Beginning
Babala sa Efraim
28 Kahabag-habag ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim,
at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan,
na nasa ulunan ng mayamang libis na nadaig ng alak!
2 Ang Panginoon ay may isa na makapangyarihan at malakas;
na tulad ng bagyo ng yelo, isang mangwawasak na bagyo,
parang bagyo ng malakas at bumabahang mga tubig,
kanyang ibubuwal sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kamay.
3 Ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim
ay mayayapakan ng paa,
4 at ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan,
na nasa ulunan ng mayamang libis,
ay magiging gaya ng unang hinog na bunga ng igos bago magtag-init:
kapag ito'y nakikita ng tao,
kinakain niya ito paglapat nito sa kanyang kamay.
5 Sa araw na iyon ay magiging korona ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo,
at putong ng kagandahan, sa nalabi sa kanyang bayan;
6 at espiritu ng katarungan sa kanya na nakaupo sa paghatol,
at lakas sa kanila na nagpaurong ng labanan sa pintuan.
7 Ang mga ito ay sumusuray din dahil sa alak,
at dahil sa matapang na alak ay pahapay-hapay;
ang pari at ang propeta ay sumusuray dahil sa matapang na alak,
sila'y nililito ng alak,
sila'y pahapay-hapay dahil sa matapang na alak;
sila'y nagkakamali sa pangitain,
sila'y natitisod sa paghatol.
8 Sapagkat lahat ng mga hapag ay punô ng suka,
walang dakong walang karumihan.
9 “Kanino siya magtuturo ng kaalaman?
At kanino niya ipapaliwanag ang balita?
Sa mga inilayo sa gatas,
at inihiwalay sa suso?
10 Sapagkat tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin,
bilin at bilin, bilin at bilin;
dito'y kaunti, doo'y kaunti.”
11 Hindi,(A) kundi sa pamamagitan ng mga utal na labi
at ng ibang wika ay magsasalita ang Panginoon sa bayang ito,
12 na sa kanya'y sinabi niya,
“Ito ang kapahingahan,
papagpahingahin ninyo ang pagod;
at ito ang kaginhawahan;”
gayunma'y hindi nila pinakinggan.
13 Kaya't ang salita ng Panginoon
ay magiging sa kanila'y tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin,
bilin at bilin, bilin at bilin;
dito'y kaunti, doo'y kaunti;
upang sila'y makahayo, at umatras,
at mabalian, at masilo, at mahuli.
14 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong mga mangungutya,
na namumuno sa bayang ito sa Jerusalem!
15 Sapagkat inyong sinabi, “Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan,
at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaan,
ito'y hindi darating sa atin;
sapagkat ating ginawang kanlungan ang mga kabulaanan,
at sa ilalim ng kasinungalingan ay nagkubli tayo.”
16 Kaya't(B) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,
“Aking inilalagay sa Zion bilang pundasyon ang isang bato,
isang batong subok,
isang mahalagang batong panulok, na isang tiyak na pundasyon:
‘Siyang naniniwala ay hindi magmamadali.’
17 At aking ilalagay na pising panukat ang katarungan,
at ang katuwiran bilang pabigat;
at papalisin ng yelo ang kanlungan ng mga kabulaanan,
at aapawan ng tubig ang kanlungan.”
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan,
at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaraan,
kayo nga'y ibabagsak niyon.
19 Sa tuwing daraan kayo, tatangayin kayo niyon,
sapagkat tuwing umaga ay daraan iyon,
sa araw at sa gabi.
at magiging kakilakilabot na maunawaan ang balita.
20 Sapagkat ang higaan ay napakaikli upang makaunat ang isa,
at ang kumot ay napakakitid upang maibalot sa kanya.
21 Sapagkat(C) ang Panginoon ay babangon na gaya sa Bundok ng Perasim,
siya'y mapopoot na gaya sa libis ng Gibeon;
upang gawin ang kanyang gawain—kataka-taka ang kanyang gawa!
at upang gawin ang kanyang gawain—kakaiba ang kanyang gawain!
22 Kaya't ngayo'y huwag kayong manuya,
baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay,
sapagkat ako'y nakarinig ng utos ng pagwasak,
mula sa Panginoong Diyos ng mga hukbo, sa buong lupa.
23 Makinig kayo, at pakinggan ninyo ang aking tinig,
inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.
24 Nag-aararo bang lagi ang mag-aararo upang maghasik?
Patuloy ba niyang binubungkal at dinudurog ang kanyang lupa?
25 Kapag kanyang napatag ang ibabaw niyon
hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ipinupunla ang binhing komino,
at inihahanay ang trigo,
at ang sebada sa tamang lugar,
at ang espelta bilang hangganan niyon?
26 Sapagkat siya'y naturuan ng matuwid,
ang kanyang Diyos ang nagtuturo sa kanya.
27 Ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na mabigat,
o ang gulong man ng karwahe ay iginugulong sa komino;
kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod,
at ang komino ay ng pamalo.
