Beginning
Nangaral si Jeremias sa Templo
7 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na sinasabi,
2 “Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng Panginoon, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito.
4 Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’
5 “Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa,
6 kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili,
7 kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman.
8 “Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan.
9 Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,
10 at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Kami ay ligtas!’ upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito?
11 Ang(A) bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng Panginoon.
12 Magsiparoon(B) kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.
13 At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot,
14 kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo.
15 Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim.
Ang Pagsuway ng Bayan
16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang(C) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.
19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.
22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.
23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’
24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.
26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.
27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.
28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
ang salinlahi ng kanyang poot.'
30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.
31 At(D) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.
32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.
33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.
34 At(E) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.
8 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;
2 at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3 Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Kasalanan at ang Parusa
4 “Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
5 Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
ayaw nilang bumalik.
6 Aking pinakinggan at aking narinig,
ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
7 Maging ang tagak sa himpapawid
ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
ang alituntunin ng Panginoon.
8 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
ng huwad na panulat ng mga eskriba.
9 Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(F) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(G) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”
14 Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.
16 “Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17 Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
mga ulupong na hindi mapapaamo,
at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.
18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.
22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
2 O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
isang pangkat ng mga taksil!
3 Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
5 Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin,
sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan?
8 Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay;
ito ay nagsasalita nang may kadayaan;
sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa,
ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansa na gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol,
at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang,
sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan;
at hindi naririnig ang ungal ng kawan;
ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang
ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na.
11 Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem,
isang pugad ng mga asong-gubat;
at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda,
na walang maninirahan.”
12 Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng Panginoon, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan?
13 At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito,
14 kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin.
16 Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.”
Humingi ng Saklolo ang Jerusalem
17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
‘Tayo'y wasak na wasak!
Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”
20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
at walang magtitipon sa mga iyon!’”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;
24 kundi(H) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”
25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—
26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001