Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
    may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
    ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
    sila'y naging mga kaaway niya.

Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
    at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
    ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
    sa gitna ng pagkabalisa.

Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
    sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
    ang mga pari niya'y dumaraing;
    ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
    at siya'y mapait na nagdurusa.

Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
    ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
    dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
    bilang bihag sa harapan ng kaaway.

Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
    ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
    na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.

Naaalala ng Jerusalem
    sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
    ay walang sumaklolo sa kanya,
    tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
    na tinutuya ang kanyang pagbagsak.

Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
    kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
    sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
    at tumatalikod.

Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
    hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
    siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
    sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”

10 Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
    sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
    ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
    sa iyong kapulungan.

11 Ang buong bayan niya ay dumaraing
    habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
    upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
    sapagkat ako'y naging hamak.”

12 “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
    Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
    na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
    sa araw ng kanyang mabangis na galit.

13 “Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy;
    sa aking mga buto ay pinababa niya ito;
nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa,
    pinabalik niya ako;
iniwan niya akong natitigilan
    at nanghihina sa buong araw.

14 “Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway,
    binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay;
ang mga ito ay inilagay sa leeg ko,
    pinapanghina niya ang lakas ko;
ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay
    ng mga taong hindi ko matagalan.

15 “Tinawanan ng Panginoon
    ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko;
siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin
    upang durugin ang aking mga binata;
niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas
    ang anak na dalaga ng Juda.

16 “Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
    ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
    ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
    sapagkat nagwagi ang kaaway.”

17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
    ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
    na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.

18 “Ang Panginoon ay matuwid;
    sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
    ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
    ay nasa pagkabihag.

19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
    ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
    upang ang lakas nila'y panumbalikin.

20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
    sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
    ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.

21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
    walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
    sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
    at sila'y magiging gaya ko.

22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
    at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
    dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
    at nanghihina ang puso ko.”

Ang Pagpaparusa ng Panginoon sa Jerusalem

Tingnan mo kung paanong sa kanyang galit
    ay tinakpan ng Panginoon ng ulap ang anak na babae ng Zion!
Kanyang inihagis sa lupa mula sa langit
    ang karilagan ng Israel,
hindi niya inalala ang kanyang tuntungan ng paa
    sa araw ng galit niya.

Nilamon ng Panginoon, hindi siya nagpatawad
    sa lahat ng tahanan ng Jacob.
Sa kanyang poot ay ibinagsak niya
    ang mga muog ng anak na babae ng Juda;
kanyang inilugmok sa lupa na walang karangalan
    ang kanyang kaharian at ang mga prinsipe nito.

Kanyang pinutol sa matinding galit
    ang lahat ng kapangyarihan ng Israel;
iniurong niya sa kanila ang kanyang kanang kamay
    sa harapan ng kaaway;
siya'y nag-alab na gaya ng nag-aalab na apoy sa Jacob,
    na tumutupok sa buong paligid.

Iniakma niya ang kanyang pana na parang kaaway,
    na ang kanyang kanang kamay ay nakaakma na parang kalaban,
at pinatay ang lahat ng kaaya-aya sa mata;
    sa tolda ng anak na babae ng Zion;
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy.

Ang Panginoon ay naging parang kaaway,
    kanyang nilamon ang Israel;
nilamon niya ang lahat nitong mga palasyo,
    kanyang giniba ang mga muog nito.
At kanyang pinarami sa anak na babae ng Juda
    ang panangis at panaghoy.

Ginawan niya ng karahasan ang kanyang tabernakulo na gaya ng isang halamanan;
    kanyang sinira ang kanyang takdang pulungang lugar;
ipinalimot ng Panginoon sa Zion
    ang takdang kapistahan at Sabbath,
at sa kanyang matinding galit ay itinakuwil
    ang hari at ang pari.

Itinakuwil ng Panginoon ang kanyang dambana,
    kanyang iniwan ang kanyang santuwaryo.
Kanyang ibinigay sa kamay ng kaaway
    ang mga pader ng kanyang mga palasyo;
isang sigawan ang naganap sa bahay ng Panginoon,
    na gaya nang sa araw ng takdang kapistahan.