28 Ang trigo ay dinudurog upang gawing tinapay,
sapagkat ito'y hindi laging ginigiik,
kapag ito'y kanyang pinagulungan ng kanyang karwahe
at ng kanyang mga kabayo, hindi niya ito nadudurog.
29 Ito man ay mula rin sa Panginoon ng mga hukbo;
siya'y kahanga-hanga sa payo,
at nangingibabaw sa karunungan.
Ang mga Kaaway ng Jerusalem
29 Kahabag-habag ka, Ariel, Ariel,
na bayang pinagkampuhan ni David!
Magdagdag kayo ng taon sa taon;
hayaang matapos ang kanilang mga kapistahan.
2 Gayunma'y aking pahihirapan ang Ariel,
at magkakaroon ng pagtangis at panaghoy,
at sa akin siya'y magiging gaya ng Ariel.
3 Ako'y magtatayo ng kampo laban sa iyo sa palibot,
at kukubkubin kita ng mga kuta,
at ako'y maglalagay ng mga pangkubkob laban sa iyo.
4 Ikaw ay magsasalita mula sa kalaliman ng lupa,
at mula sa kababaan ng alabok ay darating ang iyong salita,
at ang iyong tinig ay magmumula sa lupa na gaya ng tinig ng multo,
at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.
5 Ngunit ang karamihan sa iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok,
at ang karamihan ng mga malulupit ay gaya ng ipang inililipad ng hangin.
At sa isang iglap, bigla,
6 ikaw ay dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo
na may kulog, at may lindol, at ng malaking ingay,
ng ipu-ipo at bagyo, at ng liyab ng tumutupok na apoy.
7 At ang karamihan ng lahat ng mga bansang nakikidigma laban sa Ariel,
lahat na lumaban sa kanya at sa kanyang kuta, at ang nagpapahirap sa kanya,
ay magiging gaya ng panaginip, ng isang pangitain sa gabi.
8 At gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip na siya ay kumakain,
at nagising na ang kanyang pagkagutom ay hindi napawi,
o gaya ng kung ang isang taong uhaw ay nananaginip na siya'y umiinom,
at gumising na nanghihina, at ang kanyang pagkauhaw ay di napawi,
gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat ng mga bansa,
na lumalaban sa Bundok ng Zion.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9 Kayo'y matigilan at matuliro,
kayo'y magpakabulag at maging bulag!
Magpakalasing, ngunit hindi sa alak;
sumuray, ngunit hindi sa matapang na alak!
10 Sapagkat(D) ibinuhos ng Panginoon sa inyo
ang espiritu ng mahimbing na pagkakatulog,
at ipinikit ang inyong mga mata, kayong mga propeta;
at tinakpan ang inyong mga ulo, kayong mga tagakita.
11 At ang pangitain ng lahat ng ito ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatakan. Kapag ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan.”
12 Nang ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Ako'y hindi marunong bumasa.”
13 At(E) sinabi ng Panginoon,
“Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig,
at pinapupurihan ako ng kanilang labi,
samantalang malayo ang kanilang puso sa akin,
at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutunan sa pamamagitan ng pagsasaulo;
14 dahil(F) dito,
muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito,
kahanga-hanga at kagila-gilalas,
at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi,
at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim.”
15 Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa Panginoon
at ang mga gawa ay nasa kadiliman,
at kanilang sinasabi, “Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?”
16 Inyong(G) binabaligtad ang mga bagay!
Ituturing bang putik ang magpapalayok;
upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya,
“Hindi niya ako ginawa”;
o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito,
“Siya'y walang unawa”?
Ang Pagtubos sa Israel
17 Hindi ba sandaling-sandali na lamang,
at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain,
at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat?
18 At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi
ang mga salita ng isang aklat,
at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman
ang mga mata ng bulag ay makakakita.
19 Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa Panginoon,
at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala,
at ang manlilibak ay tumigil,
at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin,
21 iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan,
at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan,
at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob,
“Si Jacob ay hindi na mapapahiya,
hindi na mamumutla ang kanyang mukha.
23 Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak,
ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya,
ay kanilang pababanalin ang aking pangalan;
kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob,
at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel.
24 Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa,
at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral.”
Bigong Pagtitiwala sa Ehipto
30 “Kahabag-habag ang mga mapaghimagsik na mga anak,” sabi ng Panginoon,
“na nagsasagawa ng panukala, ngunit hindi mula sa akin;
na nakikipagkasundo, ngunit hindi sa aking Espiritu,
upang sila'y makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan;
2 na pumupunta na lumulusong sa Ehipto,
na hindi humihingi ng payo,
upang manganlong sa pag-iingat ng Faraon,
at manirahan sa lilim ng Ehipto!
3 Kaya't ang pag-iingat ng Faraon ay magiging inyong kahihiyan,
at ang tirahan sa lilim ng Ehipto ay inyong pagkapahiya.
