Beginning
Ang Pag-asa sa Hinaharap
23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.
2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.
4 Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5 “Narito(A) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.
6 Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’
7 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
8 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.’ At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa.”
Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta
9 Tungkol sa mga propeta:
Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
parang madudulas na landas sa kanila,
sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(B) sa mga propeta ng Jerusalem naman
ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:
“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”
18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.
21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23 “Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng Panginoon.
24 Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!’
26 Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso,
27 na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal?
28 Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.
29 Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng Panginoon.
30 Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng Panginoon.
31 Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, ‘Sinasabi ng Panginoon.'
32 Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat, gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
Ang Pasanin ng Panginoon
33 “Kapag isa sa sambayanang ito, o isang propeta, o isang pari ang magtanong sa iyo, ‘Ano ang pasanin ng Panginoon?’ sasabihin mo sa kanila, ‘Kayo ang pasanin,[a] at itatakuwil ko kayo, sabi ng Panginoon.’
34 At tungkol sa propeta, pari, o isa sa taong-bayan, na magsasabi, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’ ay parurusahan ko ang lalaking iyon at ang kanyang sambahayan.
35 Ganito ang sasabihin ng bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa, at ng bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Ano ang isinagot ng Panginoon?’ o kaya, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’
36 Ngunit ‘ang pasanin ng Panginoon’ ay huwag na ninyong babanggitin pa, sapagkat ang pasanin ay ang salita ng bawat tao, at inyong minamali ang mga salita ng Diyos na buháy, ng Panginoon ng mga hukbo, na ating Diyos.
37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, ‘Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon?’ at, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’
38 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon’; ganito nga ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat inyong sinabi ang mga salitang ito, “Ang pasanin ng Panginoon,” gayong ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, “Huwag ninyong sasabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’”
39 kaya't tiyak na bubuhatin ko kayo at itatapon mula sa aking harapan, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.
40 At dadalhan ko kayo ng walang hanggang pagkutya, at walang katapusang kahihiyan na hindi malilimutan.’”
Ang Dalawang Basket ng Igos
24 Pagkatapos(C) na madalang-bihag ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, mula sa Jerusalem si Jeconias na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, kasama ang mga pinuno ng Juda, ang mga manggagawa at mga panday, at dalhin sila sa Babilonia, ipinakita sa akin ng Panginoon ang pangitaing ito: May dalawang basket na igos na nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon.
2 Ang isang basket ay mayroong napakagagandang igos, gaya ng mga unang hinog ng igos, ngunit ang isa namang basket ay may mga napakasamang igos, anupa't hindi iyon makakain dahil sa kabulukan.
3 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Anong nakikita mo, Jeremias?” Aking sinabi, “Mga igos. Ang magagandang igos ay napakaganda, at ang masasama ay napakasama, anupa't hindi makakain ang mga iyon dahil sa kabulukan.”
4 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
5 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Gaya ng mabubuting igos na ito, gayon ko ituturing na mabuti ang mga bihag mula sa Juda na aking pinaalis mula sa dakong ito patungo sa lupain ng mga Caldeo.
6 Sapagkat itutuon ko ang aking paningin sa kanila para sa ikabubuti, at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Itatayo ko sila, at hindi ko sila gigibain. Itatanim ko sila, at hindi ko sila bubunutin.
7 Bibigyan ko sila ng puso na kikilala sa akin, sapagkat ako ang Panginoon, at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos sapagkat sila'y manunumbalik sa akin nang buong puso nila.
8 “Ngunit ganito ang sinasabi ng Panginoon: tulad ng masasamang igos na sa kasamaan ay hindi makakain, gayon ko ituturing si Zedekias na hari ng Juda, ang kanyang mga pinuno, ang nalabi sa Jerusalem na nanatili sa lupaing ito, at ang naninirahan sa lupain ng Ehipto.
9 Gagawin ko silang kasuklamsuklam sa lahat ng mga kaharian sa lupa, upang maging kahiyahiya, usap-usapan, tampulan ng panunuya at sumpa sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.
10 Magpapadala ako ng tabak, taggutom, at ng salot, hanggang sa sila'y lubos na malipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga ninuno.”
Ang Kaaway mula sa Hilaga
25 Ang(D) salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),
2 na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.
4 Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,
5 na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.
6 Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’
7 Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.
8 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,
9 tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,[b] sabi ng Panginoon.
10 Bukod(E) dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11 Ang(F) buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
12 At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.
13 Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.
14 Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”
Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16 Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”
17 Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:
18 ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;
19 Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;
20 at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);
21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22 lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;
23 ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;
24 lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;
25 lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;
26 lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach[c] ay iinom.
27 “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’
28 “At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!
29 Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’
30 “Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:
‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31 Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’
32 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!
33 “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34 “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35 Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36 Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37 at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
at dahil sa kanyang mabangis na galit.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001