Beginning
Ang Hatol ng Panginoon sa Ammon
49 Tungkol(A) sa mga anak ni Ammon.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Wala bang mga anak na lalaki ang Israel?
Wala ba siyang tagapagmana?
Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad,
at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon?
2 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating,
sabi ng Panginoon,
na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan
laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon.
Ito'y magiging isang bunton ng guho,
at ang kanyang kabayanan[a] ay susunugin ng apoy.
Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya,
sabi ng Panginoon.
3 “Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai!
Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba!
Kayo'y magbigkis ng damit-sako,
kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan!
Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
4 Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod,
ikaw na taksil na anak na babae
na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi,
‘Sinong darating laban sa akin?’
5 Narito, dadalhan kita ng takot,
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo,
mula sa lahat ng nasa palibot mo;
at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya,
at walang magtitipon sa mga takas.
6 Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng Panginoon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Edom
7 Tungkol(B) sa Edom.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Wala na bang karunungan sa Teman?
Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
Naparam na ba ang kanilang karunungan?
8 Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
sa panahon na parurusahan ko siya.
9 Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
10 Ngunit aking hinubaran ang Esau,
aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.
13 Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”
14 Ako'y nakarinig ng balita mula sa Panginoon,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
at bumangon upang lumaban!”
15 Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
at hamak sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong kakilabutan,
dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,[b]
na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
ibababa kita mula roon, sabi ng Panginoon.
17 “Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.
18 Gaya(C) ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng Panginoon, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.
19 Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?
20 Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng Panginoon laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.
21 Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.
22 Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Damasco
23 Tungkol(D) sa Damasco.
“Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya,
sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita;
sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat
na hindi mapayapa.
24 Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas,
at sinaklot siya ng sindak;
hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan,
na gaya ng babaing manganganak.
25 Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan,
ang bayan ng aking kagalakan!
26 Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan,
at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco,
at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Kedar at Hazor
28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Bangon, sumampa kayo sa Kedar!
Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan!
29 Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin,
ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian;
ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila,
at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: ‘Kakilabutan sa bawat panig!’
30 Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman,
O mamamayan ng Hazor, sabi ng Panginoon:
Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia
ay nagpanukala laban sa inyo,
at nagpasiya laban sa inyo.
31 “Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay,
na naninirahang panatag, sabi ng Panginoon;
na walang pintuan o mga halang man,
na naninirahang mag-isa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin,
ang kanilang maraming kawan ay tatangayin.
Aking pangangalatin sa bawat hangin
ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok
at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan
na mula sa bawat panig nila, sabi ng Panginoon.
33 Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap,
walang-hanggang sira,
walang sinumang mananatili roon,
walang anak ng tao na maninirahan doon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Elam
34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi,
35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan;
36 at dadalhin ko sa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam.
37 Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
38 Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng Panginoon.
39 “Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng Panginoon.”
Ang Babilonia ay Nagapi
50 Ang(E) salitang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia, at tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias:
2 “Ipahayag ninyo sa gitna ng mga bansa at inyong ipatalastas,
magtaas kayo ng watawat at ipahayag,
huwag ninyong itago, kundi inyong sabihin,
‘Ang Babilonia ay nasakop,
si Bel ay nalagay sa kahihiyan,
si Merodac ay nabasag.
Ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan,
ang kanyang mga diyus-diyosan ay nabasag.’
3 “Sapagkat mula sa hilaga ay umahon ang isang bansa laban sa kanya na sisira sa kanyang lupain, at walang maninirahan doon; ang tao at ang hayop ay tatakas.
Ang Pagbabalik ng Israel
4 “Sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel at ni Juda ay darating na magkakasama, umiiyak habang sila'y dumarating, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos.
5 Kanilang ipagtatanong ang daan patungo sa Zion, na ang kanilang mga mukha ay nakatutok doon, na sinasabi, ‘Halikayo, magsama-sama tayo sa Panginoon sa isang walang hanggang tipan na hindi kailanman malilimutan.’
6 “Ang aking bayan ay naging gaya ng nawawalang tupa, iniligaw sila ng kanilang mga pastol. Sila'y inilihis sa mga bundok, sila'y nagpabalik-balik sa burol at bundok; nakalimutan nila ang kanilang dakong pahingahan.