Ipinasiya ng Panginoon na gibain
    ang pader ng anak na babae ng Zion;
tinandaan niya ito ng guhit,
    hindi niya iniurong ang kanyang kamay sa paggiba:
kanyang pinapanaghoy ang muog at ang kuta;
    sila'y sama-samang manghihina.

Ang kanyang mga pintuan ay bumaon sa lupa;
    kanyang giniba at sinira ang kanyang mga halang;
ang kanyang hari at mga prinsipe ay kasama ng mga bansa;
    wala nang kautusan,
at ang kanyang mga propeta ay hindi na tumatanggap
    ng pangitain mula sa Panginoon.

10 Ang matatanda ng anak na babae ng Zion
    ay tahimik na nakaupo sa lupa.
Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo;
    at nagsuot ng damit-sako;
itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem
    ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak;
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan;
ang aking puso ay ibinuhos sa lupa
    dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
    sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod.

12 Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina,
    “Nasaan ang tinapay at alak?”
habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan
    sa mga lansangan ng bayan,
habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos
    sa kandungan ng kanilang mga ina.

13 Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing,
    O anak na babae ng Jerusalem?
Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw?
    O anak na dalaga ng Zion?
Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba;
    sinong makapagpapagaling sa iyo?

14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo
    ng mga huwad at mapandayang pangitain;
hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan
    upang ibalik ka mula sa pagkabihag,
kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang
    huwad at nakaliligaw.

15 Lahat ng nagdaraan
    ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo;
sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo
    sa anak na babae ng Jerusalem;
“Ito ba ang lunsod na tinatawag
    na kasakdalan ng kagandahan,
    ang kagalakan ng buong lupa?”

16 Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig:
sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin;
    kanilang sinasabi, “Nilamon na namin siya!
Tunay na ito ang araw na aming hinihintay;
    ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin.”

17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang ipinasiya;
    na isinagawa ang kanyang banta
na kanyang iniutos nang una;
    kanyang ibinagsak, at hindi naawa:
hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway,
    at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban.

18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
    O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
    araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
    huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.

19 Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi,
    sa pasimula ng mga pagbabantay!
Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig
    sa harapan ng mukha ng Panginoon!
Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya
    dahil sa buhay ng iyong mga anak
na nanghihina sa gutom
    sa dulo ng bawat lansangan.

20 Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo!
    Kanino mo ginawa ang ganito!
Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak,
    ang mga batang ipinanganak na malusog?
Papatayin ba ang pari at propeta
    sa santuwaryo ng Panginoon?

21 Ang bata at ang matanda ay nakahiga
    sa alabok ng mga lansangan.
Ang aking mga dalaga at mga binata
    ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
pinatay mo sila sa araw ng iyong galit;
    pinatay mo nang walang awa.

22 Nag-anyaya ka
    na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan,
ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig;
at sa araw ng galit ng Panginoon
    ay walang nakatakas o nakaligtas;
yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati
dahil sa pamalo ng kanyang poot.
Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag;
tunay na laban sa akin
    ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon.

Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat,
    at binali niya ang aking mga buto.
Sinakop at kinulong niya ako
    sa kalungkutan at paghihirap.
Pinatira niya ako sa kadiliman,
    gaya ng mga matagal nang patay.
Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas;
    pinabigat niya ang aking tanikala.
Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong,
    kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin;
kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato,
    kanyang iniliko ang mga landas ko.

10 Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang,
    parang leon na nasa kubling dako.
11 Iniligaw niya ang aking mga lakad,
    at ako'y pinagputul-putol;
ginawa niya akong wasak.
12 Binanat niya ang kanyang busog
    at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana.

13 Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso
    mula sa kanyang lalagyan.
14 Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan,
    ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon.
15 Pinuno niya ako ng kapanglawan,
    kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman.

16 Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko,
    at pinamaluktot ako sa mga abo.
17 Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan;
    nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan.
18 Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking pag-asa sa Panginoon.”

19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
    ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
    at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
    kaya't mayroon akong pag-asa:

22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
    ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
    dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
    “kaya't ako'y aasa sa kanya.”

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
    sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
    para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
    kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
    baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
    at mapuno siya ng pagkutya.

31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
    siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
    o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.

34 Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa,
35 upang sikilin ang karapatan ng tao
    sa harapan ng Kataas-taasan,
36 upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin,
    na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001