Beginning
Ang Lingkod ng Panginoon
42 Narito(A) (B) ang aking lingkod, na aking inaalalayan;
ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Inilagay ko ang aking Espiritu sa kanya;
siya'y maglalapat ng katarungan sa mga bansa.
2 Siya'y hindi sisigaw, o maglalakas man ng tinig,
o ang kanyang tinig man sa lansangan ay iparirinig.
3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin,
ni ang mitsa na bahagyang nagniningas ay hindi niya papatayin;
siya'y tapat na maglalapat ng katarungan.
4 Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man,
hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan;
at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan.
5 Ganito(C) ang sabi ng Diyos, ang Panginoon,
na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga iyon;
siyang naglatag ng lupa at ang nagmula rito,
siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito,
at ng espiritu sa kanila na nagsisilakad dito:
6 “Ako(D) ang Panginoon, tinawag ko kayo sa katuwiran,
kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan,
at ibinigay kita sa bayan bilang tipan,
isang liwanag sa mga bayan,
7 upang imulat ang mga bulag na mata,
upang ilabas ang mga bilanggo sa bilangguan,
at silang nakaupo sa kadiliman mula sa bilangguan.
8 Ako ang Panginoon, iyon ang aking pangalan;
hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian,
o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.
9 Narito, ang mga dating bagay ay lumipas na,
at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko;
bago sila lumitaw
ay sinasabi ko sa inyo ang tungkol sa kanila.”
Pagpupuri sa Diyos Dahil sa Pagliligtas
10 Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit,
at ng kapurihan niya mula sa dulo ng lupa!
Kayong bumababa sa dagat at ang lahat na nariyan,
ang mga pulo, at mga doon ay naninirahan.
11 Maglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyon,
ang mga nayon na tinitirhan ng Kedar;
umawit ang mga naninirahan sa Sela,
magsigawan sila mula sa mga tuktok ng mga bundok.
12 Magbigay-luwalhati sila sa Panginoon,
at magpahayag ng kanyang kapurihan sa mga pulo.
13 Ang Panginoon ay lalabas na parang mandirigma,
pinupukaw niya ang kanyang galit na parang lalaking mandirigma;
siya'y sisigaw, oo, siya'y sisigaw nang malakas,
at magtatagumpay laban sa kanyang mga kaaway.
14 Ako'y tumahimik nang matagal,
ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako;
ngayo'y sisigaw akong parang nanganganak na babae,
ako'y hihingal at hahapuin.
15 Ang mga bundok at mga burol ay aking wawasakin,
at ang lahat nilang mga pananim ay aking tutuyuin;
ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo,
at ang mga lawa ay aking tutuyuin.
16 At aking aakayin ang bulag
sa daan na hindi nila nalalaman;
sa mga landas na hindi nila nalalaman
sila ay aking papatnubayan.
Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan,
at ang mga baku-bakong lugar ay papatagin.
Ang mga bagay na ito ay aking gagawin sa kanila,
at hindi ko sila pababayaan.
17 Sila'y mapapaurong at ganap na mapapahiya,
sila na sa mga larawang inanyuan ay nagtitiwala,
na nagsasabi sa mga larawang hinulma,
“Kayo'y aming mga diyos.”
Bigong Karanasan ng Israel
18 Makinig kayong mga bingi;
at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y makakita!
19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod,
o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo?
Sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan,
at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?
20 Ikaw na nakakakita ng maraming bagay, ngunit hindi mo ginagawa ang mga ito;
ang kanyang mga tainga ay bukas, ngunit hindi siya nakakarinig.
21 Nalugod ang Panginoon, alang-alang sa kanyang katuwiran,
upang dakilain ang kanyang kautusan at gawing marangal.
22 Ngunit ito ay isang bayang ninakawan at sinamsaman,
silang lahat ay nasilo sa mga hukay,
at nakakubli sa mga bilangguan;
sila'y naging biktima at walang magligtas,
isang samsam, at walang magsabi, “Iyong panunumbalikin!”
23 Sino sa inyo ang makikinig nito,
na papansin at makikinig para sa panahong darating?
24 Sino ang nagbigay ng Jacob sa mananamsam,
at ng Israel sa mga magnanakaw?