7 Sinakmal sila ng lahat ng nakatagpo sa kanila, at sinabi ng kanilang mga kaaway, ‘Kami ay walang kasalanan, sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon, ang kanilang tunay na pastulan, ang Panginoon, ang pag-asa ng kanilang mga ninuno.’
8 “Tumakas(F) kayo mula sa gitna ng Babilonia, at lumabas kayo sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga lalaking kambing sa harapan ng mga kawan.
9 Sapagkat narito, aking inuudyukan at dinadala laban sa Babilonia ang isang pangkat ng malalaking bansa mula sa hilagang lupain. Sila'y hahanay laban sa kanya; mula doo'y sasakupin siya. Ang kanilang mga palaso ay gaya ng sa sanay na mandirigma na hindi bumabalik na walang dala.
10 Ang Caldea ay sasamsaman; lahat ng nagsisisamsam sa kanya ay mabubusog, sabi ng Panginoon.
11 “Bagaman kayo ay nagagalak, bagaman kayo'y nagsasaya,
O kayong mandarambong ng aking mana,
bagaman kayo'y nagpapasasa na gaya ng babaing guya sa damuhan,
at humahalinghing na gaya ng mga lalaking kabayo;
12 ang inyong ina ay lubhang mapapahiya,
at siya na nagsilang sa inyo ay hihiyain.
Siya'y magiging huli sa mga bansa,
isang ilang, lupaing tuyo at disyerto.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi siya titirahan,
kundi magiging lubos na wasak;
bawat magdaraan sa Babilonia ay magtataka,
at susutsot dahil sa lahat niyang mga sugat.
14 Humanay kayo laban sa Babilonia sa palibot,
kayong lahat na nag-uumang ng busog;
tudlain ninyo siya, huwag kayong magtipid ng mga palaso,
sapagkat siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Sumigaw ka laban sa kanya sa palibot:
Siya'y sumuko na;
ang kanyang mga muog ay gumuho na,
ang kanyang mga pader ay bagsak na.
Sapagkat ito ang paghihiganti ng Panginoon:
Maghiganti kayo sa kanya,
gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya.
16 Ihiwalay ninyo sa Babilonia ang manghahasik,
at ang naghahawak ng karit sa panahon ng pag-aani,
dahil sa tabak ng mang-aapi.
Bawat isa ay babalik sa kanyang bayan,
bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
Ang Pagbabalik ng Israel
17 “Ang Israel ay isang nagsipangalat na kawan na itinaboy ng mga leon. Una'y sinakmal siya ng hari ng Asiria; at ang huli ay si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang bumali ng kanyang mga buto.
18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking parurusahan ang hari ng Babilonia at ang kanyang lupain, kung paanong pinarusahan ko ang hari ng Asiria.
19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at siya'y manginginain sa Carmel at sa Basan, at ang kanyang nasa ay masisiyahan sa mga burol ng Efraim at ng Gilead.
20 Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan, sapagkat aking patatawarin sila na aking iniwan bilang nalabi.
Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia
21 “Umahon ka laban sa lupain ng Merathaim,[c]
at laban sa mga naninirahan sa Pekod.[d]
Pumatay ka at ganap mong lipulin sila,
sabi ng Panginoon,
at gawin mo ang lahat ng iniutos ko sa iyo.
22 Ang ingay ng digmaan ay nasa lupain,
at malaking pagkawasak!
23 Pinutol at binali ang pamukpok ng buong daigdig!
Ang Babilonia ay naging
isang katatakutan sa gitna ng mga bansa!
24 Ako'y naglagay ng bitag para sa iyo, at ikaw naman ay nakuha, O Babilonia,
at hindi mo ito nalaman;
ikaw ay natagpuan at nahuli,
sapagkat ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon.
25 Binuksan ng Panginoon ang kanyang taguan ng sandata,
at inilabas ang mga sandata ng kanyang poot;
sapagkat iyon ay gawa ng Panginoong Diyos ng mga hukbo
sa lupain ng mga Caldeo.
26 Pumunta kayo laban sa kanya mula sa pinakamalayong hangganan;
buksan ninyo ang kanyang mga kamalig;
itambak ninyo siya na gaya ng bunton, at lubos ninyo siyang wasakin;
huwag mag-iiwan ng anuman sa kanya.
27 Patayin ninyo ng tabak ang lahat niyang mga toro;
pababain sila sa katayan.