4 Sapagkat bagaman ang kanyang mga pinuno ay nasa Zoan,
at ang kanilang mga sugo ay nakarating sa Hanes,
5 silang lahat ay mapapahiya
sa pamamagitan ng isang bayan na hindi nila mapapakinabangan,
na magdadala hindi ng tulong o pakinabang man,
kundi kahihiyan at kasiraan.”
6 Ang pahayag tungkol sa mga hayop ng Negeb.
Sa lupain ng kabagabagan at ng hapis,
na pinanggagalingan ng leong babae at lalaki,
ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas,
kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno,
at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo,
sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
7 Sapagkat ang tulong ng Ehipto ay walang kabuluhan at walang halaga,
kaya't aking tinawag siyang
“Rahab na nakaupong walang kibo.”
8 Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato,
at ititik mo sa isang aklat,
upang sa darating na panahon
ay maging saksi magpakailanman.
9 Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan,
mga sinungaling na anak,
mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng Panginoon,
10 na nagsasabi sa mga tagakita, “Huwag kayong makakita ng pangitain;”
at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay,
magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay,
magpropesiya kayo ng mga haka-haka.
11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas,
huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel.”
12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
“Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito,
at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan,
at umasa sa mga iyon;
13 kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y
gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak,
na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap.
14 At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok,
na walang awang dinurog
na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon,
na maikukuha ng apoy mula sa apuyan,
o maisasalok ng tubig sa balon.”
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, ng Banal ng Israel,
“Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo;
sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas.”
Ngunit ayaw ninyo,
16 kundi inyong sinabi,
“Hindi! Kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo.”
Kaya kayo'y tatakas,
at, “Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo,”
kaya't ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabilis.
17 Isang libo ay tatakas sa banta ng isa,
sa banta ng lima ay tatakas kayo,
hanggang sa kayo'y maiwang parang isang tagdan ng watawat
sa tuktok ng bundok,
at gaya ng isang hudyat sa isang burol.
Ang Pangako sa mga Hinirang
18 Kaya't naghihintay ang Panginoon, na maging mapagbiyaya sa inyo;
kaya't siya'y babangon, upang magpakita ng habag sa inyo.
Sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng katarungan;
mapapalad ang lahat na naghihintay sa kanya.
19 Ang bayan ng Zion na naninirahan sa Jerusalem; tiyak na hindi ka iiyak. Siya'y tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; kapag kanyang maririnig, sasagutin ka niya.
20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng paghihirap at ng tubig ng kapighatian, gayunma'y hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo.
21 At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, “Ito ang daan, lakaran ninyo,” kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa.
22 At inyong lalapastanganin ang inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang inyong mga hinulmang larawan na tubog sa ginto. Iyong ikakalat ang mga iyon na gaya ng maruming bagay. Iyong sasabihin sa mga iyon, “Lumayas kayo.”
23 At siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi na iyong inihasik sa lupa, at ng tinapay na bunga ng lupa na magiging mataba at sagana. Sa araw na iyon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.
24 Ang mga baka at ang mga batang asno na nagbubungkal ng lupa ay kakain ng masarap na pagkain, na pinahanginan ng pala at kalaykay.
25 At sa bawat matataas na bundok at bawat mataas na burol ay magkakaroon ng sapa na may umaagos na tubig, sa araw ng malaking patayan, kapag ang mga muog ay mabuwal.
26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan, at pagalingin ang sugat na dulot ng kanyang pagpalo.
Ang Hatol sa Asiria
27 Ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo,
ang kanyang galit ay nagniningas at ito'y makapal na usok,
ang kanyang mga labi ay punô ng pagkagalit,
at ang kanyang dila ay gaya ng tumutupok na apoy.
28 At ang kanyang hininga ay gaya ng umaapaw na ilog,
na umaabot hanggang sa leeg,
upang salain ang mga bansa sa pangsala ng pagkawasak
at ilagay sa mga panga ng mga tao ang pamingkaw na nakapagpapaligaw.
29 Kayo'y magkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi kapag ang banal na kapistahan ay ipinagdiriwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng humahayo sa tunog ng plauta upang pumunta sa bundok ng Panginoon, sa Malaking Bato ng Israel.
30 At iparirinig ng Panginoon ang kanyang maluwalhating tinig, at ipapakita ang bumababang dagok ng kanyang bisig, sa matinding galit, at liyab ng tumutupok na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo.
31 Ang mga taga-Asiria ay masisindak sa takot sa tinig ng Panginoon, kapag siya'y nananakit ng kanyang pamalo.
32 At bawat hampas ng tungkod ng kaparusahan na ibabagsak ng Panginoon sa kanila ay sa saliw ng tunog ng pandereta at lira. Nakikipaglaban sa pamamagitan ng bisig na iwinawasiwas, siya ay makikipaglaban sa kanila.
33 Sapagkat ang Tofet[a] na sunugan ay matagal nang handa. Oo, para sa hari ay inihanda ito; ang gatungan ay pinalalim at pinaluwang na may maraming apoy at mga kahoy. Ang hininga ng Panginoon na gaya ng sapa ng asupre, ay nagpapaningas niyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001