Hindi ba ang Panginoon, na laban sa kanya ay nagkasala tayo,
at hindi sila magsilakad sa kanyang mga daan,
o naging masunurin man sila sa kanyang kautusan?
25 Kaya't ibinuhos niya sa kanya ang init ng kanyang galit,
at ang lakas ng pakikipagbaka;
at nilagyan siya nito ng apoy sa palibot, gayunma'y hindi niya nalaman;
at sinunog siya nito, gayunma'y hindi niya ito inilagay sa kanyang puso.
Ang Panginoon Lamang ang Makapagliligtas
43 Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon,
siya na lumalang sa iyo, O Jacob,
siya na nag-anyo sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko;
tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.
2 Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo;
at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan,
kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog;
at hindi ka tutupukin ng apoy.
3 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas.
Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.
4 Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin,
at kagalang-galang, at minamahal kita,
nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo,
at mga bayan na kapalit ng buhay mo.
5 Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo;
aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan,
at titipunin kita mula sa kanluran.
6 Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo,
at sa timog, Huwag mong pigilin;
dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula,
at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa,
7 bawat tinatawag sa aking pangalan,
sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian,
oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”
Ang Israel ang Saksi ng Panginoon
8 Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
9 Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
“at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
ako'y gumagawa at sinong pipigil?”
Ang Pagtakas mula sa Babilonia
14 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia,
at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy,
at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy.
15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal,
ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na gumagawa ng daan sa dagat,
at sa malalawak na tubig ay mga landas,
17 na nagpalabas ng karwahe at kabayo,
ng hukbo at ng mandirigma;
sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon,
sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa.
18 “Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay,
o isaalang-alang man ang mga bagay nang una.
19 Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon?
Gagawa ako ng daan sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto.
20 Pararangalan ako ng mababangis na hayop
ng mga asong-gubat at ng mga avestruz;
sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto,
upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan,
21 ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili,
upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan.
Ang Kasalanan ng Israel
22 “Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob;
kundi ikaw ay nayamot sa akin, O Israel!
23 Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog,
o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog.
Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog,
o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi,
o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog.
Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan,
iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan.
Ang Pagpapatawad ng Panginoon
25 Ako, ako nga
ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin,
at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.
26 Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran;
sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid.
27 Ang iyong unang ama ay nagkasala,
at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin.
28 Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo,
at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak
at ang Israel sa pagkakutya.
Walang Ibang Diyos
44 “Ngunit ngayo'y pakinggan mo, O Jacob na aking lingkod,
at Israel na aking pinili!
2 Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo,
at mula sa sinapupunan ay nagbigay sa iyo ng anyo, na siyang tutulong sa iyo:
Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod;
Jeshurun, na aking pinili.
3 Sapagkat bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa,
at ng mga bukal ang tuyong lupa;
aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo,
at ang aking pagpapala sa mga anak mo.
4 Sila'y sisibol sa gitna ng mga damo, gaya ng sauce,
tulad ng mga halaman sa dumadaloy na batis.
5 Sasabihin ng isang ito, ‘Ako'y sa Panginoon,’
at tatawaging Jacob ng iba ang kanyang sarili,
at isusulat ng iba sa kanyang kamay, ‘Sa Panginoon,’
at tatawagin ang kanyang sarili sa pangalang Israel.”
6 Ganito(E) ang sabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,
at ng kanyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo:
“Ako ang una at ang huli;
at liban sa akin ay walang Diyos.
7 At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag,
at mag-aayos sa ganang akin,
mula nang aking itatag ang matandang bayan?
At ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.
8 Kayo'y huwag matakot, o mangilabot man
hindi ko ba ipinahayag sa iyo nang una, at sinabi iyon?
At kayo ang aking mga saksi!
May Diyos ba liban sa akin?
Oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Walang Kabuluhang Pagtitiwala
9 Lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan ay walang kabuluhan, at ang mga bagay na kanilang kinalulugdan ay hindi mapapakinabangan. At ang kanilang mga saksi ay hindi nakakakita ni nakakaalam, upang sila'y mapahiya.