Kahabag-habag sila! Sapagkat dumating na ang kanilang araw,
ang araw ng pagpaparusa sa kanila.
28 “May tinig ng mga takas at mga tumatakbo mula sa lupain ng Babilonia, upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ng Panginoon nating Diyos, ang paghihiganti para sa kanyang templo.
29 “Magpatawag(G) kayo ng mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na gumagamit ng pana. Magkampo kayo sa palibot niya; huwag hayaang makatakas ang sinuman. Gantihan siya ayon sa kanyang mga gawa, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa lahat niyang ginawa; sapagkat may kapalaluan niyang sinuway ang Panginoon, ang Banal ng Israel.
30 Kaya't mabubuwal ang kanyang mga kabataang lalaki sa kanyang mga liwasan, at ang lahat niyang mga kawal ay malilipol sa araw na iyon, sabi ng Panginoon.
31 “Narito, ako'y laban sa iyo, O ikaw na palalo,
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo;
sapagkat ang iyong araw ay dumating na,
ang panahon na parurusahan kita.
32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal,
at walang magbabangon sa kanya;
at ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang mga lunsod,
at lalamunin niyon ang lahat ng nasa palibot niya.
33 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga anak ni Israel ay inaapi at gayundin ang mga anak ni Juda na kasama nila; lahat ng bumihag sa kanila ay mahigpit silang hinahawakan, sila'y ayaw nilang palayain.
34 Ang kanilang Manunubos ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Tiyak na kanyang ipaglalaban sila, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, ngunit kaguluhan sa mga mamamayan ng Babilonia.
35 “Tabak laban sa mga Caldeo, sabi ng Panginoon,
at laban sa mga mamamayan ng Babilonia,
at laban sa kanyang mga pinuno, at sa kanyang mga pantas!
36 Tabak laban sa mga manghuhula,
at sila'y magiging mga hangal!
Tabak laban sa kanyang mga mandirigma
at sila'y malilipol!
37 Tabak laban sa kanilang mga kabayo at sa kanilang mga karwahe,
at laban sa lahat ng mga dayuhang nasa gitna niya,
at sila'y magiging mga babae!
Tabak laban sa kanyang mga kayamanan,
at ang mga iyon ay sasamsamin.
38 Tagtuyot sa kanyang mga tubig,
at sila'y matutuyo!
Sapagkat iyon ay lupain ng mga larawang inanyuan,
at sila'y nahihibang sa mga diyus-diyosan.
39 “Kaya't(H) ang mababangis na hayop ay maninirahan doon na kasama ng mga asong-gubat, at ang avestruz ay maninirahan sa kanya; hindi na ito titirahan ng mga tao kailanpaman; ni matatahanan sa lahat ng mga salinlahi.
40 Kung(I) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra at ang mga karatig-bayan ng mga iyon, sabi ng Panginoon, gayon walang sinumang maninirahan doon, at walang anak ng tao na titira doon.
41 “Narito, isang bayan ay dumarating mula sa hilaga;
isang makapangyarihang bansa at maraming hari
ang gigisingin mula sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
42 May hawak silang busog at sibat;
sila'y malulupit, at walang awa.
Ang kanilang tinig ay gaya ng hugong ng dagat,
at sila'y nakasakay sa mga kabayo,
nakahanay na gaya ng isang taong makikipagdigma
laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonia!
43 “Narinig ng hari ng Babilonia ang balita tungkol sa kanila,
at ang kanyang mga kamay ay nanghina;
sinaklot siya ng dalamhati,
ng paghihirap na gaya ng sa babaing manganganak.
44 “Narito, darating ang isang gaya ng leon na umaahon mula sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirangin kong mamahala sa kanya ang sinumang piliin ko. Sapagkat sinong gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang makakatayo sa harapan ko?
45 Kaya't inyong pakinggan ang pinanukala ng Panginoon laban sa Babilonia; at ang mga layuning binuo niya laban sa lupain ng mga Caldeo: Tiyak na kakaladkarin ang maliliit sa kanilang kawan. Tiyak na wawasakin niya ang kawan nila dahil sa kanila.
46 Sa ingay ng pagkasakop sa Babilonia ay nayayanig ang lupa, at ang kanyang sigaw ay maririnig sa mga bansa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001