10 Sino ang nag-anyo sa isang diyos, o naghulma ng larawang inanyuan, na di pakikinabangan sa anuman?
11 Narito, lahat ng kanyang kasama ay mapapahiya; ang mga manggagawa ay mga tao lamang. Hayaang magtipon silang lahat, hayaan silang magsitayo; sila'y matatakot, sila'y sama-samang mapapahiya.
12 Ang panday na may kagamitang bakal ay gumagawa nito sa mga baga, at sa pamamagitan ng mga pamukpok, siya'y humuhugis sa pamamagitan ng malakas na bisig. Siya'y nagugutom, at ang kanyang lakas ay nawawala, siya'y hindi umiinom ng tubig, at nanghihina.
13 Ang karpintero ay nag-uunat ng isang pising panukat, kanyang tinatandaan iyon ng lapis, kanyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam at tinatandaan ng mga kompas. Hinuhugisan niya ito ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang manirahan sa bahay.
14 Pumuputol siya para sa kanya ng mga sedro, at kumukuha siya ng puno ng roble at ng ensina, pinapatibay niya para sa kanya sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat. Siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at pinalalago iyon ng ulan.
15 Pagkatapos iyon ay magiging panggatong para sa tao; kumukuha siya ng bahagi nito upang ipagpainit sa sarili. Siya'y nagsisindi ng apoy at nagluluto ng tinapay. Gagawa rin siya ng isang diyos, at sasambahin iyon; ginagawa niya itong larawang inanyuan at lumuluhod sa harapan niyon.
16 Kanyang iginagatong ang kalahati niyon sa apoy, at ang kalahati nito ay ikinakain niya ng karne, siya'y nag-iihaw ng iihawin at nasisiyahan. Siya'y nagpapainit din at nagsasabi, “Aha, ako'y naiinitan, aking nakikita ang apoy!”
17 At ang nalabi ay ginagawa niyang diyos, ang kanyang diyus-diyosan. Kanya itong niluluhuran at sinasamba, dinadalanginan, at nagsasabi, “Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking diyos!”
18 Hindi nila nalalaman, o nauunawaan man; sapagkat ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang makaunawa.
19 At walang nakakaalala o mayroon mang kaalaman, o pang-unawa upang magsabi, “Aking sinunog ang kalahati niyon sa apoy; ako ay nagluto din ng tinapay sa mga baga niyon; ako'y nag-ihaw ng karne at kinain ko; at gagawin ko ba ang nalabi niyon na kasuklamsuklam? Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?”
20 Siya'y kumakain ng abo; iniligaw siya ng nadayang kaisipan, at hindi niya mailigtas ang kanyang kaluluwa, o makapagsabi, “Wala bang kasinungalingan sa aking kanang kamay?”
Ang Tagapagligtas ng Israel
21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, O Jacob,
at Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod;
aking inanyuan ka, ikaw ay aking lingkod;
O Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.
22 Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo,
at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon,
manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko.
23 Umawit ka, O langit, sapagkat ginawa iyon ng Panginoon;
kayo'y sumigaw, O mga mababang bahagi ng lupa;
kayo'y biglang mag-awitan, O mga bundok,
O gubat, at bawat punungkahoy doon!
Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at luluwalhatiin ang kaniyang sarili sa Israel.
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ang iyong Manunubos,
at nag-anyo sa iyo mula sa sinapupunan:
“Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay;
na mag-isang nagladlad ng mga langit,
na naglatag ng lupa—sinong kasama ko?
25 na(F) bumibigo sa mga tanda ng mga sinungaling,
at ginagawang hangal ang mga manghuhula;
na nagpapaurong sa mga pantas,
at ginagawang kahangalan ang kanilang kaalaman;
26 na nagpapatunay sa salita ng kanyang lingkod,
at nagsasagawa ng payo ng kanyang mga sugo;
na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y paninirahan;’
at tungkol sa mga lunsod ng Juda, ‘Matatayo sila,
at aking ibabangon ang kanilang pagkaguho.’
27 Na nagsasabi sa kalaliman, ‘Ikaw ay matuyo,
aking tutuyuin ang iyong mga ilog;’
28 na(G) nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya'y aking pastol,
at kanyang tutuparin ang lahat ng aking kaligayahan’;
na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y matatayo,’
at sa templo, ‘Ang iyong pundasyon ay ilalagay.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001